Let The Music Take Control

pakikigulo sa pakulo ni Mestro Sinto-Sintonado


1. What is your own definition of music?

"Music is passion. Music is our bloody passion" sabi ni Benson habang nakikinig sa headset ngunit walang ipod. "Hindi na kailangan ng ipod para makinig sa musika men. Ang music ay out of this world! It's beyond it! Beyond the galaxy! Beyond the stars.." dugtong nya pa. Ang musika ay ang nag-iisang bagay na pwedeng i-enjoy kahit ng pinaka malungkot na tao. Pinakamasaya, galit, depressed, at yung mga tipong malaki ang kaltas sa sweldo.

2. Ano-ano ang mga genre ng musika ang pinakikinggan mo?

Nasa mood yan. Kapag medyo umuulan, trip ko ang mga kanta ni Enya. Pero mostly OPM talaga. GnR, Bon Jovi, at Beatles kapag feeling horny. Naniniwala din ako na hindi kailangan ng genre kapag ikaw ay music lover. May novelty songs din ako.

3. Kung ikaw ay isang awit, anong awit ka at bakit?

Ako ay isang awit pambata. Mahilig ako gumawa ng sa bata. Seryoso, ako ay isang awit na pwedeng magligtas sa mga dalagitang naliligaw ng landas. Yung tipong inspirational song.

4. Kung may musical instrument kang gusto mong maging bihasa, ito ay ang..

Harmonica. Masarap sa pakiramdam yung nakukuha mong tunog. Parang na'sa gitna ka ng isang farm. Naroon yung Peace Of Mind. Mga idolo kong gumagamit ng harmonica ay sina Francis Magalona at Alanis Morisette.

5. Baduy ba para sayo ang mga kantang OPM? Considering na isa kang Pinoy?

Hindi. Mahina ako sa ingles eh. Mas baduy siguro ang jejemon na kanta.

6. Kung may stanza ng kanta na magsasabi ng tunay mong nararamdaman ngayon, ano ang stanza na iyon, saang kanta galing at bakit?

Strawberry Fields Forever ng The Beatles.

"Living is easy with eyes closed.
Misunderstanding all you see.
It's getting hard to be someone,
But it all works out.
It doesn't matter much to me."

Komplikado ang mundo. Kapag maraming problema, idaan nalang sa tulog keysa maglasing.

-----

Ang award na ito ay ibinabahagi ko sa mga nagtyatiyagang magbasa masugid na mambabasa ng blog at mga kaibigan sa mundo ng panitikan. Pito lang daw talaga e, sorry.

BlindPen ng Kwentista Blog
Pink Line ng The Pink Line
Reilly Reverie ng Reveries
Senyor Iskwater ng Iskwater Stories
PadrePio ng San Docena
Ayekaru ng Shadow Land

100 load sa mga hindi naisama ;)








Legarda

Hindi maalis sa aking tingin ang kumikindat-kindat na monitor ng ATM machine sa Legarda Station ng LRT. Pula at asul na kulay ang patuloy na nagsasayaw sa himig ng nagdaraang tren sa aking ulonan. Lagpas dalawang daang pasahero na ang aking natanaw. Nagmamadali ang ilan. Nakikipag-tagisan ng bilis sa takbo ng orasan. Ang huling mag-syotang dumaan sa aking harapan ang nagbigay pasya sa akin para lisanin na ang lugar.

Bumigat na ang aking balikat sa backpack na aking dala-dala. Halos hindi ko na magawa pang ngumiti sa tuwing maaalala ko ang huling sinabi nya sa madaling araw na tawag sa telepono. Kusang huminto ang aking paa sa kanto. Sa sakayan ng jeep. Hinahatak ng batang tindero sa kalye ang aking bisyo. Bumili ako ng yosi. Sinindihan. Ibinuga ang usok sa kawalan.

"Natatakot talaga ko James," mahina at halos pabulong ang kanyang tinig. "Paano kung malaman nila kung nasaan tayo?"

"Sigurado akong hindi tayo isusumbong ni Kuya. Maiintindihan nya ang kalagayan natin at alam kong naroon ang suporta nya"

"Wala akong pinagsisisihan, pero sa tingin mo tama ang gagawin natin?"

"May nakapagsisi na ba sa huli? Walang tama sa ginawa natin, pero mas magiging mali kung hindi natin susundin ang nararamdam natin. Mas malala ang pagsisisi."

