Teenage Cappuccino - 23



TEENAGE CAPPUCCINO - Tryst (Chapter 23)


Tryst - an agreement (as between lovers) to meet.

Use "trsyt" in a sentence. Bawal gumamit ng Google, Bing, Gingersoft, at kung anu ano pang nagpapadali sa buhay ng mga estudyante sa kasalukuyan. Kung tinamaan ng katamaran, mag proceed nalang sa istorya.


Inakala kong bilog ang mundo na syang tinatapakan ng mga paa ko. Panatag akong mag-a-ala Joel Barish at Clementine Kruczynski, ang istorya ng unang pag-ibig ko kay Sophia. Masyado akong kampante sa Long Engagement nila Manech at Mathilde, at umasang mag papasko sa halloween town bilang sina Jack at Sally. Pero YUN ang masakit sa salitang "Akala", lahat ng bagay na dinugtong sa salitang akala ay 90% na mali at 10% na tyamba lang. Inakala ko na ang isang magandang panaginip, ay susundan ng isang magandang gising. Nag-asam akong mayayakap ko ang panaginip na yun, ngunit parang hindi. Yari sa gunting ang kamay ni Edward, dahilan para masugatan ang sariling braso kapag niyapos nya nang mahigpit ang pinakamamahal nyang si Kim.

Buo na sana ang litrato kasunod ang salitang perpekto sa isip ko, nang biglang dumating ang totoong prinsipe ng buhay ni Sophia. Ang dahilan ng kanyang paghihintay. Ang inspirasyon nya sa araw-araw. Ang kahulugan ng tunay nyang mga ngiti, at ang haba na masyado ng intro na 'to para lang pahirapan ang sarili ko.

Humakbang mula sa dilim ang matangkad na lalaki. May boses na malalim, at lamang lang ng isang paligo sa akin. Tinitigan ko sya mula ulo hanggang paa. Mula sa brand ng mga suot nyang damit, at kung pwede lang pati brief. Maliwanag ang binibigay na sagot sa akin na hindi lang talaga isang paligo ang lamang sa akin ng lalaking 'to. Mukhang kailangan ko pang languyin ang Pacific Ocean ng mga sampung balik, bago ko sya tuluyang mahigitan.

"Sebastian.."

"Kumusta? Naa-alala mo pa pala ako.."

Sa kung paano binanggit ni Sophia ang pangalan nya, at kung paano sumagot si Sebastian, mararamdaman mo ang nag-uumapaw na pananabik ng bawat isa. Lubha nitong dinudurog ang puso ko sa mga sandaling 'to. Gusto kong gumawa ng eksena para maputol yun, pero kahit nasa dulo na ng isipan ko ang desisyong kasing katulad lang ng larong patintero, ay hindi ko pa ding magawang tumawid sa linyang may malaking kalabang nakatayo, nakadipa ang mga kamay, at nagsasabing "tapos na ang maliligayang araw mo Robert Monsood".

..
...
....

"Brad-pit, sino yan?" bulong ni Richard na nasa likuran ko lang.

Hindi ako sumagot. Abala ang mata't isipan ko sa mga posibleng mangyari. Naramdaman ko naman ang kamay ni Agnes na sa isang iglap ay biglang dumapo sa balikat ko. Marahan akong napalingon sa kanya. Alam kong naiintindihan nya kahit paano ang nangyayari, hindi tulad ni Richard na kailangan mo pang latagan ng orihinal na manuscript para lang maintindihan nya na sa mga sandaling ito, pwedeng madapa at magalusan ang kaibigan nya. At kung talagang mamalasin, ay hindi na muling makabangon pa.

-----------------------

Sophia


Gusto ko nang magkurot ng sariling pisngi, para lang malaman kung nananaginip nga ba talaga ako. Mabagal ang trabaho ng mga cells ko sa utak, kahit pa ganun kabilis dumaloy ang dugo ko sa buong katawan. Bukod sa pangalan nyang Sebastian, ay hindi ko na alam ang susunod kong sasabihin. Matutuwa ba ako? Magtataka? Magagalit? o Dedma lang? Pero ang sagot ay all of the above, pwera lang yung last. Lahat halos yan nagsama-sama na, at ginawang shake na hindi kayang mailathala sa isang emosyon lamang.

