TEENAGE CAPPUCCINO - Goodbye Highschool (Chapter 26)
"Sigurado ka ba sa gagawin mo Robert?"
Pagpigil pa ni ermats habang nagpupunas pa ng pasulpot sulpot na sipon, at walang tigil na daloy ng luha. At dahil ako ang parang nahihirapan sa hitsura nya, dinukot at inabot ko ang puting panyo sa kanya. Wrong moves yata. Lalo lang syang umatungal. Gusto ko nang takpan ang bibig nya, at ipasok nalang ang binigay na panyo. Nakakahiya lang sa lahat ng taong nakatingin sa amin sa loob ng bus terminal.
"Lagi mo akong tatawagan! Tska pasahan mo din ako ng load" pabiro pang sabi ni ermats.
"Opo! Pagkadating ko palang, tatawagan agad kita. Ito bago kong number, i-save mo na ha"
Aakma na sana akong umakyat ng bus, nung pigilan pa ulit ako ni inay. May kung anong bagay na dinukot sa bulsa, ngunit di pa yata makita. Matapos ang ang kwento ng wansapanataym, tsaka nya lang natagpuan. Nandilat pa ang mga mata.
"Ito pala susi ng kwarto mo, muntik ko nang malimutan iabot sayo"
Lalo lang akong nalungkot nung nakita ko ang susi ng aking balwarte. Kusang nagbalikan ang lahat ng ala-ala na pilit ko nang nilalayuan at kinakalimutan. Hindi ko na nga nagawang tumingin bago ako umalis, tapos dinalhan nya pa ako ng souveneir. Mula ballpen hanggang sa lahat ng items sa EGG na binigay nya sa akin, hindi ko lahat dinala. Iniwan ko lang sila sa kwarto ko, at hindi ko alam kung kailan ko babalikan. Yung mga sulat nya tinabi ko sa kisame, tapos nilagyan ko ng pira-pirasong tinapay para kay Mickey Mouse.
"Nakow! Robert! Talaga namang mami-miss kita! Mag-iingat ka palagi, at wag magpasaway ha!"
"Opo Nay! Sasakay na ko, nakasimangot na yung driver e!" pabulong kong biro kay ermats.
"Tawagan mo din si Richard, para di ka malungkot ok?"
Hindi na ko sumagot sa huling bilin nya. Isang daang porsyento hindi ko masusunod yun. Nagpalit ako ng numero, nagde-activate ng account sa feysbuk, twitter, at google plus, para hindi ako masundan ng mga fans ko. Kung pwede nga lang mag-ala Mission Impossible, e papasukin ko ang opisina ng eskwelahan at nanakawin ang aking school profile para talagang astig ang pagiging low profile ko. Pero syempre di ko kayang gawin. Mahal ko ang eskwelahan ko, ang mga guro, estudyante, sopas sa canteen, mga kaibigan, kaaway, ang literature club, at si Sophia. Lahat sila isang buong kwento ng highschool ko.
Saan nga ba ang punta ko?
Hindi ko din sigurado kung saan ako dadalhin ng byaheng ito.
Matapos ang graduation, dalawang araw nagpasya na kong mag-dorm. Kung ano mang pumasok sa kokote ko, yun ay ang hang-over ko kay Sophia.
-----------
"Boss, ticket?"
Saglit palang ako nakakaupo at nakakapag-emo, mabilis agad akong ginambala ng mabait na kundoktor. Inabot ko sa kanya ang ticket. Matapos mag-check na parang wala lang binalik nya agad sa akin. Tinitigan pa ako ng masama, hindi naman ako mukhang miyembro ng mga grupong nagpapasabog ng laman loob ng tao. Binaling ko ulit sa bintana ang pagiging emosyonal. May kung anong pakiramdam sakin na hindi ko maintindihan. Parehas na parehas noong naglakad ako palabas ng eskwelahan matapos ang graduation. Bitbit ko noon ang toga na hindi ko nagawang ihagis. Hinabol pa ko ng tagakuha ng piktyur, hindi pa daw ako bayad. Nung matanggap ko ang kopya, di naman ako natuwa. Nakangiti ako, pero nakapikit. Muntik na tuloy isama sa puntod ni erpats yung tagakuha, nung talakan sya ni nanay na nahuli ng dating sa eksena.
"Doon sa rooftop, dun kita hihintayin"
..
...
....
Mag-a-alas onse na noon ng umaga nung umakyat ako ng rooftop ng senior building. Kahit walang kasiguraduhan, umaasa pa din na darating sya. Baka kasi biglang mauntog at magbago ang isip ng parents nyang untouchables, at hindi nalang tumuloy sa ibang bansa.
