TEENAGE CAPPUCCINO - Promise (Chapter 25)
Tik..
Kitang kita ko pa kung paano nagliliparan ang laway ni Ms. Ramirez habang nile-lecture ang life cycle ng mga ipis. Hangang hanga naman ang kaklase kong nasa harapan, habang sinasalo lahat ng produkto ng matandang dalagang guro ko.
Tak..
Nilalabanan ko nalang ang antok. Ilang minuto nalang kasi matatapos na ang klase nya, at pwede ko na ulit makasabay si Sophia sa break. Wag ko nga lang talaga maalala yung mga ipis sa kwento nya. Hindi pa nakuntento nagbigay pa ng homework. Life cycle naman daw ng langaw at bulate. Kapag pagsasamahin mo lahat ng natutunan ko sa klase nya, pwede na kong gumawa ng thesis patungkol gobyerno.
Tik..
Linsiyak na oras 'to. Mentras hinihintay parang ayaw namang gumalaw. May ilan akong kaklaseng napapahikab na, habang ang iba ay nag-iisip na ng kani-kanilang ipangdudugtong sa buhay na matatagpuan sa canteen. Si Richard abala sa pangongopya ng notes kay Sophia, di na naman kasi tinamaan ng sipag sa pagsusulat noong nakaraang linggo.
Tak! Syet!
Bigla kong naalala yung love letter ni Sophia dun sa side table ng kama ko. Iniwan ko lang yun dun kaninang umaga. Dahil sa sobrang antok kasi, ang pag-aayos lang ng nagulong picture frame namin ang nagawa ko. Basta ko nalang nilapag dun, pati yung personalized na mga mug na niregalo nya hindi ko pa na di-display sa estante. Anim na mug yun! Kada isang mug eh isang letra ng pangalan nya! Iniisa-isa nya pa ang bigay sakin kada buwan. Anim na mug na kumunsumo ng anim din na buwan. kahit paano nakisama naman ang kupidong may hawak ng kasunduan ng pag-iibigang, wala nang mas kokorni pa.
Hindi inaasahan..
Hindi namamalayan..
Mabilis lang niluma ng nagdaang buwan ang keypad ng aking cellphone, pero hindi ang tambalang asin at asukal. Nalagas ang mga dahon, at nagkalat sa kalsada ng pag-ibig. Dinuyan ng ulan, at dinala sa huling hantungan. Sumisikat at lumulubog ang araw, para lang ipaalala saking may dahilan ang mga mata itong para gumising.
..
...
....
Ano ba ang LITERAL sa pagmamahal?
Tulad nang napapanood mo at nababasang love story. Hindi kami nakaalis sa parteng "away-bati". Nag-aaway kami sa walang kwentang bagay, at nagkakaayos din matapos malamang hindi pala magandang mag-away habang nagte-text lang. Pasok din sa kategorya ng kalandian ang pagseselos. Nagselos sya nung nalaman nyang karibal nya si Julia Montes, kahit pa pantasya ko lang yun kasunod ni Eula Valdez. Selos din ang nararamdaman ko kapag ine-entertain nya ang fans club nya sa cooking class, kahit pa nasa isip ko lang yun. Nalaman ko ding may igaganda pa pala ang handwritings ko, matapos makapagsulat ng isang kahong love letters na wala kang ibang mababasa kundi "i love you" "i miss you" at "I really miss you" kahit pa araw araw naman kaming nagkikita. May mga date kaming sobrang memorable sana kung natuloy lang. Mga projects ni kupido na pinagpuyatan. Assignments at lambingang pinapasa sa bawat isa. Pressure na exams na dinadaan nalang sa ngitian, kung minsan may konting halikan. Kung ang pag-ibig ay iikot lang sa apat na sulok ng eskwelahan, mas pipiliin ko pang mag back subject at sumulat ng promisorry note kay kupido, at sasabihing pasensya na at nahuli ako sa klase mo.
----------
Tik..
Natatawa pa ako matapos kong lisanin ang board, kung saan nakapaskil lahat ng may karapatang mapaskil lamang ang pangalan. Sa club na kinabibilangan ko, hindi na nakakapagtaka na nakuha ni Agnes ang dalawang titulo sa inter school writing competition. Habang napasakamay ko naman ang titulo ng tagapalakpak. Sigurado magiging iskolar sya sa kolehiyo, at magkakaroon ng pangalan sa publiko. At magiging tanyag din ako sa pagsusulat sa armchair ng upuan, o di kaya sa bus.