Nasa sitwasyon ako na merong nakaraang biglang nakipag-unahan sa kasalukuyan, at kasalukuyan na naghahangad ng walang ibang bagay kundi katahimikan. Dulot ng pagod at antok, naramdaman kong tila babagsak na ang katawan ko, nung biglang magsalita si Sebastian.

"Kamusta ka na?"

"...."

Hindi pa din ako makasagot sa mga tanong nyang pang 1+1 lang.

"Nag-se-send ako sayo ng mga e-mails. Sinubukan din kitang tawagan ng madaming beses. Kahit nga snail mail sinubukan ko na din, pero ni isa yata parang wala kang natanggap" napapangiti pa sya habang nagpapaliwanag.

"Mails?" balik tanong ko.

"Yes! Hmm, I think.. Kung hindi talaga ako nagkakamali twice sa isang buwan!"

Twice sa isang buwan. At halos sa loob ng dalawang taon. Hindi kami lumipat ng bahay, at matino din naman yata ang sahod ng mga kartero sa munisipyo, para hindi makarating sa mail box namin ang mga sulat ni Sebastian. Pero ang lubhang pinagtataka ko ay ang biglaang pasulpot nya. Sa huling usap namin ni Eri sa text messages, sinabi nyang apat na taon pa bago tuluyang bumalik si Sebastian. Kaya ganun nalang ang gulat ko. Isama na natin ang pagbangon ng natutulog kong emosyon, at pananabik sa kanya.

"I have no idea Sebastian.." malumanay kong sagot.

"Sebastian? You called me by my real name.."

Natigilan ako sa sinabi nya. Alam kong tila naghihintay sya ng atensyon at kalingan na binibigay ko dati, pero hindi ko masabi sa kanyang iba na talaga ang sitwasyon ngayon. Kahit na nandyan pa din ang pakiramdam na hinahanap ko ang presensya nya, pilit pinaghihiwalay ng puso ko ang nakaraan at kasalukuyan. Si Sebastian na naging bahagi na ng nakaraan kong buhay, at si Robert na pilit binabago ang sinulat ng nakaraan.

"Sorry.."

Tumingin lang sya sa akin sa reaksyong tila naghihintay ng kasunod sa salitang sorry.

"Sebastian.. Sorry pero--"

Bago ko tuluyang masabi ang dapat na talagang sabihin, marahan ko munang nilingon ang lalaking nagsilbing instrumento para magkaroon ng ngiti sa aking mga labi.

----------------------

Robert

Sa bawat patak ng tubig sa isang patag na lupa, mabilis naman itong tinutuyo ng pagkauhaw. Anumang oras pwede na kong magising sa isang magandang panaginip na sinasabi nilang pag-ibig. Ang kasiyahan ay madalas dinudugtungan ng kalungkutan. Parang unlimited text lang yan na may expiration, Credit card na may limitations, at inspirasyon na sinusundan ng mental block.

Ngunit..

Nung nakita kong lumingon sya sa akin, ewan ko ba.. Pero parang nagloko ang system at na-extend ang unlimited, na-expand ang limitations, at nakapagkape na ko para mawala ang mental block.

Sa tingin palang nya mababasa mo nang pito talaga ang kulay ng bahaghari..

Lahat nag-aabang..
Lahat nakikinig..
at halos lahat bawal pumikit..

..
...
....

"Sophia!!"

Diversion sometimes leads to distraction. Pinatunayan ang kasabihang yan ng may isang lalaki na namang dumating para lang lalong gumulo ang eksena, at masabing hindi talaga pang primetime ang kwentong 'to. Sa porma, hitsura, at paraan ng pagsasalita ay hindi ko talaga kilala, pwera nalang ng lumapit na sya sa amin. Nanglaki ang mga mata ni Sophia nang makilala ang lalaking palapit.

"Kuya!"

