TEENAGE CAPPUCCINO - Road Trip (Chapter 18)
Wag mong sabihing hindi mo alam ang BATIBOT? Eh si Kapitan Basa? At yung segment nya? Hindi pa din? Sesame Street na lang kaya.. Wow! Sosyal!
Kasi ang words sa araw na ito ay..
"I love you, Robert.."
Hindi ko na talaga mapigilan ang aking kamay sa pagsusulat, matapos kong madinig ang maikling pahayag ni Agnes.. Dalisay talaga ang hangin pagdating ng hapon. Pinaghalong lamig, at init ang paligid. Idagdag mo pa ang katahimikan ng hangin na walang patid sa kakalabas-pasok sa nakabukas na bintana.
Dahan dahan syang humarap sa akin.. Nagtatanong ang mga mata, at payak ang hitsura. Dalawang dipa ang layo namin sa isa't isa, pero sa dalawang hakbang ay kayang kaya ko syang malapitan. Ngunit hindi ko ginawa. Nanatili akong tahimik, nakatitig, at hindi alam ang gagawin. Wala din syang reaksyon.. Tanging ang tahimik na hangin lamang ang nagsisilbing referee sa pagitan ng dalawang taong nakatayo sa gitna nang maikli, at manipis na pisi ng pagkakaibigan, na pinangangambahan kong tululyang matapos.
"Agnes.. kailan mo pa nasulat ang tula na yan?"
isa, dalawa, hanggang tatlong segundo yata bago sya sumagot.
"Mula nung matutong tumula ang aking puso.."
Mababaw ang sagot nya, pero pinipilit kong maging malalim dahil sa napipinto kong pagtanggi at tuluyang hindi pag-intindi. Kuha ko na ang point nya.. balikbaliktarin mo man ang lumabas sa kanyang bibig, i-rambol mo man, o hindi tayaan, ay lalabas pa din sya sa lottery. Hindi ko lang talaga alam kung sinadya ito ng tadhana, pero isa lang ang nasa isip ko..
Hindi ito tama..
Mataas ang pagtingin ko kay Agnes, bilang isang natural na malikhain, matulungin, at isang mabait na kaibigan. Gusto ko na din sabihin sa kanya na mahirap talaga i-apply ang math sa pag-ibig. Hindi ka pwedeng mag plus, dahil baka ma-minus ka sa huli.
"Agnes, kami na ni Sophia.." buong tapang kong paghahayag.
"I know.. I can tell, by the way you smile.. congrats!"
"Then.. para saan yung--"
"I love you?!"
"Uulitin ko.. I love you, Robert!"
Napakunot noo lang ako sa mga sinasabi nya. Hindi ko mahuli ang tunay na emosyon nya. Masyado syang mahiwaga, mapanlinlang din ang kanyang mga ngiti..
"Hindi ba pwedeng magmahal ang isang kaibigan?"
"Mahal kita, sa aspeto ng pagkakaibigan.."
..
...
....
Pakiramdam ko'y nabunutan ng tinik ang aking lalamunan, nang nilinaw nya ang lahat. Masyado na siguro akong assuming. Bakit ba huli ko nang naisip na sa magkaibigan hindi pwedeng mawala ang pagmamahalan? Importanteng sangkap yun, kasunod ng tiwala.
"Ikaw?" Nakangiti nyang tanong.
"Oo! Oo naman! Hahaha!"
Tumabi ako sa kanya, at sabay naming pinagtawanan ang sarili. Binasa ko na din ang mga write ups nya na matagal nya nang kinukulit sa akin. Naghihintay daw sya ng reaksyon ko dito, kaso naging busy lang daw ako. Yung mga notes nya dati na kakaunti lang, ay bigla nalang dumami, parang nakakalula na tuloy basahin. Tinanong nya din ako kung may interes pa rin ba daw ako sa pagsusulat. Sinabi ko lang na meron pa, kahit ang totoo ay pagsusulat lang ang trip ko at hindi ang pagbabasa.
