Teenage Cappuccino - 20


TEENAGE CAPPUCCINO - Field Trip of Love (Chapter 20)


"Bawat libro ay maliit na litrato ng utak ng tao"  -Bob Ong



Ngayon sabihin mo sa akin.. Maituturing mo bang "tunay" na manunulat ang isang writer, kung hindi sya gumagamit ng lapis o bolpen? Ano ba ang pasikot sikot sa loob ng kapirasong laman na binubuo ng 40% na gray matter, 60% na white matter, na may sangkap ng neurons at glial cells? May nakausap ako nitong huli. Mula sa sigarilyo, nauwi ang usapan namin sa libro. Pangahas nyang nilapastangan ang bagay na wala naman syang kaalam alam. Sinabi kong tamad akong magbasa, pero kung may ranggo daw ang mga "tamad magbasa", sigurado general daw sya. Wala daw matinong manunulat sa mundo, karamihan dito may sakit sa utak, at kung hindi daw kalandian ay kahanginan lang daw ang produkto ng pag-iisip nila.

Tinapos ko ang usapan nung sinabi kong "uwian na yata?"

Kahit kapirasong inis hindi ako nakaramdam nung mga sandaling yun. Pananaw nya yun sa buhay, at yun lang yata ang kayang i-produce ng laman nyang hitik sa helium. Kung sasabihin ko man sa kanyang pilay lang, at pagod ang produkto ng basketball, eh baka isumpa nya lang buong lahi ko. Binuklat ko ulit ang librong may cover ng mga nakahanay na bolpen, at lapis para kumpirmahin. Ngunit wala dun ang sagot, kahit doon ko pa nakuha ang ideya. Pero nalaman kong malaki pala talaga ang pinagkaiba ng "nagsusulat" at "naglilibang". Ayoko nang makipagpalit ng opinyon sa sarili. Makipagtuyuan man ako ng utak, at ubusin lahat ng natutunan sa eskwelahan sa huli sarili ko pa ding pananaw ang papanigan ko. Sinong niloko ko?

Manunulat nga bang maituturing ang taong nagta-type sa cp, habang nakaupo sa inodoro?

Walang bolpen..

Walang lapis..

Walang papel..

...

Kapag "A" ang start, yun ang unang vowel na pwede mong isama sa sunod na consonant para mabasa..

Kahit yata ang pinagsamang pwersa ng Ninja Turtles (Leo, Mike, Raph, at Donna Bartolome) ay hinding hindi nila kayang ipinta ang mukha ko sa mga sandaling ito. Ang paglingon ng ulo ko sa kanan, ay parang magbibigay sakin ng matinding lagnat, at trangkaso. Para ding mararamdaman kong sasabog ang ugat-ugat sa sintido ko sa sobrang inis. Mataas ang expectation ko na matutupad ang dasal ko, pero nag-pass ang taong nasa itaas.

Isipin mo two seated chairs, dalawa sa kanan at dalawa sa kaliwa. Yung center isle bakante para daanan ng mga taong papasok at lalabas. Aircon, at mataas ang mga bintana. Yung tuhod mo hindi mo pwedeng iunat dahil sigurado kapag na-tripan ng drayber na biglang magbreak, for sure mapapamura ka dahil tatama ang alulod mo sa harapang upuan.

Bus..

Pero hindi yun ang kinababadtrip ko. Ang totoo ay hindi ko lubos maisip kung bakit sa dami ng makakatabi kong estudyante sa loob ng bus, ay walang iba kundi si Raymond. Masama ang loob ko sa teacher kong hindi sumunod sa pamosong alphabetical arrangement. Dapat sana si Sophia ang katabi ko, dahil parehas lamang ang aming last name.

Anong meron? Bakit kami nasa bus? At bakit dapat sana ay katabi ko si Sophia?

...
....

Kahit anong pilit naming pagpigil sa panahon, ay hinding hindi pala kami hihintayin ng oras. Ginto ito, at dehins kukupas para lang sa amin..

