TEENAGE CAPPUCCINO - Sweet Escape (Chapter 21)
"Genius is 1 percent inspiration, 99 percent perspiration." -Pareng Thomas Edison
*Hearbeat*
Hingang malalim..
*Heartbeat*
Abot langit na buntong hininga..
*DUG!*
*DUG!*
Pakiramdam ko'y katabi na yata ng mga tenga ko ang puso ko. Hindi ko alam kung paanong reaksyon ang gagawin ko. Halos lahat ng mata ay nakatingin sa amin sa mga sandaling 'to. Pakiramdam ko'y nagbitaw ako ng joke, at walang natawa. Lahat parang gustong magtanong, iba't-ibang reaksyon pero iisa lang ang tinutukoy. Sa pagitan ng pinto ng simbahan, tanging hangin lamang ang naghahati sa aming dalawa, at sa mga estudyanteng anumang oras ay pwedeng magsagawa ng pag-aalsa.
..
...
....
"OH-MY-GOD!"
"Ama namin" lang ang tanging dasal na kabisado ng taong nasa oras ng kagipitan. Nakita kong papalapit sa kinatatayuan namin ang adviser naming tila hinahati ang mga estudyanteng nakaharang sa kanyang daraanan. May inis sa kanyang mukha. Nagbabadya sa kanyang hitsura ang hindi magandang banta ng kalangitan. Isa lang pumasok sa isip ko. Uulan ng laway, kapag tumalak sya. Isang daang pursyento mapapahiya ako, at mawawasak na naman ang pagkatao ko. Tipikal na yatang senaryo 'to sa kwentong 'to tuwing magsasalubong ang landas naming dalawa.
Napalunok ako habang pinagmamasdan ang lockness monster na hinahati ang dagat para lang makarating sa pampang. Nagkatinginan kami ni Sophia, ngunit wala syang reaksyon.
"Sumasalangit ka, sambahin ang ngalan mo.."
"Mapasa-amin ang kaharian mo.."
Automatic binigkas ko ang pangalawa at pangatlong linya sa walang kamatayang "Ama Namin". Sa puntong yun tinigasan ko na ang tuhod ko't paa, para kung sakaling lunurin ako sa laway ng adviser ko, ay maipagmamalaki ko sa kanyang sinalo ko ang hamon ng tsunami.
*Heartbeat*
Minsan talaga masarap tumakas sa problema sa buhay. Masarap magbulag bulagan, at magbingi-bingihan. Turning point na yata yun ng isang tao, kapag sawa na sya sa lubak lubak na byahe ng buhay. Kung walang stop over ang isang byahe, hindi mawawala sa option ang "bintana" na sa kahit anong oras ay pwedeng pwede kang tumalon. Nasa tabi mo lang yun, kaya walang kahit sino ang pwedeng pumigil sayo. Kung meron man konsensya na lang.
Minsan naisipan ko na ding magbukas ng bintana habang nasa byahe, pero hindi para tumalon, kundi para magpahangin. Iba kasi ang thrill kapag nasa gitna ka ng dalawang desisyon na parehas lang ang kalalabasan kahit ano pang piliin mo.
Tatalon ka ba?
Kung "oo" hindi kita pipigilan..
at kung "hindi"
tara samahan mo nalang akong magpahangin, i-enjoy ang byahe at magtiwala sa drayber ng buhay natin..
Malamig ang kamay ko, pero mas malamig ang palad ni Sophia nung hinawakan nya ang kamay ko. Lalong nanglaki ang mga mata ng adviser namin na ilang hakbang nalang ang layo sa amin. Tumingin ako kay Sophia. Nakangiti sya na parang hindi ko maintindihan. Nag-krus ang kilay ko nung sinabi nyang..
"Robert, are you ready?"
"Ready? Saan?"
Hindi sya sumagot, bagkus ay mabilis akong hinila at tumakbo.
"Sophia! Teka, saan tayo pupunta?"
"Wag ka nang magtanong! Hindi ko din alam!"
"Anong hindi al-- waahhh!!"
Binilisan nya pa ang takbo, ako naman na parang laruang kotse lang na tinalian at hinatak. Ngunit wala na kong nagawa. Mahirap kontrahin ang mga ganitong klaseng desisyon nya. Kahit siguro makipagtalo ako, eh hindi din ako mananalo. Tumingin pa ko ulit sa likod para tanawin si Ms. Ramirez. Ayun! Naiwan syang nakatayo, at hindi nagawang humabol, kasunod yung mga estudyanteng nakiki-uzi na pasulpot sulpot ang mga ulo sa pagtanaw sa amin.