Pinakita nya din sa akin ang souvenier namin nung nag-date kami, este nagpunta kami ng amusement park. Yung keychain na binili nya nung gabing yun, ay nilagyan nya na pala ng litrato namin, na kinuha nung hindi ako nakatingin. Nakakatawa talagang pagmasdan yung mukha ko dun. Parang yung mga nako-caught in the act sa serye ng "bitag" sa channel 9 ba yun? Ganung ganun ang reaksyon ko, pero cute! Mararamdaman mo yung kasiyahan kahit sa kakapirasong bagay lang.
"Teka! Akala ko ba ibibigay mo sakin 'to?"
"Nope! I've decided to keep it with me, remembrance ko 'to-- nating dalawa!"
Sagot nya nang nakatingin sa akin na may nakakalokong ngiti. Cute din talaga si Agnes, hindi lang talaga pansinin noon. Kawahig nya kasi si Charice P. na nerdy version sa glee. At sa dami na ng na-plug ko dito (Produkto, Artista, Banda, Commercial, Author, Anime, Books, at kung anu ano pa) siguro mayaman na ako, kung maniningil lang ako.
-------------
Sophia
Nakatingin ako sa dalawang paa habang naglalakad papalabas ng campus. May usapan kami ni Robert na magkikita sa school gate, tulad nang madalas naming gawin dati na kahit hindi pa kami ay para na ding kami. Ang gulo no?
Iba ang dating ng pakiramdam ko nung nasa school gate na ako. Kung dati ay lagi akong nangangamba dulot ng nakaraan, ngayon ay masaya ako. Ibang iba talaga! Naroon pa din ang presensya ni Sebastian, pero hindi katulad ng dati. Si Robert na ang unang pumapasok sa isip ko. Minsan ayoko talagang masanay sa isang bagay, dahil sa huli mahirap kapag ang kinasanayan mo ay bigla nalang mawawala. Magdudulot ito ng hindi malilimutang alaala at masakit sa pakiramdam.
Araw araw ako noong nag-aabang sa biglang pagsulpot ni Sebastian, simula nung bigla nalang syang maglaho. Kahit pa niloloko ko na ang sarili, ay wala pa ding humpay ang walang pagod kong puso sa pag-aasam.. paghihintay..
Malamig at dalisay ang hangin na naglalaro sa paligid, napaka kalmante at tila hindi ka makakaramdam ng kahit anong panganib..
"Miss! Miss!"
Nilingon ko kung ako nga ba ang tinatawag ng nasa likuran. Ngunit wala naman akong nakitang tao. May mga estudyante na naglalakad papauwi, pero walang kahit sino sa kanila ang nakatingin sa akin.
"Miss may nalaglag oh!"
Sa pagkakataong yun, hindi na ko lumingon. Alam ko na prank joke lang yun ng kung sino. Ngunit bigla nalang sumulpot sa harap ko si Richard at ubod lakas akong ginulat.
"Hahahaha!"
"Richard! It's not funny!"
"Ohh.. Richard, it's-not-funny!" pagulit nya sa sinabi ko na may halong pangloloko.
"Sino hinihintay mo? Si Robert ba?"
Hindi ako sumagot, at inirapan lang sya.
"Sungit! Miss sungit! hahaha! kayo na ba? kayo na? ha? ha?" pangungulit nya.
Hindi ulit ako sumagot, dahilan para maging seryoso ang kanyang mukha. Napatingin sa kung saan, at umupo sa kakapirasong gutter sa harap ng school gate.
"Kumusta na si Robert?"
Mahina nyang tanong, pero dahil kami na lang yata ang tao sa harap ng campus ay dinig na dinig ko iyon. Hindi ko alam ang gusto nyang iparating pero alam ko may gusto syang sabihin. Tumahimik lang ako, diskarte para mapilitan syang magsalita ulit.
"Matagal tagal na din kaming hindi nag-uusap.." dugtong nya pa.
