Makitanay

(image credit to orig uploader)



“Mukhang maganda ang panahon ngayon” wika ko kahit hindi diretsong nakatingin sa kanyang mga mata.

“Masarap maglakad lakad, ano po sa tingin nyo?” dugtong ko pa.

May kung anong bagay na pilit nagpapahinto sa paghakbang ng kanyang mga paa. Sa payat at lugmok nyang pangangatawan, ay mahahalata na ang bakas ng nagdaang panahon. Malapit na sanang masilawan ng araw ang kanyang naninilaw na balat, nang biglang huminto ang pag-usad ng kanyang mga paa. May namuong lungkot na syang tuluyang nagpa-agos sa kanyang mga luha.

“Ano pong problema itay? May masakit po ba? May nararamdaman ba kayo?” tanong ko.

“Wala Julius. Nag-uumpisa na naman pala ang tag-init.” Si itay.

Sa isip ko alam ko na ang pinupunto nya, kahit hindi nya pa sabihin sa akin. Hindi maitatago ang tono ng lungkot sa bawat salitang inilalabas ng kanyang bibig. Bahagya ko syang nilapitan. Sa puntong ito ako naman ang magsisilbing haligi at syang aalalay sa inanay na haligi ng tahanan. Inakbayan ko sya. Pinaramdam ko sa kanyang ang pinakabatang miyembro ng pamilya, ay kailanma’y hindi nawalan ng pag-asa. Hindi sumuko hanggang sa mga sandaling ito.

Gusto kong maramdaman nyang hindi sya nag-iisa. Sa kabila ng pait na ibinigay sa kanya ng tadhana, nais kong isipin nyang hindi pa tapos ang ikot ng mundo para sa mga taong malaki ang isinakripisyo.

“Saan nyo po ba gustong pumunta?” tanong ko. Inipit nya pang maigi ang malalim na paghinga, bago tuluyang pinakawalan.

“Kung pwede sana. Gusto kong makita ang iyong ina”

“Talaga? Matutuwa sya sigurado!”

Kahit pa alam kong mahirap para kay itay ang ganoong desisyon, pinipilit ko pa ding hindi sya panghinaan ng loob.

Walang kapa at matingkad na kasuotang magtatago sa katauhan ni itay. Wala ding maskarang magtatakip sa kanyang mukha. Walang kapangyarihan, at walang kakaibang abilidad. Pero ganoon nalang ang paghanga ko sa kanya na parang isang superhero. Mabait, masipag, matiyaga, at maasikaso. Kung may award nga lang ang pagiging ama nya sa amin, siguro hindi pa sapat na patayuan sya ng rebulto sa edsa.

Masaya ang itay at inay noong naka-graduate ako ng highschool. Kahit hindi matataas ang gradong nakuha ko, hindi iyon naging problema sa pagpasok ko ng kolehiyo. Regular sa trabaho si itay sa isang maliit na kumpanya. Nag-iisang anak ako kaya madaling nakaipon ng pera, dahilan para makapagpatayo ng negosyo si inay. Hindi naging problema ang pinansyal sa pamilya namin. Kumakain kami hindi tatlo, kundi limang beses sa isang araw. Kumpleto ang kasuotan na sinusuot ko sa araw araw. Walang bakas ng pinaglumaan, at hindi mawawala ang amoy ng dekalidad na fabric conditioner.

Pinili ko ang kursong abogasya sa kilalang unibersidad. Kahit pa hindi ako sigurado na mahahagip ng utak ko, ang kailangan sa pagtatanggol sa kung sino sinong tao lang. Malaki ang ngiting nangibabaw sa labi ni inay, noong nakita nila akog subsob sa pag-aaral. Ganoon din si itay, kaya lalo pang nagsipag sa pagbabanat ng buto. May mga oras na tila ayaw nila akong abalahin, ngunit sinabi kong kailangan ko din sila lalo na’t sila ang inspirasyon ko habang nag-aaral sa kolehiyo.

Noong minsang naabutan ako ni itay na inabot ng madaling araw sa pag-aaral, dinalhan nya pa ako ng gatas.

“Pwede bang makaistorbo?” pabiro nya pang sabi, sabay lapag ng isang basong gatas sa study table ko.

“Gising ka pa pala itay! Wala ka po bang pasok bukas?” habang hinihipan ang mainit init pang gatas.

“Meron. Hindi pa kasi ako tinatamaan ng antok. Lalabas sana ako para magpahangin, nakita kong bukas pa ang ilaw ng kwarto mo. Ano ba yang pinagpupuyatan aber?”

“Review lang po. May parating kasing exam. Gusto mo samahan kitang magpahangin sa labas?”

“Hindi na! Nagbago na isip ko. Gusto ko nang makipagkwentuhan naman sayo. Bihira na kasi tayong magkausap noong tumuntong ka ng kolehiyo. Sya nga pala ano bang maganda sa abogasya, at iyan ang pinili mo?”

“Gusto ko po kasing maging superhero tulad nyo.” Pabiro kong sagot. Nagkasalubong ang kilay ni itay sa sinabi ko.

“Pangarap kong maging superhero sa magiging pamilya ko. Tulad ng ginagawa mo sa amin. Sa akin.” Natawa sya sa paliwanag ko. Kulang nalang malaglag sa kanyang inuupuan. Sinundan ko na din sya sa pagtawa.

“Alam mo bang ang pagiging superhero sa pamilya ay iba sa pagiging superhero mo sa ibang tao? Sa pamilya natural nang maging malakas ka sa bawat sandali. Bilang padre de pamilya kailangang hindi ka kakitaan ng kahinaan. Walang puwang ang pagsuko, at palaging namamayani ang tiyaga.”

Bumaon sa isip ko ang sinabi nya. Hindi sya yung tipong makakapagsalita ng ganoon, pero sa pagkakataong iyon humanga na naman ako sa kanya.

“Sige na matutulog na ako. Hindi ako lalong tatamaan ng antok kapag may kausap.”

Umpisa na ang tag-init noon. Tapos na ako sa unang taon, at magsisimula na ang bakasyon. Gabi na ako ng makauwi. Dahil huling araw ng klase, nagkayayaan ang mga kaklase sa isang maliit na salo-salo. Pinagbigyan ko, dahil baka sa susunod na taon ay hindi na sila ang makakasama ko. Papasok palang ako ng pinto noong salubungin ako ni inay. Sa ganitong oras hindi nya gawaing magsamsam ng nakasampay na damit, kaya ganoon nalang ang gulat ko nang inisa isa nya ang mga damit kasama na ang sa kapitbahay.

Nilapitan ko sya. Lalo akong nagtaka noong maaninagan ko ang kanyang mukha. Lumuluha sya. Tinanong ko si inay, ngunit bigo akong makakuha ng sagot. Agad akong pumasok ng bahay. Naabutan ko sa sala si itay. Nakatalukbong ang mga palad sa kanyang mukha. Sa limesa nakapatong ang iilang papeles. Mabilis ko syang nilapitan para mag-usisa.

