Balita (Tribyut kay Sir)

(Ang Gurong Walang Chalk at Pisara, Para sayo sir!)


Magtatatlong araw na kong nababagabag sa karamdaman ng kaibigan kong si Nico. Pumapasok ako sa trabaho na tila hindi mapakali, at isip ng isip. Kahit na ang amo at supervisor ko ay madalas nang napupuna ang tila hitsura ko, na mukhang nakatira ng syento bente. Nabigyan na din ako ng warning na tingin ko ay mauuwi na sa suspension, dahilan sa pagiging delayed ng mga reports ko.

Nagsimula ang lahat ng natanggap ko ang balita na galing pa sa pinas. Isa akong OFW, at sa tulong nga ng social networking site ay mabisang nakarating sakin ang mahalagang mensahe. Mula sa isa ding matalik na kaibigan kong si Andrew nanggaling ang patunay. "Pare si Nico merong malubhang sakit", na sinundan ko naman agad ng kalokohan. "Malabo yata yan, si Nico tatamaan ng sakit?"

Sa mga sumunod na pag-uusap ay tila gabutil na ang pawis ko. Hindi ko maatim na seryoso si Andrew sa kanyang mga sinasabi. Hindi ko pa kayang maniwala. Si Andrew ang tipong hindi mo makikitaan ng seryosong bagay sa buhay, at si Nico naman ang kaibigan kong matatag sa lahat ng bagay. Ang salitang problema ay kasing babaw lang ng usapin patungkol sa kaso ni DPGMA, pagdating sa kanya.

"Uuwi na ako, pakisabi na lang kay Nico magpagaling at iinom pa kami!" matapang kong pahayag na kahit may konting kalungkutan nang nadarama, ay tila tinatago sa bawat letrang sine-send ko sa chatbox. Kasunod ang isang taimtim na dasal na tila umaasang makakarating.

Lunes. Matapos kong tapusin este habulin ang dead line ng mga reports, ay tila hindi ko na napansin ang oras. Gabi na at talaga namang nanunuyot na sa buto ang lamig nung nagpasya na kong umuwi.

Gutom, Hapong hapo, at natutunaw na kandila ang pakiramdam ko ng makauwi sa bahay. Nadatnan ko pa ang adobong tatlong araw nang pinagpepyestahan ng langgam. Mabilis kong nilapat ang patang pata kong katawan sa kama, at agad na pinikit ang aking mga mata. Nagbabadya nang gumala ang aking pagod na isip sa kawalan, nang biglang may humatak ng aking kaluluwa pabalik sa aking katawan. Ang nakaka-awang mukha ni Nico ang agad na sumingit sa aking isipan. "Syet.." Isang malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan.

Agad agad akong nakibalita sa mga tropa gamit pa din ang social networking site na naging mabuting daan, para makasagap ng impormasyon.

"Pre, bakit ngayon ka lang nag-online? Nandito na ang mga baranggay tanod sa atin" mensahe ni Andrew na tuluyang nagpatayo ng aking balahibo mula batok hanggang sa ilalim ng brief. "Wala na si Nico! Sabi nila tita na nasa hospital ngayon".

Sa katulad kong walang talento sa pag-aartista, ay tila hindi ko alam ang magiging reaksyon ko. Bumagsak ang magkabila kong balikat, at nangatog ang aking mga daliri na na-i-stock sa ibabaw ng keyboard. "Pare! balitaan na lang kita kapag dumating na ang kaibigan natin dito.." paalam ni Andrew na nagmamadali.

Huli na nang napansin kong bumabaha na pala ng luha sa aking mga pisngi. Isang magiting at mabait na kaibigan si Nico, walang takot sa lahat ng bagay. Isa syang nabubuhay na example ni Andres Bonifacio. Maituturing na makabuluhan ang aming pagsasama na sa isang iglap lang ay natapos ng walang katuturan.

"Nakalimutan ko bang ipagdasal sya?"

"Naibilin ko sya ng maayos sa diyos.."

Malalakas na patak ng tubig na lang ng shower ang tanging naririnig ko. Sinabay ko dito ang pinagsamang iyak at galit sa mundo. Walang ibang dahilan. Walang dapat sisihin. Kinuha nya ang kaibigan ko nang ganun lamang kadali. Hindi sya nagbigay ng senyales, ni hindi nya ko binigyan ng pagkakataong makausap man lang ito.

Sinisisi ko ang diyos! Hindi sya naging patas sa tao. Hindi sya naging mabuti sa kaibigan ko. Hindi nya ito binigyan ng tamang panahon para makabawi sa sakit. Nagkalat ang masasamang loob sa mundo na nagmistulang buhay na impyerno sa modernong panahon. Bakit hindi silang mapang-abuso? Bakit hindi silang nakaupo sa trono? Bakit hindi silang nagpapasya sa lahat ng bagay? Bakit ang kaibigan ko? Bakit?

Tuluyan nang natuyo ang balon na dati'y umaapaw sa paniniwala at respeto. Walang diyos na magliligtas sa tao. Walang taong nasa langit na nakaupo sa kumikinang na trono, at may mga anak na nakaupo sa kanyang paanan. Naglaho na ang imahinasyon ko patungkol sa diyos.

Galit ang aking puso, pagod ang aking damdamin, sawa na at sarado ang aking tenga. Tuluyan kong tinapos ang aming relasyon, kasabay ng huling patak ng tubig sa loob na nanggagaling sa shower sa loob ng banyo.

"P.I. walang kristo na syang pinaniniwalaan ko" bulong ko sa sarili.

Naabutan kong nakalog-in pa din ang aking account sa networking site na kanina ko pa binabanggit. May iilang mensahe galing sa iilang kaibigan, at kakilala. Lutang ang aking isip, lumilipad, at walang kakayahang gumana. Lima hanggang anim na minuto bago ko basahin ang mensahe galing kay Andrew.

"Pare, nagkakagulo dito, madaming tao, may hindi pagkakasundo sa pamilya nila Nico" Hindi ko naisipang sumagot. Naumay na yata ako sa balita. Immune na ang storage ng utak ko para tumanggap pa ng news feed.

"Buhay pa daw si Nico, at lumalaban pa sa kanyang karamdaman. Nagtatalo sila kung saan galing ang balita"

"Pre? Nandyan ka pa?"

"Pare?"

Ngayon, tila hindi ko alam kung paano ako titingin sa taas, at hihingi ng tawad.

-wakas

"Nawala ka man dito, hindi ka naman mawawala sa puso namin. Kita kits sa bus stop senpai"

0 comment/s:

Post a Comment