Mabilis lang na lumipas ang limang buwan. Parang isang kisapmata lang ay binaliktad agad ang glass hour ng dalawang daang ulit. Masyadong nakakagulat, at nakakabigla. Parang first impression ko nung nilabas ng GMA yung commercial ng "Wag kang kukurap" kung saan bigla kong malilipat ang channel, o di kaya automatic magwo-walk out ako sa harap ng telebisyon.

Sobrang excited ang lahat nung biglang ma-tripan ng eskwelahan naming mangolekta ng pera, para sa "field trip". Oo! Field trip! Kapag babanggitin mo sya, dapat labas lahat ng ngipin mo sa sobrang saya, dahil sa loob ng sampung buwan ay magkakaroon kayo ng isang araw para makaiwas sa pagkain na binebenta sa canteen.

-----------

"Psstt!"

"..."

"Pssstt! Robert!"

"...."

"PSSSTTT!!!!"

Pinilit kong lingunin si Richard na nasa likuran ko, kahit pa yamot ako at tila galit sa mundo ay nagawa nya pa ding mangulit.

"Oh?"

"Nasaan si Sophia?"

Hindi ako sumagot, bagkus ay sinenyas lang ang pwesto ni Sophia. Nasa left side ang mga babae, at sa kanan ang mga lalaki. Akala mo mga kinder lang ang estudyante kung mag-isip ng arrangement ang adviser namin(Nagbalik na pala sya mula sa ospital, natuwa kami nung una dahil namiss din namin sya. Pero kalaunan naumay din kami) Okei na sana kung kalinya ko man lang si Sophia, kaso badtrip dahil nasa pangalawang row sya harapan, at kahit anino ay ipinagkait pa sa akin.

"San ba unang pupuntahan natin brad-pit?" pangungulit ulit ni Richard na naka-pwesto naman sa likuran ko lang.

"Hindi ko alam, wala pa namang itinerary eh.."

Parang first time nya lang makasama sa field trip, para kasing bata na nasobrahan sa purga ang loko. Kahit pa tignan na sya ng masama ng tour guide naming abala sa pagdedescribe ng alamat ng puno ng mangga, kasaysayan ng EDSA, kung san ba daw galing ang salitang "sari-sari store", at love life ni Vic Sotto at Alex Dixon, isama mo na din ang urban legend ni Pepsi Paloma kung saan nadawit din ang pangalan ni Bossing.

Tanda ko pa noong last year ay hindi ako sumama, dahil stress ako nung second year field trip namin. Bakit? Muntikan ko lang namang makabisado lahat ng pangalan ng santo, dahil halos lahat yata ng pinuntahan namin ay bahay ng diyos. Dagdag mo pa yung baduy naming tour guide noon, na halos kabisado yata ang old at new testament, at hindi ko alam kung saan nga ba na-arkila ng adviser namin. Pakiramdam ko'y luging lugi ang limang daang piso ko nung panahong yun, nagmukha kasing kursilyo ang field trip. Pero lubos ang panghihinayang ko nung nabalitaan kong Enchanted Kingdom pala ang destinasyon nila noong third year. Hindi ko maintindihan kung tumiwalag naba sa samahang magliligtas ng kaluluwa ang principal namin, o nagising nalang sya sa katotohanang lahat ng estudyante sa eskwelahan ay sa school lang nya pwedeng mapasunod. Hindi ko na siguro iku-kwento nung first year dahil kung may lalagpas pa sa salitang "boring" ay yun na yun. Isipin mo SOBRANG bored, Baka tumanda lang hitsura mo sa pagbabasa nito, at mapahikab.

Tanda mo pa ba yung eargasmic sound ng intro ng PS1? ganun yung message tone ng cp ko. Nagulat ako sa txtmsg, malaki ang paghahangad kong si Sophia ngunit hindi. Walang iba kundi si Agnes..

"How's the trip?"

"Ito, medyo bored. kayo dyan?"

