TEENAGE CAPPUCCINO - Him (Chapter 28)
Nung mga nakaraang araw ang hindi lang pagbayad sa sinasakyan kong jeep, ang tanging kasalanang natatandaan ko. Nakapagsimba naman ako kahit paano, just in case na may impyerno nga. Nakapaglimos din sa mga batang nagrurugby, at nakapaghagis ng konting barya sa nadaanang wishing well. Kaya ganun nalang ang pag-aalala ko noong nag-gate crash si Richard sa lungga ko, na may bitbit na masamang balita. Sa kakamadali nalimutan ko pang magsuot ng medyas sa kaliwang paa. Magulo ang buhok ko, at halata sa itsura ang pagtanda dulot ng problema. Mabilis ang patakbo ni Richard ng kotse. Sa sobrang bilis, muntik ko nang maiwan ang pangalan ko. Kahit siguro si Spiderman na may matinding reflex ay hindi makakaiwas sa humaharurot naming sasakyan.
"Pwede bang bagalan mo?" wika ko.
"Hindi pwede brad! Nasa kritikal ang nanay mo"
"Naiintindihan kita brad, kaso baka unahan pa natin si nanay nyan" paliwanag ko kay Richard, halata namang hindi nakikinig. Binuksan pa ang bintana ng kotse, dahilan sa biglaang pagpuwing ng mga mata ko. Yumuko ako, at bahagya itong kinusot. Napansin ko ang kapirasong papel na nakaipit malapit sa stereo ng kotse. Mukhang pamilyar, hindi sa hitsura. Kundi ang nakasulat dito. Mabilis ko itong dinampot nang hindi nya napapansin. Expert yata 'to sa pagkupit ng barya sa cafeteria.
"Saan pala ulit dinalang ospital si nanay?"
"Malapit lang! Sa sta.ana!"
"Sta. Ana? Sabi mo kanina sa Escolar?"
"Oo! Sa Escolar nga pala!"
Sa sagot nya palang alam ko nang may tinatagong kalokohan ang isang 'to. Nahihiwagaan ako sa biglaang pagdating nya, at kung paano nya nalaman ang lokasyon ko. Muntik ko na ngang patulan yung forbidden books na nabasa ko, para tuluyang hindi makilala ng ibang tao. Tapos ganun nya nalang kadali natunton ang taguan ko. Sa mga ganitong tagpo maasahan ang tiyahin ko, agad syang tatawag sa akin kung may mangyari kay nanay. Pero kahit blangkong text message wala akong natanggap. Kaya umusbong ang malaking question mark sa ibabaw ng ulo ko. Nag-isip pa ako ng paraan para mapaamin sya kung may tinatago nga sya.
"Richard noong first year tayo, diba tumae ka sa cr ng mga babae? Tapos nung second year naman pinitik mo yung tinda sa canteen, kasi sabi ng nililigawan mo kapag nagawa mo yun sasagutin ka na nya?"
"Bakit bigla mo namang naisipang ibalik ang mga kalokohan ko? Matagal na yun! Sikreto pa natin yun, pero kahit ipagkalat mo ngayon wala nang maniniwala sayo" sagot nya.
Palpak! Sa unang pagkakataon parang ngayon ko lang nakitang matured si Richard. Kadalasan kasi ang pagsabit lang ng pangalan nya sa listahan ng noisy sa klase, ay halos dukutin nya na ang dila ng magaling na tagalista. Pero ngayon ibang iba na sya. Napaisip tuloy ako kung ako nalang yata ang naiwan ang isip sa high school.
"Linawin mo nga ako Richard" matalim ang tinig ko, baka sakaling mapaamin ko sya.
"Anong totoong nangyari kay nanay? Yung totoo!" tanong ko.
"Sinabi ko na sayo diba? Bakit ba ang dami mong tanong?" naiinis nya nang sagot.
Hindi ko na napigilan. Iniharap ko sa kanya ang kapirasong pahina ng papel na nakita ko lang kanina. Ibinandera sa mukha nya, na syang ikinagulat nya.
"Ito! Ano 'to?"
