Jolly Jeep


Nagpapa-alam na ang magandang sikat ng araw, at pasilip naman ang malamig na sinag ng buwan nang marating ko ang lugar kung saan ako dapat maghintay. Tulad ng nakagawian, kailangan kong mauna ng mas maaga para hindi ako mahirapan makipagsiksikan sa mga taong lalabas ng gusaling kanyang pinapasukan. Sa isang kalye sa Makati kung saan ang mga tao ay tila nakikipaghabulan sa oras, doon ako naghintay. Katabi ang ligaw na puno ng mangga na ngayon ay yumabong na ng tuluyan, pakiramdam ko'y isa itong totoong tagumpay. Napayuko ako ng hindi sinasadya.

"Kuya, gusto mo ng malamig na softdrinks?" wika ng lalaking naka-kurbata, at halatang may sinasabi ang estado sa buhay.

Ngiti lang ang tipid kong sagot sa kanya. Kahit pa alam kong maganda ang intesyon nya, nahihiya akong makisalamuha. Sa suot kong simpleng t-shirt at faded na jeans, kumpara sa polo nyang dumaan pa sa masusing paghahabi, at itim ngunit makintab na slacks na sa tingin ko'y makinang din ang presyo.

"Madalas kitang naaabutan dito, hapon na kasi ako nakakapag-take ng lunch dahil sa dami ng trabaho.." muli nyang singit.

"May hinihintay lang ako. Pasensya na ha, hindi kasi ako pwede mag-abang sa malapit, madalas kasi akong sitahin ng guard."

Iyon na siguro ang pinakamahabang litanyang pwede kong masabi sa kanya. Hindi ako takot sa tao, iwas lang ako sa diskusyon lalo na't ako na ang tatanungin.

"Teka! Ibibili kita ng softdrinks! Pawis na pawis ka e, mukhang malayo pa pinanggalingan mo" nasasabik nyang wika. Pagkabili'y agad syang bumalik sa akin.

"Bakit dyan ka kumakain?" curious kong tanong habang pinapatid ang uhaw.

"Mura kasi! Paborito ko din ang pares na nilalako nila"

Napangiwe ako sa sagot nya. Matatanggap ko pa sana kung ang pagmamadali ang idadahilan nya, pero nagulat ako sa mas mababaw nyang sagot.

"Mura?!"

"Oo. Bakit nyo po natanong?"

"Marami kasing mas magandang makakainan dyan, at mukhang mas maayos." nahihiya kong sagot. Malakas na tawa lang ang ibinato nya pabalik sa akin.

Sa puntong iyon nakuha nya pang lumapit at umupo sa tabi ko. Hindi ko maiwasan, pero sumusundot sa ilong ko ang amoy ng pabango nyang dekalidad.

"Ikaw palang ang nagsabi sa akin ng ganyan. Akala ko lahat ng taong dumadaan at kumakain sa Jolly Jeep ay naiintindihan din ang mga bagay-bagay na umiikot dito."

"Hindi lang ang pares ang dahilan ng paulit-ulit na pagbalik ko dito. Kundi ang nakatagong aral na bihirang mapansin. Alam mo bang sa maghapon iba't-ibang klaseng tao ang humihinto at nakikisalo sa mga ulam na nakalatag dyan? Samut-saring tao ang nakikipagsisikan at nakikipagpalitan ng amoy. Iba't-ibang propesyon at iba't-ibang estado ng buhay? Mahirap at mayaman, may pangalan o wala. Napapansin mo bang wala kang pwedeng upuan? Lahat ay nakatayo at walang VIP para sa gwapo at seksing suki."

"Lahat pantay-pantay?" tanong ko.

"Tama. Ang simpleng istrakturang ito ang nagsasabing walang mahirap o mayaman sa mundo. Walang sisita sayo kung nakasando ka lang, o may sinasabi ang kulay ng collar ng suot mong polo. Dito malaya kang makipag-kwentuhan at makipagpalitan ng ngiti sa mga taong tingin sayo ay mataas. Walang malaking pader, na nakaharang sa dalawang uri ng taong pilit pinaghihiwalay ng mga kritiko."

Napangiti ako sa sinabi nya. Pakiramdam ko'y nahugot ang nakabarang tinik sa aking lalamunan, na sa haba ng panahon ay pilit nagpapahirap sa akin.

"Ron, sorry na-late na naman ako"

Matamis na ngiti at maliwanag na mukha ang salubong sa akin ni Gilda, ngunit napahinto nang madatnan akong may katawanan at kakuwentuhan.

"Gilda! Kilala mo sya?"

"Yes sir! Sya po ang asawa ko.." magalang nyang sagot.

"Ahh.. Next time sabihin mo sa kaibigan ko sa harap ng entrance maghintay sayo at huwag dito. Sasabihan ko ang guard para hindi na sya paalisin" wika ng lalaki.

"Yes Boss, salamat!"

Sa daan pauwi kinuwento ko kay Gilda ang napag-usapan namin ng kanyang manager. Hindi sya makapaniwala sa kanyang nadinig, halata iyon dahil sa bilis ng pagtulak nya sa wheel chair na sinasakyan ko.


-End

6 comment/s:

Ayekaru said...

Astigggggg!!!!

Amphie said...

Salamat pre :D

Chico Reymart said...

nga nman salamat po d2 :D ganda!

amphie said...

salamat sa pagdaan dito idol ;)

Reilly Reverie said...

Ganda talaga trops.. Salamat sa panibagong inspirasyon. :)

amphie said...

salamat trops! absorb natin ang mensahe :)

Post a Comment