Sa hindi maipaliwag din na dahilan, o tinamad nang mag-isip ang organizer ng fieldtrip na 'to ay pinagsama sama nila ang junior at senior year. Sounds exciting hindi ba? Pero syempre hiwalay ng auto, pero same destination lang din.

"Excited ako sa unang stop over :)"

"Ako din! Teka, magkikita kaya tayo?"

"Siguro oo naman, isang lugar lang naman ang pupuntahan"

"Tama, happy trip dyan sa inyo!"

Maya maya pa ay inabot na ng alagad ng tour guide yung mga itenirary, ganda nung last destination namin! pakiramdam ko tuloy eh tumaas ang adrenaline rush ko nung mabasa ko ang nakabold letters na "SWIMMING". Kapag naman talaga tinamaan ng pagka haytek ang swerte! SWIMMING! inulit ko pang basahin baka nagkamali lang ako, o guni-guni ko lang. Pero isa lang ang problema ko, wala akong dalang brief na pwedeng pamalit! badtrip!

swimming..

swimming..

su-wi-MING!


"Robert!!!"


Wooosshh! Parang biglang bumagyo sa loob ng bus! Nagkaroon ng tsunami, Umulan ng bolang apoy, Nahati ang lupa, at umakyat na naman ang dragon sa ilalim ng nag-aapoy na lupa. Humarap sya sa akin at bumuga ng maitim na usok. Sa titig nyang sobrang talim, siguradong mapupunit ang pagkatao ko. Agad akong tumayo sa pagkapahiya, ginala ang aking mata sa paligid. Lahat ng mata'y nakatingin sa akin. Ang buong atensyon ay sakin nakatuon. Yun ang magagawa ng makapangyarihang lion's roar ng aking adviser.

Lahat ng estudyante nagtawanan. Kanina pa pala ako tinatawag ni Ms. Ramirez, para sa isang maikling dasal. Lahat sila'y nakatayo na, at ako nalang pala talaga ang naiwang nakaupo habang nakatitig sa binigay na itenirary. Masyado kasi akong nabato-balani sa nabasa kong "SWIMMING", yan tuloy nalunod ang pagkatao ko sa kahihiyan.

"Okei class, let's pray.." malumanay na ang boses nya.

Napakamot ulo nalang ako, walang anu ano'y biglang nagkrus ang mga mata namin ni Sophia. Natatawa sya sa akin, at panay ang ngiti. Ramdam kong gusto nyang sabihing "Ikaw kasi eh!". Napangiti lang ako, at nagkibit balikat. Nung matapos ang maikling dasal, tska palang ako nakahinga ng maluwang. Normal na ang daloy ng dugo sa katawan ko, ganun din ang takbo ng hangin sa baga ko.

..
...
....

Girl 1:  "Ang pangit ng unang stop over naman!"

Girl 2:  "Hay naku! Oo! Ilang beses ko nang nakita yan!"

Girl 1:  "Nakapunta ka na dyan?"

Girl 2:  "Hindi! Nakita ko lang sa google!"

Girl 1:  "Hala! Meron pala dun?!"

Girl 2:  "Oo naman girl! Try mo din sa wacky-pedia!"


Dinig ko ang reklamo ng dalawa kong kaklaseng babae na ka-row ko lang sa upuan. Walang anu-ano'y tinignan ko agad ang binigay na itenerary sa amin. At anak ng genius na unggoy naman talaga! Akala ko talaga nakaligtas na ko sa amoy ng porcelain o ivory na kadalasang ginagamit sa paggawa ng mga imahe ni Mama Mary, Joseph, Jesus, Sanggol na Jesus, Mga Tupa, Kambing, Baka, Camel, Dayami, Kubo, Star, Parol, Tungkod, at nung tatlong hari na sila Tito, Vic, at Joey. Hanggang sa makumpleto na ang senaryo ng pagsilang kay Kristo. Tumpak! Walang iba kundi simbahan!

Sa puntong yun wala na kong magagawa. Nakaupo na ko, at nakatali na sa utak ng teacher ko, na hinding hindi sya susuko hangga't hindi namin nalalaman kung anung meron sa Peter 4:10. Ang labo talaga, buti nalang may Sophia na nagsisilbing eye-mo sa tuwing mapupuwing ako sa pagtingin sa takbo ng mundo.

