Atop sa Balay (Maikling Kwento)

"Sabi ni Ama, sa paggawa ng bahay, bukod daw sa pagiging solido ng biga at poste, kailangan rin na solido ang bubong," wika ko kay Steph nang hindi nagbibigay ng tingin. Tutok ang aking mata sa aking ginagawa at alam kong salubong na rin ang kanyang kilay sa init na hatid ng araw, "Ito daw kasi yung nagsisilbing proteksyon sa pamilya at higit sa lahat ito ang simbolo na bubuo sa isang matibay na pagsasama. Huling pyesa na kukumpleto kumbaga."

Napaniwala ko nga ba si Steph? Sa tingin ko hindi. Naglaro lamang ang kanyang mga mata sa paikot na direksyon. Binasa ang kanyang labi at bahagyang lumunok.

"Naghihintay na ang tanghalian Jerick," malinaw nyang sagot. Ibinaba ko na ang martilyong hawak tsaka muli syang hinarap na nakalabas lahat ng ngipin. Inalalayan ko syang makababa ng bubong. Bago ang huling hakbang nagawa pa nyang ngumiti sa akin. Huminto muna 'ko tsaka muling tinanaw ang buong laki ng bahay gamit ang aking palad na ipinangharang sa nakakasilaw na sinag ng araw.

"Mabubuo na ang iyong pangarap Jer. Anong pakiramdam?"

"Masaya. Masayang-masaya. Parang hindi ko na mahintay na marinig ng mga tao sa paligid ang senyales"

"Siguradong matutuwa ang iyong Ama. Nakikita ko ang magandang ngiti sa kanyang labi"

"At!" putol ko, "mapapatunayan kong hindi nasayang ang tiwalang ipinagkaloob nya sa akin"

Sa loob ng bahay na pansamantala naming tinutuluyan ni Steph sinalubong kami ng mga tauhan. Magarbo ang handa. Hindi ko pa kaarawan at lalong malayo pa ang fiesta sa baranggay kaya bugso ang tanong sa aking isip. Maraming bumabati at marami ding tumatapik sa aking balikat. Congrats ang madalas kong marinig.

"Engineer!" humahangos na sigaw ni Pablo, "Dagsa na ang mga tao! Lahat ay naghihintay sa gagawing anunsiyo ng ating grupo. Naroon din ang ilang opisyal. Balita ko'y ikaw ang kanilang pakay"

Napakamot ako sa ulo. Nakarating na pala ang balita. Hindi napigilang tubuan ng pakpak ang ibong may hatid ng tsismis. Sumenyas si Steph na ayos lang ang lahat. Sabay turo sa mga taong nakatingin sa akin. Tama na naman sya. Huwag akong mag-alala. Hindi ito para sa kanila. Lahat ay para kay Itay.

Si Itay? Ama? Hindi ko na kailangan pang hintayin ang wastong edad para malaman na hindi nya sariling dugo ang dumadaloy sa aking ugat. Maputi sya at matangkad. May sinasabi ang tangos ng kanyang ilong. Magalang ang bawat salitang lumalabas sa kanyang bibig. Taliwas sa aking anyo. Masasabi rin namang tao. Maitim ang kulay ng aking balat. Payat na bagsak ang mga balikat. Makapal na labi, at ang buhok na kulot ay nagdidiktang malayo ako sa pangkaraniwan.