"Papel"
"Alam ko! Sa university namin ito. Ako sumulat" pagyayabang ko, pero sa loob loob ko may konting awa sa sarili. Nasama pala ang isinulat ko ngunit wala akong natanggap na kopya, kahit pa i-inform lang ako di pa nila ginawa. Sumabit tuloy sa isip ko ang tumatawang mukha ni Edison.
"Talaga? Tingin nga!"
"Umamin ka nga! Kapag di kapa nagsalita sasabihin kong may gusto ka kay Agnes!"
Muntikan nang sumabit ang pangalan ko sa listahan ni San Pedro sa mga nag-suicide. Hindi pa yata ako makakapunta ng langit nung halos mabigti ako sa seat belt, dahil sa lakas ng preno ni Richard. Agad nya akong nilingon na parang nabiktima ng mga shocking videos sa youtube.
"Paano mo nalaman?" mabilis nyang tanong. Natatawa naman ako sa kaibigan. Hula lang ang lahat at naka-isa naman.
"Halata naman! Pero hindi ko sasabihin! Umamin ka muna" pananakot ko.
"Oo na! Oo na! Si Sophia at Agnes ang nagplano nito"
Nagdilim ang paningin ko, at tuluyang hinimatay. Pero di pala bagay sa eksena, kaya napahinto nalang ako sa sinabi nya. Dinukot ko pa ang tenga ko gamit ang hinliliit, baka mali lang ang dinig ko. Ine-rewind ko sa isip ang sinabi nya, at ang mismong pagbigkas ng kanyang mga bibig sa pangalang Sophia.
Nagbalikan lahat ng pwedeng ma-flashback ng isip ko nung narinig ko ang pangalan nya. Mula sa una naming pagkikita hanggang sa huling gabing kasama ko sya. Pabilis ng pabilis ang tibok ng puso ko. Non-stop din ang pangangatog ng mga tuhod at paa ko. May dumaloy na kuryente galing sa mga ala-ala ng nakaraang pilit kinakalimutan, nasa isang iglap lang ay kasing bilis ng balita kung manumbalik. Hindi ko na alam kung ano pa susunod kong gagawin.
Makakaya ko ba syang harapin?
Masasabi ko bang naging duwag ako para lumayo?
Malaya ko pa kayang maihayag sa kanyang mahal ko pa din sya?
"Brad-pit, ihinto mo. Bababa ako"
"Kanina pa tayo nakahinto"
-----------------
Nakadalawang litrong kape na yata si Sophia sa sobrang pagkainip sa pagdating ng sundo ng kanyang prinsipe. Nabasa na nya lahat ng nakalatag na magazine sa marmol na limesa. Lagpas na din sa kalendaryo ang bilang ng mga tanong nya kay Agnes, na kung anong unang gagawin nya sakaling dumating na si Robert. Sa isip nya kumpleto na ang script na ibinigay ng author, pero sa tuwing iisipin nyang kaharap nya na si Robert, kasabay nito din ang pagka-mental block ng may akda. Tayo, upo, tatayo ulit, at pagkatapos ay babalik ulit sa dating pagkakaupo.
"Mag-relax ka nga muna.." naiilang na wika ni Agnes.
"Darating pa kaya sya?" tanong ni Sophia.
"Oo! Sigurado akong kakagat sya sa plano natin" pilit na sagot ni Agnes.
"Dalawang oras na yata tayong naghihintay, wala pa din kahit ang anino nya"
Wala nang maisip na isasagot si Agnes. Wala na din syang naiiwang ideya para pakalmahin ang kaibigan. Nasabi nya na yata lahat ng advice at comforting lines para lang matigil sa pagkabato si Sophia. Isa, dalawa, tatlo, hanggang sa maubos na lahat ng laway nya kakalunok. Walang Robert na dumating. Lubha na syang nababahala kung darating paba ang dalawa.
"Suko na ko!" nagmamaktol na wika ni Sophia. Tumayo ito, at nagpagpag ng mga kamay.
"Sumusuko ka na agad?" pahabol na tanong ni Agnes, sa kaibigang nagbabantang mag walk out.
"Oo! Hindi sya darating! Hindi na nya ako mahal!"