Buti na lang..

"Robert! Psst!"

Kaihit na malakas ang tsismisan ng tour guide, at mga matatanong kong kaklase ay nagawa ko pa ding marinig ang tawag ni Sophia mula sa unahan. Napansin kong nakipagpalit sya ng pwesto sa babaeng katabi nya kanina(Nasa tabi kasi sya kanina ng bintana), na ngayon ay nasa bungad na sya. Madalas ko na syang makikita sa mahaba-habang byahe.

"Oh?" mahina kong sagot.

Hindi sya sumagot, bagkus ay sumenyas lang kung okei lang ba ako. Sumenyas lang sya ng aprub! Walastik! Para talagang bata si Sophia paminsan minsa, pero cool! Kasing cool lang ng walk in chiller ng Jollibee. Nilibang ko nalang ang sarili sa mga nakikita sa paligid. Malayo layo ang unang byahe, bagamat nandun ang excitement, ay hindi maipagkakaila ang tunay na dahilan kung bakit talaga ako nandito. At mas excited ako sa bagay na yun. Syempre yung makasama sya! Wala talagang tatalo sa pakiramdam na first time mong maging tunay na tao. First time mong tawaging isang tunay na lalaki. Nillibang ko nalang ang sarili sa mga nakikita sa paligid. Makaiwas lang sa umay na mukha ni Raymond sa tabi ko, at nang adviser naming busy sa kaka-tweet sa cellphone nya.

--------------

Ano nga ba pakiramdam ng "first time"? Katulad ba nito yung unang beses mong makagamit ng teleponong may camera? Kahit na wala naman talagang espesyal dito. Naging portable lang ang isang gadget dahil instant may camera kana, may telepono kapa. 2 in 1! Ngunit hindi ko ito tinuturing na goal, at dinidikit sa salitang first time. Dahil ang totoo, pera lang naman kailangan mo para magkaroon ka ng teleponong may camera. Wala kang skill na kailangang i-enhance, wala kang audience na papalakpak sayo, wala! walang kahirap hirap! Iba ang ibig sabihin sakin ng salitang "first time", Mas ikinatutuwa ko kung meron akong bagay na nagawa, na sa buong buhay ko ay ngayon ko lang talaga nagawa. Tulad nang?

Mababaw lang ang kasiyahan ng taong tambay na may baong kwento, na pwedeng ibulong sa isa pang tambay habang sabay sila sa pag-puff ng pinitik na sigarilyo sa kalsada. Mission statement ko dati ang makapagluto ng perfect na ADOBO! Ano nga ba yung perpektong adobo para sa akin? Yung lutang sa mantika, at nanuot sa karne ang toyo. Nakailang ulit ako nakatikim ng dagok sa mumunting misyon ko sa buhay, may nagsasabing mapait, merong maalat, kadalasan speechless. Siguro yun yung mga kaibigan kong tunay, na ayaw nalang akong sumama ang loob, at sa huli ay yayayain nalang akong maglasing.

Adobo..

Ilang beses ko na yatang nakwento ang alamat ng adobo. Mas masarap sa pangatlong init! Tapos! Lumutang na sa mantika, nanuot na ang toyo sa karne, at saktong sakto lang ang tamis, asim, at alat. Perpektong adobo! Pero tulad ng sabi ng matatanda, nakakatamad daw kainin ang sariling luto. Totoo yun! Nakakatamad talagang makinig sa sarili mong kwento.

Binuksan ko ulit ang cooking book na nakita kong pakalat kalat lang sa bahay namin. Merong iba't ibang luto, kakaibang teknik, at mga mouth watering na pictures. Natapos ang misyon ko sa adobo. Pero hindi naging dahilan yun para magsawa ang kamay ko sa pagluluto. Bagkus naging inspirasyon pa sakin yun para sumubok ng iba't ibang klaseng luto. Buklat sa unang pahina.. Nandyan ang..

