Nasa dalawampung hakbang lamang o higit pa ang smoking area ni Philip mula sa studio. Actually hindi naman talaga mukhang studio ang gusali. Bahay lang na inupahan tapos ginawang opisina ang unang palapag. Yung second floor may tatlong kwarto, yung isa solo ni Philip. Sya lang ang pwedeng gumamit kaya mapapansin agad na puro obra ng binata ang nilalaman ng buong kwarto.
Yung dalawampung hakbang nagmistulang isang daan. Napakabagal maglakad ni Filona. Kapag binibilisan ni Philip ang kanyang mga paa, naiiwan ang dalaga. Hindi nya alam kung sinasadya o talagang makupad lang itong kumilos. Napipilitan tuloy syang sabayan na lamang ito para naman hindi sila magmukhang mag-syotang nag-aaway.
"Bakit ka pumasok sa ganitong trabaho?" tanong ni Philip.
"Wala namang masama 'di ba? Hindi pa naman ako nare-rape tsaka malaki ang bayad."
"Malaki nga, pero alam kong mas malaki ang kikitain ng isang stewardess.."
"Aba! Sinilip mo ang profile ko?"
"Hindi ah!" mariing tanggi ni Philip, "Nabanggit lang sa akin ni Ms. Belle. Hindi ko nga alam na ikaw ang magiging modelo ngayon. Maliit talaga ang mundo.."
"Si Mommy lang ang nagtulak sakin para mag stewardess since ganoon ang work nya, siguro ngayon nasa middle east sya habang nag-uusap tayo."
"Takot nga palang lumipad ang manok," bulong ni Philip.
"Narinig kita!" hinampas nya sa balikat si Philip, "E ikaw? Bakit nasa ganitong field ka bukod sa may talent ka talagang gumuhit? Pwede ka namang pumasok sa mas malalaking company na nag-o-offer ng mas malaking bayad."
"Talent ang hinaharness ko, hindi pera.. Kung pera lang nag-politician nalang sana ako"
Natawa si Filona. Palaging may punto si Philip. Naaliw syang mag-abang sa mga sagot nito sa kanyang mga komplikadong tanong.
Huminto sila sa isang maliit na tindahan. May dalawang mahabang upuan na magkaharap na yari sa mumurahing materyales. Luma na ang itsura. Halata sa nagpipiyestang kalawang sa screen ng tindahan. Inilusot ni Philip ang bente pesos sa maliit na butas. Sumilip ang tindera. Ngumiti kay Philip tapos tumingin kay Filona mas lumaki ang ngiti ng matanda. Mabilis na nilabas ang dalawang bote ng softdrinks. Tapos inilapag ang lighter at dalawang piraso ng sigarilyo. Namangha si Filona. Kilala na sa lugar si Philip. May kahalong pagtataka dahil maliit ang chance na magkaroon ng iilang kaibigan ang weirdong tao.
"Sya na ba ang bago mong syota?" tanong agad ni Aling Nelia na may kasamang kilig.
"Kaibigan po. Kakakilala lang namin kanina tsaka noong isang araw.."
"Nahihiya lang po sya lola! Mamaya yayayain nya na po akong lumabas. Naunahan nyo lang!" singit ni Filona na pinipigil ang tawa.
"Batang 'to! Sa magandang dilag kapa nahihiya! Yung mga tambay nga dito kahit 'di mo kilala nililibre mo e.."
"Lola magkano po kapag papakyawin ko yung banana cue?" si Philip.
"Yan! Yan ang gusto ko sayo e! Sige kunin mo na. Nagtext si Misyong, mamalengke na daw ako."
Natatawa si Filona sa usapan ng dalawa. Pakiramdam nya'y matagal nya nang kilala ang dalawa. Mabilis nyang na-adopt ang mundong ginagalawan ni Philip. Ang hindi nya lang talaga maintindihan ay kung bakit nakukuhang pagsabay-sabayin ni Philip ang paglantak sa banana cue, pag-inom ng softdrinks at paghithit sa sigarilyo.
"Ikaw marunong ka bang gumuhit?" tanong ni Philip na puno ng laman ang bibig at hinahampas hampas ang stick sa mga langgam na umaaligid sa kanyang inuupuan.
"Kung hindi mo naitatanong, ehem! Artist din ang Daddy ko. Mahilig syang mag paint. Oil painting ang hilig nya tsaka abstract." bida ni Filona.