Hindi ko alam ang balak ni Sophia, at kung saan kami pupunta. Mahirap hulaan ang pag-iisip ng babaeng 'to. Isa lang sigurado ko. May darating na liham sa ermats ko, o di kaya pagpasok namin sa klase, ay magkakaroon ng title ang ginawa naming pagtakas sa kanya. Pinamagatang.. "Wag tularan.."
--------------
Agnes
"Richard! Richard!"
"Angie?"
"Agnes po!"
"Oh! Bakit Andy?"
"Agnes PO! *sigh* Ano nalang nangyari kay Robert?"
"Kay Robert ba at Sophia?" sagot nito habang naghihimas ng baba, kahit wala namang balbas.
"Sorry ha! Hindi ko alam, pero isa lang ang sigurado ako.."
Kumunot ang noo ni Agnes, style Dinna Bonnivie.
"Ano?"
"Galit at umuusok ang ilong ng adviser ko! Hahahaha!"
Muli ko pang tinanaw ang paligid bago ko mapansing bumalik na si Richard sa loob ng service bus nila. Hindi ko maiwasang mag-alala kay Robert, alam kong hindi magiging maganda ang pakikitungo ni Ms. Ramirez sa kanila dahil sa ginawa nilang pagtakbo. Ilang beses ko na ding tinawagan ang cellphone nya, pero sa unang tatlong beses ay hindi nya ito sinagot, ang huli ay nakapatay na ito. Nagpasya na kong bumalik sa service, at baka ako naman ang maiwanan. Pahakbang na ang mga paa ko paakyat ng bus, ng marinig kong may sumisigaw ng pangalan ko galing sa likod.
"Agnes! Agnes!"
Si Richard! Bitbit ang iilang gamit, na sa tingin ko ay kay Robert at Sophia.
"Bakit- *hingal* ka- *hingal* uma- *hingal* lis?"
"Ikaw ang nawala, diba bumalik kana sa bus nyo? Tsaka bakit hingal na hingal ka? Dalawang bus lang pagitan ng bus nyo sa amin."
"Nagmadali kasi akong kunin tong mga gamit nila"
"Oh? Bakit mo dala? Anong gagawin mo dyan?"
Ngumiti lang si Richard na parang kontrabida sa pelikula, kasing katulad nang mga ngiti ni PGMA nung bumaba si Pare sa pagkakaupo.
-----------------------
Habol pa din ako ng hininga, habang nakahawak ang dalawang kamay sa tuhod. Habang si Sophia naman ay busy sa pag-disassemble ng battery sa cellphone. Tumingin ako sa paligid, para maghanap ng mauupuan, at magliligtas sa mga nangangawit kong paa.
"Doon tayo!" anyaya ko kay Sophia habang tinuturo ang isang lumang bench.
Sa isang lumang istasyon ng tren. Sa isang lumang bench. Sa isang lugar na siguradong walang makakakilala sa amin, at mas lalong siguradong hindi ko alam kung kasama pa ba sa mapa ng pilipinas, ay dun muna kami nagpalipas ng oras at nagpahinga. Pasimple kong ginala ang mata sa paligid. Napansin kong hindi gaanong matao ang istasyon na 'to. Hindi tulad ng pamosong MRT at LRT, na laging siksikan at paboritong tambayan ng mga mandurukot na kadalasan ay bataan ng mga pulis na sya ding nakabantay sa lugar.
"Now what?" tanong ko kay Sophia.
"Now what?! Parang hindi 'to lalaki!" sabay batok sakin.
Medyo napahiya ako sa sinabi nya. Pero cool pa din para hindi halatang nagmukha na naman akong pandesal.
"Ano kayang gagawin ni Ms. Ramirez?" tanong nya.
"Malamang i-expelled nya tayong dalawa.." sagot ko habang naggagala pa din ang paningin sa paligid.
"Ano naman idadahilan nya?"
"Tumakas tayo sa field trip.."
"Sa tingin mo magmumukha tayong tumakas, kapag sasabihin nating naiwanan tayo ng bus?"
Napatingin ako sa kanya sa sinabi nya. Hindi ko alam kung may maganda bang punto sa salita nya, o talagang panatag sya na maloloko namin si Ms. Ramirez. Hindi muna ako sumagot, nag-isip muna ako kung mas may maganda pang pwedeng idahilan sa mabait kong guro. Masyado kasing matalas syang mag-isip, kahit pa humigop ng todo sa slurpee at ma-brain freeze, ay gumagana pa din ang utak nya. Dahilan na din yata para hindi sya nakapag-asawa.
"Saan na tayo pupunta Robert?"
