Overpass


Si Rona! Si Rona! Puro nalang si Rona! Hindi naman ako emo, pero palagi nalang may eyebag. Gawin ba namang tambayan ng mukha nya ang isip ko. Madalas na din ang kantiyaw sakin ni Jasper sa trabaho, puro daw kasi Rona ang bukang bibig ko. Siguro mas may ilalakas pa ang tawa nya, kapag nalaman nyang hindi Rona ang pangalan ng babaeng laging bida sa kwento ko. Gawa gawa ko lang yun. Napulot sa babasahin. Ang totoo kasi hindi ko talaga alam ang pangalan nya. Para lang may nababanggit akong pangalan, sa tuwing trip kong magmuni-muni kasama sya.


Nasa katinuan pa ang pag-iisip ko noong araw na nakasalubong ko sya sa overpass. Nasa kanya ang korona pagdating sa pagiging simple. Hindi sya yung tipong "the sweetest taste of sin" sa unang tingin. Walang arte sa katawan. Walang burloloy, walang make-up, at hanggang sa nakalagpas sya sa kinatatayuan ko ay wala akong nasabing salita. Nasira yata ang paniniwala kong libog lang ang love at first sight, nung nagtama ang aming tingin nung sumunod na araw. Simula noon, araw araw ko na syang hinihintay sa overpass bago dumiretso sa trabaho. Naging instant stalker ako na nagnanakaw ng pasimpleng tingin sa kanya.


Lumakas lalo ang pananalig ko noong isang beses na nginitian nya ako. Nagawa pa nyang huminto, akala ko makikipag kamay na sakin. May sinagot lang palang tawag sa cellphone. Assuming naman ako, pero deep inside mula Mendiola hanggang Edsa ang saya ko. Hindi ko din malimutan nung isang beses na nagkunwari akong naliligaw para kunwaring makapagtanong ng direksyon sa kanya.


"Taga dito ka lang diba? Madalas nga kitang nakikitang tumatawid dito e" nagtataka nyang sagot.


Kahit pa napahiya at least nare-recognize nya ang pagmumukha ko. Sa sobrang tuwa ko nga, may naghagis ng konting barya sa paanan ko. Akala siguro nahihibang na ako. Sinundan pa yun ng madaming pangyayaring tulad nun. Sa dami nun kahit isang beses di ko pa din nagawang itanong man lang ang tunay na pangalan nya. Ang hina ko talaga. Akala ko talaga hindi totoo ang torpe sa mundo.


"Si Rona! Si Rona! Lagi nalang si Rona!" wika ni Jasper.


Lagi nalang sya ang binabangka ko sa tuwing nasa inuman kami ni Jasper. Palibhasa sawa na ang loko, dinadaan nalang sa videoke ang pakikinig sa kwento ko.


"Ipapaputol ko daliri ko kapag nakapagtapat ka pare" wika ni Jasper, habang paputol putol na binabanatan ang kantang evergreen sa videoke.


"Kulang lang ako sa timing pre. Malas kasi ang tyempo sa tuwing magkikita kami e" sagot ko habang hinihimay ang dinuguan na pulutan.


"Malabo pa sa sabaw ng dinuguan yang sinasabi mo pre! Mabuti pang yung pinsan ko nalang na nirereto ko patusin mo" muling kantiyaw ni Jasper.


"Fate ang tawag sa sinulid nagdudugtong sa dalawang puso. Hindi ako mapagpatol sa mga ganyan"


"E bakit ka may facebook?"


"Para in! Parang cellphone lang yan, kapag wala ka kalahi mo si barok" sagot ko.


"Ito daliri ko" pang-aasar nya pa.


"Tignan lang natin kung paano mo unahan ng sorry, ang pagpapaputol ng daliri mo kapag naging girlfriend ko na sya" masiwal kong sagot, kontra pang-aasar nya.


Gabi na nang matapos ang inuman. Nagsisimula palang mag-warm up ang mga bebot sa kalsada . Lasing na ako. Wala pang dalawang oras ubos na agad ang sana'y pangbayad ko ng upa. Tulad ng nakasanayan dinaan na naman ako ni Jasper sa kwento, sa tuwing lalapit na ang lalaking naniningil ng bayad. Hilong hilo pa ako nung binaybay namin ang kahabaan ng Boni Highway. Sama na nga ng mga tingin samin ng tambay. Kakamadali ko may natapakan pang hindi kanais nais.


Umabot din kami sa overpass bago pa ako ma-dehydrate. Hahakbang na sana ang mga paa ko paakyat, nung nakita ko sa kabilang dulo si Rona. Nagkislapan ang mga mata ko. Xmas light lang ang dating.


"Si Rona!" sigaw ko.


Bitbit ang lakas ng loob na hiniram sa alak, matutupad na ang pangarap kong makipagkilala sa kanya. Wala akong minutong sinayang, imbes na umakyat ng overpass tinawid ko ang kalsada at nakipag-patintero sa humaharurot na mga sasakyan. Dinaig ko pa si Tom Cruise sa mga damoves nya. Hayop talaga yung adrenaline rush ko nung mga sandaling yun. Siguro kung nakatingin sya sa akin, mapapabilib ko sya sa mala-action star kong galaw.


Ngunit nawala ang ngiti ko nung umalis ang huling jeep na nakaharang sa harapan ko. Nakita kong katabi na ni Jasper si Rona. Malakas ang tawa ng kaibigan ko. Mas malakas pa sa tawa nya noon. Kung abot lang siguro ng mga kamay ko ang leeg nya, sinakal ko na sya.


"Ito ba si Rona? Pinsan ko 'to! Yung nirereto ko sayo!"


Namula ako sa kahihiyan. Nawala ang tama ng alak. Hahakbang na sana ako papalapit sa kanila, nang isang kotseng humaharurot ang napansin kong nakatumbok sa akin.


-wakas-

0 comment/s:

Post a Comment