“Pasensya na Julius. Mukhang kailangan mong mag-iba ng kurso, at lumipat ng eskwelahan.”

“Ano pong nangyari? Bakit kailangan kong lumipat? Si inay? Anong nangyari kay inay?” sunod sunod na tanong na lumabas sa aking bibig.

“Nag-away kami. Nawalan ako ng trabaho. Nagsara ang kumpanya, at ang masakit tumakbo ang may-ari. Wala akong naisalbang pera kahit singko.” Paliwanag ni itay.

Hindi ako sanay sa mga ganitong sitwasyon. Sa telebisyon lang ako nakakakita ng ganitong mga eksena. Estudyante lang ako, at ang pagbibigay ng payo sa kaklaseng nabasted ang kaya ko lang imungkahi. Pero hindi broken hearted ang itay. Mayroon pang mas malaking problemang kinakaharap ang pamilya, yun ay ang aming kinabukasan.

Hindi nabigo ang tadhana sa paglalaro sa buhay namin. Isang buwan lang ang lumipas nawala na ang negosyo. Ubos ang pinagipunan sa dami ng utang. Kaliwa’t kanan na ding mga kagamitan ang parang bula nalang kung mawala. Binawi na din sa amin ang bahay na noon pa pinaghihirapang hulugan ni itay. mabuti nalang at may damit pa akong nasusuot, at kumakain pa ng matino. Ngunit lalong namayani ang pagkahabag ko sa estado namin, noong dineklara na ng magulang kong kailangan ko nang huminto sa pag-aaral.

Masakit para sa akin ang ganoong klase ng dagok, pero imbes na mamaluktot sa isang sulok ay naghanap ako ng trabaho. Una para tumulong sa pamilya, pangalawa para makaipon para sa muling pagpapatuloy ng aking pag-aaral. Nakakita ako ng pagsilip ng araw, noong natanggap ako bilang waiter sa isang hindi kilalang hotel. Hindi man sapat ang kita ay pinilit kong ipagkasya. Medyo may edad na din kasi ang itay kaya hirap nang makahanap ng tatanggap. Kahit paano nadagdagan ang kinikita ko dahil sa tip na iniaabot ng mababait na customer.

Matapos ang malakas na bagyo, dahan dahan kaming nakakita ng pag-asa. Tulad ng lupang dinaanan ng baha, kailangan naming magsimula ulit sa wala. May trabaho na ulit si itay. Natanggap sya bilang supervisor sa isang pabrika. Labis ang tuwa ni inay, at ganoon din ako. Napagpasyahan naming magtulungan pa ng husto para ibalik sa normal ang buhay namin. Namasukan na din ang inay bilang mananahi. Limang buwan pa lang ang lumipas nabawi namin agad ang kalahati ng nawala sa amin. Lalong tumindi ang pagnanais naming makaahon sa kahirapan, dahil sa partisipasyon ng bawat isa. Pero yun ang akala ko.

Bitbit ang isang bilao ng pansit at walang kasing tamis na ngiti, ay maaga kong nilisan ang trabaho. Kaarawan ni itay. Gusto ko syang surpresahin. Alam kong paborito nya ang pansit, lalo na’t galling sa paborito naming kinakainan. Papasok palang ako ng pinto nang isang hindi pamilyar na boses, ang narinig kong nangingibabaw sa usapan.

“Hindi mo ako kilala Ernesto. Bihira akong magbigay ng palugit sa tao!” wika ng lalaki.

Naabutan ko si itay sa posisyong tila nagmamaka-awa. Sa gilid si inay na nakahandusay at basa ng luha ang magkabilang pisngi. Hindi ko lubos maunawaan ang nangyayari. Nagkaroon ako ng kakaibang takot, dahilan para hindi ako tuluyang makagalaw.

“Dalawang buwan pa ang hinihingi ko sayo. Mababayaran ko din lahat ng utang ko” si itay.

“Pangatlong tawad mo na yan. Sa tingin mo ba may tao pang maloloko sa mga panahong ito? Kung pagbibigyan kita sa gusto mo, paano naman yung mga nauna sayo” nagsalubong ang mga kilay ni itay sa narinig.

“Mali ka sa pinasok mo Ernesto. Hindi ako katulad ng iba na pwedeng lagpasan pagkatapos mapakinabangan. Babalikan kita bukas, kapag wala kang binigay alam mo na siguro ang kasunod.” Dugtong pa ng lalaki.

“Huwag na huwag mo akong tatakutin Simon! Hindi dito. Hindi sa harap ng pamilya ko!”

Lalong nangalit ang mukha ng lalaki na akma na sanang aalis. Mabilis itong bumalik at nilapitan si itay. Binunot sa gilid ng suot na jacket ang isang malamig na piraso ng bakal. Itinutok ito sa noo ni itay. tuluyang nanglambot ang mga tuhod ko sa takot. Nasa isip ko ang pagsigaw at paghingi ng tulong, ngunit mabilis itong tinapakan ng mga daga sa dibdib ko. Isang malakas na putok ang tuluyang tumapos sa eksenang pang-pelikula lamang.

Duguan at naliligo sa sariling dugo ang lalaking nasa harapan ni itay. Ang sumunod na natandaan ko ay ang pagdakip ng alagad ng batas kay itay. Kitang kita ng mga mata ko ang posas na ikinabit sa magkabilang kamay nya.

“Julius. Wala kang dapat tularan sa nasaksihan mo. Mahal ko kayo ng inay mo. Sa lahat na paraan na kaya kong gawin” mga huling salitang namutawi sa bibig ni itay.

Huli na nang matuklasan kong ang lalaking iyon ang amo ni itay, sa dati nyang kumpanya. Hindi nagsara ang kumpanya. Tumakas si itay sa laki ng kanyang pagkakautang. Kusang nagbagsakan ang mga luhang kanina pa nanginiglid sa aking mata.

***

“Sa palagay mo ba matutuwa syang makita ako?”

“Opo! Madalas na ang banggit nya ng pangalan nyo, nitong mga nakaraang araw. Hindi nya matago ang mga ngiti, noong sabihin kong malapit ka nang makalaya”

“Julius.. Gusto kong humingi ng tawad sa iyo. Hindi ako naging mabuting ama. Maganda sana ang naging takbo ng buhay natin kung hindi ako nagpaloko sa pera”

“Nagkakamali kayo itay. Walang magulang na hindi nakagawa ng kabutihan sa kanyang anak. Naiintindihan kita kung bakit mo nagawa iyon, at mula ng maintindihan ko ay natuto na kitang patawarin. Kung hindi dahil sayo, siguro hindi din matutupad ang pagiging abogado ko, at hindi kita nailabas dito” wika ko.

Sumilay ang ngiti sa labi ni itay, na ngayon ko lang ulit nakita sa nagdaang taong pananatili nya sa piitan.

“Salamat anak. Maari ba kitang yakapin?” tanong nya. Hindi na ako sumagot. Bagkus ay agad ko syang niyakap. Ang mga sandaling tulad nito ang matagal ko nang inaasam asam.

