Overpass


Si Rona! Si Rona! Puro nalang si Rona! Hindi naman ako emo, pero palagi nalang may eyebag. Gawin ba namang tambayan ng mukha nya ang isip ko. Madalas na din ang kantiyaw sakin ni Jasper sa trabaho, puro daw kasi Rona ang bukang bibig ko. Siguro mas may ilalakas pa ang tawa nya, kapag nalaman nyang hindi Rona ang pangalan ng babaeng laging bida sa kwento ko. Gawa gawa ko lang yun. Napulot sa babasahin. Ang totoo kasi hindi ko talaga alam ang pangalan nya. Para lang may nababanggit akong pangalan, sa tuwing trip kong magmuni-muni kasama sya.


Nasa katinuan pa ang pag-iisip ko noong araw na nakasalubong ko sya sa overpass. Nasa kanya ang korona pagdating sa pagiging simple. Hindi sya yung tipong "the sweetest taste of sin" sa unang tingin. Walang arte sa katawan. Walang burloloy, walang make-up, at hanggang sa nakalagpas sya sa kinatatayuan ko ay wala akong nasabing salita. Nasira yata ang paniniwala kong libog lang ang love at first sight, nung nagtama ang aming tingin nung sumunod na araw. Simula noon, araw araw ko na syang hinihintay sa overpass bago dumiretso sa trabaho. Naging instant stalker ako na nagnanakaw ng pasimpleng tingin sa kanya.


Lumakas lalo ang pananalig ko noong isang beses na nginitian nya ako. Nagawa pa nyang huminto, akala ko makikipag kamay na sakin. May sinagot lang palang tawag sa cellphone. Assuming naman ako, pero deep inside mula Mendiola hanggang Edsa ang saya ko. Hindi ko din malimutan nung isang beses na nagkunwari akong naliligaw para kunwaring makapagtanong ng direksyon sa kanya.


"Taga dito ka lang diba? Madalas nga kitang nakikitang tumatawid dito e" nagtataka nyang sagot.


Kahit pa napahiya at least nare-recognize nya ang pagmumukha ko. Sa sobrang tuwa ko nga, may naghagis ng konting barya sa paanan ko. Akala siguro nahihibang na ako. Sinundan pa yun ng madaming pangyayaring tulad nun. Sa dami nun kahit isang beses di ko pa din nagawang itanong man lang ang tunay na pangalan nya. Ang hina ko talaga. Akala ko talaga hindi totoo ang torpe sa mundo.


"Si Rona! Si Rona! Lagi nalang si Rona!" wika ni Jasper.


Lagi nalang sya ang binabangka ko sa tuwing nasa inuman kami ni Jasper. Palibhasa sawa na ang loko, dinadaan nalang sa videoke ang pakikinig sa kwento ko.


"Ipapaputol ko daliri ko kapag nakapagtapat ka pare" wika ni Jasper, habang paputol putol na binabanatan ang kantang evergreen sa videoke.


"Kulang lang ako sa timing pre. Malas kasi ang tyempo sa tuwing magkikita kami e" sagot ko habang hinihimay ang dinuguan na pulutan.


"Malabo pa sa sabaw ng dinuguan yang sinasabi mo pre! Mabuti pang yung pinsan ko nalang na nirereto ko patusin mo" muling kantiyaw ni Jasper.


"Fate ang tawag sa sinulid nagdudugtong sa dalawang puso. Hindi ako mapagpatol sa mga ganyan"


"E bakit ka may facebook?"


"Para in! Parang cellphone lang yan, kapag wala ka kalahi mo si barok" sagot ko.


"Ito daliri ko" pang-aasar nya pa.


"Tignan lang natin kung paano mo unahan ng sorry, ang pagpapaputol ng daliri mo kapag naging girlfriend ko na sya" masiwal kong sagot, kontra pang-aasar nya.


Gabi na nang matapos ang inuman. Nagsisimula palang mag-warm up ang mga bebot sa kalsada . Lasing na ako. Wala pang dalawang oras ubos na agad ang sana'y pangbayad ko ng upa. Tulad ng nakasanayan dinaan na naman ako ni Jasper sa kwento, sa tuwing lalapit na ang lalaking naniningil ng bayad. Hilong hilo pa ako nung binaybay namin ang kahabaan ng Boni Highway. Sama na nga ng mga tingin samin ng tambay. Kakamadali ko may natapakan pang hindi kanais nais.


