Singsing sa Banyo


Kahit ang pinagpalang kamay ni Vincent Van Gogh, hindi makuhang ipinta ang hitsura ni Jessie. Nagulo pa ang pagkaka-ayos ng buhok nito nung subukan nyang sabunutan ang sarili. Nagdadalawang isip pa kung titingin sa salamin na nakasabit sa banyo. Tagusan ang araw sa blurred na bintana, dahilan para lumitaw ang tinatago tagong kulubot. Maganda sana ang simula ng umaga. Humalik pa ang malambing na asawa bago ito tuluyang nagpaalam, na sa muling pagkakataon ay noon nya lang ulit naranasan.


Labas ang pantay nyang pustiso sa ngiti, ngunit agad na napawi. Sa ikatlong pagkakataon muli na namang iniwan ng asawa ang kanilang wedding ring sa loob ng banyo. Kung hindi pa malabo ang kanyang ala-ala at kung tama ang paggamit nya ng abacus, ay dalawamput limang taon nang nabubulok ang kanilang wedding vows. May edad na din si Rico. Aminado itong minsan makakalimutin na ang asawa, pero hindi sa mga bagay na tulad ng pagtanggal ng singsing sa daliri.


May kung anong senaryo na ang namumuo sa isipan ni Jessie. Dagdag pa ang sekretarya ng asawang madalas tumawag, nasa tuwing sya ang nakakasagot ay mabilis itong nagpapa-alam. Hindi alam kung apektado na sya sa mga teleserye, o tamang hinala lang. Ang lubos nyang ipinagtataka ay sa tuwing binabalik nya ito sa kabiyak, ay susuklian lang siya nito ng tawa at agad na tatalikod. Walang iiwang sagot, at walang balak makipagdiskuyon.


Sa muling pagkakataon hindi na pinalagpas ni Jessie si Rico, nang muli na namang maiwan nito ang singsing sa banyo. Kinausap nya ang mga anak. Nagpatak ng eye-mo sa mata, at ipinaliwanag ang lahat. Agaran syang nakipagpanayam sa hindi dekalidad na abogado. Inihanda ang kung anu-anong papeles na pwedeng magpawalang bisa sa kanilang puppy love noon. Tahimik ang may bahay habang hinihintay ang pag-uwi ng salarin, nasa tabi ang nakaimpakeng gamit.


Tulad ng inaasahan dumating ang kontrabida sa eksena. Oras na para maging Die Hard, ang dating Endless Love nilang love story. Hindi maiwasan sumagi sa isip nya ang "Our Day Will Come" na nagsilbing theme song nila, na ngayon ay parang tumetema sa magaganap na hiwalayan.


Humalimuyak ang amoy ng serbesa nung sinalubong sya nito. Pilipit ang dila, ganun din ang mga paa. Hindi na nagsayang ng oras si Jessie. Walang intro-intro. Pinaupo ang asawa at sinimulang i-interogate. Ngunit bigo ang kabiyak nung tawanan lang sya ni Rico. "Yang ching-ching na yan? Itapon mo na yan!" lalo lang humigpit ang pagkakuwelyo ni Jessie sa lasing na asawa. "Yun bang sekretarya mo?! Sya ba? Sya ba?" Hindi na napigilan ang emosyon. Habang nakangisi pa din ang asawa, na tila may dinudukot sa bulsa.


"Sinabi ko nang nyang chingching na yan, tapon mo na!" wika ni Rico. Bago tuluyang bumagsak, naiabot pa sa asawa ang kapirasong kahon na may kapirasong ribbon. Naglalaman ng dyamanteng singsing, at kapirasong kard. "Happy 25th Anniversary! Will you marry me? Again?"  


-End

1 comment/s:

Third said...

ngayon ko lang nabasa ito,maganda sya.
Ewan ko lang,hindi naman ako nakarelate (kasi ndi pa naman ako married) pero medyo napaluha ako sa tuwa,galing ng ending..

Post a Comment