“Alam mo bang ang pagiging superhero sa pamilya ay iba sa pagiging superhero mo sa ibang tao? Sa pamilya natural nang maging malakas ka sa bawat sandali. Bilang padre de pamilya kailangang hindi ka kakitaan ng kahinaan. Walang puwang ang pagsuko, at palaging namamayani ang tiyaga.” Bulong ko sa kanya.

Ginulo nya pa ang aking buhok, bago tuluyang ihakbang ang kaninang nahinto nyang paglakad.

“Kumusta pala ang lagay ng inay mo?”

“Maayos na sya. Payo lang ng doktor na mas maigi pang sa bahay nalang sya kesa sa loob ng ospital. Mas makakatulong daw iyon sa kanya. Madalas kasing hindi nya pa din mapatawad ang sarili. Sya daw dapat ang nakulong at hindi ikaw”

“Mahal ko ang inay mo. Sa mata ng batas sya ang dapat maparusahan, ngunit sa mata ng nasa itaas ako ang tunay na nagkasala” wika ni itay.

-End






Opisyal na lahok sa PSICOM SOPAS writing contest. Ayun talo! :)

Slumbook

Kung posible lang na hatakin ko ang oras, dadalhin ko iyon sa panahong nasa tama pa ang lahat. Yung mga panahong hindi dyahe ang pagsasabi ng "Mahal Kita!" Pero sa bawat patak ng segundo, pakiramdam ko'y lalo akong binabaon ng sariling hiya. Sa pagtitig palang sa kanyang mata sumusuko na ako, yun pa kayang magtapat ako? Mahusay na akong magnakaw ng tingin ng dahil sa kanya. Is it okay if I call you mine ang lagi kong banat, sa tuwing ngingiti sya. May mga pagkakataong tuloy gusto ko na syang itulak para kapag nagtanong sya kung bakit, sasabihin kong gusto ko lang syang dumistansya at baka hindi ko mapigil ang sarili ko at tuluyang yakapin sya. Pero ika nga huli man, ay huli pa din. Iba ang mahal nya.

"May kahawig ka pala sa Duran Duran? Sayang no? Type pa naman kita!"

"E, ano namang nasayang? Wala namang sabit."

"Wala ka ngang sabit, pero pareho naman tayo ng trip!"

"Hindi nga ako bakla! Pumanaw na si Gem-Gem at kumupas na ang slumbook, yan pa din ang linya mo. Wala kang magawa ano?"

"10 minutes bago mag coffee break, mauna na tayo sa pantry!"

"Idadamay mo pa ako sa kalokohan mo, hindi ka pa nadala nang mahuli ka ni Merlito?"

"Nakita mo ito? Kung makatitig sya dyan parang gusto nya nang maghulog ng singko. Sa seksi kong ito, isang kindat ko lang doon sasablay na naman yun sa pagpindot sa vending machine."

"Nasaan ang seksi? Kung yan ang basehan ng pagiging seksi, siguro si Kris ang presidente ngayon at hindi si Noynoy."

"Seksi din naman sya ah!"

"Oo! Noong pido dida!"

"Uy! Ayaw magpatalo! Ikaw na seksi, ano sukat ng bewang mo teh?"

"Hindi ako bading! Sasabunutan kita!"

Kahit ang kapitbahay naming maton ay umaming berde din ang dugo sa akin sa inuman, nang kumalat ang balitang pusong mamon daw ako. Napabilis ang kontrata ni Itay sa Saudi, na sana'y papatak ng tatlong taon. Kaya halos itali ako ni Inay sa puno sa likod bahay, dahil hindi nakumpleto ang pares ng kanyang gintong hikaw. Hindi ako bading! Nasanay na kahit ang alaga kong cactus sa linya kong iyan, ayun tinubuan ng bulaklak. Kahit saan ako maglakad o magpunta laging may nakabuntot na asar ang mga tambay. Kung katulad lang ako ni utol na animan ang pandesal sa tiyan, malamang nagkasya na sila sa bote ng coke, yung sakto!

Hindi naman talaga ako bading. May deperensya lang talaga siguro ang paraan ng paglalakad ko, at nagmukha itong bibeng kumekendeng. Wala din taste sa kahit anong sports, kaya hindi ko lubos maisip kung bakit ako pinilit ng teacher ko noon na sumali ng volleyball, gayong kahit star margarine ay hindi aprubado ng nutrionist sa akin. Tumindi lang ang hinala ng mga kapitbahay, nang isang beses bumungad ang larawan ni Gem-Gem sa wallet ko. Sinong naglagay? Hanggang ngayon hindi ko pa din alam. Suspect? Nag-iisa lang yan.

"Luma na ayaw pang palitan.." puna ko sa mug nyang dalawang taon nang naglilingkod sa kanya.

"Kung itatapon ko, sayang ang pinangbili mo." sagot nya.

"Ibibili nalang kita ng bago."

"Ayoko. Mas may value ang unang bigay, kesa sa pangalawa. Tsaka alam mo namang sa inyong dalawa lang nagkakaroon ang regalo ng halaga, pagdating sa akin."

"Alikabok na ang mahal mo, mag move-on ka na.." mahina kong tugon, habang tinataboy ang usok na nanggagaling sa mabangong kape.

"Sabi nga ni Mike Tramp, till death do us part diba?"

"Oh, e di sundan mo sya! Bitter!" asar kong sagot.

"Selos? Hindi bagay sayo sis.." pang-aasar nya.

"Hindi ko nga sya type!"

Sa pagkakataong nagkakausap kami tungkol kay Gem-Gem, hindi ko maiwasang hindi mainis. Palagi kasing nauungkat ang nakaraan. Wala naman akong natatandaang nagka-interes ako sa ibat-ibang kulay na underwear, at kahit kailan hindi pa ako namataang nanonood ng patimpalak ng mga lalaking tinatago ang easter egg. Kaya kahit isabit ako sa kawad ng kuryente, e hindi ako aaming may pagtingin sa kalahi ni adan. Kung may dapat sisihin ang inay sa pagpurnada ng koleksyon nya, yun ay walang iba kundi ang pesteng slumbook.

Kakabog kabog ang dibdib ko habang nakatitig sa linyang may naunang tanong na "Who is your crush?" Ang lapis na bagong tasa ay halos mabilis na maupod, dahil sa kamay na parang makinang pangtahi kung mag-vibrate. Nasa unang letra palang ako nang sumulpot sya sa gilid ko. Una-unahan ang daliri ko sa pagbura, at sa mabilis na pagbabago ng letra. Pwede naman ang anonymous, pero nasa isip ko na isang magandang paraan masabi ang tunay na nararamdaman.

"Crush mo sya?" wika nya.

"Bading ka?" sabi naman ng isa.

"Okay lang yan! Hindi ka naman nag-iisa e!" ang tugon ng lahat.

