Teenage Cappuccino - 1


TEENAGE CAPPUCCINO - Sugar and Salt (Chapter 1)

Posible bang ma-inlove ka sa isang tasang kape? Kung pupunuin ito ng pagmamahal, mauubos mo kaya sa sobrang tamis? O mananawa ka?

Habang abala ako sa pag-browse sa net, naging hobby ko na yung may katabing kape.. Tara! Bakit mo hindi mo subukan? Subukan mong ma-inlove sa isang tasang kape..

-----

"Nabalitaan mo na?"

"Nakita mo na sya?"

"Brad-pit ang ganda..(tingin sa bintana) .. seksi pa.. at mukhang sosyal!"

"Brad!"

"Brad-pit!"

"Hanggang kailan mo balak titigan yang libro natin?"

"Brad-pit, tigilan mo muna ko.. utang na loob, bukas na ang exam natin.."

"Brad-pit naman! bukas pa lang ang panglimang araw natin dito sa 4th year, at ito palang ang unang exam.. (tumingin sa bintana), Hindi pala exam!"

"May tawag dun eh! .. Iisipin ko, teka.."

"Brad-pit ano ba tawag dun? (tingin sa bintana)..

"Weekly exam?"

"Hahahaha! g***! patawa ka!"

"Ayan na sya Brad! (tingin sa bintana)..

"Busy!"

"Tignan mo lang!"

"Busy!"

"Sulyap lang!"

"Busy!"

"Ahhhhhhhh-Ohhhhhhh!"

"???"

"Nakita mo? Tumingin sakin!"

"Busy!"

"Labo mo naman brad-pit.. (awkward face)"

"Busy lang brad.."

Robert, 16 years old, lalaki.. tunay na lalaki! minsan napagkakamalang bakla, underdog, mahilig ako sa movies, computer games, at walang girlfriend! At ito ang last year ko sa high school, na hindi ko alam kung napag-tripan na ba talaga ako ni kupido.. mas naniniwala kasi ako kay santa kesa sa kanya. Deds na si Erpats, at malapit na si Ermats, sa kunsumisyon sa akin.. Araw araw nyang hiling ang isang apo, na manggagaling sa akin.. Malabo mangyari kung ako lang mag-isa. At wala pa sa isip ko..

May ari kami ng isang cafeteria.. katabi lang ito ng eskwelahan namin, at naging tanyag na tambayan ng mga chiks sa school, dahil sa sikat naming "Cappucino" homemade.. likha ng makukulit na kamay ng ermats ko.

Una! 3 teaspoon of sugar, Half teaspoon ng coffee, 1 teaspoon ng hot water(panimula), Step 2! Isalang sa mixer ang kumpletong sangkap nito, haluin! at kung sira ang mixer, gamitin ang kamay.. Hanggang magkulay caramel, step 3! lagyan ng 1 spoon ng powdered milk.. Step 4! lagyan ng hot water.. haluin, pero sakto lang.. Hayaang magkaroon ito ng float.. Final step! gamit ang granules na coffee, mag spread ka sa ibabaw ng float.. at lagyan ng iba't ibang design. puso, smiling face, names, at ang paborito ni ermats ay ribbon! at ang dahilan ay hindi ko na alam..

Bukas ang panglimang araw namin sa school, 4th year, section yellowbell.. at bukas ang first exam namin..

"Kaya ako busy! Kaya wag kang makulit!"

"Kaya wala kang syota eh!"

"Bakit meron ka?"

"Malapit na!"

"Class! Please stand up!"

Ang titser namin sa unang subject.. Si Ms. Ramirez. Matandang dalaga, at ubod ng sungit. Resulta ng menoppose. Isa sya sa mga middle class teachers, at ang grade nya sa mga estudyante ay flat 5.. Istilo nya ang istilo ng maraming titser, at lagi nilang linya ang.. "Class copy this, and tommorow exam!" sabay upo sa harap, babasahan kami ng magazine.. idol nya si Kris Aquino.

Guro ko na sya noong second year, at sa hindi maipaliwanag na dahilan, nakalimutan nyang isa ako sa mga estudyante nya, na binigyan nya ng blankong grade sa Araling Panlipunan.. At hanggang sa ngayon, ay pinapasukan ko sa hapon bilang back subject.

"Ano pangalan nung dalawa sa dulo?" bungad agad ng mabait kong guro.

Tahimik ang klase.. Walang gustong sumagot.. at wag mo ding balaking umutot, dahil siguradong maririnig ito sa buong klase, at matutunton na ikaw ang salarin.

Ngunit isang chamcha(Sipsep) na estudyante ang nagbulgar kung sino ang Green Hornets!

"Robert and Richard ma'am!"

