Si Ruth at ang Samahang Walang Wala

"Samahang Walang-Wala", natawa ako sa malaking tarpaulin na sumalubong sa akin. Ewan ko kung katulad kong kapos palad din ang mga miyembro o wala talagang maisip na matinong pangalan ang leader ng grupo.

Ika-dalawang taong anibersaryo daw ang dahilan kung bakit may maliit na salo-salo. May mga bisitang pamilyar sa akin ngunit mas lamang ang mga mukhang ngayon ko lamang nakita. Crowded na ang venue kaya mas pinili kong manatili sa sulok kung saan hindi gaanong pansinin ng tao.

"Nag-eenjoy ka ba?" tanong ni Ruth nang makita nya akong kinakausap na ang sarili. "Maki-join ka samin. Marami kang makilala ditong chiks!" biro nya.

Obvious naman na si Ruth ang dahilan kung bakit ako nandito. Sya ang nag-imbita. Simple lang din ang dahilan kung bakit ako sumama. Una, libre ang pagkain. Pangalawa, may arkiladong sasakyan na baka posibleng maghatid sa akin pauwi. Pangatlo, may lihim akong pagtingin sa kanya.

Sino bang mag-aakalang na ang balak kong masolo sya ay masyadong malayo sa katotohanan. Akala ko pa nama'y malaki na ang chance kong maipagtapat kay Ruth ang aking nararamdaman. May naghagis ng malaking tipak ng bato sa salamin ng reyalidad kaya nabasag ang plano.

"Sige lang! Masarap naman tong kausap e," turo ko sa lalaki sa aking na tabi na bigla na lang tumayo. Natawa si Ruth. "Babalik yun, mag-cr lang daw."

"Hindi bagay sayo ang shy type," hinila nya ko sa braso at pilit na inihihiwalay ang aking pwet sa upuan, "Ipapakilala kita sa ibang member"

Naloko na. Paano ko pa kaya masasabi sa kanya kung sya pa mismo ang nagdidiktang ilapit ako sa iba. Hindi ko alam kung talagang manhid si Ruth o kulang pa ang da moves ko. Kung may ilang segundong pagkakataon lang na ibibigay sa akin. Mabilis kong ibubulong sa kanya ang lahat.

Pasikat na ang araw nang matapos ang kalbaryo ko. Kung hindi lang nag-amok ang isang bisita sa videoke malamang hindi matatapos ang lahat. Lasing na si Ruth. Halata sa pisngi nyang pula na parang masarap papakin ng halik at sa dila nyang pilipit na kung bumigkas. Isang linggo ang naging praktis ko kaya malabong bumigay ako sa Emperador.

Ihahatid ko na sana sya sa sasakyang naghihintay nang bigla syang magyayang maglakad na lamang daw kami pauwi. Magkalayo kami ng bahay kaya imposible ang nais nya. Pero mapilit sya. Baka type din ako ni Ruth. Dinadaan lang sa alak ang lahat at kaunting pakipot. Hindi na ko nagdalawang isip pa. Pagkakataon ko na. Kung hindi nya matandaan ang lahat kinabukasan eh hindi ko na problema.

"Alam mo ba kung bakit ganoon ang pangalan ng grupo?" wika ni Ruth na parang nag-aamok habang binabaybay namin ang kahabaan ng Sgt. Bumatay St.

"Kasi kulang sa idea ang leader kaya walang maisip na pangalan. Pero unique naman e! Nakakatawa nga lang"

"Tanga! Yung pinsan kong si Rose ang nag-isip nun!"

"Si Rose? E bakit wala sya?"

"Nag-asawa na e," sagot nya kasunod ang dighay.

"Anong connect?"

"Hindi na pwedeng maging miyembro ang hindi single," nahinto sya sa paghakbang. Akala ko susuka. Mabilis ko pang inalis sa dobleng plastik ang take-out kong sisig. "Binuo ni Insan ang grupo para sa mga taong broken-hearted, walang matinong relasyon sa pag-ibig, at zero ang love life kahit hindi magpapasko. In-short dedicated sa mga single."

Wala akong interes sa history ng kulto nila. Ang misyon ko lang ay isingit ang mga gusto kong sabihin kay Ruth. Kaso para syang mini version ni Ermats na kapag nagkwento ay walang pwedeng kumontra. Papasukan ko palang sana ng banat may trilogy at saga na ang kwento nya.

"May mga rules din ang grupo. Syempre bawal ang taken na. Bawal makipag-flirt sa ka-member. Kung magkakaroon ng ka-relasyon dapat ay labas sa grupo. Mahigpit ding ipinagbabawal ang lihim na relasyon. At kung sa tingin namin ay handa na kaming magmahal dapat.."

"Ruth, Mahal--"

"Teka! Patapusin mo muna ko!" Nalunok ko ang dila ko sa takot. Wala nga syang pinagkaiba sa Nanay kong handang magpa-ulan ng galit kapag sinasalubong ang kanilang kwento. Mukhang malabo ng may maganap ngayong gabi. Mas pinili ko nalang manahimik at hayaang si Ruth ang magsalita. Natatanaw ko na ang kanilang bahay. Ilang kanto nalang.

"Ano nga ulit?"

"Sabi ko, kung sa tingin namin ay handa na kaming magmahal dapat ipinakikilala namin sa grupo kung sino sya.."

"Yun lang?"

"Then iyon na ang last day namin, tulad ng nangyari kay Rose."

Gate na ng bahay nila Ruth ang hinintuan namin. Nanglambot ako bigla. Parang bumaba lang ang amats ko. Na-lowbat. Sayang ang chance at ang effort. Mahirap hagilapin ang ganoong pagkakataon. Malabong maulit. Bwisit!

"Ano ulit yung sasabihin mo?" pahabol nya.

"Wala---Nalimutan ko na."

"Ako, may sasabihin," nakangiti nyang bulong.

"Ano?"

"Last day ko na sa Samahang Walang-Wala."

Tumilapon ang bitbit kong sisig.

4 comment/s:

limarx214 said...

Hindi ka nawawalan ng mga ideya para sa mga maikling kwento. :)

amphie said...

hirap na nga e. magkalaman lang ang blog kahit sabaw pwede na hehe. matanong ko lang. ikaw ba'y babae?

limarx214 said...

boy. no artificial flavoring added. 100% pure :)

amphie said...

may mukha ako. hindi nga lang kaaya-aya :D salamat sa pagdalaw! balik ulit kapag hindi busy.

Post a Comment