"Ikaw ang tinatanong ko hindi yung erpats mo."
"Ako? Natapos ang hilig ko noong maka-graduate ako ng high school. Dahil din siguro sa gusto ni Mommy tsaka basta na lamang ako nawalan ng hilig e, parang isang mahabang linya lang na bigla na lang naputol o kaya umabot sa kanto ng canvas ang linya at wala ng space para ituloy," mahaba ngunit magulong sagot ni Filona, "Tsaka bakit ba puro ako ang tinatanong mo? Ikaw? Ano ang hindi mo kayang gawin o hindi mo kayang iguhit?"
"Siguro hindi ko kayang iguhit ng pantay ang tatsulok na barya ang gamit kong ruler."
"Mahirap nga yun ah!"
"Subukan mo. Malay mo ikaw lang makakagawa nun," natatawang sagot ng binata.
"Loko! How about your parents? Nasaan sila?"
"Yung Dad ko patay na. Yung Mom ko sumunod, ayun magkasama sila sa sementeryo."
"Ooops! Sorry."
"It's okay, di mo naman kasalanan bakit sila namatay e," natatawang sagot ni Philip. "Bakit di subukang gumuhit ulit?"
"Ayoko. Baka hindi maganda ang kalabasan e!" humaba ang nguso ni Filona, "Pwede kung tuturuan mo ako!" excited nitong wika.
"Sige. Sagutin mo muna ang tanong ko."
"Sige! Ano yun?"
"Anong kulay ang unang naiisip mo kapag ikaw ay guguhit?"
"Niloloko mo yata ako e!"
"Personality test 'to. Sabi ng prof ko dati sa kulay malalaman kung ano ang gustong ipahatid ng isang artist sa kanyang obra. Tsaka akala ko ba gusto mong matuto?"
"Sige na nga! Orange!"
Nagbukas ng bag si Philip. Pinilas nya ang isang pahina ng kanyang sketch pad. Hinati nya iyon sa apat. Bale 1/4. Yung dalawang parte kinuha nya, yung dalawa tinapon. Yung isang parte kinulayan nya ng pula gamit ang colored pencil. Yung isa naman ay dilaw. Inagaw nya yung stick ng banana cue sa mga langgam. Hindi maintindihan ni Filona kung anong gagawin ni Philip. Nang matapos inabot nya ito kay Filona.
Isang Pinwheel.
"Hipan mo." utos ni Philip.
"Niloloko mo nga yata ako e!"
"Hipan mo nga, yung malakas."
Sumunod si Filona. Namangha sya. Inulit nya pa ng isang beses. Sa tuwing iikot ang pinwheel naghahalo ang kulay dilaw at pula na nagreresulta ng kulay kahel.
"Red ay pag-ibig at Yellow naman ay simbolo ng pagiging masayahin. Sige! tanggap kana bilang unang estudyante ko!"
"Can I keep it?"
"Sure! Pero bawal itapon," seryosong sagot ni Philip.
"Ok," nakangisi si Filona.
Mahaba-haba ang naging pag-uusap nila. Ang tahimik at slight emo na si Philip ay biglang naging masayahin at palakwento. Hindi nila namalayan yung takipsilim. Pati si Aling Nelia na-op din. Natapos lang ang lahat ng dumami na yung lamok sa paligid.
Inihatid na nya si Filona sa sakayan. Parang ayaw maubos ng mga paalam. Gusto pa sanang sabayan ni Philip si Filona hanggang sa pinakamalapit na destinasyon nito kaso naalala nyang may importante silang pag-uusapan ni Ms. Belle.
"Salamat sa oras!" wika ni Filona habang paakyat ng bus.
Nagkibit balikat lang si Philip at ngumiti.
"That's all?" tanong ni Filona.
"Oo nga pala.." natitigilang sagot ng binata. "Ahh--"
"Ano? Ang bagal mo! Yayayain mo ba ko sa date?"
"Oo! Tsaka yung personality test ay joke ko lang!"
"Loko! Sabi ko na e!"
Ihahagis sana ni Filona yung Pinwheel kaso biglang umandar yung bus, tsaka nya lang naalala na bawal nga palang itapon..
tbc...
4 comment/s:
Napangiti na rin ako. :)
Ang cute.. =)
Sarap ngumiti...
napangiti din ako sa kumento mo kapanalig ;)
sabay tayo apir!
Post a Comment