Naglakad pa ko ng konti para lang makaiwas sa bintana ng faculty. Naalala ko pa ang sinabi ni Ms. Ramirez sakin na ako lang daw ang estudyanteng takot sa kanya, hindi ko naman masabing kung alam lang nya na kada magsasalita sya lahat ng estudyante halos maubos lahat ng kuko sa daliri sa takot sa kanya. Tinawag din ng pansin ko ang stage sa quadrangle, kung saan madalas na parokyano si Richard. Mahilig syang sumayaw kaya sya napadpad sa dance club. Hindi man sila nagwagi ngayong taon, nagkaroon naman sila ng sideline tuwing fiestahan sa baranggay.
Tak..
Winagayway nya ang kanyang kamay para masilaw ako sa kulay nito, na pinaglihi sa langit. Ngumiti ako habang tinatakpan ng aking palad ang aking mga mata, maka-iwas lang sa sinag ng araw. Maganda at may katuturan ang titig nya habang pinagmamasdan akong papalapit sa kanya. Minsan di ko maiwasang mag-isip kung bakit nga ba binigyan ako ni bro ng ngiti na hindi kayang mapawi.
Nakaupo sya sa waiting shed sa gilid ng mga halaman. Nakapatong ang dalawang kamay sa kanyang mga hita. Huminto ako, para kurutin ang sariling pisngi. Baka magtrip na naman ang tadhana at malaglag ako sa gilid ng aking kama. Pero ang lakas ng tibok ng dibdib ko na walang pinagbago mula nung naglakad sya papalapit sa akin, ay syang nagpapatunay na hindi kailangang maging gwapo kapag susubok kang manalo.
"Mainit ba?" pauna nya.
Tumingin pa ako sa paligid, nakita kong may mga estudyanteng nakapayong at nagmistulang boracay ang quadrangle. Sabay balik ng tingin sa kanya.
"Wala akong dalang payong e!"
Sinilip nya kung saan nanggaling ang sagot ko, matapos malaman ang wala binaling ulit sakin ang atensyon.
"Aalis na ba tayo?"
"Maaga pa, tambay muna tayo" wika ko sabay upo sa tabi nya.
Maganda talaga ang view ng eskwelahan mula sa kinauupuan namin, kaya siguro ito ang napili naming tambayan. O nagsawa nalang din ang ilong ko sa amoy ng basurahan sa canteen. Mula dito tanaw ang kabuuan ng quadrangle, canteen, dalawang gusali ng junior at senior, guard house, mga estudyanteng papasok na may blangkong notebook, at lalabas na may baong reviewer na kakailanganin para mabuhay.
Masaya ang HS. Kung maaari ayokong isiping may kamay ang orasan. Buti nalang biniyayaan ang tao ng pag-iisip na kayang kayang balikan ang nakaraan, hindi lang para isipin kundi ngitian.
Tik..
Nakasandal ang ulo ko sa pader, habang nakasandal ang ulo nya sa balikat ko. Sumasabay ang tingin sa kung saan ito dalhin. Presko ang ihip ng hangin, kahit pa uso ang global warming. Binuksan ko ang bag ko, dinukot ang kapirasong puting envelope. Inangat ito gamit ang dalawang kamay sa pataas na direksyon. Nagtataka naman si Sophia, mabilis nya itong inagaw at agad na binuksan. Kung SARS ang laman siguradong nadali sya ng kanyang kyuryosidad.
"Cute!" bilugan ang kanyang mata habang tinititigan ang litrato na nilalaman ng puting envelope.
"Kahapon ko pa dapat bibigay, ngayon ko lang naalala. Nalukot tuloy yung--"
Hindi pa ko tapos magpaliwanag ng alamat ng litratong nalukot, eh halos ilaglag nya na ko sa upuan. Sa sobrang tuwa agad nya akong niyakap. Tumilapon lahat ng laman ng bag ko sa maalikabok na lupa. Isa isa kong pinulot, kung pwede lang sa kanya ko ito ipadadampot. Pero dahil ang mga ngiti nya ang nagsasabing habang buhay akong alipin na walang sweldo, e sobrang swabe lang ang lahat.
Tak..
"Kuha natin to nung christmas di ba? Bakit na sayo?"
"Camera ni Agnes ang ginamit, Si Raymond ang kumuha"
"Nice! Ipapa-frame ko ito, at ilalagay sa side table ng bed ko"
Matapos kong ibalik lahat ng nalaglag na gamit sa loob ng bag, balik sa normal ang lahat. Yung kaninang saya isang kisapmata lang biglang naging nakakabinging katahimikan. Kahit anong gawin naming pamemeke hindi namin pwedeng dayain ang reyalidad.
"Tuloy ba alis mo?" mapangahas kong tanong.
Seryoso na sya kahit pa pinipilit nalang pangitiin ang sarili, sa kapirasong litratong magisislbing ala-ala nalang sa magdaraang isang linggo.