Chicken Curry Masala

Fish Kaldereta

Ginataang Tambakol

Sizzling Laing

Steam Crab

Shredded Tinapa

Mutton Biriyani

Sinigang na Bangus

Menudo ala cart

Deep Fry Embutido

at

Cappuccino

Blangko.. Itim na kapag tumitig ka, Pula naman kapag pumitik. Block! Block! Block! Block! BLACK!

..
...
....

Madilim ang paligid na binabalutan ng kakaibang ihip ng hangin. Pakiramdam ko'y may malamig na kamay na nanggaling sa likuran, at biglang tumakip sa mga bibig ko. Hindi ko magawang lumingon dala ng matinding takot, at pangamba na baka sa paglingon ko ay nasa gilid na ako ng malalim na balon. Nanatili ako sa pwestong hindi kumportable. Malapot at malamig ang likidong lumalabas sa katawan ko, nangangatog ang mga tuhod, at balisa ang mga kamay na parang nakakandado sa kadenang walang susian.

Huminga ako ng malalim, para lokohin ang sarili. Sinabi ko sa utak kong ayos lang, kahit pa nagkakandarapa ang puso ko sa pagtibok. Lima hanggang sampung segundo ng katahimikan. Umihip muli ang hangin.. Isa hanggang tatlong segundo na parang isang dekada, nung bumitaw ang mga kamay na kanina pa nakatakip sa mga bibig ko. Nagawa kong sumigaw at humingi ng saklolo, pero binigo ako ng sariling takot, dahilan para kumanta ang isang pipe.

"Robert.."

Tinatawag na ko ng isang babaeng boses. Nakakagimbal ang dagundong nito deretso sa tenga ko. Pakiramdam ko'y nawalan na ako ng lakas.

"Robert.. Robert.."

Pabilis ng pabilis ang pagtawag nya sa pangalan ko. Lalo pang dumilim ang paligid. Naghalo na ang abo at itim sa lugar kung saan takot, at pangamba nalang ang emosyong ng tao. Napapaluha na ako sa pag-aakalang tuluyan nang malalaglag ang aking mga paa sa gilid ng malalim at mapanganib na bangin.

"Robert!"

Ramdam ko nang nakatapat na ang bibig nya sa tenga ko. Lalong lumamig ang paligid nang tuluyan na syang yumakap sa akin. Kung bibigyan ako ng pagkakataon gusto kong humingi ng tawad sa kanya, kung meron man akong nagawang kasalanan. Pero mukhang huli na ang lahat..

"Robert.."

..
...
....

Pumikit ako. Ngunit sa biglang iglap ay lumiwanag ang paligid. Nawala ang nakaka-kilabot na lamig, at tuluyang namagitan ang nakakabuhay na init. Dahan dahan kong dinilat ang aking mga mata. Sa sobrang liwanag ay hindi ko pa makita kung sino ang kaharap ko. Dahan dahan.. Konting pilit..

Isang babae na hindi ko maaninag ang mukha, pero pakiwari ko'y nakangiti sya sa akin. Iwinawagayway ang kanyang kamay na parang nagpapa-alam. Mabilis kong inangat ang aking mga kamay ngunit sa tuwing nilalapit ko ito, ay sya namang mabilis na pag-atras nya. Naihakbang ko na din ang aking mga paa, pero mas mabilis syang naglaho kesa sa inaasahan ko.

"Mahal kita.."

"Mahal na mahal.."

Ang huli nyang sinabi na talagang nag-echo sa maaliwalas na paligid, na kanina lang ay binalot ng matinding kadiliman. Sumilip ang sinag ng araw, na kanina pa pilit kinukubli ng mapangahas na kadiliman. Nagbagsakan ang mumunting iyak ng langit sa paligid. Naramdaman kong dumadapo na ito sa aking pisngi. Palaki ng palaki ang mga patak ng ulan, dahilan para tuluyang mabasa ang lupang tinatapakan ko. Kumulog ng malakas sa gitna ng kakasilay lang na araw, at may nagbuhos..

nagbuhos..

