TEENAGE CAPPUCCINO 27
"Being noticed can be a burden. Jesus got himself crucified because he got himself noticed" -Bob Dylan
Ang silid na walang bintana, ay parang tao na walang lovelife lang yan e! Madilim ang bawat sulok, at tipid lang ang liwanag kung bubuksan ang pinto. Pero syempre nandyan pa din ang pesteng switch para lumiwanag ang paligid. Kukunsumo ka ng enerhiya sa mundo, at hindi makakaligtas sa patuloy na buwanang pagtaas. Tulad ng pagpasok sa relasyon. Kung gusto mo ng maliwanag, kailangan mong maging handa kung magti-trip ang meralco. Sa huli nasa tao pa din ang desisyon kung magtyatyaga sya sa kapirasong liwanag na bitbit ng pinto, o pipindutin nya ang switch para maging "in-relationship" ang kanyang status sa feysbuk.
Ako? Mas masakit man sa estudyanteng na-rice terraces ang buhok, mas pinili kong maging single.
"Robert Monsood!"
"Sir!"
"Sa infirmary ko tinatapon yung mga estudyanteng hindi ko nakikitaan ng interes sa klase ko"
Tahimik ang buong klase. Kung bawal umutot sa HS. Hindi pwedeng gawing joke yun sa college. Sa kolehiyo ko nalaman na iba ang pagkaing inihahanda ng bawat guro sa iba't ibang estudyante. Depende nalang kung paano mo ito ida-digest. Mas masustansya, mas masarap, at mas maraming pagpipilian. Sa lahat ng "mas" sa sinabi ko, kahit isa wala nang "mas" sasarap pa sa HS. Nawala ang interes ko pagsampa ng kolehiyo. Para wala nang pasakalye, yun ay dahil walang Sophia na nasa tabi ko. Hindi epektib ang isang pagkaing masarap, kung wala ang iyong panlasa. Major, Minor, E Sharp, B Flat, at Vacant. Lahat yun binagsak ko. Nagsipag ako, naunahan pa din ng katamaran. Nagsipag ulit sa pangalawang pagkakataon, mas maganda talaga ang pagkaka tune-up ng katamaran kaya naunahan pa din ako.
Isang taon. Isang taon akong naghanap ng sariling ako. Hindi ko natagpuan. Hindi ko natagpuan ang sarili ko.
"Ayos lang yan Robert. May next time pa!" pangungumbinsi sakin ng klasmeyt kong parang lecture, na kinabukasan hindi ko na tanda ang pangalan.
Hindi ako kumibo. Labas pasok lang ang sinasabi nya. Gasgas na ang tenga ko.
"Isipin mo nalang ang pangarap mo" dugtong nya pa.
"Pangarap ko?" tanong ko sa sarili.
"Oo! Lahat tayo may pangarap. Ang edukasyon ang isa sa tutupad nun. Sangkap! Requirements! Ano bang pangarap mo?"
"Korni e!" sagot ko.
"May pangarap bang hindi korni? Kahit gawin mong joke ang pagsagot sa pangarap mo. Pustahan tayo inisip mo pa din yun"
"Pangarap kong-- Makitang muli ang babaeng nagbigay ng pangarap ko"
"Uy! Ang lalim! Pero may dating!"
"Pero ayokong tuparin yun e!" pagtaliwas ko.
"Bakit? Para saan pa't nangarap ka?"
"Ayokong mawalan ng pangarap, kaya ayokong tuparin"
Nag-paalam ako sa simpleng ngiti. Kahit paano natandaan ko ang mukha nya, kahit hindi ang pangalan nya. Kung makikita ko sya bukas, at magtatanong sya ulit ng pangarap ko hindi ko na alam kung saktong sagot paba ang maibibigay ko. Magulo ang isip ko, kasing gulo ng sinulat ko.
-----
"Hindi ka paba babangon? Masakit sa ulo yan" bungad ni kuya nung buksan nya ang pinto ng kwarto ko.
Inaninag ko pang mabuti ang alarm clock kung may resulta nga ba ang pagtulog ng mahaba. Tanghali na. Sa saradong kurtina ng bintana at kwartong binalutan ng dilim, hindi ko napansin ang bilis ng takbo ng orasan. Sumenyas lang ako sa kanya na bababa na, at binalik ang ulo sa pagkakakomportable nito sa unan.
"Napuyat kana naman sa chatting siguro. Wala ka namang mapapala dyan sinabi ko na sayo. Marami tayong pangbayad ng kuryente, pero wala tayong pambili ng nasayang na panahon" wika nya pa bago tuluyang umalis at muling sinara ang pinto ng kwarto.