"Kinausap na ako ni Dad last night. Baka hindi na ako maka-attend ng graduation"
Dehins ko nang nagawa pang bumuntong hininga, o magbaba ng balikat. Matagal ko nang tanggap, pero may namumuong pagnanais sa likod ng pagtanggap na yun. Na sana magloko ang dapat magloko. Masira ang dapat masira. Gumuho na ang mundo kung guguho. Wag lang matuloy ang hinihintay ko.
"So wala na palang plan B, sa istoryang 'to"
Hindi sya sumagot. Hindi nya siguro alam ang sasabihin, o nanawa na din syang dayain ang sarili.
"Robert, tumatanggap kaba ng pangako?"
Kung mangangako syang babalikan ako matapos ang isang libong taon sa ibang lugar. Sa loob ng isang libong taon malamang limot ko na yun. Mahirap umasa sa isang bagay na walang kasiguraduhan. Ang masakit ay yung maramdaman mong hindi mo na alam kung bakit kapa naghihintay.
Tik..
"Sa graduation.. Kapag dumating ako bago o after ng ceremony, maitutuloy ba natin kung anong nasimulan natin?"
"Sinasabi mo bang may pag-asa pang mag-stay ka dito?" balik tanong ko.
"Kung makikisama lang ang lahat, bakit hindi!" may pananabik sa tono nya.
Gusto kong tumutol sa ganung usapan. Hindi naman ako tanga o sinilang kahapon para lang maniwala sa ganun. Pero kung yun lang ang paraan para dayain ang napipintong pagbagsak ng tower of pisa, meron pa kong natitirang isang linggo para bigyan ang sarili ng lakas ng loob.
"Sa mismong graduation, nasa mismong ground lang ako. After, nandoon lang ako sa rooftop ng senior.. Dun kita hihintayin! Wag mong aalisin ang mga ngiting yan kapag nagkita tayo" wika ko habang pinipisil pa ang kanyang ilong.
Ayoko nang sundan pa ng tanong na "Paano kung hindi ka dumating?" dahil sigurado kapag wala kahit anino nya, baka mula dun tumalon na ko. Pinagpagan ko pa ang ilalim ng aking bag, nung napuna kong may natirang alikabok pa. Tumayo ako at hinila sya pasunod sa akin. Hinawakan ng mahigpit ang kanyang kamay. Bawat minuto hindi makakalagpas sa akin. Gusto kong magkaroon ng dahilan ang bawat ginagawa ko sa kanya, at kahit paano magmistula sanang pahina ng libro nasa kahit anong oras ay pwede mong balik-balikan.
"Uwi na tayo, hatid na kita"
"Sige!"
----------------
Umuulan noon, at walang tigil ang kidlat. Kakamadali kong makauwi ng bahay, di sinasadya nadapa pa ako. Gasgas ang tuhod ko, kung mamalasin may sinturon pang maghihintay sakin. Wala akong maisip na dahilan na pwede kong ipagsinungaling kay nanay. Dahan dahan pa kong pumasok ng bahay, pero nabigla ako nung walang sumalubong na sermon sa akin. Tahimik at misteryoso ang apat na sulok ng tahanan ng mga Monsood nung gabing yun. Dali dali akong umakyat ng kwarto, kumuha ng pamalit na damit at agad dumiretso sa banyo.
Minadali ko pa ang pagligo, para kung sakalin dumating si nanay e wala syang makikitang ebidensya ng kakulitan ko. Bubuksan ko na sana yung pinto nung marinig kong may taong pumasok sa loob ng bahay. Kung hindi ako nagkamali nasa tatlo o apat sila.
Napaupo ako sa takot, nung sinundan ito ng malakas na iyak.
Kasunod ang pagsigaw ni nanay ng patay na si itay..
Hindi ko maiwasang hindi balikan ang nakaraan sa tuwing makakaramdam ako ng lungkot. Yun na siguro ang darkest days sa buhay namin ni ermats. Ngayon ang kwartong ito, litrato at cellphone na nasa harapan ko. Ang magsisilbing ikalawang yugto ng pinakamalungkot na araw ng buhay ko.
"Tatawagan ko ba sya?" tanong ko sa sarili habang paulit ulit na binabasa ang kanyang nakaraang mensahe.
"Baka busy na sya sa pag-aayos ng kanyang mga gamit" dugtong ko pa, habang pinag-iisapan kung lulukutin ko ba ang litrato naming dalawa, o pipilasin nalang.
..
...
....
Bukas na ang graduation. Plantsado na ang mga isusuot ko, pati panyo't brief hindi nakaligtas. Pwera ang nararamdaman ko ngayong gabi. Gusot na gusot di lang ang mukha ko, pati na din ang puso ko na umaasang may tangang pipindot ng button ng kapalaran.