Umabot din kami sa overpass bago pa ako ma-dehydrate. Hahakbang na sana ang mga paa ko paakyat, nung nakita ko sa kabilang dulo si Rona. Nagkislapan ang mga mata ko. Xmas light lang ang dating.


"Si Rona!" sigaw ko.


Bitbit ang lakas ng loob na hiniram sa alak, matutupad na ang pangarap kong makipagkilala sa kanya. Wala akong minutong sinayang, imbes na umakyat ng overpass tinawid ko ang kalsada at nakipag-patintero sa humaharurot na mga sasakyan. Dinaig ko pa si Tom Cruise sa mga damoves nya. Hayop talaga yung adrenaline rush ko nung mga sandaling yun. Siguro kung nakatingin sya sa akin, mapapabilib ko sya sa mala-action star kong galaw.


Ngunit nawala ang ngiti ko nung umalis ang huling jeep na nakaharang sa harapan ko. Nakita kong katabi na ni Jasper si Rona. Malakas ang tawa ng kaibigan ko. Mas malakas pa sa tawa nya noon. Kung abot lang siguro ng mga kamay ko ang leeg nya, sinakal ko na sya.


"Ito ba si Rona? Pinsan ko 'to! Yung nirereto ko sayo!"


Namula ako sa kahihiyan. Nawala ang tama ng alak. Hahakbang na sana ako papalapit sa kanila, nang isang kotseng humaharurot ang napansin kong nakatumbok sa akin.


-wakas-

Teenage Cappuccino - 28



TEENAGE CAPPUCCINO - Him (Chapter 28)


Nung mga nakaraang araw ang hindi lang pagbayad sa sinasakyan kong jeep, ang tanging kasalanang natatandaan ko. Nakapagsimba naman ako kahit paano, just in case na may impyerno nga. Nakapaglimos din sa mga batang nagrurugby, at nakapaghagis ng konting barya sa nadaanang wishing well. Kaya ganun nalang ang pag-aalala ko noong nag-gate crash si Richard sa lungga ko, na may bitbit na masamang balita. Sa kakamadali nalimutan ko pang magsuot ng medyas sa kaliwang paa. Magulo ang buhok ko, at halata sa itsura ang pagtanda dulot ng problema. Mabilis ang patakbo ni Richard ng kotse. Sa sobrang bilis, muntik ko nang maiwan ang pangalan ko. Kahit siguro si Spiderman na may matinding reflex ay hindi makakaiwas sa humaharurot naming sasakyan.

"Pwede bang bagalan mo?" wika ko.

"Hindi pwede brad! Nasa kritikal ang nanay mo"

"Naiintindihan kita brad, kaso baka unahan pa natin si nanay nyan" paliwanag ko kay Richard, halata namang hindi nakikinig. Binuksan pa ang bintana ng kotse, dahilan sa biglaang pagpuwing ng mga mata ko. Yumuko ako, at bahagya itong kinusot. Napansin ko ang kapirasong papel na nakaipit malapit sa stereo ng kotse. Mukhang pamilyar, hindi sa hitsura. Kundi ang nakasulat dito. Mabilis ko itong dinampot nang hindi nya napapansin. Expert yata 'to sa pagkupit ng barya sa cafeteria.

"Saan pala ulit dinalang ospital si nanay?"

"Malapit lang! Sa sta.ana!"

"Sta. Ana? Sabi mo kanina sa Escolar?"

"Oo! Sa Escolar nga pala!"

Sa sagot nya palang alam ko nang may tinatagong kalokohan ang isang 'to. Nahihiwagaan ako sa biglaang pagdating nya, at kung paano nya nalaman ang lokasyon ko. Muntik ko na ngang patulan yung forbidden books na nabasa ko, para tuluyang hindi makilala ng ibang tao. Tapos ganun nya nalang kadali natunton ang taguan ko. Sa mga ganitong tagpo maasahan ang tiyahin ko, agad syang tatawag sa akin kung may mangyari kay nanay. Pero kahit blangkong text message wala akong natanggap. Kaya umusbong ang malaking question mark sa ibabaw ng ulo ko. Nag-isip pa ako ng paraan para mapaamin sya kung may tinatago nga sya.