Doon ko napansin na kami pala ang tinutukoy ni Ms. Ramirez nung mga sandaling yon, at dahil nga subsob ang aking ulo sa notebook, late ko nang na-gets na gagawin kaming mukhang tanga sa araw na ito.

"Richard? Richard Suarez?! Ikaw na naman?" banat agad ni ma'am.

"Hindi ba't binagsak na kita nung 2nd year?"

Ngayon yata alam ko na kung bakit ako nag ba-back subject ngayon..

"I don't want the two of you, to ruin my morning.. So please pay attention" bawi nya.

Nakahinga ako ng maluwag.. Yun ang akala ko nang tawagin ni Ms. Ramirez ang isang estudyante na nasa labas..

"Can you come in? and introduce yourself to everyone?"

"Sya yun Brad-pit!"

"Sya yung bagong transfer! Yung sinasabi ko!"

"Shhh!"

"Put*** swerte! Dito pa napabilang sa section natin!"

"Shhh!"

Pumasok ang isang anghel sa eksena, hindi lang sa klase.. kundi sa eksana ng buhay ko, at hindi lang sa buhay ko.. Sa buhay ko na payapa.. Ilog na dinaanan ng bangka, ang naramdaman ko.. Para syang si Moises, na hinati ang ilog.

"Brad-pit may syota na kaya yan?!"

"Shhh!"

"Brad-pit?"

"Brad?"

Sa mahaba at straight nyang buhok, na parang aktibo sa cosplay at pinaglihi sa manga karakter, naglakad sya at tumayo sa gitna ng klase.. sa harap naming lahat. Na-hit ang alarm ko.. Nawala sa isip ko ang review. Tumingin sya sa paligid, pinagmasdan ang kanyang papasukang klase sa buong taon. Sa punit punit na cartolina na galing pa noong nakaraang taon, at bungi bunging salamin sa bintana. Isama mo pa ang blackboard na ilang taon nang nakipagbuno sa mga titser, at makukulit na estudyante. bumahid sa kanyang mukha ang pagkadismaya.

"Brad.. Speechless.."

"Oo.."

"Hindi sya.."

"Ikaw!"

"Korni mo Brad-pit.."

Tahimik ang buong klase.. Lahat ay nag-aabang sa pagbigkas ng kanyang pangalan. Walang katinag tinag ang mga lalaki, pati ang mga estudyanteng dumadaan at siguradong nagbubulakbol sa labas ng aming kwarto ay talagang napahinto din.

"Ano 'to meditation?"

Pasok ng siraulo kong kaklase na si Martin. Mas kilala sa tawag na "Martin-Ace", sya ang class joker.. Alas ng klase pagdating sa kalokohan at kagaguhan. Walang tropang babae, at laging basted.. At kapag naasar sya sa pinaka pangit na babae sa campus, ay trip nya nang maghanap ng away.

"Martin! Will you just shut--" Banat sana ni Ms. Ramirez.

"Hi.. I'm Sophy.. Short for Sophia.. Sophia Monsood."

Nagpalakpakan ang buong klase. Naghiyawan ang mga lalaki, nagtawanan ang lahat ng estudyante sa paligid. Huli ng na-gets ko ang lahat, dahil lahat sila nakatingin sa akin..

"Monsood!" Oo.. Monsood ang last name ko. Pero hindi ko sya kaano-ano.

"Class!!!!!"

Nahati ang lupa, nabasag ang bungi bunging salamin sa bintana, nag-apoy ang buong paligid, Umakyat si lucifer galing sa ilalim ng lupa. Isa 'to sa mga imahinasyon ko kapag narinig ko na ang lion's roar, este ang sigaw ni Ms. Ramirez. All of a sudden, tahimik ang klase..

"Ms. Monsood, continue please.." sa malambing na tinig.

"Will I continue, with this kind of people? Who thinks my name was funny?"

"Homaygad brad-pit!"

"Ingles brad.."

"Oo.. Fluent.. parang British.."

"(Sigh) Anyway, Transfer ako from Santana University, an all girls school--"

"And that's a exclusive school, just for everyones concern" singit ni Ms. Ramirez.

"16 years old, friendly, at walang balak makipag boyfriend.." Nagulat ang lahat ng nakarinig sa kanyang sinabi, kahit ang buddy kong si Richard ay hindi makapaniwala. Pero okei lang ako.. Sanay akong makarinig ng ganyan sa mga magagandang babae.. At no effect na sa akin yan. May mga babae talaga na mas trip nilang mukha silang tough sa harap ng mga lalaki, just in case ay hindi sila pagkaguluhan.. at tanging pinagpala lang ng magandang itsura ang may ganitong talent.

