Bahay Krayola


Gamit ang kulay Pulang Krayola taimtim na iginuhit ni Ging-Ging ang hugis tatsulok sa isang puting banner. Sa harap ang mukha ni Mayor Abalos na hindi naman naging hadlang para pigilan ang pagiging malikhain ng sampung taong gulang na bata. "Bu--bong, bubong ito," bulong nya sa sarili.

Paborito nya ang kulay pula. Simbolo ng pag-ibig. Pagmamahalan. Pagnanais. Ngunit kay Ging-Ging, ang pula ay isang malaking larawan ng kanyang pamilya. Masaya, simple, at may malaking pusong nagmamahal sa bawat miyembro. Gusto nya din ang pula para sa kanyang damit. Sa kanyang gamit. Maging ang lumang manika nya'y may pulang bestidang pitong taon na nitong suot. Pula din ang gusto nyang kulay ng kanyang sapatos sa tuwing sasapit ang panahon ng tag-lamig. Paborito nya ang kulay pula.

"Ito naman ang haligi. Brown.." Parisukat ang sumunod na hugis. Na'sa ibaba ito ng pulang tatsulok. Hindi pantay ang sukat. Mas lamang ang pagiging parihaba. Hinawi ni Ging-Ging ang buhok na humaharang sa kanyang paningin. Isinabit iyon sa kanyang tainga. Kaliwa't kanan, tsaka muling itinuloy ang pag-guhit. Nagdugtong na ang apat na sulok ng tahanan. Mukha na itong bahay. Sumisilip na din ang ngiti sa labi ng paslit.

Salamin - Super Ikling Kwento

"Kuya, palimos po... Pangkain lang..", wika ng batang pulubi nang bumaba ako ng jeep. Hindi man lang nagdalawang isip. Binuksan ko ang sisidlan kung saan inipit ang panandaliang yaman. Iniabot ang limang daang piso.

"Wow! Galante! Anak mayaman siguro..." usal ng isang ginang matapos masaksihan ang naganap na abutan.

Hindi ako kumibo. Hindi ako mayaman. Naalala ko lang ang aking kabataan.

Si Ruth at ang Samahang Walang Wala

"Samahang Walang-Wala", natawa ako sa malaking tarpaulin na sumalubong sa akin. Ewan ko kung katulad kong kapos palad din ang mga miyembro o wala talagang maisip na matinong pangalan ang leader ng grupo.

Ika-dalawang taong anibersaryo daw ang dahilan kung bakit may maliit na salo-salo. May mga bisitang pamilyar sa akin ngunit mas lamang ang mga mukhang ngayon ko lamang nakita. Crowded na ang venue kaya mas pinili kong manatili sa sulok kung saan hindi gaanong pansinin ng tao.

"Nag-eenjoy ka ba?" tanong ni Ruth nang makita nya akong kinakausap na ang sarili. "Maki-join ka samin. Marami kang makilala ditong chiks!" biro nya.

Obvious naman na si Ruth ang dahilan kung bakit ako nandito. Sya ang nag-imbita. Simple lang din ang dahilan kung bakit ako sumama. Una, libre ang pagkain. Pangalawa, may arkiladong sasakyan na baka posibleng maghatid sa akin pauwi. Pangatlo, may lihim akong pagtingin sa kanya.

Sino bang mag-aakalang na ang balak kong masolo sya ay masyadong malayo sa katotohanan. Akala ko pa nama'y malaki na ang chance kong maipagtapat kay Ruth ang aking nararamdaman. May naghagis ng malaking tipak ng bato sa salamin ng reyalidad kaya nabasag ang plano.

"Sige lang! Masarap naman tong kausap e," turo ko sa lalaki sa aking na tabi na bigla na lang tumayo. Natawa si Ruth. "Babalik yun, mag-cr lang daw."

Pon! Pon! Pon!

image credit kay mc avengoza

"Pon! Pon! Pon!" tunog ng latang tambol. Naengganyo akong magtanggal ng nakasuksok na earphone sa aking tainga kahit pa dumadagundong ang musika ng Heads.