"Richard noong first year tayo, diba tumae ka sa cr ng mga babae? Tapos nung second year naman pinitik mo yung tinda sa canteen, kasi sabi ng nililigawan mo kapag nagawa mo yun sasagutin ka na nya?"

"Bakit bigla mo namang naisipang ibalik ang mga kalokohan ko? Matagal na yun! Sikreto pa natin yun, pero kahit ipagkalat mo ngayon wala nang maniniwala sayo" sagot nya.

Palpak! Sa unang pagkakataon parang ngayon ko lang nakitang matured si Richard. Kadalasan kasi ang pagsabit lang ng pangalan nya sa listahan ng noisy sa klase, ay halos dukutin nya na ang dila ng magaling na tagalista. Pero ngayon ibang iba na sya. Napaisip tuloy ako kung ako nalang yata ang naiwan ang isip sa high school.

"Linawin mo nga ako Richard" matalim ang tinig ko, baka sakaling mapaamin ko sya.

"Anong totoong nangyari kay nanay? Yung totoo!" tanong ko.

"Sinabi ko na sayo diba? Bakit ba ang dami mong tanong?" naiinis nya nang sagot.

Hindi ko na napigilan. Iniharap ko sa kanya ang kapirasong pahina ng papel na nakita ko lang kanina. Ibinandera sa mukha nya, na syang ikinagulat nya.

"Ito! Ano 'to?"

"Papel"

"Alam ko! Sa university namin ito. Ako sumulat" pagyayabang ko, pero sa loob loob ko may konting awa sa sarili. Nasama pala ang isinulat ko ngunit wala akong natanggap na kopya, kahit pa i-inform lang ako di pa nila ginawa. Sumabit tuloy sa isip ko ang tumatawang mukha ni Edison.

"Talaga? Tingin nga!"

"Umamin ka nga! Kapag di kapa nagsalita sasabihin kong may gusto ka kay Agnes!"

Muntikan nang sumabit ang pangalan ko sa listahan ni San Pedro sa mga nag-suicide. Hindi pa yata ako makakapunta ng langit nung halos mabigti ako sa seat belt, dahil sa lakas ng preno ni Richard. Agad nya akong nilingon na parang nabiktima ng mga shocking videos sa youtube.

"Paano mo nalaman?" mabilis nyang tanong. Natatawa naman ako sa kaibigan. Hula lang ang lahat at naka-isa naman.

"Halata naman! Pero hindi ko sasabihin! Umamin ka muna" pananakot ko.

"Oo na! Oo na! Si Sophia at Agnes ang nagplano nito"

Nagdilim ang paningin ko, at tuluyang hinimatay. Pero di pala bagay sa eksena, kaya napahinto nalang ako sa sinabi nya. Dinukot ko pa ang tenga ko gamit ang hinliliit, baka mali lang ang dinig ko. Ine-rewind ko sa isip ang sinabi nya, at ang mismong pagbigkas ng kanyang mga bibig sa pangalang Sophia.

Nagbalikan lahat ng pwedeng ma-flashback ng isip ko nung narinig ko ang pangalan nya. Mula sa una naming pagkikita hanggang sa huling gabing kasama ko sya. Pabilis ng pabilis ang tibok ng puso ko. Non-stop din ang pangangatog ng mga tuhod at paa ko. May dumaloy na kuryente galing sa mga ala-ala ng nakaraang pilit kinakalimutan, nasa isang iglap lang ay kasing bilis ng balita kung manumbalik. Hindi ko na alam kung ano pa susunod kong gagawin.

Makakaya ko ba syang harapin?

Masasabi ko bang naging duwag ako para lumayo?

Malaya ko pa kayang maihayag sa kanyang mahal ko pa din sya?

