Ulan, Ulap, at Luha

image credit to orig uploader

'Ma, lahat po ba ng tubig ay naiipon sa langit?' tukoy ni Leah sa makapal na tumpok ng ulap na kanyang natatanaw mula sa bintana. Kinusot-kusot ang singkit at mumunting mga mata.

'Oo.'

'Ehh--yung sa dagat?'

'Mm-mm..'

'Sa ilog? sa batis?'

Tumango-tango na lamang si Mindy. Halata ang hindi pakikinig sa sinasabi ng anak. Kung itatanong ng bata ang tubig na galing sa aquarium malamang tango din ang magiging sagot nya.

'Nagiging ulan sila kapag puno na ng tubig ang ulap 'diba po?' sumagi sa isip ng pitong taong paslit ang naituro ng kanilang guro, 'Tapos. Tapos, iipunin ulit ng ulap.'

'Tama ka anak! Ang talino mo talaga. Mag-aral ka ng mabuti ha!'

'Yung luha po?'

Natigilan si Mindy. Kinurap ang mga mata. Pasimpleng inilayo ang tingin sa anak at mabilis na pinahid ang nangingilid na luha. Huli na. Dumaloy na sa kanyang kaliwa't kanang pisngi.

'Ganun din."

Ngumiti lamang si Leah. Solved na sa dietang sagot ng kanyang ina. Kung magtatanong pa ulit o mag-uusisa ang bata tungkol sa kanyang pag-iyak, baka hindi na mapigilan ng kanyang mga kamay ang bawat patak.

'Oh! Ito!' sumulpot ang batang lalaki sa likuran ng mag-ina. Bitbit ang laruang tau-tauhan. Mas bata kay Leah ang edad. Bilugan ang mga mata. Masinop ang labing may kakatwang linya sa gitna ng pang-ibaba.

'Pang-lalaki yan e!'

Kumunot ang noo ng batang lalaki. Animo'y naghalo ang tampo at pagtataka. Tumakbo ulit ito papasok sa kwarto at muling lumabas matapos ang limang minuto. Pawisan ang noo gayun din ang ilong.

'Eh--ito?'

'Yannn!'

Kasunod ng batang lalaki, lumabas din si Miguel mula sa kwarto. Nakataas ang noo. Seryoso ang dikta ng mga kilay. Mabagal ang hakbang na biglang bumilis nang papalapit ito kay Leah. Gamit ang dalawang kamay, binuhat nya si Leah. Niyakap ng mahigpit at hinalikan sa pisngi, noo, at kili-kili.

'How's my little girl?' wika nito. Nagulat si Leah sa biglaang pagdating ng Ama na hindi nya agad napansin, 'Na-miss mo ba ang Daddy?'

'Si Daddy! Mama! Si Daddy! Nandito pala sya e!'

Ngumiti lamang si Mindy. Sa isip-isip nya, ayaw nyang sirain ang muling pagkikita ng mag-ama. Tiklop na lamang ang kanyang kamay at bibig para pigilan ang sarili.

'Sabi ko nga sayo bibisitahin natin sya,' sagot ni Mindy.

'Sasama na sya sa atin pauwi?'

Hindi alam ni Mindy ang isasagot. Parang surprise exam ng Algebra at hindi sya nakapag-prepare kahit man lang papel. Isinasayaw ang paningin. Mula kay Miguel papunta kay Leah. Pabalik kay Miguel at muling babalik kay Leah. Tila napipilipit ang kanyang dila sa pagkalito kahit pa alam nya na ang sagot kahit nakapapikit at walang open notes.

'Oo naman! Are you happy?' pagsalo ni Miguel sa tanong ng bata.

'Yes Daddy!'

Mabagal ang galaw ng mga ulap mula sa bintana na natatanaw ni Mindy. Mabagal din ang takbo ng orasan. Nagmistulang dead air ang eksena sa pagitan nilang mag-asawa. Punong-puno ng salita, galit, at poot ang isip ni Mindy ngunit kahit isang salita ay wala syang mailabas. Paos na kahit hindi pa nagsasalita.