Oo mahal ko sya. Kung naitago ko man, e hindi ko sinasadya. Kasalanan ko ang lahat, dapat sa umpisa palang hindi ako nagpadaig sa takot, at sinunod ang dikta ng puso. Pero huli na ang lahat. Panalo ang pagsisi sa taong palaging umaatras ang dila, at nagpapatianod sa ilog ng kaduwagan. Kung may pagkakataon sanang katulad ng ganon, maayos sana ang lahat. Tanaw ko na ang hangganan ng tumbler kong pinagsidlan ng kape. Sa kinse minutong break, nadagdagan na naman ang pag-aalinlangan ko sa sarili, at panghihinayang sa nakaraang hindi dapat nangyari.

"Bumalik ka na sa trabaho bading!"

"Hindi nga ako bading!"

"Kailan ka ba aamin?"

"Wala naman dapat aminin. Kung meron man, walang kinalaman yun sa kanya."

"You mean may iba pang tinitibok ang puso mong mamon?"

"Oo! Dati pa!"

"Alangan namang ako? Hindi nga tayo talo. Sino?"

"Sinagot ko na yan sa slumbook hindi ba? Read mo nalang backwards shunga!"

Pirapiraso ang mug nang sumayad ito sa sahig. Ang bawat pirasong tumalsik, ay parang damdamin kong tuluyang sumambulat. Hindi nito napigilan ang impact na mula pa noon ay nag-aasam nang kumawala. Nasa akma syang dadamputin pa at iisa-isahin ang pagdudugtong ng letra na bubuo sa pangalan nya.

"Akin na yan! Masugatan ka pa.. Sabi ko naman hindi ako bading." wika ko.

"Itatabi ko nalang, regalo mo ito diba?"

"Ibibili nalang kita ng bago.."

"Thanks! Gusto mo samahan kita?" si meg.

-End

Flamingo - Chapter 6

Nakakabingi ang tibok ng aking puso. Anumang oras pakiramdam ko'y sasabog na ito sa sobrang bilis ng pag-produce ng dugo. Pigil na pigil din ang aking paghinga, habang nakalapat ang labi nya sa aking labi. Nakakatukso pa ang pagkalambot nito. Lubha ding nakaka-akit ang kakaibang bango ng kanyang buhok, na parang kusa kang iaangat ang iyong mga paa. Doon ko lang napagtanto kung gaano kaganda ang kanyang mga mata. Maamo ang mga ito, na pininturahan ng matingkad na itim. Kaya halos habulin ko ang kanyang labi nang kusa nya nang ilayo ito.

Nakikipaghabulan ang mga daga sa dibdib ko, nang humugot ako ng hangin. Binalak kong tanungin kung bakit, ngunit kahit ang unang syllable ay kusang napigil ng ngumiti sya sa akin. Kahit ako sa sarili ko, ay hindi alam kung anong reaksyon ang gagawin ko.

"Marcus! Marcus!"

Kusang kumurap ang aking mga mata. Si Sarah prenteng nakaupo sa tabi ko, at maayos ang pagkakadugtong ng seatbelt. Normal ang lahat, kaya ganoon nalang ang pagtataka ko.

"Marcus, nandyan ka pa ba?!" wika nya. Wala sa hitsura nya ang nagbibiro habang sinisigaw ang pangalan ko, kaya alam kong guni-guni lamang ang lahat. "Sumagot ka please!"

"Akala ko may problema ang makina, kaya binaba ko. Ayaw kasi mag-start kanina" unang palusot na lumabas sa bibig ko, kahit pa alam kong kahit ang bata ay hindi paniniwalaan. Naubos yata lahat ng pityriasis capitis sa ulo ko, nang mapakamot ako sa sobrang pagtataka. Naroon din ang kaunting inis at panghihinayang.

Tulad ng pag-describe ko kay Sarah, ganoon din kaganda sana kung naging totoo lang ang guni-guning iyon. Panandalian pa akong huminto bago nilagareng muli ang kalsada, baka kasi maulit o magkatotoo, ngunit bigo.

---

Maayos ang lagay ni Mang Fred noong datnan namin sa hospital. Sa tingin ko pwede pa syang pumalit kay MC Hammer sa pagsayaw ng U can't touch this, kung makakabawi sya ng lakas. Siniguro kong labingdalawa ang bilog na prutas, na inilapag ko sa side table katabi ng kanyang kama. Nakipagchikahan ng konti sa nurse na cute, at nakipagpalitan ng masamang tingin kay manang, na para bang aagawan ng kendi.

Dalawang linggo pang mamamalagi si Mang Fred sa hospital, kaya may pagkakataon pa akong mag-usisa ng mabuti sa bahay. Hindi ko maisingit kay Sarah ang tunay na hangarin ko, bunga na din ng mga katanungang dapat ko munang tuklasin mag-isa. Matapos ang pagdalaw tumulak na kami pauwi.

"Salamat nga pala sa breakfast.." pauna ko habang inaalalayan syang sumakay sa auto, at nililigtas sa kalawang na nakikipag-agawan ng pogi points sa naunang pintura.

"Salamat din at nagustuhan mo. Nagustuhan mo nga ba talaga?" biro nya habang nagpipigil ng paglabas ng kanyang mga ngipin.

"Oo naman! Bihira lang ako makatikim ng luto ng isang--"

"Bulag?" mabilis nyang tugon.

"Hindi! Isang tulad mo.." palusot ko.

"Tulad ko? Ano bang special sa akin?"

Umasim ang aking mukha habang nag-iisip ng isasagot. Wala naman talagang special. Kung sya lang siguro ang pinagpalang mukha sa pinas, malamang pwedeng lumusot ang pangbobola ko. "Maaga pa naman! Gusto mo mag-ikot ikot muna tayo?"

...

Hindi yata magandang suhestiyon ang mamasyal sa Mojaeles. Maligaw kana kahit saang parte ng pinas wag lang sa lugar na iyon, dahil para ka lang nagbasa ng librong blangko. Pinaka-exciting na yata kapag makakasalubong ka ng mga batang nakikipagharutan sa nagliliparang salagubang. Kung balak mo ding maging reseller ng illegal connection ng internet, huwag mo nang subukan. Hahaba lang ang nguso mo, at magdudugtong ang kilay kakahanap ng signal. Kahit ang cellphone kong high end nakikipagpatintero pa kapag magsesent ng txt msg. In short, dinaig pa ang area 54.

Pero ang saya ay wala sa paglilibot, kundi nasa babaeng katabi ko. Ewan ko kung anong nangyari sa akin, pero tila nag-e-enjoy akong kasama sya. Kahit na tipid sya sa pagsasalita at hindi ganun ka-jolly, ay parang bata pa din akong aliw na aliw pagmasdan sya. Bawat ngiting binibitiwan ng kanyang labi, ay tumatatak sa aking isip. Kaya madalas ang joke ko sa byahe. Kahit pa mga korni, basta makita ko lang syang tumawa, ayos na!

"Pasensya na kung makulit ako.."

"Nakakaaliw ka nga kasama e. Hindi na ko magtataka kung bakit ka nya nagustuhan.." sagot nya.

"Sino?"

"Si Ate! May iba pa ba?"

"Wala! sabi ko naman sayo minsan palabiro ako" natatawa kong sagot.