Sa boses nya na parang may kakaiba, alam ko na meron syang pinupunto. Matagal tagal na daw silang hindi nakakapag usap. Pero araw araw na sa tuwing magkikita sila sa eskwela ay tila para silang magkapatid na laging nag-aasaran at naglolokohan..
"Nung unang kilala ko sa kanya nung 1st year, hindi ko lubos maisip na magiging bestfriend ko sya. Tahimik kasi sya, at madalas walang kausap. Lagi lang syang may bitbit na gameboy.. At tuwing lunch break ay nasa pinakadulo syang table sa canteen, katabi ng basurahan.."
"Hindi sya mahilig makihalubilo sa mga tao na nasa paligid nya. Malaki ang aming pinagkaiba. Kaya hindi ko talaga alam kung bakit napalapit ang loob ko sa kanya.."
Bigla nalang akong nagkaroon ng interes sa mga sinasabi nya. Parang biglang gusto kong makilala ang Robert noon. Kung anong mga ginagawa nya, mga bagay na gusto nya, at kung sino talaga sya sa pananaw ng ibang tao. Tumabi ako kay Richard at ngumiti ng bahagya.
"Pero alam mo ba? Malaki na ang pinagbago nya.."
Tumingin lang ako sa sinabi nya. Sya namang nakatingin pa din sa kung saan habang nagsasalita.
"Akala ko talaga kilala ko na ang Robert na palaging nasa tabi ko. Yung Robert na laging seryoso, tahimik, at pangiti ngiti lang.."
"Alam mo ba?--"
Pabitin nyang hayag, huminto sya ng sandali at tumingin sa akin na seryoso ang mga mata.
"Ngayon ko pa lang nakita ang totoong ngiti ni Robert.. Ang Robert na nakasama ko noon ay masayahin, pero ang Robert na nakikita ko ngayon ay maligaya.."
Napangiti ako sa sinabi nya. Batid kong malaki nga ang pinagbago nya, dahil galing mismo sa bestfriend nya na madalas nyang makasama, at halos kilala na sya ng lubos.
"Thanks Sophy.. Ingatan at mahalin mo si Robert, tulad ng ginagawa nya ngayon sayo."
Malinaw nyang sinabi.. Tumango lamang ako. Tumayo sya at kumaway lang sa akin na aalis na sya, naglakad ng deretso at hindi na lumingon.
Ang paglalahad ni Richard, ay nagbigay ng matinding palaisipan sa akin. Kung alam lang ni Richard ang posibleng mangyari sa hinaharap sigurado na magagalit sya sa akin. Alam ko ding natutuwa si Richard para sa kaibigan nya, halata ito sa kanya dahil ngayon ko lang syang nakitang seryoso sa mga sinasabi.
Napabuntong hininga nalang ako..
"Makakaya ko nga ba?"
..
...
....
"Kanina ka pa?!"
Sa boses palang, at tono ng pagsasalita ay kilala ko na.. Mabilis ko syang hinarap na nakangiti. Sinalubong sya at inakbayan. Sabay kaming naglakad papaalis.. Mabilis ang dating ng pagkakataon samin, pero mas minabuti kong pabagalin pa ito. Gusto ko pa syang makilala. Madami pa kong gustong maranasan ng kasama sya. Sa natitirang buwan sa huling year namin sa high school, isa lang ang gusto kong ipadama sa kanya..
Yun ay walang iba..
...
Kundi ang pagmamahal ko sa kanya..
------------
Kapirasong langit ang pakiramdam ko ngayon habang hawak ko ang kanyang kamay. Nagtatalo ang hiya at ang pagnanasa. Hiya dahil kulang ako sa self steem pagdating sa babae, pagnanasa naman dahil pangarap ko sa bawat oras na kasama sya. Wala nang tatalo pa sa nakatanggap ka ng bonus, kahit malayo pa ang pasko. Nabigyan ka ng advance na allowance kahit puro bagsak ang exam mo, at nakapasok ang isang maikling istorya mo sa saranggola blog awards.