"Brad-pit, ihinto mo. Bababa ako"

"Kanina pa tayo nakahinto"

-----------------

Nakadalawang litrong kape na yata si Sophia sa sobrang pagkainip sa pagdating ng sundo ng kanyang prinsipe. Nabasa na nya lahat ng nakalatag na magazine sa marmol na limesa. Lagpas na din sa kalendaryo ang bilang ng mga tanong nya kay Agnes, na kung anong unang gagawin nya sakaling dumating na si Robert. Sa isip nya kumpleto na ang script na ibinigay ng author, pero sa tuwing iisipin nyang kaharap nya na si Robert, kasabay nito din ang pagka-mental block ng may akda. Tayo, upo, tatayo ulit, at pagkatapos ay babalik ulit sa dating pagkakaupo.

"Mag-relax ka nga muna.." naiilang na wika ni Agnes.

"Darating pa kaya sya?" tanong ni Sophia.

"Oo! Sigurado akong kakagat sya sa plano natin" pilit na sagot ni Agnes.

"Dalawang oras na yata tayong naghihintay, wala pa din kahit ang anino nya"

Wala nang maisip na isasagot si Agnes. Wala na din syang naiiwang ideya para pakalmahin ang kaibigan. Nasabi nya na yata lahat ng advice at comforting lines para lang matigil sa pagkabato si Sophia. Isa, dalawa, tatlo, hanggang sa maubos na lahat ng laway nya kakalunok. Walang Robert na dumating. Lubha na syang nababahala kung darating paba ang dalawa.

"Suko na ko!" nagmamaktol na wika ni Sophia. Tumayo ito, at nagpagpag ng mga kamay.

"Sumusuko ka na agad?" pahabol na tanong ni Agnes, sa kaibigang nagbabantang mag walk out.

"Oo! Hindi sya darating! Hindi na nya ako mahal!"

"Darating sya! Mahal ka nun!"

"Mahal? Tinaguan nya nga ako e!"

"Hindi nya naman kasalanan yun Sophia. Nagpakalayo lang sya para makalimot. Tulad mo, nagdesisyon din syang manahimik nalang. Parehas lang kayong walang ideya kung nasaan ang isa't isa" muling paliwanag ni Agnes.

"And that's because of fate?" naiinis na tanong ni Sophia.

"Oo! Lahat ng nangyayari may dahilan. Kahit pa ang pagtubo ng rosas sa pader may malalim na rason. Sadyang mapaglaro lang ang kapalaran. Natapat kayo sa puntong kailangang subukin ang nararamdaman ng bawat isa"

Natahimik si Sophia. Nagkaroon ng bahagyang liwanag sa kanyang mukha. Bumalik sa pagkakaupo, at sinimulan na namang basahin ang mga magazine, na kanina nya pa yata kabisado. Bahagyang tumingin kay Agnes, at nagpakawala ng malalim na buntong hininga.

"Mahal ko sya.. Mahal ko sya Agnes, kung meron bagay na nanaisin pa ang isang tulad ko. Walang iba kundi ang makasama sya" sa mababaw na tinig. Sinuklian sya ng kaharap ng napakagandang ngiti.

..
...
....

Tinitigan kong muli ang aking mga paa, nakasayad pa naman ito sa lupa. Kinurot ko pang maigi ang aking pisngi at pinitik ang mga tenga't daliri, nakakaramdam pa naman ako. Inayos ko ang gusot kong buhok gamit ang mga kamay. Chineck kung naayon pa ba ang amoy ko, o pwede na ba akong gawing human sample sa bagong deodorant na pinagmamalaki kanina lamang sa telebisyon. Ayos pa naman.

Naglalaro sa isip ko ang mapanukso nyang ngiti. Ang kanyang mga tawa na nakakagayuma. Lalo na ang mga yakap, akbay, at batok nyang nakakabuhay ng patay. Natatawa nalang ako kapag naalala ko ang nakaraan kung paano kami mabilis na nagkahiwalay, ay ganun din kabilis kung paano kami ulit magtatagpo.

Hindi mapakali ang takbo ng hangin sa paligid. Masaya ako..

Ngunit..

May maliit na pangamba na syang nanguna sa pagkatao ko. Binalot ako ng mga tanong sa isip. At sa halip na tumuloy at sumang-ayon sa binabalak nilang pagtatagpo. Mas pinili kong magpaiwan, at pakiramdaman kung tama pa ba ang nararamdaman ko para sa kanya.