"Bagay sayo ang kwintas na yan! Siguro matutuwa si Wiliam kung makikita nyang suot mo yan.." balak kong hulihin sya.

"Wala na sya.." sagot nya.

"Sorry.."

"Sorry? Nasa ibang bansa na sya. Hindi ko alam kung saan, basta ang sabi nya babalik daw sya para dalawin ulit ako. Kumupas na ang kulay ng mutya, ngunit wala pa din sya"

"Hinihintay mo pa din ba sya?" tanong ko.

"No.. Malaya syang magdesisyon para sa sarili nya, kung babalik pa sya hindi ko alam kung matutuwa pa ba ako.." mahina nyang tugon.

"Bakit naman hindi! I'm sure gustong gusto mo pa din syang makita! Kung hindi e bakit dala mo pa din ang mutya?" nabigla ako sa mga sinabi ko, balak ko lang syang hulihin pero mukhang nahalata na nya ang plano ko.

"Tulad ng sabi ko, hindi na sya babalik. Ayokong umasa sa taong sumisira ng pangako."

"Pangako? Kung magkaibigan lang kayo, tama lang sigurong hindi ka magalit sa kanya. Unless.."

"Boyfriend ko sya? Surrender na ako! Tama ka! Kasintahan ko sya, at iniwan nya na ako." diretso nyang sagot.

Nalunok ko lahat ng dapat na sasabihin ko. Hindi ko alam ang nararamdaman ko, pero nagkaroon ako ng nakaka-iritang kirot na hindi ko alam kung tama bang maramdaman. Nawala na sa isip ko ang balak kong pagtuklas sa katauhan nilang magkapatid. Ang labo. Sabaw na sabaw ang takbo ng isip ko, nalunod sa mga siniwalat nya.

---

"Huwag mong sabihing nagkakaroon ka na ng interes sa kanya?" mabilis na tugon ni Ingrid.

"Yun ang iniiwasan ko Ingrid. Magkapatid sila ni Rica, kahit pa nagkaroon ng kaunting problema.." sagot ko.

"Pero sa pagdedescribe mo sa kanya, hindi malabong nahulog ang loob mo."

Kusang tumigil ang mga paa ko sa paghakbang. Kumurot sa konsensya ko ang mga salitang binitiwan nya. Nakaramdam ako ng guilt, at panghihinayang. Psychiatrist si Ingrid kaya alam kong nahuhuli nya ang iniisip ko, pero duda akong mahuhulaan nya ang nilalaman ng puso ko. Walang makakapagsabi kung ano ang tunay kong nararamdaman kay Sarah. Kung kasing lalim man ito ng tinatawag na pag-ibig, ay hindi pa din ako sigurado.

"Know what?" si Ingrid. Tumingin lang ako sa kanya.

"Matagal nang issue ang pagtatalo ng isip at puso. Kaya matagal na ding nasolusyunan yan.."

"Solusyon.." bulong ko sa sarili.

"Kahit kailan hindi nanaig ang isip sa puso. Palaging talo ang utak pagdating sa pag-ibig. Hindi tumatanggap ng dikta ang puso, kapag nagsimula na itong magbigay ng mas mataas na bugso ng dugo hindi normal sa kinagisnan."

"Alam mo ang resulta?" dugtong nya pa.

"Ano?"

"Nalulunod ang utak.." patapos nya.


---

Hindi ko masabi kung nag-enjoy ba si Sarah, o naboring. Bawat madadaanan namin nilalarawan ko sa kanya, para naman hindi nya isiping nagti-trip lang ako. Kaya nang makatulog sya ay parang gusto ko syang itulak papalabas ng auto. Nag-aagawan na ang liwanag at dilim nang makarating kami ng bahay. Bakas sa mukha ng dalaga ang pagod. Dahan dahan kong nilapitan ang kanyang maamong mukha.

"Gising.." bulong ko sa kanya.

Nagdadalawang isip pa ako kung gigisingin ko ba talaga sya, o bubuhatin ko papasok sa bahay. Maginoo din ako, pero hindi sa ganitong paraan. Ayoko naman ding masira ang tulog nya, ngunit lumalamig na ang hangin na nanggagaling sa bukas na bintana ng kotse.

"Gising Sarah.." muli kong bulong.

Wala pa ding epekto. Sa puntong iyon, kahit hindi ko gawaing mang-istorbo ng taong tulog ay napilitan akong buhatin sya papasok ng bahay, at diretsong dinala sa kanyang kwarto. Medyo kay kabigatan sya, na di angkop sa payat nyang pangangatawan. Sa pagmamadali, nagkrus ang aking paa. Muntikan pang sa sahig ang landing nya, at hindi sa kama. Marahan ko syang inilapag na may pag-iingat. Inunat ang makapal na kumot, at dahan dahang inayos ang gusot na unan.

"Salamat.."

Kakaiba din ang isang ito. Trip nyang manggulat ng tao. Tumalikod ako, at diretsong naglakad papalayo. Walang tunog ang ginawa kong pagsara sa pinto.

"Damn.." bulong ko sa sarili.

Alam kong naramdaman ni San Pedro ang lakas ng tibok ng puso ko. Ang kakaibang guni-guni kanina, at ang sitwasyon ngayon ay nagpapahiwatig ng kakaibang pakiramdam sa akin. Dali dali akong tumakbo ng kusina para maghanap ng maiinom. Isang bote ng alak ang sumalubong sa akin pagbukas ko ng tokador, na pinaglalagyan ng mga baso. Pilit ko mang iwasan, tila nang-aakit ito at nagsasabing tunggain ko na sya. Mind over matter. Pero nakita ko nalang ang sariling may hawak na baso, habang sinasalok ang alkohol. Blangko na ang sumunod na eksena.

...

Ginising ako ng nangawit kong likod at balakang. Nagkaroon yata ng hindi pagkakaunawaan ang posisyon ko sa pagtulog, at limesang naging partner ko. Pinisil pisil ko ang sintido kong may namumuong sakit. Naamoy ko ang sarili ko, parang nilublob sa laman ng boteng naging kasiping ko kagabi. Nang maaninagan ko na ang paligid, gumulat sa harapan ko ang mga gamit kong nakaayos na.

"Ayos na ang gamit mo. Pinaayos ko kay manang" wika ni Sarah.

Sa limesa ang breakfast, katabi ang mga papeles na naging dahilan ng pagpunta ko dito. Lahat ng nakasaad ay naayon sa gusto ko.

Ngunit bakit parang hindi ko matanggap? May pag-aalinlangan pa akong pansinin iyon.

"Single ka na ulit, pwede ka nang bumalik ng maynila.." may tipid na ngiti sa kanyang labi.

Tukso: 250 Words

Ang pag-iwas sa tukso ang pinaka-importanteng bilin ng aking magulang. Hindi naman daw masama, pero mas maganda nang umiwas. Ibahin mo ang girlfriend kong si Grace. Sya pa ang nagturo sakin ng mga bagay, na hindi ko inaasahang hahanap hanapin ko.