Hindi ko na namalayan na umalis na pala ang tren na nakahinto kanina. Tsaka lang ako nakaramdam ng panunuyo ng lalamunan. Binalak kong sumagot sa tanong nya, pero naramadam kong pipiyok ang boses ko, kaya nagkibit balikat nalang ako. Tumingin ako kung saan may malapit na mabibilhan ng pamatay uhaw sa paligid, at nang makahanap ay tska palang ako tumayo.
"Saan ka pupunta?"
"Bibili lang ako ng maiinom"
Ngumiti lang sya sa akin, at tulad ng dati ang mga ngiting yun ang nagsasabi palagi sa akin na masaya mabuhay sa mundo, lalo na't kasama sya. kahit pa sa lugar na kaming dalawa lang yata ang magkakilala.
"Bilisan mo! Ayoko maghintay!"
"Yes boss!"
---------------------------
"Alam mo hindi ko alam kung tama 'tong ginagawa natin eh!"
"Alam mo mas maganda kung itikom mo nalang yang bibig mo!"
"Paano naman ako matatahimik kung--"
"Please! Please! Kahit isang minuto lang!"
"Pfft!"
Ewan ko ba kung anung pumasok sa isip ni Richard, at nagpaiwan kami sa service. Magkaibigan nga sila ni Robert. Sa maraming dahilan, parehas sila ng takbo ng pag-iisip. Hindi ko lang talaga alam kung anung meron si Robert, na tila kakaiba kay Richard.
"Dito tayo!"
"Sandali lang naman! Mas madami pa ang bitbit ko kesa sayo!"
"Malay ko bang mas mabigat ang bag ni Robert kesa kay Sophia, tsaka bakit ba yan ang ginusto mong bitbitin aber?"
Hindi ako nakasagot, pakiramdam ko'y namula ako sa hiya. Tinamaan ako sa sinabi nya. Hindi mapagkakailang may nararamdaman ako kay Robert, at mas pinili kong bitbitin ang mga gamit nya. At ang nakakahiya pa ay sinilip ko ang laman nito kanina, dun ko lang nalaman na nandito pala ang phone nya, at battery empty pa. Kaya naman pala..
Medyo tirik pa din ang araw kahit pa hapon na, mainit at maalinsangan ang paligid. At ang mas nakakainis ay parang hindi namin alam kung saan kami pupunta. Hindi namin alam kung saan hahanapin ang dalawa. Oo! Ideya ni Richard na hanapin ang dalawa, hindi daw sya mapapakali kapag napahamak ang kaibigan, hindi ba nya naisip na mas delikado ang ginawa namin. Ngayon palang yata ako naniniwala na nagmula nga ang tao sa unggoy, dahil kaparehas nilang mag-isip ang kasama ko ngayon. Ewan! Inis!
"Teka! Parang galing na tayo dito kanina ha!"
"Haaayyy!! Sinabi ko na eh! Wala namang pupuntahan tong ginagawa natin!"
"Wag ka na nga magreklamo, ikaw naman din tong gustong sumama eh!"
"Anong gusto? Hindi ba ikaw tong nagpilit sakin?"
"Pinilit? Sinabi ko lang naman na hahanapin natin si Robert at Sophia, pumayag ka naman agad!"
"Ewan ko talaga sayo!"
"Hmm, teka lang.."
"Bakit na naman?"
"Hindi kaya crush mo si Robert? Ha? Ha? Ha?!"
"...."
"Ano? Siguro nga no? Hahahaha! Walastik talaga tong bespren ko!"
-----------------------
Sinumpong na naman ako ng inis sa mini store na pinagbilhan ko ng maiinom. Hindi ko lubos maintindihan kung bakit napakabagal ng serbisyo sa lugar na 'to. Una kakaunti lang at halos walang taong umoorder, pero parang kamag-anak ni pong pagong ang cashier kung kumilos. Inabot yata ako ng isang taon sa pagbili ng dalawang bote ng mineral water. Paano pa kaya kung mag-shopping galore ako? Baka tubuan na ko ng balbas at bigote, kahit wala sa genes namin ang ganon.
Nagmadali na kong lumakad para balikan si Sophia. Isang block lang naman at isang kalsada ang layo ng store sa isatasyon ng tren. Naabutan ko syang nakaupo pa din, kung paano ko sya iniwan, ay ganun pa din ang ayos nya. Parang naka idle lang eh.