"Maraming salamat brad-pit.. Hindi lang dito, kundi sa lahat" masaya kong tugon.

"Sigurado ka naba dyan?" muli nyang tanong.

"Oo.. Siguro! Kung ito ang itinakda para sa amin, kahit siguro ang mala-dragong tinig ni Ms. Ramirez noon ay hindi ito magagawang pigilan" paliwanag ko pa.

"Brad.." paputol nyang wika.

"..."

"Masaya ako para sayo" dugtong nya.

Isinara nya ang bintana ng kotse, at tuluyang inapakan ang gas. Nagpakawala pa ng ilang busina, bago tuluyang humarurot. Kumaway lang ako, at naglakad ng deretso.

Pinagmasdan kong maigi kung may nagbago pa sa natural na kagandahan nya. Tulad ng inaasahan ang pangalawang tirahan ko ay ganun pa din. Lalong lumakas ang tibok ng puso ko, nung nakatapak ang paa ko sa harap ng gate. Lahat ng memorya ko noon ay nagbalikan. Ilang beses din akong nagpabalik balik dito. Ilang beses din akong nahuli sa bawat klase. Hindi ko inakala na darating ang araw na ito, tatapak muli ako sa mahal kong eskwelahan. Dito ako nagsimula, dito kami nagsimula.

Diretso kong tinahak ang quadrangle. Tumama sa mata ko ang dati naming tambayan. Kahit pa pugad na sya ngayon ng alikabok, at tuyong dahon pinili ko pa ding maupo. Iniangat ko ang aking paa sa harapang upuan na yari sa bato. Inilapat ang dalawang kamay sa likod ng ulo, at bahagyang isinandal.

Ipinikit ko ang aking mga mata..

Maya maya pa kusang bumabalik ang ingay ng mga estudyante sa paligid. Ang sarap sarap pakinggan. Musika ang dating nito sa aking tenga. Muli akong humiling na kung pagbibigyan lang sana akong ibalik ang pagkakataon, mas nanaisin kong habang buhay maging parte ng HS.

Umihip ng bahagya ang hangin. Nandilat ang aking mga mata..

..
...
....

"Mr. Monsood?" Isang estudyante.

"O-oo, paano mo nalaman pangalan ko?" nagtataka kong tanong.

"Ikaw po ba ito?" sabay abot sakin ng isang lumang larawan.

"Saan mo nakuha ito?"

"Doon po!" masaya nyang sagot, habang itinuturo kung saan nya ito nakuha.

"Thanks! Akin nalang ito ha!" ginusot ko pa ng bahagya ang buhok ng estudyante. Tumayo ako. Sinipat ng aking mga mata ang gusali kung saan kami dapat magkikita noon. Nagsimula uling maglakad ang aking mga paa.

"Saan ka pupunta?!"

"Babalikan ko ang iniwan ko.." nakangiti kong sagot.

-----------------

Darating na sana sa puntong ayawan na, nung dumating si Richard. Hindi magkandatuto ang ulo ko kakasipat kung kasunod nya bang papasok si Robert. Lima, hanggang sampung minuto. Walang Robert na sumunod.

"Nasaan na sya?!" galit na tinig ni Agnes.

"Sorry guys.. Ginawa ko lahat para makumbinsi sya" mababaw na tinig ni Richard.

"Bakit? Anong nangyari?! Sinunod mo ba ang sinabi ko?" si Agnes.

"Oo, inamin ko na nga sa kanyang nandito si Sophia e" sagot ni Richard.

Hindi ko na napigilan pa ang kanina pang nangingilid na luha. Kusa na itong nagbagsakan, at tuluyang binasa ang kaninang tuyong pisngi. Dinaig ko pa ang taong may buhat ng mundo, ng madinig ang sinabi ni Richard. Alam ni Robert na nandito ako, pero hindi man lang sya nagbigay ng panahon para makita ako.

"Sorry Sophia.." wika ni Richard habang tinatapik ang balikat ko.

"Ano pa bang kulang? May dapat pa ba akong gawin?" tanong ko. Hindi nakasagot ang dalawa. Natahimik sila, at tanging ang hikbi ko nalang ang nangingibabaw.