Hindi naging maganda ang takbo ng buhay ko matapos lumabas ng ospital. Pakiramdam ko'y marami akong hindi nasaksihang pangyayari sa buhay ko. Masakit pa din ang munting peklat na nasa kanang noo ko, pero wala nang mas sasakit pa nung malaman kong wala na si Robert. Nilakad ko ang kalsadang naging taghanga naming dalawa noon. Rough road ang kalsada noon. Rough din yata ang pag-iisip ni mayor. Sinasalamin nito ang relasyon namin noon na maputik kung tag-ulan, at maalikabok naman kung tag-araw. Kung may maganda pang kwento noon, yun ang mga pagkakataong malandi ang mga kamay ni kupido. Sa kabila ng lahat umaasa pa din ako na sa kalyeng ito, walang bakanteng lote sa dulo na may karatulang nagsasabing dead end.
...
Pumasok ako ng kolehiyo, pero hindi sa dekalibreng eskwelahan. Kundi dun sa mababa lamang. Gusto kong maramdaman ang mga estudyanteng hindi nawawala ang pagiging simple sa katawan. Umaasa ding isang araw na may Robert na susulpot nalang sa klase, ngunit wala. Kahit anong gawin kong pagbali ng pangarap, nanatili pa ding pangarap ang muling pagkikita namin ni Robert.
"Kung hindi ako nagkakamali tapos na lahat ng klase mo" pauna ni kuya na nakaharap sa tv.
Hindi ako sumagot. Dumiretso ako sa kusina. Nagbukas ng ref, at naghanap ng malamig na tubig. Sa pagsara ko ng ref, dun ko lang napansin ang note na nailagay ko kahapon. Pinapaalala nito sa akin ang pag-attend sa launching ng sequel ng Harvest to Heat, sa isang local mall. Mabilis ko itong pinilas, at tinapon sa basurahan.
"Hindi ka pupunta?" pagulat na tanong ni kuya na nasa likuran ko na pala.
"Ayoko na. Hindi ko na nga matandaan kung paano ako nahilig sa pagluluto" dahilan ko.
"May dahilan ba ng paglimot mo?"
"Siguro"
"Hindi ka na bata Sophia. Ang paglimot mo sa isang bagay, ay paraan pa din ng pag-alala mo sa pagkalimot mo nito. Wala kang nalimutan. Gusto mo lang makalimot"
Tinamaan ako sa sinabi nya. May natitira pang oras para humabol sa venue. Mabilis akong nag-asikaso at agarang umalis ng bahay.
------
Binangga ko ang estudyanteng nasa harapan ko lang. Sinadya ko yun, para malaman nyang may susunod pa sa kanya na umaasang may kinabukasan pang dapat igapang. Ngunit mali yata yun. Hindi ko kasi sya tinignan kaya hindi ko napansing may kalakihan ang kanyang katawan. Tumingin sya sa likod. Naghanap ng salarin. Mabilis pa ako sa vampirang tinamaan ng araw nung nagtago.
"Anong ginagawa mo dyan Robert?"
Nilingon ko kung sinong pumansin sa akin. Si Edison, ang chief editor ng school journal. Hindi ko sya tropa, hindi dahil hindi ko sya trip kasama. Kundi ayokong sumama sa mga taong buo ang laman ng bao. Pakiramdam ko kasi napapaligiran din ako ng guro kapag sila ang kasama ko. Sa pagnanais na bumalik ang gana ko sa pag-aaral, sinubukan kong gumawa ng artikulo at ipinasa iyon sa kanila. Hindi ko na alam ang nangyari. Kung na-reject man ang pyesa ko eh wala na akong pakielam. Kung natanggap man, di naman din ako nakatanggap ng kopya nitong taon. Para lang akong nagmasa ng harina na hindi alam kung anung tinapay ang kalalabasan.
"Ikaw pala. Pinagmamasdan ko kasi kung merong chemical reaction ang kalawang at dura dito sa gate" palusot kong korni.
Nabiktima naman ang loko. Agarang lumapit at pinatulan ang kalokohan ko. Nag-isip pa ang matalinong editor. Kung may lente sa paligid malamang ginamit na. Hahawakan pa sana kung hindi nya lang napansing hindi kalawang ang nasa gate kundi tsokolateng natuyo. Kung paano napunta yun doon? Hindi ko na alam.
"Anyway *ubo* kailan ka ulit magpapasa ng article mo para sa susunod na taon?" tanong nya. mabilis na akong nakatakas bago nya pa ako lingunin pabalik.
..
...
....