"Gusto kitang makita" sabi ko sa larawan.
"Gustong gusto.."
-------------
Sophia
Nakahanda na ang lahat. Sarado at nakakandado na ang maleta na tanging ala-ala nalang ang libreng makakasama. Nakahiga ako habang pinagmamasdan ang mga sulat nyang idinikit ko sa study table sa loob ng aking kwarto. Hindi ko alam kung paano pagkakasyahin ang emosyon ko sa huling gabi na syang pinakamalungkot na parte ng buhay ko.
Mapagbiro talaga ang tadhana. Pinatunayan na naman ito nang sakin tumapat ang arrow ng roleta na may nakasulat na salitang "Yari ka!". Kung kailan naman nabigyan ako ng dahilan para sumaya, ganun din ang dahilan kung paano nya ito kinuha.
Tak..
Time is running out. Kung hihiga lang ako dito, at hihintaying patayin ng sariling kalungkutan eh wala talagang mangyayari. Tumayo ako at mabilis na dinampot ang aking cellphone. Pero bago ko pa tuluyang i-dial ang kanyang numero, ay naunahan nya na pala ako.
"Robert, nasan ka?" mabilis kong tanong.
..
...
....
Tik..
Umuulan, at malakas ang bitaw ng hangin sa paligid. Pero hindi alintana ang sipon at ubo. Bitbit ang maliit na payong at suot ang asul na raincoat, lakas loob akong tumungo sa gate ng eskwelahan kung saan kami posibleng huling magkikita. Bago pa ko umalis ng bahay sinabi kong hindi ako iiyak kung sakaling may nakaka-iyak na eksena sa kwentong to.
Ngunit hindi ko na napigilan ang emosyon nung makita ko ang prinsesang naglagay ng kulay, at nagpinta ng bahaghari sa huling taon ko, bilang estudyante ng HS. Binuksan ko ang payong. Agad ko syang sinalubong, sakto lang talaga ang ulan para tuluyang punasan ang luha na hindi ko alam kung tuwa o lungkot ang pinaghuhugutan.
"Sana magkasakit ka" bungad ko.
"Para ano? Para hindi matuloy ang alis ko?"
"Oo! Kung ako magkakasakit, walang kwenta! Sa graduation lang ako mawawala" sagot ko, habang nilalayo sya kung saan mas malakas ang patak ng ulan.
"Wag nga yung ganyan! Ayoko pa ding magkasakit ka"
Natigilan pa ko sa sinabi nya. Kahit paano nabawasan ang hinanakit ko sa mundo. Nakapa ko pa sa dilim ang katiting na liwanag. Pero dahil sa malakas na hangin, agad nitong tinangay ang saya at pinalitan ng lamig at walang humpay na pananalasa ng ulan sa dalawang taong nasa binggit ng pagkawalay.
"Sophia, mas may maganda ka pa bang pangako?"
Tumingin sya sa akin habang nagpapagpag ng nabasang laylayan ng suot nyang jacket.
"Sorry pero wala"
Napalunok ako sa sinabi nya. Sakto na sana ang flow, medyo romantic na sana kaso pakiramdam ko'y sinira nya ang daloy ng emosyon ng kwento.
Tak..
Tik..
Tak..
"Wala na kong pwedeng ipangako sayo, kundi balikan ka at tapusin ang kwento nating dalawa"
Lalo pang lumakas ang buhos ng ulan. Kahit pa pilit kong itago ang korning emosyon at luha, ay napansin nya pa din. Mabilis nya akong niyakap, di alintana ang basa kong raincoat. Sa yakap na yun siguradong mami-miss ko talaga sya. Ang pesteng kamay ng orasan na kanina ko pa naririnig ay walang tigil na pumapatay sa akin.
Pero wala akong magagawa, tulad ng sinabi ko.. Ginto ang orasan at hindi kukupas para lang hintayin kami. Ang muling pagbangon at pagsabay nalang sa ikot nito, ay matatawag nalang na tadhana. Kung tinadhana nga kami, walang kwenta ang pagiging ginto ng orasang hindi humihinto.
Time's up!
May tamang oras din para sa lahat. Maging tao, hayop, bagay, kwento, at pag-ibig. Lahat apektado ng oras. Natapos ang oras ng aming huling pagkikita. Kung may bukas pa na dapat kong ibangon sa umaga, sigurado walang kwenta! Pinikit ko ang aking mga mata, hanggang sa huling sandali ang bahaghari ang aking nakikita.
1 comment/s:
tak tik tak tik.,.,.
wala nang oras.,.
so sad. nkakadala
Post a Comment