Orange - Chapter 2



Katulad ng sinapit ng mga naunang mensahe ni Harry kagabi, binura nya rin ang huling mensahe na nabasa nya lamang ngayong umaga. Hindi sya apektado sa mga sinasabi ng kaibigan. Sanay na sya kay Harry na lintik ang concern sa kanya. Dapat pa nga'y magpasalamat sa kanya ang kaibigan dahil binisto nyang type nya si Rose, hindi nya lang alam kung nakatulong talaga.

May kakarampot na excitement din sa kanya ang blind date na yun. Hindi nya lang talaga gusto si Rose. Hindi ang tipo nyang babae ang magbabalik ng kiliti sa kanyang katawan. Tsaka alam nya ding sa huli ay itatapon sya nito na parang basura lang. Natuwa lang si Rose sa kanya. Yun lang. Walang iba. Hindi sila magki-click. Baka nga sa unang linggo pa lang ay ipagkaila na sya nito katulad ng kaso ni Pedro kay Kristo.

Binilisan nya ang pagkain. Bawal mahuli sa trabaho nya ngayon. May kahigpitan si Ms. Belle na bago nyang manager ngayon, na mas pinili nya para may katuwang syang labanan ang katamaran. Binigla nya ang paglagok sa kape. Pinaspasan nya ang paglantak sa pandesal. Kulang na lang singhutin nya ang mga piraso-pirasong nagkalat para walang masayang.

Binuksan nyang muli ang kanyang bag para i-check kung kumpleto ang kanyang gamit. Ilang ulit nyang ginawa iyon bago sya tamaan ng antok kagabi, ngunit hindi nya maiwasang ulitin.

"Putek!" bulong nya sa sarili.

Kinakabahan sya. Natutuwa. Tinamaan sya ng excitement, at hindi magandang pangitain iyon. Hindi nya dapat maramdaman ang ganoong bagay sa bagong subject nya. Dapat ay kay Jade lamang ang pakiramdam na iyon. Tanging si Jade lamang ang may karapatan. Dahil ba bago ang modelo ay nararamdaman nya din ang naramdaman nya noong unang araw na nagkita sila ni Jade? O sadyang paranoid lang sya at malakas pa din ang hang over nya sa kanilang paghihiwalay?

Maraming paraan para makalimutan nya si Jade, ngunit napakaraming ring dahilan para maalala nya. Katulad ng lamang ng piktyur sa kanyang pitaka. Malaking larawan sa kanyang ding-ding na tinakpan lang ng ineregalong kalendaryo. Mga sulat na naitabi nya pa sa ilalim ng kama. Wallpaper sa kanyang computer. At ang matindi ay ang mga regalo ni Jade sa kanya na ngayo'y nasa loob ng bag na kanyang bitbit.

Kinamot nya ang kanyang ulo.

Umalis sya ng apartment.

Nakalimutan nya na namang magsuklay..

----

"Take care ha! Alam mo namang hindi biro yang trabaho mo," paalala ni Wendy.

"Sanay na ko. Two years na ko sa ganitong trabaho. Tsaka mukhang okay naman ang client. Mukha namang disente."

Lulan sina Filona at Wendy ng de-aircon na bus. Sa may bandang gitna sila nakapwesto. Malaking espasyo pa ang naiwan para sa mga sasakay sa pinakamalapit na bus stop.

"Kahit na, mas ok pa din kung mag-iingat ka, tsaka hindi porket mukhang disente e wala ng dumi sa katawan."

"Opo nanay!" biro ni Filona.

"Good.."

Huminto ang bus. Dumagsa ang mga pasaherong sasakay. Uminit ang kaninang malamig na paligid. Yung may lalaking de-kurbata napilitang tumayo para bigyan ng pwesto ang mga ginang at matatanda. Naaliw si Filona. Nangiti. Lumipad ang isip. Nangarap na namang minsan sana'y dumating ang lalaking magiging gentleman sa kanya sa tuwing sasakay sya sa siksikang bus. Kinalabit sya ni Wendy sa tagiliran.

"Dito ka na 'di ba?" tanong nito.

"O-oo!"

"Kita nalang mamaya. Balitaan mo ko."

"Galingan mo! Malay mo way na yan para sumikat ka! Aabangan kita sa Men's Magazine"

"Loko!"

Nagmadaling bumaba si Filona. Agad nyang pinara ang pinakamalapit na tricycle. Agad ding rumagasa matapos nyang magbigay ng direksyon.

Sinuklay nya ang kanyang buhok.

Ginulo iyon ng sumasalubong na hangin.