Kwento ng aking Ama, galing daw ako sa bundok. Ilang ulit kong tinitigan ang sarili sa salamin. Wala akong balahibong makapal at buntot kaya siguradong hindi ako hayop. Galing daw ako sa tribo. Ita daw ang aking tunay na mga magulang. Iniisip ko nga baka noong iniluwal ako ng aking tunay na Ina, ay gumulong ako pababa ng bundok hanggang makarating sa pintuan ng aking kinilalang ama. Pero mali ang teorya ko. Sabi ni Ama, noong panahong gustong i-preserba ng gobyerno ang mga kabundukan ay pilit daw pina-aalis ang aming lahi. Pilit daw silang pinababa sa nayon at pinangangakuang bibigyan ng magandang tirahan, trabaho, at mala-artistang pamumuhay. Ipinangako din daw ng Gobernador na magiging pantay ang turing sa kanila kapag sila'y pumayag. Magiging opisyal silang mamamayan at hindi parang ligaw na pusang pilit itataboy ng kung sino mang makakakita. Ngunit sa aking paglaki, naikot ko na ang buong bayan pero hanggang sa ngayon ay wala akong nakitang bakas na naiwan ng aking lahi. Kung sa estero man sila itinapon ay hindi ko na alam. Ang masama pa, ang sinabing pag-preserba sa mga bundok, ngayo'y maihahalintulad na sa buhok ng mga opisyal. Lahat napapanot. Ibinigay daw ako ng aking tunay na Ina sa aking nakalakihang Ama nang minsang naligaw daw ito sa bundok. Kung ano mang sumanib kay Ama para tanggapin ako ay lubos kong ipinagpapasalamat.

Hindi naging madali ang pakikisama sa mga hindi mo ka-uri. Sa eskwela, lagi akong umuuwing hindi lamang takdang aralin ang dala, pati na rin ang sama ng loob. Lagi akong sentro ng tukso. Lagi akong na'sa likod ng klase. Kulang na lamang ay ipasok ako sa loob ng basurahan na madalas kong katabi. Maging ang recess ay nagiging takot ang dating sa akin. Walang gustong tumabi. Walang may nais kumausap. Tila isang sakit na ayaw madikitan at baka sila'y mahawaan. Natapos ko ang elementarya nang hindi ako naging masaya. Nakaakyat ako ng entablado ngunit walang pumalakpak liban na lamang sa aking Ama. Akala ko noon, pwede na kong mabuhay pagkatapos. Posible na kong makahanap ng trabaho. Hindi pa pala. Ang mas masama, hindi pa pala ako makaka-iwas sa eskwela.

Parang ayoko nang maniwala kay Ama na na'sa edukasyon ang susi para mabuhay at na'sa Diyos ang paniniwalang gagabayan ako sa lahat ng bagay. Ilang ulit ko ng ipinagdasal na sana ang bawat araw ay maging normal ngunit hindi natupad. Tanging uwian lang ang dasal kong ibinibigay. Pakiramdam ko kasi doon lang nagiging payapa ang lahat. Naisalba ko ang sekondarya na kahit hindi matiwasay ay bitbit naman ang kapirasong papel na bubuo daw sa pagkatao ko balang araw.

"Sa paggawa ng bahay, bukod sa pagiging solido ng biga at poste, kailangan rin na solido ang bubong. Ito kasi yung nagsisilbing proteksyon sa pamilya at higit sa lahat ito ang simbolo na bubuo sa isang matibay na pagsasama." wika ni Ama matapos kong maiguhit ang larawan ng isang bahay. Engineering ang kinuha kong kurso sa kolehiyo. Hindi ko gusto ngunit iyon ang hiniling ni Ama. Bilang pagbibigay respeto at pagtanaw ng utang na loob, pinaunlakan ko ang kanyang kaisa-isang hiling.

"Itay, sa tingin mo ba'y sa pamilya o sa tahanan nagsisimula ang lahat?"

"Oo, kung mayroong isang maayos na pamilya kailangan nila ng isang maayos na tahanan"

"Po? Hindi ko makuha. May mga pamilyang buo ngunit walang maayos na tirahan, pero maayos ang kanilang pamilya."

"Hindi tipikal na tahanan Jerick. Isang tahanan na huhulma sa bawat pamilya. Iyon ang kulang."

Bata pa nga siguro ako noong mga panahong iyon. Kulang pa ang pag-unawa sa iilang bagay. May mga dapat pang punuan. May mga bagay na pilit mo mang aralin ay hindi mo matututunan. At ang laging sagot ni Ama, ay buhay ang magtuturo sa iyo. Marami na kong naranasan pero hanggang sa ngayon hindi ko pa natututunan.