“Hinay hinay lang, para kang mauubusan” natatawa nyang sabi.


“Mahirap mabitin, masakit sa ano..” pilosopo kong sagot.


Halinhinan kaming nagsasalo sa init na dala ng kakaibang ligaya. Apat lang naman ang sulok ng kwarto, pero parang naging sampu nung napamura sya sa sarap.
Hindi ko maitago ang tuwa sa bawat pagbaba at pagtaas ng aking ulo. Kahit pa manhid na ang ilang parte ng katawan, basta ma-satisfy lang saming ginagawa.
Parehas kaming hingal noong nagkaubusan na ng malalanghap na hangin.


“Solve ka ba? Kapag gusto mo pa magsabi ka lang” wika nya.


“Kailan ulit natin gagawin ito?” tanong ko, habang nagpupunas ng pawisang noo, batok, at dibdib.


“Ano pa? Eh di kapag nagpadala na parents mo” tipid nyang sagot.


“Matatagalan pa yun. Pwede bang bukas?” pangungulit ko.


“Bawal nang libre! Ano ka sinuswerte?”


Tumayo sya at tinakip sa pawisan nyang katawan ang twalya. Doon ko lang naramdaman ang kakaibang sensation. Pumutok na ang tama. Nagtayuan na ang aking anit. Puti ang aking dila. Sumapi na ang kaluluwang nagbibigay ng kakaibang lakas.


“Sunod ka ha!” malambing nyang tinig, bago tuluyang pumasok ng banyo.


Hinipan ko ang kandila na may naglalarong apoy, na syang tumutupok sa demonyong nag-anyong bato. May init na hindi nakakapaso, ngunit may usok na sumisira ng pagkatao.

***

Flamingo - Chapter 5

Sa tingin ko'y kukulangin ang pagkakulot ng utak ko, kung susubukan kong himayin ang mga sinabi ni Sarah. Habang tumatagal ang paglagi ko sa Mojaeles, ay lalong lumalalim ang natutuklasan ko sa pagkatao ni Rica. Wala na kong maisip pang diskarte para tuluyang paaminin si Sarah. Aasa lang ako sa diretsong tanong, at mag-aabang ng diretsong sagot. Labing dalawa lang naman ang numero sa orasan, pero mukhang aabutin ng susunod na leap year kung mag-aabang ako ng pagbagsak ng bunga sa aking bibig.

Tinabihan ko sya. Halata sa mukha nya ang pagkagulat. Ngayon lang yata sya nakaramdam ng may lalaking nasa tabi nya. Hindi ko iyon tinapunan ng atensyon. Ang pag-uungkat ng kung anong mahahalungkat ang una kong balak.

"Sarah may dapat pa ba akong malaman?"

Ngumiti sya bago sumagot. "Marami kang hindi alam kay Ate, pero mas maganda kung mag-aalmusal ka muna bago magtanong. Madami dami din akong nais ikwento sayo" may pananabik sa kanyang boses.

Dala ng matinding pagod, hindi lang katawan ang sumuko sa akin kagabi. Kahit ang isip ko hanggang sa mga oras na ito, ay mukhang naapektuhan. Hindi ko nga namalayang makakatulog ako ng nakasuot pa ang sapatos. Kapag ganun ang nangyayari, si Rica ang kusang naghuhubad ng sapatos ko. May mga pagkakataong madalas ko syang naalala, sa mga ganitong sitwasyon. Isa na doon ang pagluluto nya ng agahan sa akin. Tumayo ako, at hinila ang kanyang kamay.

"Sabay na tayo! Hindi ako sanay kumain ng walang ka-kwentuhan"

"Sige!" nasasabik nyang sagot.

May mga sandaling ninanakawan ko sya ng tingin. Kahit pa alam kong hindi nya ito napapansin. Para bang nagkakaroon ako ng hiya sa tuwing titignan ko ang kanyang mukha. Simpleng babae lang si Sarah kung pagmamasdan syang maigi. Bilugan ang kanyang mata na bumagay sa ilong nyang masinop. May biloy din sa kaliwang pisngi na sumisilip, sa tuwing nagsasalita sya o ngumingiti. Mahaba ang kanyang buhok na laging nakatali ng maayos. Napapa-iling talaga ako sa panghihinayang, kapag iisipin kong hindi sya nagkaroon ng tyansang makita ang sariling kagandahan.

"Ano nga palang nangyari sa mga magulang nyo?" usisa ko.

"Nasa kabilang buhay na.." mabilis nyang sagot.

"Saan yun?!" biro ko, habang nagpipigil ng tawa.

"Bakit gusto mong puntahan?" seryoso nyang tanong.

"Tsaka nalang siguro. Alam kong pumanaw na sila. Anong nangyari?"

"Aksidenteng lumubog ang sinasakyan nilang barko noon papuntang maynila, kasama sila sa hindi pinalad."

Hindi ko alam kung normal sa isang bulag ang walang reaksyon, lalo na't pagkamatay ng mahal sa buhay ang pinag-uusapan. Siguro sana'y na din sya, at limot nya na ang trahedya. Nahihiwagaan lang ako dahil saan mang sulok ng bahay ay wala pa akong nakikitang larawan man lang ng kanilang magulang. Kahit isang litrato ni Rica ay wala din. Kung itatago naman ang mga iyon, ay ano naman ang magiging dahilan?

"Amulet?" tanong ko noong napansin kong sumilip ito sa kanyang leeg.

"Flamingo.."

"Flamingo? Akala ko Ostrich!" biro ko ulit, pero bigong makakuha ng tawa galing sa kanya.

"Flamingo! A big pink bird, that symbolized love!" matikas nyang sagot.

Bukod sa suot nyang bestida na kulay rosas, tanging ang mutya lamang na nakasabit sa kanyang leeg ang burloloy na suot nya. Bagay na hindi ko naman napansin sa kanya kagabi. Pakiramdam ko'y espesyal ang isang yun sa kanya, at tinerno nya pa sa magandang damit.

"Sigurado akong espesyal na tao ang nagbigay sa iyo nyan. Si Rica ba?" tanong ko.

"Si William" tipid nyang sagot.

"At sino naman si William?"

Wala akong natatandaang may nasabing masama, kaya ganoon nalang ang gulat ko nang tumayo sya sa kanyang kinauupuan. Kinapa sa gilid nya ang kanyang tungkod. Dahan dahan syang naglakad papunta sa ref, at tahimik na sumalok ng tubig. Pinagmamasdan ko ang bawat galaw nya. Mula sa paghakbang hanggang sa kinalalagyan ng tubig, ay hindi sya nagkamali. Dalawang bagay lang ang tumakbo sa isip ko. Una ay kabisado nya na talaga ang bahay kahit napakalaki nito. Sa pangalawa ako nagkaroon ng kakaibang pakiramdam. Yun ay kung hindi sya dating bulag. Pwedeng kailan lang sya nabulag kaya alam nya na talaga ang pasikot sikot ng bahay. Halata iyon sa kilos nyang sobrang natural.