"Pon! Bong! Pon!" may rolling part pa ang paslit na nakasabit sa jeep para bigyang aliw ang mga inip at inis na pasahero na halos trenta minutos nang naghihintay sa driver na gapang magmaneho. Isa na ako doon.

Napangiti ang Ale sa aking tabi at gigil na nagpipigil ng kembot para sabayan ang husay ng paslit sa pagtatambol. Binunot ang barya sa bulsa para lamanan ang maliit na sobre na may titulong "pambili lang po ng pagkain, thank you!"

Doon ko lang napansin na mayroon rin sa aking hita na kung hindi ko napigilang abutin ay siguradong tinangay na ng hangin. Sinilip ko ang aking coin purse. Walang barya. Sa bulsa ng aking bag. Balat ng kendi. Ang sisidlan ng pananghalian. Bingo! May ubeng halayang naka-styro na ninenok ko lamang sa mesa kaninang umaga bago umalis ng bahay.

Trapik. Tumayo na ang paslit. Senyales na tapos na ang concert at oras na para maningil sa mga nagsi-attend. Five-O ang pinakamataas na syang iniluwal ng galanteng dalagita ng mukhang empleyado ng bangko. Bente sa mga mid-class na pasaherong natuwa at napilitang magbawas sa 13th month bonus. Barya naman sa mga tinamaan ng kaunting hiya sa katawan. At ako. Isang styro ng ubeng halaya.

"Salamat po Kuya, Salamat!"

Bakas sa mukha ng paslit ang tuwa matapos makolekta lahat ng biyaya. Kung sa casino man ang next stop o sa malapit na hardware store ang kanyang punta ay hindi ko na alam.

"Salamat sa mga nagbigay po! Nawa po'y humaba pa ang inyong buhay para kayo'y makatulong sa mga tulad namin.." speech nito na parang ginamit na ng mga pulitiko. Animo'y automatic na bibigkasin pagkatapos manalo. Kaso natawa ako sa kadugtong, "Mamamatay yung mga kuripot!" sabay talon.

Natawa ako ng bahagya. May halong komedya. Biglang napa-isip. Fully paid ang lahat. Walang mamamatay. Walang tatablan ng sumpa. Kaso sumigaw ang driver.

"Pu**! Wala tayong preno!"


-Wakas

Briquette

Pag-nenegosyo ng uling ang naglalaro sa isip ni Juliet matapos tupukin ng sunog ang kanilang maliit na baru-baro na katabi ng isang kilalang subdivision. Hindi magawang ipinta kahit ng pamosong si Vertullini ang mukha ng may-bahay. Higit pa doon. Kasamang nilamon ng apoy ang kanyang asawa na naging dahilan ng isang linggo nitong pagkatulala at hindi pagligo bago matulog.

Nagsimula ang sunog sa mismong kwarto ng mag-asawa. Ayon sa report, naiwang kandila ang naging sanhi ng tatlong oras na reality show. Taliwas naman ang version ng mga kapitbahay na may sariling imbestigasyon sa pangyayari. Paano'y pangalawang ulit ng nangyari ang ganitong trahedya sa mag-asawa. Animo'y swerte sa paghakot ng kamalasan.

Si Henry, asawa ni Juliet, ang syang itinuturing na salarin. Palibahasa'y adik. Binata pa'y sunog na hindi lamang ang katawan, pati na mismo ang utak. Dalawang araw daw na walang tulog bago magsimula ang sunog. Kung ano ang katotohanan, walang sino man ang nakaka-alam.

"Pasok ka," wika ni Rita. Nakakatandang kapatid ni Juliet, "Dito ka muna pansamantala habang hindi ka pa nakakalimot. Tutulungan kita. Magsabi ka. Kung ano mang kailangan mo handa akong suportahan ka."

"Salamat..."

"May balita na ba ang mga pulis?"

"Wala pa... Kung mayroon man daw na kakaibang makita sa imbestigasyon ay agad daw akong kokontakin."

"Nalulungkot talaga ako sa nangyari," sagot ni Rita kasunod ng isang mahigpit na yakap, "Mabuti nalang at hindi ka napahamak."

"Mabuti nalang at gising ako.. Si Henry, mabuti nalang at tulog.."

"Ha?!"

-Wakas



250 words
theme: tragic