"Darating sya! Mahal ka nun!"
"Mahal? Tinaguan nya nga ako e!"
"Hindi nya naman kasalanan yun Sophia. Nagpakalayo lang sya para makalimot. Tulad mo, nagdesisyon din syang manahimik nalang. Parehas lang kayong walang ideya kung nasaan ang isa't isa" muling paliwanag ni Agnes.
"And that's because of fate?" naiinis na tanong ni Sophia.
"Oo! Lahat ng nangyayari may dahilan. Kahit pa ang pagtubo ng rosas sa pader may malalim na rason. Sadyang mapaglaro lang ang kapalaran. Natapat kayo sa puntong kailangang subukin ang nararamdaman ng bawat isa"
Natahimik si Sophia. Nagkaroon ng bahagyang liwanag sa kanyang mukha. Bumalik sa pagkakaupo, at sinimulan na namang basahin ang mga magazine, na kanina nya pa yata kabisado. Bahagyang tumingin kay Agnes, at nagpakawala ng malalim na buntong hininga.
"Mahal ko sya.. Mahal ko sya Agnes, kung meron bagay na nanaisin pa ang isang tulad ko. Walang iba kundi ang makasama sya" sa mababaw na tinig. Sinuklian sya ng kaharap ng napakagandang ngiti.
..
...
....
Tinitigan kong muli ang aking mga paa, nakasayad pa naman ito sa lupa. Kinurot ko pang maigi ang aking pisngi at pinitik ang mga tenga't daliri, nakakaramdam pa naman ako. Inayos ko ang gusot kong buhok gamit ang mga kamay. Chineck kung naayon pa ba ang amoy ko, o pwede na ba akong gawing human sample sa bagong deodorant na pinagmamalaki kanina lamang sa telebisyon. Ayos pa naman.
Naglalaro sa isip ko ang mapanukso nyang ngiti. Ang kanyang mga tawa na nakakagayuma. Lalo na ang mga yakap, akbay, at batok nyang nakakabuhay ng patay. Natatawa nalang ako kapag naalala ko ang nakaraan kung paano kami mabilis na nagkahiwalay, ay ganun din kabilis kung paano kami ulit magtatagpo.
Hindi mapakali ang takbo ng hangin sa paligid. Masaya ako..
Ngunit..
May maliit na pangamba na syang nanguna sa pagkatao ko. Binalot ako ng mga tanong sa isip. At sa halip na tumuloy at sumang-ayon sa binabalak nilang pagtatagpo. Mas pinili kong magpaiwan, at pakiramdaman kung tama pa ba ang nararamdaman ko para sa kanya.
"Maraming salamat brad-pit.. Hindi lang dito, kundi sa lahat" masaya kong tugon.
"Sigurado ka naba dyan?" muli nyang tanong.
"Oo.. Siguro! Kung ito ang itinakda para sa amin, kahit siguro ang mala-dragong tinig ni Ms. Ramirez noon ay hindi ito magagawang pigilan" paliwanag ko pa.
"Brad.." paputol nyang wika.
"..."
"Masaya ako para sayo" dugtong nya.
Isinara nya ang bintana ng kotse, at tuluyang inapakan ang gas. Nagpakawala pa ng ilang busina, bago tuluyang humarurot. Kumaway lang ako, at naglakad ng deretso.
Pinagmasdan kong maigi kung may nagbago pa sa natural na kagandahan nya. Tulad ng inaasahan ang pangalawang tirahan ko ay ganun pa din. Lalong lumakas ang tibok ng puso ko, nung nakatapak ang paa ko sa harap ng gate. Lahat ng memorya ko noon ay nagbalikan. Ilang beses din akong nagpabalik balik dito. Ilang beses din akong nahuli sa bawat klase. Hindi ko inakala na darating ang araw na ito, tatapak muli ako sa mahal kong eskwelahan. Dito ako nagsimula, dito kami nagsimula.
Diretso kong tinahak ang quadrangle. Tumama sa mata ko ang dati naming tambayan. Kahit pa pugad na sya ngayon ng alikabok, at tuyong dahon pinili ko pa ding maupo. Iniangat ko ang aking paa sa harapang upuan na yari sa bato. Inilapat ang dalawang kamay sa likod ng ulo, at bahagyang isinandal.