Sa Tulay

image credit to KOKser

Kalahati ng mga tao sa baranggay namin ang naabutan kong nagkakagulo sa dulo ng tulay. Bumaba ako sa sinasakyan kong pampasaherong dyip kahit may kalayuan pa ang aming bahay, isang patunay na tsismoso din ako minsan. Iba't iba ang reaksyon ng mga taong sabik sa kwentong pwedeng pamalit sa miryenda. May mga naka-ngiti, salubong ang kilay, galit, constipated, ngunit lamang ang pwedeng pasukan ng langaw sa bibig.

Sa ganitong pagkakataon, bukod sa pagpapalaki ng tiyan ng mga maton at paligsahan sa pagpapadami ng bata sa lugar, paborito ding libangan ng mga kapitbahay ang pagsagap sa ibat-ibang uri ng chismis. Hindi pa kasi uso ang social network sa lugar, kaya kahit asong nanganak hindi pwedeng makaligtas.

Sumiksik ako sa kapal ng taong nakaharang, "Kuya anong meron?" tanong ko sa lalaking ayaw magpa-agaw ng first class seat.

"Si Erap, bida na naman" saglit nitong sagot.

Si Erap. Napakamot nalang ako ng ulo. Hindi na bago kung sya ang bida. Ang siga at tanging kinatatakutan sa kanto. Sya yung tipong 'di ka pwedeng malasing sa inuman at bigla nalang mag-amok ng away. Hindi ka nya pagbibigyang agawin ang kanyang trono. Epektibo ding panakot sa mga batang gusto pang sulitin ang amoy ng lansangan sa hapon.

Hindi na mabilang kung ilang beses lumabas-pasok sa apat na sulok ng kulungan. Hindi na din mabilang kung ilang bote ng alak ang lilipad sa bubungan ng kapitbahay sa tuwing sinasaniban. Maraming kwento tungkol sa pagkabata. Sa pagpapalaki ng magulang. Inabuso hanggang sa naging matatag sa larangang kanyang nilalakbay. Ang nag-iisang tao sa lugar namin na kahit ang pusang may siyaw na buhay, makita palang sya'y nagkukunwari nang patay.

Liham kay Julie

image credit to orig uploader :)

Dear Julie,

Mataas na ang sikat ng araw dito. Kahit anong gawin kong hila sa kumot, pakiramdam ko'y hinahabol nya ang bawat galaw ko. Nakakainis. Naalala ko kasi ang ngiti mo na parang inukit lang sa liwanag ng araw. Okay ka lang kaya ngayon? Ano bang ginagawa mo? Adik ka pa din ba sa pagjo-jogging sa umaga? Pangarap mo pa din bang magkasing-sukat ang balakang ninyo ni Sunshine Cruz? Kung ako ang tatanungin, mas okay na saking kasing lapad ng katawan ko ang mga hita mo. Biro lang yung binanggit kong mag-diet ka noong last nating date sa may Kalayaan. Wala lang talaga akong pangbili ng extra rice para sayo.

Nakakainip ang bakasyon. Nakakamiss ka lalo't wala akong kasama mag-see saw dito sa parke. Natatawa ako kapag nagagalit ka, at ayaw mo akong ibaba. Tumatalon pa nga ako 'di ba? Kapag umuulan, wala akong ibang ginawa kundi iguhit ang mukha mo sa namumuong hamog sa bintana. Iginuguhit ko ang pinakamaganda mong ngiti tapos lalagyan ko pa ng malaking laso ang iyong buhok. Tapos magtitimpla ako ng kape. Pagbalik ko burado na ang mukha mo, ewan ko kung sinong salarin. Tatawa ng tatawa naman si Ramon, iiling-iling habang namumulot ng mga nagkalat na nakabilot na mga papel. Mga sulat kong hindi natapos, at hindi naipadala dahil kulang ng budget.

Para akong nasa ibang mundo kapag 'di tayo magkasama. Ang isang buwan nagmimistulang isang taon kapag 'di kita nakikita. May isang buwan pang natitira. Para akong mababaliw. Hindi epektib ang marathon ng movie. Ayoko ding makinig ng musika, lalo lang bumibigat ang pagnanais kong mayakap ka na. Wala na kong ibang ginawa kundi pagmasdan yung mga huling larawan natin bago tayo maghiwalay. Ang ganda mo talaga doon sa piktyur natin sa jollibee. Ang laki ng bibig mo sa pagtawa, samantalang ako nakapikit. Kung isusulat lang ng magaling na manunulat ang kwento natin, sasabihin kong unahin sa parte kung saan nagtapat na ko sayo. Ayoko kasi yung eksena sa bus kung saan nagkasabay tayo sa pagpasok, tapos nilibre mo ako dahil galit na sakin yung kunduktor. Ayaw nyang maniwalang naiwan ko wallet ko sa bahay.