"Sophia, sorry! Grabe kasi sa bagal yung--"
Napahinto at napangiti ako sa nadatnan ko, na parang hinaluan ng awa. Naabutan kong natutulog na si Sophia sa lumang bench, hawak hawak pa din ang kanyang phone. Dahan dahan kong inilapag ang bitbit na botelya ng tubig. Marahan din akong umupo sa tabi nya. Maingat kong isinandal ang ulo nya sa aking balikat, para mas maging komportable sya sa pagtulog. Eh ang kaso, nagtrip ang author! Hindi ko napigilan ang pagdulas ng kanyang katawan, pinigilan ko pa kaso medyo mabigat sya, kumpara sa braso kong papel at lapis lang ang kayang buhatin. Ang ending imbis na sa balikat dapat nasandal ang ulo nya ay napunta ito sa aking mga hita.
Swerte lang talaga! Hindi sya nagising. Malas nga lang, at kahit katiting na pagkilos ay hindi ko yata magagawa. Napako na naman ako sa sitwasyon na may advantage at disadvantage.
Disadvantage dahil magmumukha akong estatwa ni mcdo sa mga susunod na oras. Advantage naman dahil malaya kong mapagmamasdan ang kanyang mukha. Sa totoo lang ngayon ko lang sya nakita sa ganitong hitsura, at hindi maipagkakaila na maging sa pagtulog ay cute pa din sya. Kumbaga sa larong pusoy perfect sya mulo ulo hanggang katawan.
Para kang kape, di ka nagpapatulog
Parang kagabi, gising ako hanggang tanghali
Di ko nga man lang alam kung sino ka talaga
Kailan kaya kita makikilala?
At pano kung nasulat na sa notebook ng tadhana
ang kwento ng pag-ibig tungkol sa ating dalawa
di kaya sayang naman, kung hindi nating susundin
ang nais na mangyari ng tadhana, para satin.
Medyo nakaramdam talaga ako ng lungkot, nung biglang sumagi sa isip ko ang pagtatapos ng HS life ko. Hindi dahil aalis na ko sa eskwelahan, Hindi dahil ma-mimiss ko si Ms. Ramirez. Kundi dahil ang salitang "paghihiwalay" ang sadyang dumudurog sa puso ko. Minsan nagtatanong ako sa sarili kung ano nga bang pwede kong gawin, para tuluyan syang maangkin? Kung tatanunging ako sa isang game show, o kahit slumbook man lang, kung magiging superhero ako? Anong kapangyarihan ang gusto ko? Sigurado isa lang ang isasagot ko.
"Yung kayang magpigil ng oras, at panahon". Wala nang iba!
Ang kaso lang, ang buhay ay hindi question and answer. Walang superhero sa kwentong 'to na kayang pigilin ang takbo ng kamay ng orasan. Ang magagawa ko lang ay sulitin ang bawat eksenang ganito, habang sariwa pa. At kung pagtitig lang sa kanyang mukha ang magagawa ko sa mga oras na 'to. Aba'y bakit hindi? Hindi na masama na magwagi ka ng ginto sa patimpalak ng buhay, na tinatawag na pag-ibig.
------------------------
"Richard, napapagod na ko.."
"Ikaw lang ba? Ikaw lang ba tao, marunong mapagod?"
"Ikaw pa galit? Diba ideya mo 'to?"
"Oo na! Oo na! Ideya ko to! Paulit ulit! Unlimited ba?"
"Oo! Paulit ulit! Paulit ulit lang tayo pabalik balik dito eh!"
"Sige ikaw mauna, mukha yatang alam mo dito"
"Hindi! Hindi ko alam! Sana talaga hindi na ko sumama!"
"Sana nga! kung alam ko lang na parang kang radio station sa umaga, sana nga hindi kana sumama.."
"Ano?!"
"Wala!"
Hindi na talaga maipinta mukha ko sa inis. Buti sana kung maayos kausap ang kasama ko, kaso hindi! Parang nakikipagtalo lang ako sa bata! Mas mainam pa yata ang bata, kapag nagalit ka tahimik na. Gutom na din ako, dahil halos dalawang oras na kaming naglalakad sa iisang lugar na parang pabalik balik lang kami.
"Ayoko na! Suko na ko! Sasakay na ko dun sa istasyon ng tren na yun!" turo ko sa abot tanaw lang na istasyon.
"Go ahead! Wala pong pumipigil sayo Agnes!"
"Ayun! Nabanggit mo din ng tama ang pangalan ko! Sa wakas!"
"Matandain ako no! Gutom lang talaga ako, kaya hindi ako makapag-isip.."
"Ako din.. Gutom na.. Kanina pa.."
Nagkatinginan kami. Sa puntong yun, iisa lang ang tinatakbo ng isip naming against sa isa't isa. Sabay kaming napahinto, at naghanap hanap sa paligid ng pwedeng makainan.