Mula sa taas, nakadungaw ako sa quadrangle. Dinig ko pang ina-announce ng principal yung mga estudyanteng may matabang utak. May mga naghihiyawan. May mga loko lokong estudyanteng sumisipol pa, akala mo nanonood ng beauty pageant at swimsuit na ang suot ng mga participants. Tanaw na tanaw ko din yung mga magka-katipan na pasimpleng nagnanakaw ng sandali. Para talagang fiesta ang eskwelahan! Nakangiti ang mga tao. Maganda ang larawan ng graduation.
Pero hindi ako..
Una hindi makakapunta si ermats, dahil sigurado busy sa cafeteria. Sayang daw ang kita, pang suporta din daw sa nag-iisang anak nyang papasok ng kolehiyo. Yung pangalawa ang talagang kinababahala ko. Noong umakyat ako ng stage at kinuha ang kapirasong papel, na syang nagsasabing solve na ang kaso ko at laya na ako. Kasunod noon tinawag ang pangalan ni Sophia. Parehas Monsood ang last name namin, ngunit wala sya. Hindi ko din kilala ang kumuha ng diploma nya. Dali dali akong umakyat noon sa rooftop para tumupad sa usapan namin na walag kasiguraduhan.
...
Natapos ang seremonya ng principal. Nagbeso beso ang mga sosyal, nagpalitan ng numero ang magkakabarkada, may ibang nag-iyakan. Ako at ang janitor nalang ang tanging naiwan. Walang Sophia na dumating. Tumingin pa ko sa langit, baka sakaling makita ko ang eroplanong sinasakyan nya. Sa tindi ng sinag ng araw, napapikit na lang ako. Olats!
"Brad-pit, di ka pa pala umuuwi"
Mabilis akong nagpunas ng nagbabadyang luha, at agad na nilingon kung sino ang nagsalita.
"Oh, anong ginagawa mo dito?" balik tanong ko pa, habang nagpipilit ng ngiti.
"Ako dapat magtanong nyan" seryoso nyang sagot.
"Nakita kitang umalis sa upuan, after mo makuha ang diploma. Si Sophia ba?" dugtong nya pa.
Di na naman ako nakasagot, kahit pa napakadali lang ng tanong nya. Tinanggal ko ang pagkaka-ribbon ng suot kong pwedeng pamalit sa costume ni Harry Poter. Huminga ng malalim, tska muli syang hinarap.
"Umalis na sya brad"
"I see.. Anong balak mo ngayon?"
"Hindi ko din alam, wala pa kong matinong pag-iisip ngayon"
Lumapit sya sa akin. Noon ko lang napansin na mas matangkad na pala sya ng kaunti. Noon kasing 1st year, halos magkasinglaki lang kami. Doon nya din nahugot ang salitang "brad-pit". "Brad" sa pinaiksing "brader" at "Pit" para lang maging cool. At hindi nga ako nagkamali. Si Brad-pit ang pinaka-cool na taong nakilala ko. Palaging nariyan sa tabi ko. Sa lahat ng problema ko, tulad ng sa ngayon.
"Kailan ba tumino pag-iisip mo kapag si Sophia ang laman?" napapa-iling nya pang sabi.
"First time brad e!"
"Sus! Mas masaya ang second time!"
"Tingin mo may second time samin? E di nga natapos ang first"
"Babalik pa ba sya?" tanong nya.
"Di ko alam"
"Kung mag-aaral sya dun, sigurado mahigit apat na taon yun"
"Pero ang tanong eh kung babalik pa nga ba sya" dugtong nya.
Nung napansin nyang wala nang paghuhugutan ang mga ngiti ko. Inakbayan nya agad ako, ginusot ng bahagya ang buhok, at inagaw ang toga na bitbit ko.
"Brad! Move on! May mas maganda pang kwento sa labas ng eskwelahang ito!"
Kasunod nun hinagis nya ang toga mula sa rooftop. Mabilis itong lumanding sa patag na lupa. Senyales na iwanan na ang dapat iwanan, at ilibing ang nararamdamang hindi na dapat hukayin sa susunod na kabanata ng buhay ko.
Paalam, Highschool! Paalam..
"Ang kwento ng pag-ibig ay kumusta, at paalam" -Eraserheads, Slo Mo.
----------------
"Sino ka?!"
"Uhm! Robert po!"
"Wala akong kilalang Robert! Sindikato ka no? Bagong modus ba yan?!"
"Magtatanong lang sana kung may bakante pa kayo"
"Wala!"
Blag!
Ewan ko ba kung bakit suki ako ng naglipanang matatandang masusungit. Pangatlong dormitoryo na itong pinagtangkaan ko, halos lahat ng nakakausap ko may sapi. Wala naman akong matandaang may hindi nilimusan na matatanda sa kalsada. Kahit pa nga hindi nanglilimos binibigyan ko pa din, masabi lang na kabilang ako sa pag-asa ng bayan. Binagsakan pa ako ng pinto, matapos akong ihambing sa mga intsik na nag-i-invest ng shabu sa Pilipinas.