Bakante ang upuan sa aking harapan, absent yata ang estudyante na dapat ay doon nakaupo.. At dun sya pinapwesto ni Ms. Ramirez. Paupo na sana si Sophy, napansin nyang wala ang armchair ng upuan.. Tumingin ito sa paligid.. Na syang dahilan upang tumingin din ako sa paligid, at sa kadahilanan ay hindi ko na alam.

"Ma'am walang armchair ang upuan ko." batid nya.

"Pagtiyagaan mo muna Ms. Monsood, I'll get you a better seat tomorrow.." sagot ni ma'am.

"But how can I study well, with this kind of chair?" sagot naman nya.

"Well you can sit here.. Beside me.."

Anak ng angry birds! Bumanat na si Richard! Bagay na pinaka ayaw kong marinig sa lahat, dahil sa hitik sa ka-kornihan ay ubod pa ito ng luma.. Binalak kong tumawa, pero nagulat ako dahil pinaunlakan ito ni Sophy. Bagay naman na ikinagulat ko. Sabay tingin sa akin ni Richard.

"Oha? Panis brad-pit.." bulong nya.

"Hi i'm Richard! You did well today, introducing yourself in front of us." panimula ng loko.

"I guess, wala naman special sa ginawa ko, so kung pwede lang.."

"Huwag mo akong daanin sa pa-cute mo.."

Wasak ang pagkatao ni Richard, nakita ko syang lumubog sa kanyang inuupuan, nag evaporate sya, at tuluyang naging usok. Naglaho sya at tinangay ng hangin.. Paalam brad-pit!

"Suplada nito brad-pit.." bulong ni Richard.

"Guys, please let me concentrate.. Please?" sita ni Sophy, habang nakatingin sa amin.

"Tama ka brad.."

-------------------------

"Maigi naman at dumating kana!"

"Pagod ma.. Dami ginawa sa eskwelahan.."

"Style mo bulok! Pang apat na araw dami na ginawa?"

"Opo! Sa totoo nga lang, baka hindi ako makatulong sayo nitong buong taon, tingin ko lang"

(Batok!) "Huwag mo ko daanin sa ganyan ha! Kabisado ko na yang style mo!"

"Nandun yung bagong apron mo! Wag mo na isalang sa washing machine, at iwanan ng isang linggo ha!"

"Yes ma.."

"Hala sige! At mag-aasikaso pa ako ng pang hapunan"

"Yes ma.."

"Bilisan mo at ang daming tao sa labas!"

"Yes!"

Ang pinaka ayaw kong bahagi ng buhay ko ang tumulong sa shop, hindi dahil tamad ako. Kundi madalas dumaan dito lahat ng chiks sa eskwelahan, at ayokong nakikita nila ako dito. Mas gusto kong gawin ang regular na gawain ng isang teenager.. Ang ano? Ang mag enjoy sa buhay binata, at magpakasawa sa video games.

Tumambad sa akin ang sangdamakmak na costumer ng shop, Araw araw ganito ang naaabutan ko.. dahil rush hour, at uwian ng mga estudyante. Ang masaklap lang, ay wala man lang makatulong sa akin.. Wala akong kapatid, nag-iisa lang ako, at sa hindi maipaliwanag na dahilan, mas na-enjoy ko ang ganito.. Wala akong kaagaw sa lahat ng bagay, walang pag iinterisan si mama kapag mainit ang ulo nya, at malamang ganun din si erpats kung nabubuhay pa sya.

Sa malayo pa lang kita ko na ang parating na mga naka school uniform. At dahil nga cafeteria ang shop namin, ay madalas tambayan ito ng mga kababaihan. Dito ako madalas makarinig ng mga chikahan. Kung sino ang mga crush nila, at sino ang hindi nila crush, at ang pinaka ayaw nilang titser. Mag aapat na taon na ako sa ganitong gawain, at kahit isang beses ay wala pa akong narinig na may gusto sa akin.

"Kuya, isang orig!"

"Sa akin din kuya!"

"Make it four kuya!"

Orig ang tawag sa sikat naming cappucino, Sinuot ko ang paborito kong cap, dahilan upang hindi nila ako mamukaan.

Gawa dito, gawa doon.. Nakakasawa din.

"Anak kumusta?"

"Okei ma!"

"Wag masyadong dry"

"Yes ma!"

"Shake mo pa ng konti yung isa oh!"

"Yes ma!"

"May customer sa harap mo!"

"Yes ma!"

"Ano sayo ma'am?" tanong ko habang nakayuko at abala sa pagtatrabaho.

"Yung sikat na cappucino nyo.."

"Bago 'to" bulong ko sa sarili, dahil hindi nya tinawag na orig ang cappucino namin.