Tinitigan ko ulit ang lalaki para i-check kung tama ba ang sagot ko sa crossword puzzle na nakalatag ngayon sa harapan ko. Tumpak! Kahit pang larong dama lang ang mga mata ko, tumama din kahit paano. Mabilis na naglakad ang kapatid nya tungo sa kinatatayuan ni Sophia. Sa tulin ng mga paa, at tila nag-aamok na hitsura, alam kong kasunod ang problema.

"Sophia let's go! Akin na yang gamit mo!" mabilis nitong hinatak ang kapatid at inagaw ang mga gamit na bitbit.

"Kuya! Wait! Ano bang problema mo?" matapang na pagtanggi ni Sophia.

"Hinihintay ka na nila Mommy, halika na!"

"Dave!" pagpigil naman ni Sebastian.

Ngunit sa pagpigil na yun, mabilis na umalma ang kapatid ni Sophia. Agaran nitong hinarap si Sebastian na may galit sa mukha. Nagbabanta ng gulong hindi ko na talaga maunawaan. Nasa gitna ako ng mga nilalang na may mga weirdong kwento. Hindi ko na alam ang susunod na mangyayari pa, pero sigurado ako na baka sa susunod na mga eksena ay parang magiging action star ang dalawang lalaking nasa harapan ko.

"Stop following my sister Sebastian!" galit at mataas na tono ng kapatid ni Sophia.

Klaro! Malinaw pa sa tubig ang pagkakarinig ko. Kilala ng kuya ni Sophia si Sebastian sa paraan na kung paano nya ito nabanggit ay parang magkakilala na sila ng matagal. Bagay na wala talaga akong kaalam alam.

"Dave! Tapos na yun! Kailan kapa magmo-move on?"

"Huh!" sa mayabang na tono na sagot ni Dave.

"Mukha yatang baliktad? Pamilya mo, at ikaw ang hindi makamove on, tama ba?" dugtong pa nang huli.

"Dave, linawin natin 'to. Kahit kailan walang kinalaman ang pera't negosyo saming dalawa ng kapatid mo. Tanggap na namin yun sa nakalipas na dalawang taon" paliwanag ni Sebastian.

"Kaya pala nandito ka ulit? Para saan? Para makabawi? Sebastian, simula palang alam ko na ang takbo ng isip mo! Oo! Pamilya namin naging dahilan ng pagbagsak ng kumpanya nyo, at ako din ang dahilan kung bakit lahat ng koneksyon mo sa kapatid ko ay nawala.. Ngayon hindi kana magtataka"

"What? Dave! Inuulit ko walang kinalaman ang problema ng pamilya natin sa aming dalawa ni Sophia, nandito ako para humingi ng tawad sa kanya. Gusto ko nang sabihin sa kanya 'to, pero tingin ko hindi nya pa din ito maiintindihan noon.."

Habang tumatagal ang diskusyon, lalong nahihimay ang istorya ng mga taong hindi ko maintindihan kung sa pwet ba ng manok pinaglihi ang mga bibig. Hindi sinasadyang napako bigla ang tingin ko kay Sophia na parang maluluha na sa inis sa nangyayari sa kanyang paligid. Balakin ko mang makielam ay alam kong wala din akong magagawa. Hindi ako pwedeng manghimasok sa usapin ng mga taong pera at kayamanan ang pinagtatalunan.

"At ngayon sa tingin mo maiintindihan nya yun? Tama na yung nasaktan mo sya noon, para maintindihan ang mga bagay sa inyong dalawa."

"Hindi mo ko naiintindihan Dave! Wala akong balak gumanti sa pamilya nyo, kahit kayo pa ang dahilan ng pagbagsak ng kumpanya namin. Bilang sunod na mamamahala, mas pinili kong magpakadalubhasa kesa makipagtagisan sa mga bagay na naumpisahan ng mga magulang natin."

"Hindi ko kailangang bawiin kung ano man ang naagaw nyo sa amin. Kahit kailan hindi pumasok sa isip ko ang mga bagay na sinasabi mo Dave. Noong makilala ko si Sophia, at nalaman kong kabilang sya sa pamilya nyo, naging malaking balakit sakin yun, mas minabuti kong lumayo.. Pero.. Pero kahit saan ako dalhin ng mga paang ito--"

"Sebastian stop.."

