(image credit to orig uploader)
Sampung segundo lang ang kinailangan ko para balikang muli ang sampung taong ala-ala na akala ko'y kasama ng naging pataba sa lupa.
"Wala kang pinagbago.." bulong ko.
"Ikaw din.." gamit ang dalawang braso mas humigpit pa ang yakap nya sa akin. "Iba talaga kapag tadhana ang naglaro"
Hinalikan ko sya sa pisngi. Tanda iyon ng nararamdaman kong parang korupsyon lang na hindi mamatay-matay. Pumikit naman sya. At ang ngiti sa kanyang labi ay palatandaang masaya sya sa muli naming pagkikita.
Namilog ang kanyang mata. Pilit pinapalapad ang kanyang tenga para abangan ang sunod kong sasabihin. Alam kong sa expression ng kanyang mukha ay naroon ang pagnanais na sabihin kong muli ang mga bagay na aksidenteng nabanggit ko lamang noon.
Noong mga araw na uso sa high school ang larong 5,10.
"5, 10!" sigaw ni Pinky.
Ube, Munggo, Kamote, Langka, Gatas, Sago, Pinipig, Letse! Halo-halo ang pakiramdam ko nang maramdaman ko ang yakap nya mula sa aking likuran. Sa edad na trese anyos, parang hindi ko pa alam kung paano i-appreciate ang ganung kasiyahan lalo't sa ultimate crush ko pa mismo nanggaling.
"Paano yan? Kayo naman ang taya!" pagyayabang nya pa.
"Daya! Nag taym pers ako!" hirit ko.
"Tumakbo ka ulit! Kapag nahuli pa ulit kita, ibig sabihin mabagal ka talaga tumakbo!"
Hindi na naman siguro kailangang ipamukha nya pa sa buong eskwelahan kung gaano ako kabagal sa pagtakbo. Ang totoo kasi talagang medyo binagalan ko pa ang bawat hakbang ng napansin kong sya ang nasa likod ko. Hindi ako nagkamali sa pag-calculate. Panalo ang istilo ko. Kahit planado, na-enjoy ko naman yung sandaling niyakap nya ang katawan ko. Isinulat ko iyon sa slumbook sa tanong na happiest moment.