Timecheck! 2:47am.. Madaling araw na pala. Masakit ang aking ulo nang bumangon ako sa higaan. Mistulang zombie ang aking galaw. Napadami yata ang inom ko. Peste kasi 'tong si bespren! Niyaya nya akong uminom sa bertdeyan, dinahilan pa ko sa asawa nya. Hindi daw kasi papayag yun lalo na at mag-isa lang syang sisibat. Ano naman kayang dinahilan nya nung kasama nya ko?
Madlilim ang kusina nang pumasok ako. Kahit one click button away lang ang sindihan nito ay tinamad pa din ako. Inisip ko din na sasakit lang ang ulo kapag nasinagan ng lliwanag ang aking mata. Baka mahilo pa ko! Paker!
Hinugot ko ang isang bote ng tubig sa ref. Malamig! Ang sarap laklakin. Saktong sakto pangpawala ng hang-over. Eh kung ipangpaligo ko na lang kaya ito? Hindi! Matutulog na lang ulit ako.
May kakaibang tunog na nanggagaling sa dako pa doon. Parang biglaang nagkaroon ng mini batis sa kusina ko. Sa pandinig ko ay tila may naliligo sa batis na yun. Nagtatampisaw. At dahil nga patay ang ilaw ay tila nagkaroon ako bigla ng takot. Syempre hindi pa din ako nagpadaig. Gamit ang lighter na nakapa ko sa bulsa ng aking suot na jeans, ay sinipat kong maigi kung saan nga ba galing. "Gripo! Gripong nakalimutang ipatay?" wika ko sa sarili.
"Nakalimutan mo na naman ang gripo bunso!" wika ni inay nung ako'y maliit pa. Palagi ko kasing nakakalimutang ipatay ang gripo sa kusina tuwing matatapos akong mag-tutbras. Lagi nya akong pinaaalalahanan, pero sa hindi maipaliwanag na dahilan ay lagi ko itong nalilimutan.
Sa katunayan matagal nang nawala ang hobby kong ganito. Ewan ko kung bakit ngayon lang nanumbalik. Inisip ko na lang na baka nasobrahan lang talaga ako sa alak. Pero wala din akong ala-alang nagtutbras ako bago matulog kaninang alas-kwatro ng hapon. Kaya pala amoy kanal yung tubig sa bote.
Dalawa ang knob ng gripo ko. Isang mainit at isang malamig. Pero tuwing tag-init, parehas silang mainit. Sinarado ko ang dalawa. Laking gulat ko dahil deretso pa din ang daloy ng tubig. Sira na naman! Peste! Paker talaga! Ayoko nang makunsume pa. Hinayaan ko syang tumagas ng tumagas. Hihintayin ko na lang ibigti ako ng may-ari ng bahay na inuupahan ko. Sigurado tatalak na naman yun kapag nakita nya ang bill ng tubig ko. hehehe! Lugi yata ako dun.
Sigurado kung nandito lang si nanay nagawan nya na ng paraan yan. Sya na mismo ang magpapatay ng gripo, pero papaalalahanan nya ulit ako. Nakaka-miss din si nanay. Matagal na kaming hindi nagkikita simula nang lumipat ako dito sa maynila. Hindi na din ako gaanong nakakatawag sa kanya nitong mga nakaraang buwan. Naging busy ako sa trabaho, at barkada. Ang huling kita namin ay nung bertdey nya noong 2010 pa. Nag-skype kami. Binilin nya pa sakin na may halong hiya na bilhan ko daw sya ng magandang damit sa shoemart. Lubha nya daw na ikatutuwa yun. Pero hanggang ngayon magsasara na yata ang shoemart, hindi ko pa din sya nabibilhan.
Masarap pakinggan ang paalala ni nanay. Makabuluhan at talaga namang may makukuha kang aral. Noon iniisip ko lang na sinasabi nya lang yun dahil magulang ko sya. Pero ngayong malaki na ko, at puno na ng kalokohan ang pag-iisip, ay masarap nang sariwain ang kanyang pangaral. Para lang akong nakinig ng sermon ng pari pero may kasamang lambing.
Nilalamig na ko dito sa kusina kahit pa mainit ang katawan ko sa alak. Mainam nang pumasok sa kwarto at bumalik sa pagkakatulog. Bukas may trabaho na naman. Kailan kaya ako yayaman?
Timecheck! 3:15am.. Paker! Gigising pa ko ng 5am! Makatulog na nga.
"Bukas na lang kita tatawagan ma, alam ko mahimbing ang tulog mo" bulong ko sa sarili.
Dec 25! Sa araw ng pasko. Dadaan ako ng shoemart. Salamat nalang at pinaalala sakin ng nakalimutang gripo.
-End
0 comment/s:
Post a Comment