May siraulong nagbuhos ng tubis sa mukha ko!

!@#$^!*&!?


Napabalikwas ako sa pagkagulat. Mula sa kinauupuan tumama ang ulo ko sa compartment ng sinasakyan naming bus, dahilan para mapaupo ulit ako. Medyo blurred pa ang aking paningin sa nagdaang isang minuto, at nung makabalik sa tunay na sarili nakita ko si Richard na nakatingin sa akin.

"Ayos ka lang?!" garalgal ang kanyang boses, habang hawak ang isang bote ng mineral water na wala nang laman.

Wala akong naisagot, medyo shock pa ako dahil sa tubig na pumasok sa loob ng ilong ko. Tumingin ako sa paligid, wala nang mga estudyante.

"Richard! Richard! Wala akong makitang medic, pero nakausap ko na si---"

Napahinto sa pagsasalita si Sophia na kakapasok lang sa loob ng bus. Todo ang kanyang hingal na mukhang kagagaling lang sa takbuhan. Nagtama ang aming mga mata. Agad syang tumakbo sa kinauupuan ko. Ako namang speechless at tila hindi alam ang nangyayari. Ngunit hindi tulad ng isang eksena sa koreanovela na yayakapin ng babae ang lalaki o ng lalaki ang babae, para amuyin at kilatisin kung anu bang gamit na pabango ng bawat isa. Bagkus isang malakas na batok ang sumalubong sa akin.

"Araayyyy!!" Napakamot talaga ako sa ulo ko. Doon palang ako nagkaroon ng malay sa sarili.

"Alam mo ba ginagawa mo?!" mataas ang kanyang boses.

Napabuntong hininga si Richard sa kabilang banda, at naupo.

"Bakit?!"

"Anong bakit? Alam mo bang kanina pa kami natataranta ni Richard, dahil hindi ka magising sa pagkakabangungot mo!"

"Ako? Binangungot?!" tumingin ulit ako sa paligid, sinigurong walang hidden cam at baklang direktor na sisisgaw ng "Marvelous!".

Wala na ang mga estudyante sa loob ng bus, tumingin ako sa bintana at doon ko lang nalaman na nakahinto pala ang bus namin sa first destination ng lakbay-aral na 'to. Hindi na napigilan ni Sophia ang sarili, napaupo na lang sya sa harap ko na parang bata. Nakasimangot ang mukha.
Tumayo naman si Richard at sumenyas lang sa akin na bababa na daw sya. Tumango lang ako, at hindi pa din alam ang gagawin.

Tahimik na sa loob, at dalawang tao nalang ang naiwang walang kibo sa isa't isa. Doon ko palang naramdaman ang paghahabol ng hininga, tska palang bumabalik sakin ang ala-ala nung natutulog lang ako kanina.

"Mahal kita.. Mahal na mahal.." bigkas ko ng malinaw.

Napatungo sakin si Sophia, na kanina lang ay nakayuko.

"Ano?"

"Mahal na mahal.. Yun ang sabi ng babae sa panaginip ko.." paliwanag ko.

Sa puntong yun tumayo na sya, at tumabi sa akin. Halata sa mukha ang pag-aasam na marinig ang aking kwento.

"Nakilala mo ba kung sino?"

"Hindi eh, medyo malabo na ang lahat.."

"Pero-- pamilyar ang boses nya.." dugtong ko pa.

"Nasaan na sila?" tanong ko para mawala ang kakaibang klima sa loob ng bus.

*sigh* "Nandun na sa loob ng simbahan.."

"Tara na? Baba na tayo?" tanong ko.

Tumayo ako, at iniayos ang mga gamit ko. Nag-ayos din ng nagusot na buhok, at namamagang mukha na galing sa pagkatulog. Hahakbang na sana ako sa pag-aakalang susunod si Sophia. Ngunit mabilis nyang pinigilan ang aking braso.

"Dito ka lang.."

