Kwentong Tambay - Chapter 20

As usual, there is a great woman behind every idiot. -John Lennon

4am nagising ako..

Lumabas ng kwarto, hindi para dumiretso sa banyo.. Yung view ng sandstorm na hinalo sa lamig ng madaling araw, nagmistulang kakaiba sa pakiramdam ko.. Unusual kumbaga.

Sa naglalakihang makina sa katabing accomodation, na tila sinama sa shooting ng transformer, mga nagdadaanang malalaking truck, at guard na himbing na himbing sa pagkakatulog.. Nalungkot ako..

4am nagising ako..

Sumilip sa bintana, hindi pa sumisikat at araw, at kalmado pa ang paligid. Dinig ko pa din ang awit ng mga ibon na tila nag ja-jamming sa pagkanta. Ito yung pakiramdam na hinahanap ko.. Ang saya.. Sobra..

Isasalang ang takure at magpapa init ng tubig, Magtitimpla ng kape at magsisindi ng yosi. Haharap sa laptop at susubukang magsulat.. Ang tahimik at payapa nyang mukha na syang nagbibigay sa akin ng inspirasyon.. Abalang abala sya sa panaginip.. Hindi ko sya gigisingin, tititig lang ako..

4am nagising ulit ako..

Puti at blangkong kisame.. Nandito pa din pala ako..

Ngayon.. Ako naman ang gisingin mo..

---------

Natapos ang summer festival, Natapos ang mga palaro sa bayan, Natapos ang tatlo hanggang limang araw na bakasyon, Pero hindi dito nagtatapos ang kaligayahan ko..

Balik maynila..

Yung simoy ng hangin hindi na sariwa, Hindi na din makapal na hamog ang sa umaga ay talagang nagpapakalma, Yung ingay na ng kapitbahay na nakakabingi ang syang sasalubong sa iyo.. Oks lang, i-accept mo na lang.. Reality makes you worst..

"Good morning!" txt msg ni Rhea.

Hindi pa ako nakakapag simula sa trabaho naba-blangko na ako..

"Good morning din! San ka ngaun?" reply ko sa kanya.

Isa hanggang dalawang minuto bago sya ulit nag reply..

"Haus lng, wat tym ka out?" reply nya.

Aba! Para akong gago kapag sinabi kong, susunduin mo ba ako? Pero napapangiti ako.. Ang sarap ng pakiramdam na parang may taong may pakielam sayo kahit papaano..

"5 po, may lakad b tau?" sagot ko.

..
...
....

"Meet me after work, dating gawi! MRT south station"

"Oks! ingat!" reply ko.

------

Tambak yung trabaho, at kapag minalas kapa, itong mukha ng boss ko na parang niluma na ng panahon at ilang beses dinaanan ng undoy ang syang tumambad sa akin.. Matanda na sya at maasim na ang ugali, magaspang pa sa kalyo ko sa paa..

"Are you done with the transmittal? Where's your checklist?" bungad nya.

"Tapos na sir! Ito.." sagot ko.

"Good! Bigay mo na kay Girlie.."

..
...
....

Excited akong lumabas ng trabaho, sinilip ko ang oras.. Meron pa akong 30 minutes na byahe. Sakto lang para hindi ako ma-late sa usapan namin. Bitbit ang pouch bag na lunchbox, pabango, earphone, at ballpen lamang ang laman.

Sumakay ng taxi, Nakipagkwentuhan sa driver, Bumaba, umakyat sa hagdan, at bumaba sa kabilang dulo.. Overpass yata ang tawag dun.. wala naman kasi akong pakielam sa kung ano ba talaga pinangalan dun..

"Ang aga ko yata.." bulong ko sa sarili.

Naupo ako sa bakanteng silya sa harap ng isang fast food chain, pumuwesto ako sa ayos na pwede kong makita ang lahat ng taong aakyat at bababa, papasok at lalabas.

At dahil open area, nagsindi ako ng yosi at tuluyang nagpahangin.. Hindi ko alintana ang init at alinsangan ng panahon, gusto ko lang makita ang maganda at maamo nyang mukha.

..
...
....

"Kumusta?"

Isang boses ng lalaki ang gumulat sa akin..

"Edgar!" gulat kong sagot.

"Hahaha! Pumanaw naba ako at para kang nakakita ng multo ha!" sagot nya.

"Ano nangyari sayo? Bakit ngayon ka lang nagparamdam loko ka!" biro ko.

Parang kaming mga bata kung mag-usap, yung tipong wala kaming pakielam sa sinasabi ng bawat isa, ganun na talaga kami.. Ang kakaiba lang, ay parang wala kaming pinagdaanan na hindi maganda.

"Buti naman dumating ka, akala ko snob mo ako eh!" biro nya.

"Huh? Actually si.."

"Tska akala ko hindi ka magrereply sa txt ko, inisip ko pa nga na baka binura mo na ang number ko sa phone mo.. hehehe!" dugtong nya.