Sinalubong ko ang mga kaklase kong nakangiti, ngunit nang makita ako ay bigla nalang nalungkot. Kasama naman ako sa listahan ng nabigyan ng regalo noong pasko, pero bakit ganun nalang sila kung tapunan ako ng awa. Inakbayan ako ng kaklase kong sa unang pagkakataon ay parang naalala ko. Sya yung nakausap ko kahapon tungkol sa back story ng pangarap. Tinuro nya sa akin ang kapirasong manila paper na nakasabit sa board. Nakasulat ang pangalan nya sa pinakauna, nung binaba ko pa ang aking mata nakita ko naman ang pangalan ko. Pero noong tinaas ko pabalik ang aking tingin nakita ko naman ang title. Listahan ng bumagsak sa subject. Magkasama kaming dalawa.
"Ayos lang yan! May next time pa!" binalik ko sa kanya ang comforting lines nya kahapon.
Ayos na ayos talaga! Ang natitirang subject ko ngayon wala na din. Nagbagsakan na lahat nang pundasyon ko. Hindi ko na talaga alam ang moves ko sa larong pinasok ko. Naglalaro na sa isip ko ang sasabihin ni ermats, kapag nalaman nya. Tiyak ang pagbalik ko nito sa bahay, pero walang red carpet na sasalubong sakin kundi nakapilang sermon.
Binuhat ko muli ang bag ko na hindi pa nakakasayad sa upuan, at nilisan ang klase.
-----------------
Sakto lang ang dating ko kakaunti palang ang tao. Binalak ko pang magpahuli ng kaunti pero mukhang nauna pa din ako, o talagang konti lang ang darating para sa book launching. Naghanap ako ng magandang mauupuan sa harap, ngunit pinili ko pa ding maupo sa bandang likuran. Sine-setup palang ang maliit na entablado, ganun na din ang sound system. May nakikita pa kong iilang tao na nakasampa na sa stage na mukhang may pasimuno ng event na ito.
"Hindi ka na bata Sophia. Ang paglimot mo sa isang bagay, ay paraan pa din ng pag-alala mo sa pagkalimot mo nito. Wala kang nalimutan. Gusto mo lang makalimot"
Bumalik sa ala-ala ko ang sinabi ni kuya, nung nagpalakpakan ang mga tao sa paligid. Muli akong nakaramdam ng dahilan para makalimot. Yung mga araw naming masaya ang kanyang mga ngiti sa tuwing dinadalhan ko sya ng mga niluto ko. Noong una akala ko hindi nya pa magugustuhan, nung tumagal araw araw nya pa akong inuunahan. Kusa na namang nagbabalikan ang mga nakaraang hindi ko malaman kung saan ko na nga ba naiwan. Tumayo ako. Hindi ko na tatapusin, baka magunita ko lang lahat ng eksena. Nakakadalawang hakbang palang ako, may kung sino nang pumigil sa balak ko.
"Sophia Monsood?! Sophia! Hindi ba ako nagkakamali?" malakas ang boses nya. maliit na babae, may kahabaan ang buhok, at kung hindi ako nagkakamali isa sya sa kasama ni Robert sa club.
"A-Agnes?"
"Oo! Ako nga! Halika dito may ipapakita ako sayo!" mabilis nya akong hinila sa hindi mataong lugar sa venue. May kung anung bagay na dinukot mula sa bitbit na bag. Iniabot sa akin ang isang lumang kopya ng papel. Sa itsura palang mukhang pinilas lang sa isang babasahin.
"School article ito diba?" matapos kong masuri.
"Yup! Bigay sakin yan ng kaibigan ko from their university. Huli ko na din binasa, pero ang pahinang yan ang talagang ikinatuwa ko. Lalo na nung nalaman ko kung sinong nagsulat" paliwanag nya.
Naghalo na ang emosyon ko sa saliw ng tuwa at pagkasabik. Ang pagkasyahin sa pisngi ang aking ngiti ang pinakamagandang regalo sakin ng pangalan ni Robert, na nakalimbag sa mumunting piraso ng papel. Ang daming tumakbo sa isip ko bigla. May mga tanong sa isip ko, na kung paano kung may mahal na syang iba? Paano kung may pumalit na sa pwesto ko sa puso nya? Paano ko sya haharapin? Sa paanong paraan ko sasabihing naging duwag ako noon, para iwanan at kalimutan sya. Mga katanungang nag-uudyok sakin para tuluyan nalang umatras sa laban.
"I have a plan Sophia!" wika ni Agnes.
"Sorry Agnes, hindi ko alam kung magagawa ko ba syang harapin" sagot ko.
"Bakit hindi? Si Robert yun!"
"Yup! Si Robert yun. Pero hindi ko na sya kilala.. Sya pa ba yung Robert na nagmahal sakin? Paano kung.. kung-"
"Kung may girlfriend na sya ngayon?!"