Muli nyang sinuklay gamit ang kanyang kamay..

----

Agad na sinet-up ni Philip ang kanyang mga gagamitin matapos kunin ang pinakamagandang pwesto sa isang maliit na kwarto. Inayon nya ang Canvas Stand kung saan uupo ang modelo at kung saan maganda ang magiging tama ng sinag ng araw sa katawan nito. Walang pagbabago sa kanyang galaw kahit pa inabot sya ng anim na buwang pagpapahinga. Kahit pa ang mga bagay na alam nya magbibigay ng destruction sa kanya ay agad nyang tinanggal sa kwarto. Ang kurtina sa maliit na bintana ay naka-ayon din sa kanyang panlasa. Nilibang nya muna ang sarili sa paglilinis ng mga luma nyang kagamitan.

Narinig nya ang mga boses sa labas ng kwarto. Tulad ng nakagawian, agad nyang tinasa ang paborito nyang lapis pang-sketch. Kulay asul na may ngalang staedtler 8b. Parang ritwal iyon kay Philip. Automatiko nyang ginagawa sa tuwing magsisimula syang gumuhit. Bumukas ang pinto ng kwarto. Pumasok ang dalawang babae. Si Ms. Belle ang isa, yung isang babae di nya naaninag dahil nakatalikod.

"Sya nga pala si Philip. Sya ang pinakamahusay na artist namin dito, at sya din ang magiging partner mo today."

Sinilip nya sa ibabaw ng puting canvas ang mukha ng bagong modelo. Hindi nya na kailangang magsalita. Kilala nya ang babae. Alam nya rin kung saan nya ito nakita at tanda nya pa kung paano sila nag-usap. Kahit ang mga salitang sinabi nito at sinabi nya ay malinaw pa rin sa kanya.

"Huwag ka mahihiya sa kanya Ms. Filona, kung need mo ng break magsabi ka lang sa kanya. Goodluck sa inyo!" nakangiti nitong litanya bago lisanin ang kwarto.

"Small world ha," wika agad ni Filona, "Mr. Weird.."

"Oo nga e, babaeng manok.."

Natawa lamang si Filona sa sagot ni Philip. Hindi na sya nagsayang ng oras. Agad nyang tinanggal ang suot nyang robe at agad na pumuwesto sa sentro kung saan diretso ang tingin ni Philip.

Nagsimula sa pagguhit si Philip. Walang inaksayang oras ang binata. Salubong ang kilay nito. Nagsisimula namang bumilib si Filona. Napaka-propesyonal magtrabaho si Philip para sa kanya. Halata nya iyon sa mga mata nito na walang bahid ng malisya sa bawat tingin sa kanyang katawan. Wala pang dalawang oras agad nang natapos si Philip. Hihingi palang ng break si Filona dahil sa nangawit ang kanyang binti ngunit agad nang iniharap ni Philip ang obra sa kanya.

Detalyado. Mahusay. Buhay na buhay.

"We're done.." wika ni Philip.

"Hindi nga nagkamali si Ms. Belle, mahusay ka nga talaga.."

"Sya ang magaling--" huminto saglit si Philip. Dinampot nya ang kneaded eraser para burahin ang kapirasong linya sa buhok na hindi maganda sa kanyang paningin, "Magaling mambola!"

"Tama rin sya noong sinabi nyang napaka-humble mo daw," nakangiting sagot ni Filona.

"Wala kasi akong ibang ipagyayabang.."

"Sino sya?" tukoy ni Filona sa isang painting na almost 60% pa lamang ngunit kaya ng i-identify na mukha ng isang babae.

Hindi kumibo si Philip. Ibinalik nya lamang sa kanyang bag ang kanyang mga gamit na puno ng pag-iingat. Parang mga tutang bagong anak kung itrato nya ang mga ito. Agad namang ibinalabal ni Filona ang robe sa kanyang katawan. Itinali ang kanyang mahabang buhok na may pagka-wavy. Halos sabay silang natapos. Dead air ang kasunod. Hindi nila alam kung paano magpapa-alam sa isa't-isa na hindi tipikal kay Philip. Madalas kasi, iniiwan nya na agad ang modelo pagkatapos ng session.

"Okay yang shoes mo," pansin ni Philip sa makalumang sapatos ni Filona.

"That's all?" natatawang sagot ni Filona, "Wala ng iba?"

"Nasa kritikal ang bulsa ko para sa kape e, yosi?"

"Okay! Weird ka nga talaga.."

-tbc

0 comment/s:

Post a Comment