"Yes ma'am.."

"Robert, sandali lang ha at dadaan ako sa tita mo.. Kakatawag lang.."

"Ma! Anong oras ka babalik?!"

"Saglit lang ako! Wag kang umatungal dyan!"

"Mag to-tong its lang kayo eh!"

"Hindi! Wala akong pera!"

"Tsk!"

Wala ka nang makatulong, iiwan ka pa.. Ang ganitong bagay ang kinaiinisan ko bilang nag-iisang anak.. Kundi saluhin lahat ng utos ng magulang. Bakit kasi hindi pa sya mag-asawa ulit? Bata pa naman ang ermats, dahil maaga sya nag-asawa. Pero dahil sobrang mahal nya si papa, ay ayaw nya na daw mag asawa.. Bagay na bilib naman ako sa nanay ko, na kahit picture na lang ni papa na hawak ang kanyang manok, na syang nakasabit sa sala namin, ang tanging naiwang alala ni papa, ay hindi nya pa din 'to malimutan. Ano kinamatay nya? Leptospyrosis.. Lumusom sya sa baba, dahil lasing.

"Brad-pit!"

"Oi! Brad! Buti dumating ka!"

"Hoy! Hindi ako nandito para tumulong! nalimutan mo lang 'tong P.E. uniform mo"

"Hindi ka talaga maasahan brad-pit!"

"Busy.."

"Tsaka bakit dala mo yang PE uniform mo? bukas pa PE natin.."

"Nilagay ni ermats sa bag ko.."

"Sige isang pabor na lang.."

"Ano?"

"Abot mo lang 'to sa isang costumer dun, sa dulong kaliwa.."

"Homaygad!"

"Bakit?"

"Si Ms. Suplada Monsood brad!"

"Talaga?"

"Akalain mo? Ganun talaga kasikat ang cafe nyo!"

"Akin na yan!"

"Alin?"

"Yung kape! Reretoke ko lang!"

"Hahaha! babanat oh!"

"Syempre!"

Mag-ingat sa magagandang babae, magaling sila manghuli ng nagnanakaw ng tingin, kabisado ko na yata ang mga ganyang tipo, dahil sila yung mga babaeng tila parang langaw ang mga mata, dahil alam nila ang gumagalaw sa paligid. Mga lalaking aalialigid sa kanila, at nagpapapansin. Pero dahil expert ako sa ganyang tipo.. Alam ko ang mga moves na authentic at genuine. Sa ganitong klaseng sitwasyon, dapat kalmado at prente ka lang! testing!

"Wow! Puso!"

"Hahahaha!"

"Korni mo brad-pit!"

"Sige ikaw magbigay.."

"Oo ba.."

Pinagmamasdan kong ibigay ni Richard ang orig coffee namin, na may heart shape sa float. Pakiramdam ko'y magandang panimula 'to. Nakakaramdam din ako ng isang mainit na last year sa huling yugto ng aking high school life. Isang history na syang magbabago sa wasak kong lifestyle. Masaya akong napapasipol sa mga bagay na naiisip ko.

"Hi Sophy! It's me again.."

"Hi there! You're working here?"

"Hindi.. Kaibigan ko may-ari nito.."

"Hmm.. someone told me, na da best daw ang coffee dito?"

"Yup! you have the sample.. try it!" Kindat at big smile ang senyas na binato sa akin ni Richard, senyales na oks na oks ang lahat! Masaya ako sa magandang panimula.. Isang magandang step sa aming pagkakaibigan.

"Richard? Tama ba?"

"Yes!"

"Who made this coffee?" nakangiti nyang sabi.

"Yung friend ko, na nasa counter.."

"Can I talk to him?"

"Hmm.. Hindi naman sya mukhang busy, so.. go ahead!"

Ngayon lang ako nakakita ng anghel na naglalakad at hindi lumilipad, at ang matindi ay papalapit sya sa akin. Mukhang hindi gasgas ang style ko, at may epek pa kahit konti.. Hindi ko naman siguro dinaan sa gayuma ang babaeng 'to. Pero sa isang kisapmata lang ay nandyan na sya papalapit sa akin.

"Hi! What's your name?"

"Ro-Robert!"

"Hmm.. I remember you! Ikaw yung katabi ni Richard, tama ba?"

"Yes!"

"And kayo din ang owner ng sikat na cafe na 'to?"

"Hindi naman talaga ganun kasikat.."

"Anyways.. Thanks for putting a SALT in my coffee, instead of SUGAR"

2 comment/s:

Pink Line said...

try ko nga rin magkape habang nagbbwrose..
mag-aadik na naman ako ;)

Amphie said...

high school life 'to na pbbteens hahaha!

Post a Comment