Kaninong Love Letter Ito?



Hindi sinasadya napindot ko pa yung buton ng first floor. Nagpapadyak pa ko sa inis, at mabilis na pinindot ang ground floor sa loob ng elevator. Peste kasi yung mga tanong sa job interview kanina. Accountant lang naman ang inaaplayan ko, bakit nila ako tatanungin ng kasaysayan ni Albert Einstein. Yung mga nauna sakin ear to ear ang mga ngiti matapos lumabas ng kwarto nung nag-i-interview. Inisip ko tuloy na fill in the blank lang ang mga tanong. Pakiramdam ko tuloy pinahamak nila ako. Paglabas ko isa isa ko silang hinanap para sakalin, pero mabilis pa sila sa pulitikong nagnakaw kung magtago.

Apatnapu't isang palapag ang taas ng gusali. Sa taas, hindi maiwasang mabingi ang sasakay ng elevator. Aatakihin naman ng asthma ang magnanakaw kung susubukang gumamit ng hagdan. Halatang hindi ako ang nagbackground check, at hindi nakapagdala ng chewing gum. Pero mas priority ko nang makauwi, at tumaya nalang sa lotto. Para kung tumama ipapasisante ko yung nag-interview sa akin.

Nasa ika-tatlumpong baitang palang huminto na agad ang sinasakyan ko. Nag-slide ang pinto, at sumakay ang isang babaeng naka-mini skirt, itim na bolero, at nakapusod ang buhok. May katangkaran din, at singkit ang mga mata.

"Gilbert?! Is that you?" wika nya habang pasimpleng pinunasan ang lagpas na lipstick sa labi.

Tinitigan ko pa syang maigi, baka kasi sya yung napaginipan ko noong isang gabi. O di kaya e yung katabi ko kanina sa upuan habang naghihintay na bastedin ako nung interviewer. Pero hindi. Matapos manlisik ang mga mata sa pilit na pagmumukha sa kanya. Sinundan naman ito ng pagbilog nung pinakita nya sakin yung nunal nya sa siko, na kasing laki ng lumang limang piso.

"Andrea?!"

"Dito ka namamasukan?" masaya nyang tanong sa akin. Hinihintay ko kung anung palapag ang kanyang pipiliin. Pero nakalimutan na yata dahil sa tuwa.

"Nag-aaply palang, di naman natanggap"

"Sayang no? Ikaw kasi! Kahit sa pag-aaply ng trabaho ako pa din iniisip mo" sinundan nya pa ng malakas na tawa.

Wala pa din syang pinagbago. Klasmeyt ko sya nung kolehiyo. Naging kaibigan, kabarkada, kaasaran, kainuman, at kadaldalan. Hindi ko namalayan noong huli nahulog ang puso ko sa kanya. "Kaninong love letter ito?" Tandang tanda ko pa ang malakas na pagtawa ni Emon, habang walang awang minamaestra ang liham ko kay Andrea, sa harap ng buong tropa. Hindi ko naibigay dahil sa hiya. Ang kinaiinis ko naiwan ko pa sa maliit na kubo na tinatambayan namin tuwing walang klase. Si Emon nakadampot. Hindi nakuntento ang loko sa pagtawa, nakuha pang ipost sa Friendster ni Andrea at nang buong barkada. Isang linggo din akong walang mahugutan ng lakas ng loob nun.

"Loko! Ikaw? Saan ka nagtatrabaho?"

"Dito. Sa Loan Financing Company. Bakit mo nililliko ang usapan?" pabiro nyang tanong.

"Niliko ko ba? Gusto ko lang malaman kung saan ka naguubos ng panahon"

Nung nalaman nya ang nararamdaman ko, halos araw araw nya akong kinukulit kung totoo ba. Nakagraduate kami pero di ko nagawang aminin sa kanya. Kahit bihira nalang kami magkita panay naman ang padala nya ng text messages sakin. Sa isang araw hindi bababa sa sampung love quotes ang natatanggap ko, at kahit pa kasing dali nalang ng pagpapak ng chichiria ang pag-amin na mahal ko sya sa text ay di ko pa din nagawa.

"Yung sulat mo noon. Bakit hindi mo maamin sakin?" Akala ko tapos na ang alamat na yun. Sa tono nya ngayon parang bumalik lang ang araw ng kahihiyan ko noon. Pero iba na ang sitwasyon noon, kesa ngayon. Hindi na kami bata na nagmamahal lang gamit ang mga mata.

"Oo sakin yun, at para sayo. Hindi na malabo yan ha! Crush kasi kita noon. Hindi ko masabi e, kaya sinulat ko nalang"

"Magpaliwanag ba? Kung inamin mo lang, eh di sana nalaman mong crush din kita"

"Naunahan ng hiya. Natabunan ng alaska ng tropa"

"Sayang no? Mahal pa naman din kita noon"

Bumukas ang pinto ng elevator. Nagtaka pa ko sa bilis ng pangyayari. May kung anong pananabik sa loob loob ko, na tila gusto kong pigilan ang hakbang ng kanyang mga paa. Binibigyan nya ako ng pagkakataon para mahalin sya. Isang imbitasyon na matagal na sanang pinaunlakan kung hindi lang ako naging duwag at sinakop ng hiya. Kung may napaghugutan lang sana ako ng lakas ng loob, at kung naging parokyano lang ako ni Robin Padilla. Kami na sana. Naiwan akong nakatayo sa lobby kasama ng mga di kilalang tao, na kahit pagbuntungan ko ng inis ay mukhang hindi makikinig sa istorya ko.




"Natutulog, Natutulog si Gilbert! Si Gilbert!"




Tawanan ang buong klase nung naalimpungatan ako. Yung prof ko pala ang nag-utos na mag sing-along ang mga estudyante. Malakas naman ang tawa ni Andrea na katabi ko lang. Napapangiti pa ako habang nagkakamot ng ulo. Napansin ko ang kapirasong tinuping papel sa bulsa ng polo ko. Simplehan ko itong inabot kay Andrea nung sumapit ang break.

-End

4 comment/s:

born-san said...

Sa lahat ng short stories mo boss amp eto talaga pinaka gusto ko. Dito po ako na inspire sumulat, kaya naman napasali po tuloy ako sa Short Story Writing Contest ni boss panj. :thumbsup:

Amphie said...

Hindi dapat yan ang orig na ending. Nagbago nalang nang sinulat ko na :D Salamat trops! Keep sulat! hehe!

Chico Reymart said...

thanks like :D

amphie said...

thanks!

Post a Comment