Luha ang naging sagot ko sa palakpak ng mga tao noong muli akong tumuntong ng entablado. Hindi luha na dala ng saya. Bagkus luha ng pagdurusa. Bago ako makatapos, kinuha na ng Diyos si Ama. Marami akong naging tanong. Marami akong hinihinging sagot. Ngunit isa lang ang aking hiling. Ninais kong makita ni Amang ako'y nagtagumpay. Gusto kong makita nya kung ano na ako sa ngayon. Gusto kong ngiti nya ang makita ko higit sa mga palakpak ng mga tao sa ibaba ng entablado. Para saan pa at narating ko ang lahat kung hindi rin lang sya naroon para salubungin ako.

Nakahanap ako ng trabaho sa Maynia. Nagsumikap. Naglakbay. Hinanap ko ang kulang. Ang tahanang huhulma sa bawat pamilya. Ilang proyekto ang nahawakan ko ngunit wala doon ang nais iparating ni Ama. Walang bakas ng ligaya. Alam kong may kulang pa. May isang bagay pa kong hindi nagagawa.

Bumalik ako sa lugar na aking kinalakihan. Doon ko na nakilala si Steph. Naging magkaibigan. Nagkagustuhan, at nauwi sa tunay pag-iibigan. Nai-kwento ko sa kanya ang lahat. Tulad ng mga nakasalamuha kong tao, parehas ang kanyang reaksyon. At tulad ng ibang magkapareha sa mundo parehas din kaming nangarap. Bumuo ng pamilya. Masayang pamilya. Inisip ko na ito ang tahanang hinihingi ni Ama. Ito ang gusto nya para sa akin.

Nilibot kong muli ang bayan sa muling pagkakataon. May mga nagbago. Ewan ko lang yung mga pulitiko. Marami akong nakita na hindi ko nasilayan noon. Masaya akong umuwi na bitbit ang isang mithiin na hindi ko nakita noon. Isang misyon na hindi ko napansin. Hiling na nakapaloob sa mga salita ni Itay.

"Jer, nais ka daw makita ng mga tao," bulong ni Steph. Masigla akong bumalik sa lugar kung saan itinatayo ang aming magiging tahanan. Sinalubong ako ng mga taong noo'y anino ko  palang ay nilalayuan na.

Maraming nagpapasalamat. Maraming tumatapik-tapik sa aking balikat. Gamit ang hagdan muli kong inakyat ang bubong. Tanaw ko ang kapal ng tao. Mula dito, tanaw ko din ang bundok. Sinong mag-aakalang ito pala ang kulang. Ang tahanang huhulma sa bawat pamilya. Ang babago sa puso ng bawat tao. Higit sa lahat, ang pangarap ng nag-iisang pari sa aming bayan na itinuring kong Ama.

Humakbang ako para abutin ang lubid na naghihintay. Hinila ko ng buong lakas. Sa unang pagkakataon, narinig ng buong bayan ang unang sigaw ng kampana ng simbahan. Ang tahanan ng Diyos na pinagsilbihan ng aking Ama.

-Wakas


Opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2013 sa kategoryang Maikling Kwento.


sa pakikipagtulungan ng


9 comment/s:

limarx214 said...

Actually, isa ito sa inaabangan kong entry sa maikling kwento ng SBA (ang isa ay kay Bagotilyo) medyo nakakainip dahil 5 days before the deadline pero nang mabasa ko na, ayos sulit ang paghihintay.

Ganda nito, sir! Good luck sa ating lahat.

amphie said...

salamat ulit kapanalig! hindi ko alam kung may ibubuga ito sa likha mo. mas malikot ang imahinasyon mo :)

Good luck sa atin! Apir!

F-ren Elegado said...

Wow...

amphie said...

sabaw :D

jakiro gonzaga said...

sino author nito?

amphie said...

hi! ako po :)

babyPowdeR said...

idol :D :D

amphie said...

pogi nalang :D

babyPowdeR said...

haha adik ikaw na :P

Post a Comment