Tumingin lang ako sa malayo, senyales na sumangayon ako sa tanong nya. Sa kabila ng pagkasabik ko sa mukha ng lalaking kahit hindi gwapo, ay nagsilbing prinsipe ng buhay ko. Nag-aalangan pa din ako. Naglalaro sa isip ko ang dalawang bagay na pwedeng maging resulta. Una, ang masayang pagtanggap nya sa akin. Ikalawa, ang malapit sa katotohanang hindi na ako kilala ng puso nya.
"Hindi talaga ako fanatic ng fate. Pero sa ngayon pwede na akong mag-apply para sa membership" biro ni Agnes.
"Sa tingin mo coincidence lang lahat ng ito? Nagkita tayo dito. Bago pa yun nakita ko na ang school article na ito. Parang lahat ng bituin sa milkyway ay umaayon sa inyo. So sa tingin mo coincidence? Fate!" dugtong nya pa.
Napangiti ako sa sinabi nya. Kahit paano may napaghugutan din ako para muling harapin sya.
"Ano ba yung plano mo?" tanong ko.
"Simple lang! Kailangan lang natin ng kaunting tulong ng bestfriend nya"
-----------
Ikot ang utak ko kakaisip ng idadahilan kay ermats. Bakas din sa sahig ang yapak ng aking sapatos kakalakad. Dalawang bagay nalang ang tumatakbo sa isip ko, yun ay kung susuko ako o isusuko ko ang karapatang maniwala sa sarili. May mga bagay talaga na hindi kayang ipilit. Kung pinilit mo at naka-tyamba ka, hindi ito magiging maganda sa paningin ng iba. Umupo ako sa sahig, at nilamukos ang mukha. Kurta na ang isip ko, nagtalsikan pa balakubak ko. Yung mga lumang magazine nagkalat din sa limesa, mga balat ng kendi sa kama, at medyas na pinang-alternate para maging salaan sa gripo. Hindi ko na alam ang nangyayari sa buhay ko.
Sa gitna ng pagmumuni-muni ko at pag-kukunwaring may napala ako. Isang malakas na kalabog sa pinto ang gumulat sa akin.
Hindi ko pinansin..
Ngunit umulit ulit..
Tumayo ako, dumukot ng natitirang pera sa bulsa. Kung ang matandang masungit, kahit isang daang piso mababawasan ang kanyang galit sa mundo.
Hawak ko na ang knob ng bulok na pinto, na may bulok na tao sa loob.
..
...
....
"Brad-pit? Brad-pit?"
Napahinto ako sa boses ng nasa kabila. Kung hindi nagkakamali si Madam Auring na bigyan ako ng problema sa buhay ko. Pinabaunan nya pa ako ng konsumisyon.
"Richard?"
"What the?! Sumali ka ba sa Survivor Philippines?"
"Halata ba?! Teka, bakit nandito ka? Sinong nagsabi sayong--"
"Ang dami mong satsat brad-pit! Sumama ka sakin! May sakit ang nanay mo!"
7 comment/s:
ako ba unang nakabasa nito? :think:
ayus idol may update na.
Ang lalim ng mga concept mo lalo sa chapter nato.
:saludo: talaga ako sayo.
Sana malapit na din ung 28. :rofl:
_cielroi
whew!? ..inde aq fan ng mga pocket books pero pucha bro ang ganda nito, panis ang mga pocket books at telenovela..haha, one of the best na nabasa ko! ..sobrang unique ng story at bawat chapter ibang iba sa mga common na stories ng mga writer ng kapuso at kapamilya..haha! haba na ng comment ko.. lupitan mu ending ah! SURPRISE ME!! (..demanding!?)
..haha, geh b0ss id0l, keep it up.. batse nq, lapet nq matanggal sa trabaho kakabasa ng mga write-ups mu..
- just call me "Die"
P.S. "..sana bukas my updates na.."
di ko sure kung ikaw nauna. salamat idol sa pagbasa, nagpipilit lang magpakalalim hehe!
madaming salamat sa pagbasa sir, at sa kumento. sana swak pa din ang ending nito sa panlasa mo hehehe! di kasi ako marunong mang-surprise e! hehe!
kung hindi busy paki-share sa iba. thanks! :)
hindi ko lang mawari. nag punta si sofia sa mga lugar n pinupuntahan nila noon. ang tanong ko lang bakit hindi kinuha ni sophia ung number ni robert sa nanay nya. edi hindi na xa nag hirap pa.
BTW. ganda lang ng story. pero mejo parang predictable na author. ewan kung ako lang ata. hehe. keep it up sir.
Naisip ko na din yan. Para lang maging complicated hehe. Salamat sa pagbasa sir.
yehey! last chapter na ko...:D
Post a Comment