"Dati ko syang kaibigan.." si Sarah.

"Dati?" bulong ko sa sarili.

"Maiba lang ako. Paano nangyari yang kapansanan mo? Yung ano--"

"Yung mata ko? Natural na yan. Hindi na ako nakakita ng liwanag mula ng pinanganak" nakangiti nyang sagot.

"Pupuntahan pa natin sila Daddy diba?" mabilis nyang bawi.

"Daddy?"

"Si Mang Fred. Baka hinihintay nya tayong dumalaw."

---

Hinithit ko ang huling baga na syang sumusunog sa sigarilyong hawak ko. Binuga ko sa hangin ang huling usok, at bahagyang napalunok. Habang tumatagal ang oras na kasama ko si Ingrid, ay lalong lumilinaw ang mga ala-ala ng mga nakaraan. Ilang beses ko ding binalak na ikuwento ito sa iba, ngunit sa tuwing magsisimula ako ay parang may humahabol na eraser na agarang bumubura sa bawat simula ko. Kaya ganoon nalang ang tuwa ko nang nailalahad ko ito ng maayos sa harapan nya.


"Naisip ko lang na napaka-hiwaga ng relasyon nila bilang magkapatid." wika ni Ingrid.


"Oo.. Tinalo pa ang twist and turns sa buhay nila Mara at Clara." sagot ko.


"Hindi naman magkapatid sina Mara at Clara di ba?"


"Hindi nga.. Gusto mong maglakad lakad?" tanong ko kay Ingrid.


"Saan naman tayo pupunta?"


"Kung saan tayo dadalhin ng ating paa."


"Bahala na?" may ngiti sa kanyang labi.


"Oo, kung saan tayo mapadpad. Tulad ng tadhana, hayaan natin ang mga paa natin ang magpasya ng lahat.


"Parang ding puso, hayaan natin kung kailan o kanino ito iibig?" si Ingrid.


"Exactly.. Tara.." sagot ko.

----

Katulad ng kagabing eksena sa auto, tahimik pa din sya at tila hindi kakikitaan ng interes sa pakikipagusap. Tahimik ko syang pinagmamasdan, habang naglalaro sa isip ko ang napakaraming bagay. Katanungan na sya lamang ang makakasagot. Aksidenteng naging asawa ko sya, pero misteryo pa din kung paano nangyari ang clerical error. Kung sino ang totoong gumawa? Kung anong motibo at nagawa? Kung may partisipasyon nga ba talaga si Sarah, o hindi nya din alam.

"Oh! bakit mo hininto?"

"May bigla kasing tumawid.." pagsisinungaling ko.

"Mag-iingat ka sa pagmamaneho, madalas ang disgrasya sa lugar na ito" payo nya.

"Maiba ako.. Sino pala si William?"

"Nasagot ko na yan sayo hindi ba? Dati ko syang kaibigan.."

"Kaibigan o kasintahan?"

Kung tama ang hinala ko. Dati nyang kasintahan si William. Ang mutya, ang clerical error, at ang buong pagkatao nilang magkatapid, ay magkakadugtong. Iisang misteryong dapat kong malaman.

"Mausisa ka din pala.." tanging sagot nya.

"May gumugulo lang kasi sa isip ko. May sikreto bang dapat itago?"

Hindi ko napansin ang bilis ng kanyang mga kamay. Sa isang saglit lamang ay nailapagnya na iyon sa aking pisngi. Kasunod ang isang halik sa aking labi. Tumigil ang aking utak sa pag-iisip, at ang mabilis na tibok ng aking puso ang tanging ingay na aking naririnig.

Agos

AGOS
Ycarruz

Chords and Melody: Jhon and Mhack
Lyrics: Ampy

I
Sindihan ang alab, nagbabagang pangarap
Huwag kang matakot sumabay sa buhay
Harapin mo ang alon, kung saan ka itatangay
Itaas ang iyong noo, at ika'y sumigaw

bridge
Heto na ang oras, bangon na kapatid
Kumapit kang maigi (Hawakan mong aking kamay)

chorus
(Hoy!) Ituloy na natin
Huwag nang pigilin,
Marami ang naghihintay sa atin
(Hoy!) Huwag kang matakot
Huwag kang magpapatalo,
ang lahat ay naghihintay sayo (sayo)

II
Lahat ay nagbabago, huwag kang malilito
ang lahat ng hirap mo, ay para rin sayo
Isang tabi mo muna, ang lahat ng iyong problema
Itaas ang iyong noo, at ika'y sumigaw

bridge
Heto na ang oras, bangon ka kapatid
Kumapit kang maigi (Hawakan mong aking kamay)


chorus
(Hoy!) Ituloy na natin
Huwag nang pigilin,
Marami ang naghihintay sa atin
(Hoy!) Huwag kang matakot
Huwag kang magpapatalo,
ang lahat ay naghihintay sayo (sayo)


+++


pasensya na sa audio quality, cam phone lang gamit :) 2008 pa ang vids na ito, naisipan lang i-post.

Flamingo - Chapter 4


Pilit kong iniiwasan ang matalim at nakakahiwang titig ni manang sa akin. May kakaibang bulong pang binabanggit ang katiwala, na sa anumang oras ay may sasaping ligaw na kaluluwa ng isang bading sa akin. Balisa ang kilos ko at kahit ang upuang plastik ay handang magreklamo anumang oras. Lagpas langit ang panalangin kong hindi bawian ng buhay si Mang Fred. Gusto ko lang ng maayos na divorce. Wala talaga akong ideyang may sakit pala sa puso si Mang Fred, kaya ganoon nalang ang gulat ko nang biglang bumagsak sya sa harapan ko, matapos kong sabihing ikinasal kami ni Rica.


"Stable na po siya sir.." wika ng doktor na sumalubong sa amin.


Kahit paano nakahinga ako ng maluwang sa sinabi ng doktor. Nabawasan din ang pagbato ng sumpa sakin ni manang, ngunit wala pa ding kibo. Sa gilid si Sarah na hindi magkasya ang tuwa sa mukha. Hindi ko maintindihan pero sa tuwing nakikita kong ngumingiti si Sarah, ay nakakaramdam ako ng kakaibang kapayapaan sa paligid.


"Pero kailangan nya munang mag-stay dito sa hospital. Kailan nyang makapagpahinga ng maayos. Two to three weeks is enough para makarecover, para makaiwas na din sa mga bad habit nya"


"Pwede ko pa bang makausap?" sabat ni Sarah.


"Pwede na po miss, pero mas maganda kung bukas nalang. Maigi nang makapagpahinga sya. Relatives nya po ba kayo? Paki fill-up nalang ng form" sabay abot ng ballpen at kapirasong papel kay Sarah. Mabilis ko itong inagaw bago pa man bumagsak sa mga kamay ng dalaga.


"Ako na dok! She's blind!" wika ko.


"Oh! Sorry!" mabilis na sagot ng doktor. bahagyang sinulyapan si Sarah, at marahang umiling.


