Star Crossed

image credit to orig uploader

Kung buhay pag-ibig ang pag-uusapan sa inuman, nagsisimula palang ang ikot ng baso mas gugustuhin ko ng malasing nalang agad. Hindi na bago kung ako palagi ang pulutan sa tuwing ganoon ang usapan. Hindi na din bago na kami palagi ni Jan ang magdudulot ng tawanan sa magdamag na lasingan. Ano bang magagawa ng tulad kong  ibang klase kapag tinamaan? Hindi uso sakin ang pag-suko lalo't hindi ko pa naman nakikitang may nagmamahal na sa kanya. Sabihin nalang nating may libo-libo akong palpak na diskarte para hindi nya sagutin, at may isang moves pa kong hindi ko pa nadidiskubre para tuluyan na syang mapa-sakin.

"Apat na taon pre! Nag-asawa na yung aso namin, ikaw 'di pa din sinasagot!"

"Kailangan na tong ipa-tawas si Willie, baka sakaling mabawasan ang maligno sa katawan!"

"Huwag kang maniwala sa kanila pre! Ituloy mo lang yan hanggang sa puntong wala na syang ibang choice kundi ikaw!"

"True love yan pre! True love!"

"Lahat ng sakit may healing process.. Pero sa lagay mo acceptance na yan!"

1, 2, 3, 4

Sa lawak ng kisame namin sa bahay, bakit kaya sa dibdib ko pa napiling magtago ng mga daga? Parang eksenang haharapin ko ngayon. Hindi naman iba ang babaeng inaabangan ko sa harap ng hospital, pero ang kaba ko'y abot langit. Bawat taong lalabas sa tagusang salamin inaakala kong sya. Ganoon ba talaga magmahal ng tunay? Ang pagtawa sa teleseryeng napaka-corny noon, ay 'di ko na yata magagawa ngayon. Hindi pala porket marunong silang umarte ay hindi ibig sabihin na hindi nangyayari iyon pag-cut ng director sa nakakakilig na eksena. Ngayon, alam ko na kung bakit napapahawak sya sa dibdib nya at nagkukusot ng luhaang mata sa tuwing maghihiwalay ang mga bida.

"Kanina pa kita hinahanap tol!" bihis na bihis at mukhang dadalo ng kursilyo si Evan ng salubungin nya ko ng ngiti. "Bakit dito ka naghihintay?"

"Presko hangin eh, tagal pa ba sya?"

"Palabas na, napasarap yata ang kwentuhan doon sa doktor nya"

Umiling ako ng ilang ulit, "Tol, di ko yata kaya.."

"Kaya mo yan! Gawin mo lang yung mga itinuro ko sayo. Paano nya malalamang mahal mo sya?"

Oo nga naman, paano nya nga pala malalamang mahal ko sya, kung ang simpleng pagsasabi lang ay 'di ko magawa? Hindi naman pwedeng yakapin ko nalang sya bigla para iparamdam lang sa kanya. Baka maiyak pa ko't mauwi lang sa tawanan ang lahat. Tama ang kapatid kong si Evan. Mapapanis ang linyang "action speaks louder than words" kung ang pagsasabi ng nararamdaman ay may halong sincerity. May silbi talaga sya kahit sa tulad kong minsan lang din dapuan ng silbi.

One Morning of July - 14

image credit kay idol Mela

Kahit ang DPWH ay 'di kayang gibain ang ngiti na bumakas sa aking labi. Kahit ilang pulitiko pa ang magtangka, mukhang hindi uubra. Kung babalik ako ng highschool at susulat ulit sa slumbook, ang sarap isagot sa tanong na happiest moment ang pag-ukit ng pangalan nya sa baitang ng aming hagdan. Corny talaga, pero kahit si tulfo kikiligin. Iba talaga ang takbo ng kwento namin ni Marta. Kung kaya lang i-predict ng tao kung anong mangyayari sa mga susunod na araw, siguro 'di na aabot pa sa ganito. Pero, siguro.. Kaya walang access ang tao sa future, para malaman natin kung paano bibigyan ng halaga ang mga bagay na pinaghihirapan.

Wala na naman si Marta pag-gising ko. Hindi na bago yun, pero may biglang takot na baka 'di ko na talaga sya makita sa mga susunod na araw. Isang linggo? Alam kong pagbalik namin malaki ang posibilidad na gigising nalang ako ng walang babaeng sisigaw o magkukunwaring iba ang pangalan nya.

"Estong!" salubong sakin ni Marta. Nagbura muna ako ng ngiti, para 'di halatang may bakas pa ang mga naganap kagabi. "Let's have a date!"

"Tanghaling tapat date?" bulong ko. "Malayo ang bayan dito, tsaka 'di uso dito ang mamahaling kape"

"Sino bang magkakape sa tanghaling tapat?" giit nya. Bahagyang kumunot ang noo. "Sige na, please!"

Sharon and I


End of the World?
Doomsday?
Siyensya o Pulitika?

A three part story na hindi pang-valentiMes day.


Isang mainit na yakap ang ibinigay ko kay Sharon. Banayad kong hinalikan ang kanyang noo, tsaka muling inilapag sa harap ng kanyang nakahandang hapunan. Alam kong ngiti ko ang pakay nya sa ginagawang pagkaway ng kanyang mumunting buntot. Kinalampag ko ang pinggan para kunin ang atensyon, pero mukhang halata na sa kanyang itsura ang pagkapurga sa sardinas na isang linggo na din naming pinagsasaluhan.

Binuhat ko ang sariling katawan papalayo sa madungis na higaan. Pinagmasdan ang kapirasong liwanag na nagmumula lamang sa makitid na siwang sa bintana. Napakaganda ng buwan ngayong gabi. Sayang nga lang at di ko ma-appreciate dahil tadtad ng duck tape ang paligid ng bintana, ganoon din ang pinto, at kahit ang mga butas sa bubong. Dilaw na ang kulay ng aking balat. Matigas na din ang aking buhok. Tanda ng isang linggong hindi pakikipagbuno sa tubig. Para saan pa? Wala namang matinong taong natitira pa sa labas ng ga-kubetang laki ng bahay na aking napiling pasukin kailan lang.

"Jef! Jef!" nilingon ko ang likuran ni Beng. Wala namang humahabol pero kung makasigaw daig pa ang nakikipag-agawan sa pila ng NFA rice. "Lumikas na tayo! Isama mo na si Mamang at si Sharon!"

"Nasisiraan ka na ba?" agaran kong tutol. "Malabo yang pag-gunaw ng mundo na sinasabi sa balita. Mas maniniwala pa 'ko sa kwento ng barbero"

"Bahala ka kung ayaw mo! Pero lahat ng tao sa kabilang baryo ay naka-alis na."

"Oh, ba't di kapa sumama? Baka magsara yung gate ng barko ni Noah, di kapa naman marunong lumangoy"