Si Miguel sa harap ng kanyang asawa. Naka-upo at naka-dekwatro ang paa. Tinatanaw ang dalawang bata sa bukas na pinto ng sala. Tulad ng kay Mindy. Mabagal at nakaka-antok ang bawat segundong dumaraan. Gusto na nyang mauna. Hindi nya lang alam kung paano uumpisahan. Panay lamang buntong hininga ang lumalabas sa kanyang bibig. Para bang wala ng katapusan. Natapos lang ang kalbaryo nang mapilitang magsalita si Mindy.

'Ilang taon na ang bata?'

'Apat'

'Ibig sabihin tatlong taon mo na pala akong pinaglilihiman.'

'I always try na sabihin. Hindi ko lang alam kung paano.'

'Sana--sana inisip mo muna kung paano sasabihin bago mo ginawa'

'Babalik na naman ba tayo sa umpisa?'

'Hindi.' sandaling natigilan si Mindy, 'Actually tapos na. Nililinaw ko lang ang kwento. Ngayong malinaw na pwede ng lagyan ng ending'

Matigas ang salitang "ending" na binigkas ni Mindy. Parang bato. Matigas at walang pakiramdam ngunit solido at malaman.

'Pag-usapan natin ang schedule ng bata. Si Leah. Pwede sya dito mula lunes hanggang huwebes.'

'No. Dito na sya mula ng mag-decide akong makita ka nya ulit'

'No! Maghi-hysterical si Lalaine!'

'Hindi mo sya kaya?'

'Hindi iyon. Hindi ganun. Hindi magiging maayos ang lahat. Ayokong i-treat nya si Leah na parang ligaw na pusa.'

'Exactly! Ligaw na pusa na hinahanap ang naligaw na Ama,' matapang ang anyo ni Mindy kahit sa loob-loob nya'y hindi nya kayang mawalay kay Leah. 'Nakapag-decide na ko! Final na yun Miguel. Kung hindi mo kukunin si Leah, dadalhin ko sya ng Ilocos.'

Malakas ang buhos ng ulan nang magpa-alam si Mindy sa anak. Matagal ang yakap na kanyang ibinigay na walang pinag-kaiba mula ng una nyang nasilayan si Leah sa mundo. Mula nang unang gabi nyang nakatabi ito sa pagtulog sa hospital. Hinalikan nya sa noo. Hindi nakuntento't pati sa pisngi. Dumaloy ang luha mula sa kanyang mata. Naramdaman ito ng bata. Nagtaka at nalumbay ang mga mata.

'Mama! Sa sobrang dami ng luha mo baka mapuno ang ulap. Baka hanggang bukas ay umulan'

'Kumain ka ng marami. Mag-aral ng mabuti at wag kalimutang mag-dasal' mabilis ang litanya ni Mindy. Pinilit ideretso ang utal-utal na salita.

'Opo!'

'Balang araw--huwag mong hahayaang ang luha mo ang syang magiging ulan sa langit. Ang tubig sa dagat, batis, at ilog ay para lamang sa ulap. Ang luha mo ay dapat ilaan sa tuwa't ligaya.'

Maingat na umalis si Mindy. Inintay nyang hindi sya mapansin ni Leah. Dahan-dahang syang naglakad papalayo. Malayo. Hanggang sa kainin ng bawat patak ng ulan ang kanyang pagkatao. Sa distansyang hindi sya makikita ng kahit na sino.

-Wakas







#symbianizeliteratichallenge #problemasatahanan

6 comment/s:

limarx214 said...

May part 2 ba ito? Para malaman exactly kung bakit umalis si Mindy? Haha, nakikialam ako!

Mar Verdan said...

Naman!! Ang lungkot naman neto... :(

amphie said...

wala na idol e hehe. chika ko nalang sayo bakit umalis :))

amphie said...

maiba naman idol mar hehe salamat sa pagdalaw!

Reilly Reverie said...

Grabe... Ang galing talaga Idol...
Bawat linya eh damang dama...

CG Umali said...

Ang galing galing. :3

Post a Comment