"She's beautiful. Take care of your wife.." bulong ng doktor sa akin matapos kong sagutan ang papel na binigay nya. Kumunot ang noo ko sa sinabi nya. Gusto kong sabihing hindi ko sya asawa, pero walang saysay kung uungkatin ko pa ang buong istorya. Naiwan kaming tatlo sa labas ng mahabang hallway ng hospital. Isang matandang babae, isang dalagang walang paningin, at ako na hindi alam ang gagawin.


---



"Bakit ka huminto?" si Ingrid.

"Tumigil na ang ulan sa labas.." sagot ko.

Nilingon ni Ingrid ang labas ng cafeteria. May liwanag nang sumilip mula sa langit. Nagbabadya ng magandang panahon, matapos ang saglit na unos. Hindi pa nakakabalik sa akin ang paningin ni Ingrid, ay tumayo na ako at naglakad papalabas ng cafeteria.

"Saan ka pupunta?!" paghabol nya.

"Yosi.. Ikaw?"

"Hindi ako nagyoyosi, pero sige sasamahan kita" nakangiti nyang sagot. Ewan ko pero parang gumaan ang pakiramdam sa akin ni Ingrid. Kakaiba ang kinikilos nya matapos ang pagputol ko ng kwento. Dinampot ang kanyang gamit, kasama na din ang recorder na nakapatong sa ibabaw ng table at agad na sumunod sa akin.

May kaunting ambon pang nangungulit sa harap ng cafeteria, pero hindi naging balakit para tuluyan kong sindihan ang sigarilyo.

"Mas kumportable ka sigurong magkwento kung ganito, kaya okay lang din sa akin"

"Tapatin mo nga ako. Wala ka namang kikitaing pera sa ginagawa mo, pero bakit interesado ka pa din?" tanong ko habang pinaglalaruan ang natitirang usok na lumalabas sa bibig ko.

"Tulad nang sinabi ko. Sa lahat ng naging patient ko, sayo ako nagkaroon ng kakaibang interes. Masyado kang mailap, at malihim. Kapag ganoon ang kaharap kong tao, nahihiwagaan ako" paliwanag nya.

Ngiti lang ang sinagot ko.

---


Wala akong choice! Hindi pwedeng maiwan si Sarah para magbantay. Lalo naman ako. Ni hindi ko nga malalamang Fred ang pangalan nya kung hindi pa sya aatakihin sa puso. Si Manang ang naiwan. Mas okay na din para makaiwas ako sa mga kakaibang tingin nya na parang witch sa mga movies ng Disney.


Mula nang malaman kong ibang babae ang napakasalan ko, ay lagi nang nakabuntot ang isang palaisipan sa isip ko. Yun ay kung bakit ginawa iyon ni Rica, at anong dahilan. Bakit nya din inilihim sa akin na may sakit sya. Kung huhukayin ko ang naiiwang clue sa isip ko, ay tila hindi sapat para buoin ang isang malaking puzzle na iniwan ni Rica sa buhay ko.


"Hindi ka ba nagugutom?" biglaang sambit ni Sarah.


Ibinaba ko ng bahagya ang bintana ng kotse, para pumasok ang malamig na hangin. Medyo bumabagsak na din kasi ang mata ko sa antok. Malinaw sa akin ang tanong ni Sarah, pero wala ako sa mood na sagutin. Kung sasang-ayon ako, hindi nya naman magagawang ipagluto ako. Sapat na siguro ang kalokohan ko at napadpad ng hospital si Mang Fred, kung hahayaan ko syang magluto baka wala nang madatnang bahay ang matanda.


"Marcus, hindi ka ba nagugutom?"


"Hindi.." tipid kong sagot.


Hindi ko akalaing hanggang sa makarating kami sa bahay nila, ay yun lang ang mga salitang lumabas sa aming bibig. Tahimik ang halos kalahating oras na byahe. Kung may contest lang ng tulad nun, siguro champion kami. Papanisan ng laway. At kahit ang pag-alalay ko sa kanya papasok ng bahay ay walang ingay ng ginawa. Pumutok ang pagod ko matapos kong maihatid sya sa kanyang kwarto. May pasulpot sulpot pang pagkahilo habang binabaybay ko ang hagdan.


Nung lumapat ang katawan ko sa malambot na sofa, hindi na nagpadaig ang antok at pagod. Tuluyan akong nakatulog.


---


"Good Morning.."


Isang mahinang bulong na gumising sa akin. May kaunting sakit na pilit sumisingit sa ulo ko. Kinusot ko ng bahagya ang aking mata. Tumambad sa harapan ko ang maamong mukha ni Sarah. Nakangiti sya kahit hindi naman sa akin diretsong nakatingin. Inilapat ko sa malamig na sahig ang aking paa. Sinuklay ang buhok gamit ang dalawang kamay.


"Kanina pa nakahanda ang almusal.." wika nya.


Naramdaman kong tumatawag ang kalikasan, dahilan para hindi ko sya pagtuonan ng pansin. Mabilis akong tumayo at naglakad papunta ng kusina na nagdudugtong sa banyo. Nakapako ang aking mata sa kanya, habang hinahakbang ang aking mga paa. Kita ko kung paano sya nadismaya sa ginawa kong hindi pagpansin sa kanya. Hindi naman ako suplado, tulad ng ibang tao wala din ako sa mood tuwing magigising.


Nandilat ang aking mata nang maabutan ko ang kusina. Nakalatag sa mahabang limesa ang almusal. Kumpleto at organisado. Kahit ang mga kutsara't tinidor ay nakahanay sa magandang pwesto. Sumabit pa sa ilong ko ang nakakaengganyong amoy ng kape. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, ay bigla akong napangiti. Matapos magdeposit agad kong binalikan si Sarah, na nakaupo pa din sa sala at walang kibo.


"Ah.. Hindi ako sanay kumain ng mag-isa.." wika ko.


"Parehas tayo. Kaya hinihintay din kita magising"


"Teka, ikaw ba ang nagluto?" tanong ko kahit alam kong hindi nya magagawa iyon.


"Oo, tinulungan ako ni manang. Umuwi sya ng maaga para kumuha ng ilang gamit ni Mang Fred" sagot nya.


"Bakit mo kailangang magluto? Paano kung napaso ka, o madisgrasya?" wika ko nang umupo ako sa tabi nya.


"Si Ate Rica. Sabi nya gusto mo daw ang ipinagluluto ka sa umaga" pabulong nyang sagot.


Kahit hindi ko pigilan kusang nagsalubong ang kilay ko sa sinabi nya. Paano nabanggit ng ate nya ang ganung bagay? Wala akong natatandaang nagkaroon ng komunikasyon si Rica sa kanyang pamilya. Kung meron man, bakit kailangan nyang ilihim sa akin. Masyado na akong naguguluhan sa mga nangyayari. Kung ano mang naging partisipasyon ni Rica sa mga nangyayari, ay kailangan kong malaman.


"Tapatin mo nga ako Sarah. May sikreto bang dapat itago ang ate mo sa akin?" usisa ko.


"Wala.. Sadyang nakaplano lang ang lahat.." sagot nya.