Nagulat ako sa sinabi nya, binunot ko ulit ang cp sa aking bulsa, at nag open ng inbox.. Ngayon ko lang napansin na sya nga ang nagtxt sa akin, at inakala kong si Rhea yun.

"A-a-ano kaba?! bakit ko naman buburahin!" sagot ko.

"Tara pasok muna tayo! Mainit dito sa labas, at kumain na din tayo.." anyaya nya.

..
...
....

"Teka maiba ako.. Anong meron at niyaya mo ako dito?" pauna ko.

"Yun ba? Napag-utusan lang ako.. Gusto nya lang malaman kung okei ka ba.." malinaw nyang sagot.

"Nya? Sino?" gulat kong tanong.

"Sino pa.. Si Kath.. Actually pabalik na sya.." sagot nya.

Muntik ko nang maisawsaw sa float ang fries, Namutla ako at hindi nakapag salita.. Hindi ko alam ang isasagot. Nag-flashback sa utak ko lahat ng nangyari, mula nung gabing naubos ang tindang alak sa tindahan, Nagkaroon ng eyebag, Hindi makapag suklay ng maayos, at hindi nakasubaybay sa Mara Clara.

"Nagulat ka ba?" seryoso nyang tanong.

Blangko.. Halatang hindi ko alam ang isasagot..

..
...
....

"Wag mo nga akong niloloko Edgar.. Tapos na tayo dyan.."

"Ahahaha! Hindi bagay sayo Dudes ang seryoso.." natatawa nyang sagot.

"Pero totoo ang sinabi ko.. Pabalik na sya.." dugtong nya.

"Ibahin natin usapan.. Kumusta ka na? Anong mga pinagkaka ubusan mo ng oras?" tanong nya.

"Ako?"

Ako..

Bakit hindi ko masabi sa kanya na may pinaghuhugutan na ako ng ngiti, may babae nang nagpapasaya sa akin, at may tao na sobrang importante sakin ngayon, na syang nagparamdam sa akin na may kwenta pala ang kwento ko.

Naghihintay pa din ba ako..

Sa kanya..

Sa malandi nyang tinig..

-----

Hanggang sa paguwi, iniisip ko pa din ang sinabi ni Edgar.. Kung na-good time na naman ba ako o pinapaniwala ko lang ang sarili ko. Apektado ako masyado.. Hindi ko na napansin ang oras at lumagpas na naman ako sa aking bababaan.

Wala akong ginawa sa kwarto kundi humiga at makinig sa sounds kong naka full volume. Nag-iisip ako.. Hindi ko pwedeng maninbang sa pagkakataong ito, wala sa hitsura ko ang pwedeng isali sa star circle quest at starstruck, o kahit ano pa mang contest na pwede kang gawing modelo sa kung anu-anong produkto.

..
...
....

Mukha ni Kath ang tumambad sa akin, sa aking harapan.. Maliwanag at klaro. Hindi ako makapag salita. Ginamitan nya ako ng impale, unang atake nya sa akin, hindi ako makagalaw.. Binalak kong lumaban, pero sinundan nya ito ng voodoo.. Nangliit ako.. Pakiramdam ko'y wala akong kwenta, dahil hinayaan ko lang syang mawala, at hindi man lang gumawa ng paraan upang pigilan sya.

Nakatitig sya..

Dahan dahang lumitaw ang mapuputi nyang ngipin..

Ngumita sya..

Tila gusto nyang sabihing.. Nandito na ako! wala ka bang sasabihin?

Sinubukan kong magsalita, pero wala ni katiting na boses ang lumalabas, dumilim na ang paligid, dahan dahang nag fade ang kanyang maamong mukha.

Gusto ko syang hawakan..

Yakapin..

Inunat ko ang aking braso..

Nandito ako Kath..

Kumapit ka..

..
...
....

Dinilat ko ang aking mata.. Naramdaman ko ang pangingilid ng aking luha. Hinahabol ko ang aking paghinga.

Bumangon ako, at dinampot ang aking cellphone.. Walang anu-ano agad kong na-dial ang number ni Rhea.. Nag ring.. Nag-aabang sa kanyang pagsagot.

----

Ang huling usap namin, Huling hagkan, pero walang huling halik.. Lahat yun ay pilit bumabalik sa aking isip. Kung pwede lang magre-format ng utak ginawa ko na.. Iba-back up ko ang mga masasayang sandali namin ni Rhea, at yun lang ang iiwan ko.. Kaso ang gago ko lang.. Hindi ko naisip na ginawa ng diyos ang utak, hindi para lalagyan lang ng mga files mo sa buhay, kundi parang anti-virus din na syang nagliligtas sayo, at nagpapa-alala na kalimutan ang isang bagay na syang nakasakit sayo..

Pero hindi ako naturuan para gamitin ito ng maayos..

One click away lang ang button na pwedeng mag-disable dito..

At yun ang ginawa ko..

"Oh? Napatawag ka?" sagot ng sa kabilang linya.

..
...
....

"Kath.."

"Na-miss kita.."

0 comment/s:

Post a Comment