Magkakasya naman siguro ang dala kong pera sa loob ng dalawang buwan. Buwanan naman din ang padala sakin ni ermats. Kung kapusin, eh di ayawan na. Pero una ko pa ding priority ang makahanap ng sideline, habang nag-aaral sa kolehiyo. O masyado lang akong naniwala kay Richard, na may mas maganda daw na kwento paglabas ko ng eskwelahan.
"Sungit!" pabulong kong sabi habang naglalakad palayo.
Masyadong malawak ang gubat para maghanap ng tuyong sisilungan. Nakakaramdam na ako ng kawalan ng pag-asa, nung narinig ko ulit ang boses ng masungit na matanda.
"Lumayas ka!"
Ang layo ko na nga dinig ko pa. Ipagdiinan ba sakin na lumayas ako?
"Kahit di mo sabihin aalis ako! Sino magtitiis dito?"
Nagulat ako nung may sumagot sa kanya. Agad kong nilingon kung sino. Isang lalaki na sa tingin ko ay nasa edad ng mapusok. Akala mo mag ca-camping sa dami ng bitbit na bag. Nagkakamot pa ng ulo habang aktong tatawag sa telepono. Didiretso na talaga ako ng lakad, para tuparin ang namumuong balak sa isip ko na "Mas maganda ang kwento sa labas ng eskwelahan".
"Hoy! Iho! Ikaw, ikaw! Parini ka dali!"
Lumingon pa ako sa paligid, baka may ibang napag-tripan ang matandang masungit. Ngunit lahat ng taong tinitignan ko, ay mabilis na nililiko ang kani-kanilang ulo. Akala mo pupugutan sila ng ulo sa takot.
"Ako po ba?"
"Oo! Ikaw! Two Five Monthly, One Month Advanced at One Month Deposit!"
Ayos din si lola eh! Para lang nangungubra ng taya sa sabong. Pero swak naman sa budget, kaya pinatos ko na agad. Kesa naman abutin ako ng dilim, at lapitan ng kung anumang manggagaling sa dilim. Titiisin ko nalang ang mala-mega phone nyang tinig. Huwag nga lang talagang hahawak ng mikropono, at babanat ng "Isang linggong pag-ibig".
...
Nilapag ko ang mga gamit ko sa harap ng pintuan ng kwartong paglalagian ko. May kapirasong tanong sa isip ko. Kung handa ba ako sa mga mangyayaring karumaldumal, at kung anu-ano pang mapanindig balahibong salita na pwedeng idugtong sa salitang "nag-iisa". Binunot ko yung wallet kong nabunot ko sa monito-monita nung nagdaang xmas party. Sinilip ko ang laman, kung aabot paba hanggang matapos ang kwentong ito. Inisa isa ko pang bilangin, nung biglang nag-aklas mula sa kasingit singitan ang kapirasong litrato.
Muntikan pa kong mapamura nung masilayan ko ang puting pantay pantay nyang mga ngipin. Ang itim na itim nyang buhok. At ang ngiti nyang nagpaluha sa akin.
"Badtrip! Hindi pa ko gaanong nakakalayo, nagsisimula kana naman" wika ko sa sarili.
"Yan ba ang katipan mo?!"
Siguro kung marunong lang akong mag taekwando, kung fu, at martial law. Eh sigurado ding nagkabali bali na lahat ng buto ng siraulong nanggulat sa akin. Pero napahinto talaga ako, nung nakita kong si matandang masungit. Malapit ko nang mabanggit ang salitang "Ex", bigla naman akong napaisip kung ex ko nga ba sya, wala namang formal break up. Wala ding cool-off. Basta wala nalang!
"Hindi yan ang kwarto mo! Doon pa sa dulo!" dugtong nya habang naglalakad paalis habang nakapamewang.
---------------------
"Nauuhaw ako.." bulong ko sa sarili.
Madilim at tahimik ang paligid. Ngunit dinig na dinig ko ang malakas na patak ng tubig, na tumatama lamang sa iisang direksyon. May kung ano pang tunog na tila nanggagaling sa dekuryenteng aparato. Kasunod noon ay dahan dahan kong nararamdaman ang sakit ng buo kong katawan. Lalo pa kong nakaramdam ng pagkauhaw, nung lumakas ang patak ng tubig.