"Huh? Ayaw mo pa bang bumaba? Baka hinaha--"

"Dito ka lang Robert.."

Hindi ko nang nagawa pang tapusin ang huling sinabi ko. Pansin sa kanyang mga mata ang pag-aalala. Muli akong naupo sa tabi nya, handa akong alalayan sya kung meron man syang gustong iparating sa akin.

"Hindi ko alam ang gagawin ko Robert, nung mga oras na kailangan mo tulong ko.." mahina nyang sabi.

"...."

"Doon ko lang nalaman na hindi ko palang kayang gawin ang mga bagay nakikita kong kaya mong gawin para sa akin.. Hindi ko alam kung saan ako pupunta, hindi ko alam kung saan ako hihingi ng tulong. Hindi ko alam.. Wala akong magawa.."

Hinawakan ko ang kanyang kamay, nadama ko ang pangangatog nito. Sa puntong yun lalo ko pang hinigpitan ang paghawak, maipadama lang sa kanyang ayos lang ang lahat.

"Ano ka ba? Ayos lang yun! Hindi naman siguro mabilis mamatay ang masamang damo!" pabiro ko pang sagot, pero wala syang reaksyon. Hindi umobra ang punch line ko sa nanghihina nyang damdamin.

"Sira ka.. Paano kung natuluyan ka.." sagot nya.

"Malabo naman yatang mangyari yun.. Alam kong nariyan ka naman"

Bahagyang kumunot lang ang kanyang noo. Humarap ako sa kanya at ngumiti. Inilapat ang aking kaliwang kamay sa kanyang ulo.

"Kung mangyari man yun, masaya pa din ako Sophia."

"Masaya?! Nasisiraan ka na talaga!"

"Hahaha! Atleast nalaman kong pinilit mong gawin ang lahat ng bagay para mailigtas ako"

"Yun nga eh! Wala akong nagawa!"

"Hindi na importante yun! Ayos nang nalaman kong nag-alala ka sakin.."

"Ewan ko sayo! Bagay ka talaga sa club nyo! Puro weird!"

"Ahahaha! Bagay ka din talaga sa cooking class nyo! Puro hyper!"

Natawa sya sa huli kong sinabi, bahagya nyang inalis ang kamay ko na nasa ulo nya. Tumayo sya at pinunasan ang kapirasong luha na kanina pa nangingilid sa kanyang mumunting mga mata. Ngumit sya pabalik sa akin. Tumayo na din ako at umakmang bitbitin ang aking mga gamit.

"Tara na!" anyaya nya na masigla na ang boses.

Sabay naming nilisan ang bus, na syang naging pipeng saksi sa maikli naming pag-uusap. Maaliwalas na ang mukha ni Sophia nung naglakad na kami papasok ng simbahan. Dinig na dinig ko ang mga boses ng estudyante na masyang nag-i-stroll sa loob. May mga pasaway na nagkukulitan, at Nagdadaldalan lang. Sigurado ako meron ding nag-pipiktyuran. Typical na trip sa buhay ng isang mag-arral sa sekondarya. Hawak pa din ang kamay ni Sophia, ako naman ang huminto bago pa man kami makapasok.

"Bakit?"

Inisip ko na sayang naman ang moments kung hindi ko man lang magawang sulitin ito. Walang reaksyon, walang diskusyon, at wala ding arte arte. Mabilis kong hinalikan sya sa pisngi. Smack! Solve na solve!

Ngunit sa mabilis na paghalik ko sa kanya, kasabay pala nuon ang mabilis na pagbukas ng napakalaking pinto ng simbahan. Tumambad sa harap namin ang papalabas nang mga estudyante na galing sa iba't ibang section. Kasama na din ang buong tropa ng Yellowbell!

Lahat nakatingin sa amin.

Lahat hindi kumurap.

Lahat halata sa mukha ang pagtataka.

Namula si Sophia, at napayuko naman ako. Ngayon ko hinihiling na merong baklang direktor na sisigaw ng CUT! at hindi MARVELOUS!!

0 comment/s:

Post a Comment