Tagumpay na tinapos ni Sophia ang usapan ng dalawa sa isang sabi lang. Lahat na ngayon ng mata ay nakatingin sa kanya. Nilipat na ng direktor ang eksena sa prinsesang tatapos sa dalawang dragon na nagpapaikot ikot at nagkakagatan ng buntot.

"You don't need to come back for me Sebastian.."

Nakita kong bumagsak ang bandila na hawak ni Sebastian sa mga oras na 'to. Nagtatanong ang mga mata nya kung bakit? Hindi na din nagawang magsalita pa ng kuya ni Sophia. Napako sila, este kami sa magiging pasya ni Sophia. Ito na ang magsisilbing desisyon kung matatanggal ba sa pwesto si corona.

----------------------------

Naging problema ng kasamahan ko ang "lack of self confidence", malay ko ba sa kanya kung anung katol ang tinira nya noong nag-inuman kami. Maraming tao ang dumadanas ng ganyang klaseng problema, pero hindi ba nila na alam na walang taong hindi dumaan sa ganyan? Kahit ang simpleng hiya lang sa isang bagay ay maituturing nang lack of self confidence. Naunahan ka ng hiya nung tinawag ka ng guro mo para sagutin ang mga sinumpang tanong sa algebra. Kahit pa na may konti kang alam, ang ending hindi ka nakasagot dahil naunahan ka ng kawalan ng tiwala sa sarili.

Matagal nang nagpaparamdam sayo ang crush mong ligawan mo sya, pero dahil naunahan kana naman ng hiya, ang ending naging syota nya best friend mo. Engaged ka sa isang job interview, pero dahil naunahan kana naman ng lintik na hiya na yan, sumagot ka ng "I will try my best" sa tanong na "Why did you apply for this position?"

Bakit ka mahihiya sa estado ng buhay mo? de-kurbata ka man, o naka sando lang sa trabaho, kapag binulyawan ka ng amo mo magiging mukha ka pa ding walang pinag-aralan at walang alam sa harap ng maraming tao. Pantay lang ang tingin ng taong may pantay na pananaw sa buhay.

...

At dahil sa lintik na HIYA na yan mistulang regular viewers lang ang dating ko sa eksenang ito. Produkto ng hiya kung bakit wala akong magawa sa mga sandaling ito. Sa dalawang nag-uumpugang bato, nasa gitna ang prinsesa ko. Main role ng isang leading man ang laging ipagtanggol ang kanyang leading lady, pero pinatunayan ng sarili kong isip na mahirap pala talagang magbrainstorming mag-isa.

"Sophia?" marahang tanong ni Sebastian.

"Sorry Sebastian.."

"Why? Tell me Sophia.."

Tulala pa din si Richard, Agnes, Eri, at Ako, kasama na ang dalawang agaw eksena na naghihintay sa final statement ni Sophia sa isang diskusyon na dinaig pa ang sona ng pangulo.

"Nandito na ko.. Tinupad ko ang pangako kong babalik ako.."

"I know.. I know you will.."

"Then, tell me why?"

"If the truth is bothering you right now, then let me find a good word and explain it"

"..."

"Hindi na kailangan Sebastian.."

"..."

Ramdam ko ang pagkapahiya ni Sebastian sa sinabi ni Sophia. Kahit pa nag-aalangan na ang estado ko sa puso ng aking prinsesa, nakasilip ako ng konting liwanag. Tanging aksyon ko nalang yata ang hinihintay ng lahat, kailangang gumawa ako ng paraan para masabing ako ang bida na kanina pa naagawan ng atensyon sa istorya. Humingan ako ng malalim.. Kusang humakbang ang aking mga paa..

Ang mga mata ng tao, ay tila na higop ng aking mga galaw. Lahat sila hindi inaasahan ang aking aksyon na sa tingin ko ay nararapat kong gawin, at magsasabing bilog talaga ang mundong inaapakan ko. Iikot ito ng naaayon sa gusto ko.

"Bakit Sophia?"