Ngunit habang hawak ko ang kanyang kamay na tila kamay ng langit, ay hindi ko din maiwasang mag-isip kung hanggag kailan ba ako hihinto sa ganitong panaginip. Walang katapusang dasal na pinagdugtong dugtong para lang pakinggan ng taong nasa itaas.
Tahimik lang kami habang naglalakad, ni walang kibo sa isa't isa.. Magkasintahan nga kami sa sarili naming pananaw, pero para bang may malaking pader pa din na nakaharang.
Sa pagiging abala ko sa pag-iisip, ay biglang huminto si Sophia. Nagulat naman ako at agarang napatingin sa kanya..
"Sophia?"
"Malapit na tayo diba?"
"Oo.. bakit?"
"May nakalimutan yata ako.. Pwede ba samahan mo ulit ako pabalik?"
"Pabalik sa eskwela?"
"Yup! Sandali lang naman tayo.."
"Sige! Sige!"
Kahit pa medyo pagod na ang aking paa, ay pumayag pa din ako. Si Sophia eh! Advantage din sakin yun.. Basta para sa kanya ay nagiging sobrang okei ng lahat. Kung hindi man ako magwagi sa empires and allies, makita lang ang kanyang ngiti ay ayos na! Mapagalitan man ako ni ermats dahil sa pagiging bum ko, basta kasama ko sya ay sobrang okei pa din.
..
...
....
Halos 30 minutes din ang lakaran papunta sa kanila, at syempre ganun din ang pabalik. Dahilan para kumonsumo kami ng isang oras. Idagdag mo pa yung pahinto hinto, dahil may mga kalsada na pinagtripan na naman ng gobyerno para lang sirain ang dati nang ayos. Ewan ko ba..
...
Abot langit ang hingal ko ng marating namin ang school gate. Huminto sya at humarap sa akin.. Ako naman na parang tanga na naghihintay lang ng kanyang sasabihin, o kung ano nga bang nalimutan nya.
dehins na ko nakatiis pa.. tinanong ko na sya..
"Sophia, ano bang naiwan mo?"
"Wala!"
Anak ng! Kita mo nga naman mag trip ang girlfriend ko.. Hindi ko alam kung anung sumayad sa utak nya at naglakad kami pabalik ng eskwela. Tapos sasabihin nya na wala pala syang nalimutan.. Para lang kaming sumakay ng jeep at nag round trip, pinagkaiba nga lang pagod ang aking mga paa..
"Tara na! Hatid mo na ko!" nakangiti nyang sabi.
"Teka, teka! Naglakad tayo dito pabalik dahil sabi mo may nakalimutan ka tama?"
"Oo!"
Kumunot ng bahagya ang aking noo, nagbabanta nang mainis. Tiis! konting tiis! Kung wala lang ang salitang "mahal" kadugtong ng pangalan nya, at kung wala lang talagang "pag-ibig" na sinisigaw ng puso ko straight sa puso nya. Malamang at panigurado kanina pa ako nag walk out..
"Nasaan ang nalimutan mo?"
"Wala naman.." naglalambing nyang boses, pero nakangiti pa din na tila nang-aasar talaga.
*Sigh* "Okei, tara na.. hatid na kita ULIT.." anyaya ko.
"Sorry ha.."
Napahinto ako sa pag so-sorry nya, Napatingin sa kanya pabalik at sa puntong ito ay may halo nang pagtataka sa aking mukha.
"Sorry? Bakit?"
"Uhm-- Kasi napagod yata kita pabalik dito.."
Kung pwede ko lang sabihing "oo" sinabi ko na talaga. Hindi naman sya engot para hindi mapansin yun.
"Gusto ko lang ulitin ang paghatid mo sakin.."
"Ulitin? Bakit?"
"Napansin ko kasing wala ka man lang imik kanina.."