"Gusto ko ang linya mo!"

Lahat kami napalingon sa nagsalita. Si kuya. Dahan dahan syang naupo sa tabi ko, at niyapos yapos ang aking ulo. Bahagya nya ding pinunasan ang mga luha ko na nagbabadya nang maging sanhi ng baha.

"Nagawa mo nang lahat. Wala na ding idadagdag pa, para mapunuan ang sinasabi mong kulang. Ngayon ang tanong ko. Kuntento kaba sa ginawa mo?" speech nyang mala Ronald Reagan.

"Kuntento ba ako sa ginawa ko?" bulong ko sa sarili.

..
...
....

Kuntento ba kong nandito lang? Ako ang umalis, at nang-iwan sa kanya. Tumayo ako sa kinauupuan. Inihinto ang pagpapadaloy ng tubig na maalat.

"Saan mo sya ibinaba Richard?"

"Kung saan mo sya iniwan.." nakangiti nitong sagot.

Hindi na ako nagsayang ng oras. Kusang nag-utos ang aking puso para hanapin ang naiwang kabiyak nito. Tama si kuya.. Nagawa ko na ang lahat, at.. "Ako" nalang ang kulang.


"Bilisan mo! Naghihintay sya sayo!" pahabol ni Richard.

Teenage Cappuccino - 27


TEENAGE CAPPUCCINO 27


"Being noticed can be a burden. Jesus got himself crucified because he got himself noticed"  -Bob Dylan


Ang silid na walang bintana, ay parang tao na walang lovelife lang yan e! Madilim ang bawat sulok, at tipid lang ang liwanag kung bubuksan ang pinto. Pero syempre nandyan pa din ang pesteng switch para lumiwanag ang paligid. Kukunsumo ka ng enerhiya sa mundo, at hindi makakaligtas sa patuloy na buwanang pagtaas. Tulad ng pagpasok sa relasyon. Kung gusto mo ng maliwanag, kailangan mong maging handa kung magti-trip ang meralco. Sa huli nasa tao pa din ang desisyon kung magtyatyaga sya sa kapirasong liwanag na bitbit ng pinto, o pipindutin nya ang switch para maging "in-relationship" ang kanyang status sa feysbuk.

Ako? Mas masakit man sa estudyanteng na-rice terraces ang buhok, mas pinili kong maging single.

"Robert Monsood!"

"Sir!"

"Sa infirmary ko tinatapon yung mga estudyanteng hindi ko nakikitaan ng interes sa klase ko"

Tahimik ang buong klase. Kung bawal umutot sa HS. Hindi pwedeng gawing joke yun sa college. Sa kolehiyo ko nalaman na iba ang pagkaing inihahanda ng bawat guro sa iba't ibang estudyante. Depende nalang kung paano mo ito ida-digest. Mas masustansya, mas masarap, at mas maraming pagpipilian. Sa lahat ng "mas" sa sinabi ko, kahit isa wala nang "mas" sasarap pa sa HS. Nawala ang interes ko pagsampa ng kolehiyo. Para wala nang pasakalye, yun ay dahil walang Sophia na nasa tabi ko. Hindi epektib ang isang pagkaing masarap, kung wala ang iyong panlasa. Major, Minor, E Sharp, B Flat, at Vacant. Lahat yun binagsak ko. Nagsipag ako, naunahan pa din ng katamaran. Nagsipag ulit sa pangalawang pagkakataon, mas maganda talaga ang pagkaka tune-up ng katamaran kaya naunahan pa din ako.

Isang taon. Isang taon akong naghanap ng sariling ako. Hindi ko natagpuan. Hindi ko natagpuan ang sarili ko.

"Ayos lang yan Robert. May next time pa!" pangungumbinsi sakin ng klasmeyt kong parang lecture, na kinabukasan hindi ko na tanda ang pangalan.

Hindi ako kumibo. Labas pasok lang ang sinasabi nya. Gasgas na ang tenga ko.

"Isipin mo nalang ang pangarap mo" dugtong nya pa.

"Pangarap ko?" tanong ko sa sarili.

"Oo! Lahat tayo may pangarap. Ang edukasyon ang isa sa tutupad nun. Sangkap! Requirements! Ano bang pangarap mo?"