Bago pa man tuluyang maabot ng aking mga kamay ang palad ni Sophia, ay mabilis syang tumingin sa akin. Na sinundan naman ng mga mata ni Sebastian, Dave, at nang buong tropa ng sesame street.

Bago pa ko tuluyang mawalan ng lakas ng loob..

Bago pa gumuho ang mundo ngayon 2012..

Bago pa tuluyang matalo ang lakers sa miami..

..
...
....

Before the worst..

Pinikit ko ang aking mga mata, at tuluyang inangkin ang mga labi ni Sophia. Sa harap ng audience nagsumigaw ang puso ko sa pagkakamute nito. Tatlong segundo lang.. Yun lang ang hinihingi ko, bago ko pa saluhin ang lahat ng galit sa mundo.

Isa..

Dalawa..

Tatlo..

Kusang humiwalay ang kapirasong langit sa mga labi ko. Hindi ko na nagawa pang idilat ang aking mga mata, ngunit mabilis itong sinundan ng pagtalon ng aking puso, nung narining kong nagsalita si Sophia..


Sa tanong na "Bakit" ni Sebastian, iisa lang ang dahilan..


"Sorry Sebastian.."

"Even without you, I have a reason to smile"

------------------------------

Sa isang sikretong lugar kung saan berde ang kulay ng damo, pero bawal kainin ng mga baka at kambing. May matataas na tubo ng bulaklak, at nagyayabang dahil sa naggagandahang kulay nito. May langit na tila hinawi ng mga ulap para lumabas ang kulay asul. Mga puno na hindi pa napagtitripan ng gobyerno, at pwedeng hiramin para sa set ng twilight. Doon ko nakita ang sarili kong nakahiga na may kakaibang ngiti sa aking mga labi..


"Robert!"

Nagising ako sa isang malakas na yugyog. Masakit ang ulo, at nanglalambot ang buong katawan. Dinilat ko ang aking mata, para kilalanin kung sinong pangahas na gumising sa maganda kong panaginip. Kumunot ang noo ko nang makita kong si Richard. Dahan dahan akong bumangon, niyapos ang aking balakang dahil sa pagkangawit bunga ng mataas na porma ng mga unan sa aking ulunan.

"Ok ka lang brad-pit?"

"Nasaan si Sophia?"

"Wala na!"

"Anong wala?"

"Ito na naman tayo.."

"Teka nga, ano nangyari?"

"Hinimatay ka sa gitna ng pag-uusap kanina.. Dinala ka namin agad dito sa hospital, nagalit lang si dok at yung nurse sa akin!"

"Bakit?"

"Wag ka daw magpapalipas ng gutom sa susunod! hahaha!"

Napakamot ulo nalang ako, bunga ng aking katangahan. Tumayo si Richard mula sa pagkakaupo sa kamang hinihigaan ko.

"Tatawagin ko lang si Agnes sa labas, kanina pa din sya nagbabantay dito. Nainip kaya lumabas.."

"Salamat brad-pit.." sagot ko sa mahinang boses.

"Sus! Parating na si ermats mo tumawag sa akin.."

Sa mga sandaling ito isa lang ang gumugulo sa isip ko. Hindi ko alam kung totoo ba ang huling eksena, o guni guni lang ng utak kong nadamay sa kalokohan ko. Pero bago pa tuluyang lumabas ng kwarto si Richard, bigla syang huminto at bumalik tanaw sa kinaroroonan ko.

"Sayang brad, hindi mo narinig ang sagot ni Sophia kay Robert, bago ka bumagsak.."

"Huh?! Ano? Ano yun?"

Natatawa pa ito, bago tuluyang sinabi..


"Sorry Sebastian.. Even without you, I have a reason to smile! Naks! Kinilig ako dun brad!" may pag-arte pa kung paano nya ito sabihin.

Hindi ko alam kung tatalon ba ako sa tuwa, o magpipigil ng ngiti para lang hindi nya mahalata na baliw na naman ang kaibigan nyang, lunod sa pag-ibig.

"Kissing scence?"

"Hahaha! Anong kissing scene? Baka nananaginip kapa!"

1 comment/s:

rhed said...

hehehe katuwa chapter na ito...:D

Post a Comment