"Eh-- wala naman akong sasabihin din--"
"Kaya nga nagpasya akong bumalik tayo eh, kasi ayokong masayang ang panahon na kasama kita na parang dumaan lang, at tinangay lang ng hangin.."
"Gusto ko lang na yung every moment na magkasama tayo, ay yung moment na hinding hindi ko malilimutan.." dugtong nya.
Para nang sasabog ang pagkalalake ko, este ang puso ko sa sobrang tuwa! Hindi ako makapaniwala na sa kanya mismo manggagaling ang mga gustong gusto kong madinig. Hindi ako gwapo talaga, pero sa puntong 'to napilitan akong umastang pogi.
"Pasensya na kung ikaw ay naiinis, ayoko na sanang pagusapan pa. Kung gusto mo ay manood ka nalang ng sine. Diba huwebes ngayon? Baka may bago nang palabas.."
Parang gago lang yung kanta, kanina pa sumisingit sa isip ko.. :kape:
..
...
....
Kung tutuusin hindi naman talaga ako marunong mag entertain ng babae, pareho lang nang dahilan kung bakit hindi ako mahilig sa sports. Iisipin mo palang nakakapagod na.. Paano pa kaya kung actual na. Sabi ng mas eksperyensado na sa pag-ibig, daanin lang daw sa bola. Yun daw yung pinupuri mo sya, gamit ang flowering words. Tulad ng mga "banats" at kung anu ano pa, para makuha ang puso nya. Pwede din pala gamitin ng mga negosyante yun. Pero sa pagkakaintindi ko ay simple lang ang salitang "bola", batay sa nakuha kong impormasyon, ang pangbobola ay kasing katulad lang ng "pamumulitika".
Nagsimula ulit kami sa umpisa..
Mula nung hinawakan ko ang kamay nya..
Mula nung nginitian nya ako..
Mula nung nagsabay ang aming mga paa sa paglalakad..
At sana kung mauulit lang, mula nung makilala ko sya..
Gusto kong ibalik lahat..
Tulad ng parehas naming gustong mangyari..
Pangarap naming sulitin ang bawat sandali..
Isang dangkal lang ang layo ng katawan ko sa kanya, at ang mga kamay namin ang tanging nagdudugtong sa amin. Pero ang distansyang yun ang nagsasabing wala nang pader na kanina lamang ay nakaharang..
"Robert!"
"Oh?"
"Kung nagkakilala tayo ng mas maaga pa, may tyansa kayang magiging tayo?"
"Depende siguro.."
"Paanong depende?" gulat nyang tanong, na tila namilog ang mga mata.
"Depende kung paano tayo nagkakilala.."
"Siguro nga.."
"Nakatakada lang siguro, na makilala kita sa maling panahon tulad ngayon.."
"........"
"Kasi kung hindi, siguro wala akong lakas ng loob na magtapat sayo.." paliwanag ko.
Tumango lang sya at ngumiti. Sa puntong yun ay lalo pang humigpit ang kanyang kamay sa paghawak sa akin. Nararamdaman kong kahit sa kaunting paliwanag ay natutuwa sya.
Ngunit nagulat ako ng huminto na naman sya. At ayokong makadinig na may nakalimutan na naman sya. Tumingin sya sa akin.. Nakangiti..
"Kwentuhan mo nga ako.."
"Kwento ng ano?"
"Kung anong Robert ang meron noon.."
"Huh? May Journal ako.. Basahin mo na lang!"
"Ayoko!"
"Sige kung ayaw mo, babalik tayo ulit sa school!" pagbabanta nya.
Nagpatuloy kaming maglakad, masayang nagkwentuhan, at nagpalitan ng mga pangyayari sa buhay. Hindi ko na namalayan na ang simpleng road trip namin, ay syang naging simpleng paraan para tuluyang bumagsak ang pader na kanina ko pa binabanggit.
"A man will fight harder for his interests than for his rights." -Napoleon Bonaparte
0 comment/s:
Post a Comment