"Dun tayo!" halos sabay pa naming bigkas.
Wala pang trenta minutos ay dumating na ang order namin. Dahil kung hindi ay mukhang maghahamon na ng away si Richard, dala ng sobrang gutom at pagod. Walang imikan, kanya kanya muna kami ng mundo. Parang walang nangyaring pagtatalo kanina, parang sa isang iglap nalang ay bigla kaming nagkasundo.
"Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko.."
"May tanong ka ba?" balik tanong ko, habang deretso pa din sa paglantak sa pagkain.
"Kung crush mo nga ba si Robert!"
"Oi! Wag mo nga lakasan! May mga tao sa paligid, hindi lang tayo!"
"Eh ano naman? Kilala ka ba nila?"
"Kahit na! Nakakahiya!"
"Hahahaha! May gf na si Robert!"
"I know Richard! I know!"
"But still--"
"Still what?" Mabilis kong awat sa kanya.
"Defensive masyado.. pero halatado naman!"
"Ganyan lang ba gawain mo sa buhay? Ang mang-asar?"
"Hindi ah! Marunong din akong sumayaw, bukod sa pang-aasar mahilig din ako sa mga cute na babae. Hmm, Tulad mo! Mga tipo mo ang type ko, pwede bang kalimutan mo na ang bespren ko?"
"WHAT?"
Ngayon lang ako nakaramdam ng mawalan ng gana sa pagkain. Hindi lang pala sya ubod ng kulit, mukha nasobrahan din sya ng kapreskuhan sa katawan. Alam kong nagbibiro lang sya, at nagpapatawa kahit hindi naman talaga nakakatawa. Pero ang sabihing kalimutan ko nalang si Robert, para sa kanya? Tingin ko babaliktad ang sikmura ko, at mailalabas ko lahat ng kinain ko.
--------------------------
Halos dalawang libong kapalpakan muna ang nangyari kay "The Wizard of Menlo Park" bago nya tuluyang napagana ang isang perpektong bombilya. Ngunit sa kanyang interview sinabi nyang hindi sya pumalpak, bagkus nakahanap lang daw sya ng dalawang libong paraan para hindi mapagana ang isang bombilya, at isang paraan para tuluyan itong mapagana. At kahit walang kinalaman sa istorya at love life namin ni Sophia, ay naging inspirasyon ko ang determinasyon nya sa isang bagay na gusto nya. Bagay na wala naman talaga ako.
Wala akong determinasyon para tuluyang angkinin si Sophia, pero meron akong walang katapat na pag-ibig para sa kanya, at yun ang nagsisilbi kong inspirayson.
Umalis at may panibago na namang tren na huminto sa harap namin. May kakaunting taong lumalabas at pumapasok sa loob nito. Merong dumadaan lang, at meron din parang tangang lutang ang isip na lalabas ng tren at babalik sa loob matapos maalalang mali sila ng nababaan. At kami ni Sophia na hindi alam ang pupuntahan Na-stock sa aksidenteng date na wala naman talaga sa plano at malayong malayo sa "swimming".
Pero ayos lang! Lahat naman ayos lang, basta si Sophia ang kasama ko. Napapangiti pa ko habang pinagmamasdan syang tulog. Sa pagkakatitig pinilit ko pang ilapit ng kaunti ang mukha ko sa mukha nya. Gusto kong mapagmasdan sya ng malapitan.
"Sophia.."
"I Love You.."
..
...
....
"I love you too.."
Muntikan ko na talagang mailaglag sya sa sahig dahil sa pagkagulat. Huli na nang mapansin kong dilat na ang kanyang mga mata, at diretsong nakatingin sa mga mata ko. Bumilis na naman ang tibok ng puso ko. Alam kong dinig nya ang sinabi ko, dahil sa malinaw na sagot nya. Hindi ko alam kung bakit, pero sa mga ganitong pagkakataon ay para akong tanga na bigla nalang nababalisa at hindi alam ang susunod na hakbang.
"Sorry ha, nangawit ka ba?"
"Hindi! Hindi talaga!"
Ngumiti sya! Pero sa pagkakataong ito masasabi kong isa ito sa pinakamalupit na ngiting binigay nya sa akin. Parang gusto ko na yatang pasalamatan si Ms. Ramirez sa pag-aalboroto nya kanina at paglalagay sakin sa sitwasyon na 'to.
"Buti naman.."
"Buti naman?" bulong ko sa sarili.
"Kanina pa ako gising.. Gusto ko lang talagang makatabi ka pa, pasensya na.."
Buti nalang talaga tumaya ako, kung hindi! eh di hindi ako tumama.
0 comment/s:
Post a Comment