Ipinikit ko ang aking mga mata..
Maya maya pa kusang bumabalik ang ingay ng mga estudyante sa paligid. Ang sarap sarap pakinggan. Musika ang dating nito sa aking tenga. Muli akong humiling na kung pagbibigyan lang sana akong ibalik ang pagkakataon, mas nanaisin kong habang buhay maging parte ng HS.
Umihip ng bahagya ang hangin. Nandilat ang aking mga mata..
..
...
....
"Mr. Monsood?" Isang estudyante.
"O-oo, paano mo nalaman pangalan ko?" nagtataka kong tanong.
"Ikaw po ba ito?" sabay abot sakin ng isang lumang larawan.
"Saan mo nakuha ito?"
"Doon po!" masaya nyang sagot, habang itinuturo kung saan nya ito nakuha.
"Thanks! Akin nalang ito ha!" ginusot ko pa ng bahagya ang buhok ng estudyante. Tumayo ako. Sinipat ng aking mga mata ang gusali kung saan kami dapat magkikita noon. Nagsimula uling maglakad ang aking mga paa.
"Saan ka pupunta?!"
"Babalikan ko ang iniwan ko.." nakangiti kong sagot.
-----------------
Darating na sana sa puntong ayawan na, nung dumating si Richard. Hindi magkandatuto ang ulo ko kakasipat kung kasunod nya bang papasok si Robert. Lima, hanggang sampung minuto. Walang Robert na sumunod.
"Nasaan na sya?!" galit na tinig ni Agnes.
"Sorry guys.. Ginawa ko lahat para makumbinsi sya" mababaw na tinig ni Richard.
"Bakit? Anong nangyari?! Sinunod mo ba ang sinabi ko?" si Agnes.
"Oo, inamin ko na nga sa kanyang nandito si Sophia e" sagot ni Richard.
Hindi ko na napigilan pa ang kanina pang nangingilid na luha. Kusa na itong nagbagsakan, at tuluyang binasa ang kaninang tuyong pisngi. Dinaig ko pa ang taong may buhat ng mundo, ng madinig ang sinabi ni Richard. Alam ni Robert na nandito ako, pero hindi man lang sya nagbigay ng panahon para makita ako.
"Sorry Sophia.." wika ni Richard habang tinatapik ang balikat ko.
"Ano pa bang kulang? May dapat pa ba akong gawin?" tanong ko. Hindi nakasagot ang dalawa. Natahimik sila, at tanging ang hikbi ko nalang ang nangingibabaw.
"Gusto ko ang linya mo!"
Lahat kami napalingon sa nagsalita. Si kuya. Dahan dahan syang naupo sa tabi ko, at niyapos yapos ang aking ulo. Bahagya nya ding pinunasan ang mga luha ko na nagbabadya nang maging sanhi ng baha.
"Nagawa mo nang lahat. Wala na ding idadagdag pa, para mapunuan ang sinasabi mong kulang. Ngayon ang tanong ko. Kuntento kaba sa ginawa mo?" speech nyang mala Ronald Reagan.
"Kuntento ba ako sa ginawa ko?" bulong ko sa sarili.
..
...
....
Kuntento ba kong nandito lang? Ako ang umalis, at nang-iwan sa kanya. Tumayo ako sa kinauupuan. Inihinto ang pagpapadaloy ng tubig na maalat.
"Saan mo sya ibinaba Richard?"
"Kung saan mo sya iniwan.." nakangiti nitong sagot.
Hindi na ako nagsayang ng oras. Kusang nag-utos ang aking puso para hanapin ang naiwang kabiyak nito. Tama si kuya.. Nagawa ko na ang lahat, at.. "Ako" nalang ang kulang.
"Bilisan mo! Naghihintay sya sayo!" pahabol ni Richard.
3 comment/s:
hay nakakabitinn...hehehe...thanks ganda ng chapter na to...1 chapter na lang diba author...?
Yup last na. Salamat sa pagbasa sir.
kakabitin...pero ok lang update pa boss
Post a Comment