Hindi ko na nakayanan. Dahan dahan kong ginalaw kung anumang parte ng katawan ko, na sa tingin ko ay makakasunod pa sa dinidikta ng isip ko. Mula sa mga daliri, hanggang sa braso. Mulo paa hanggang sa tuhod. Hanggang sa nabuksan ko ang aking mga mata. Pilit ko pang hinahabol ang aking hininga, dahil sa mahabang tubo na nakasaksak sa bibig ko.
Lalo pa kong nataranta nung natagpuan ko ang sarili sa isang kwarto, na may puti at asul na ding ding. Pilit kong tinataktak ang aking ala-ala, kung bakit ako nandito. Nang biglang bumukas ang pinto na nasa harapan ko.
"Sophia?!"
Kitang kita ko sa mukha ni Kuya ang pag-aalala. Mabilis syang tumakbo sa kinahihigaan ko, at agad na niyapos yapos ang aking ulo. Tinanggal nya ang swero na nakatakip sa bibig ko. Hinagis sa kung saan, at agad na niyakap ako. Dinig ko kung paano umatungal si Kuya, na sa buong buhay ko ay parang ngayon ko lang napakinggan.
"Dok?! Dok!!"
..
...
....
"I think I'm going to lose you also Sophia" wika ni kuya habang hinahalo ang mainit na sabaw.
Hindi ko alam kung saan ako huhugot ng lakas ng loob sa kwento nya. Kung alam ko lang na yun ang maririnig ko sa aking paggising, mas gugustuhin ko nalang bumalik sa pagkakahimbing. Unti unti kong naaalala ang lahat ng nangyari, habang hinihimay ni kuya ang istorya. Natatandaan ko na din ang larawan sa nakalipas na dalawang buwang paghimlay.
"Uuwi din tayo, magpahinga ka muna at magpalakas" sambit nya.
Tumayo sya. May kung anong dinampot sa loob ng maliit na drawer sa gilid ng kama. Banayad pang pinagpag bago tuluyang iabot sakin. Sa hitsura palang ng kapirasong papel, di ko na magawang ngumiti.
"Dad, can you drive slowly? Masyado kang nagmamadali"
Kitang kita ko kung paano iniwasan ni Dad, yung pulang volkswagen na biglang nag-menor sa harap namin. Biglaan nyang binaling sa kaliwa ang manubela. Hindi naman inaasahan merong mala-optimus prime na truck na humaharurot din sa likod. Isang malakas na pagbanga, at kasunod ang isang blangkong eksena.
"Mom and Dad died in a car accident. Sa mismong araw ng pag-alis nyo" pagderetso ni kuya.
Kusang nagbagsakan ang mga luha ko. Dumaloy ito at tuluyang pumatak sa diploma na syang nasa palad ko. Para bang sa isang iglap madaming nawala sa akin. Hindi ko na alam kung paano pa ako lalabas ng kwartong ito. Nabasag na pinggan ang emosyon ko na pilit binubuo na lamang ng nag-iisang tao na syang nagsilbing sandalan ko.
"Robert.."
------------
Biglaan ang pagbangon ko sa hindi maipaliwanag na dahilan. Kahit pa napuyat na naman ako sa pag-iisip ng wala. Malamig naman ang umaga, at hindi gaanong galit ang araw. Naghilamos, nagtanggal ng excess ng mga kinain kagabi, nagwithdraw ng likido, at nagmuni muni.
"Papasok ba ko?" tanong ko sa sarili, habang tinititigan ang kape na noon ay nag-uumpisa nang lisanin ng init.
Iba ang mundong ginagalawan ko. Ibang klaseng patintero ang nasa paligid ko. Ibang iba sa kinagisnan kong buhay, na naging dahilan ng kakaibang porma ng mga eyebag ko. Ibang-iba ang kolehiyo. Sobrang na-culture shock ako sa mga estudyanteng may kakaibang istilo, mula sa pag-aayos ng buhok hanggang sa kulay ng kanilang kuko. Para akong alien sa sarili kong daigdig. Minsan nga napagkakamalan pa akong pangalawang lahi ni Adan. Hindi daw kasi ako masyadong aktibo sa opposite sex. Ayoko namang magkwento ng sarili kong alamat, baka hindi sila maniwalang nabaliw ako dati. Pero kung tutuusin kada hahakbang ang mga paa ko palabas ng kwarto, may kakaibang kilos ito na para bang asong umaamoy sa lupa, at pilit hinahanap ang gusto.
"Papasok ba talaga ako?!" tanong ko ulit sa sarili.
Huli na nang mamalayan kong hawak na pala ng mga kamay ko, ang huli't natitirang larawan nya. Sa gulat bigla ko pang natabig ang isang tasang kape. Nabuhusan tuloy nito ang litrato. Mabilis kong pinagpag at hinipan hipan, at agad na sinundan ng ngiti.
"Sophia.."
0 comment/s:
Post a Comment