"Korni e!" sagot ko.

"May pangarap bang hindi korni? Kahit gawin mong joke ang pagsagot sa pangarap mo. Pustahan tayo inisip mo pa din yun"

"Pangarap kong-- Makitang muli ang babaeng nagbigay ng pangarap ko"

"Uy! Ang lalim! Pero may dating!"

"Pero ayokong tuparin yun e!" pagtaliwas ko.

"Bakit? Para saan pa't nangarap ka?"

"Ayokong mawalan ng pangarap, kaya ayokong tuparin"

Nag-paalam ako sa simpleng ngiti. Kahit paano natandaan ko ang mukha nya, kahit hindi ang pangalan nya. Kung makikita ko sya bukas, at magtatanong sya ulit ng pangarap ko hindi ko na alam kung saktong sagot paba ang maibibigay ko. Magulo ang isip ko, kasing gulo ng sinulat ko.

-----

"Hindi ka paba babangon? Masakit sa ulo yan" bungad ni kuya nung buksan nya ang pinto ng kwarto ko.

Inaninag ko pang mabuti ang alarm clock kung may resulta nga ba ang pagtulog ng mahaba. Tanghali na. Sa saradong kurtina ng bintana at kwartong binalutan ng dilim, hindi ko napansin ang bilis ng takbo ng orasan. Sumenyas lang ako sa kanya na bababa na, at binalik ang ulo sa pagkakakomportable nito sa unan.

"Napuyat kana naman sa chatting siguro. Wala ka namang mapapala dyan sinabi ko na sayo. Marami tayong pangbayad ng kuryente, pero wala tayong pambili ng nasayang na panahon" wika nya pa bago tuluyang umalis at muling sinara ang pinto ng kwarto.

Hindi naging maganda ang takbo ng buhay ko matapos lumabas ng ospital. Pakiramdam ko'y marami akong hindi nasaksihang pangyayari sa buhay ko. Masakit pa din ang munting peklat na nasa kanang noo ko, pero wala nang mas sasakit pa nung malaman kong wala na si Robert. Nilakad ko ang kalsadang naging taghanga naming dalawa noon. Rough road ang kalsada noon. Rough din yata ang pag-iisip ni mayor. Sinasalamin nito ang relasyon namin noon na maputik kung tag-ulan, at maalikabok naman kung tag-araw. Kung may maganda pang kwento noon, yun ang mga pagkakataong malandi ang mga kamay ni kupido. Sa kabila ng lahat umaasa pa din ako na sa kalyeng ito, walang bakanteng lote sa dulo na may karatulang nagsasabing dead end.

...

Pumasok ako ng kolehiyo, pero hindi sa dekalibreng eskwelahan. Kundi dun sa mababa lamang. Gusto kong maramdaman ang mga estudyanteng hindi nawawala ang pagiging simple sa katawan. Umaasa ding isang araw na may Robert na susulpot nalang sa klase, ngunit wala. Kahit anong gawin kong pagbali ng pangarap, nanatili pa ding pangarap ang muling pagkikita namin ni Robert.

"Kung hindi ako nagkakamali tapos na lahat ng klase mo" pauna ni kuya na nakaharap sa tv.

Hindi ako sumagot. Dumiretso ako sa kusina. Nagbukas ng ref, at naghanap ng malamig na tubig. Sa pagsara ko ng ref, dun ko lang napansin ang note na nailagay ko kahapon. Pinapaalala nito sa akin ang pag-attend sa launching ng sequel ng Harvest to Heat, sa isang local mall. Mabilis ko itong pinilas, at tinapon sa basurahan.

"Hindi ka pupunta?" pagulat na tanong ni kuya na nasa likuran ko na pala.

"Ayoko na. Hindi ko na nga matandaan kung paano ako nahilig sa pagluluto" dahilan ko.

"May dahilan ba ng paglimot mo?"

"Siguro"

"Hindi ka na bata Sophia. Ang paglimot mo sa isang bagay, ay paraan pa din ng pag-alala mo sa pagkalimot mo nito. Wala kang nalimutan. Gusto mo lang makalimot"

Tinamaan ako sa sinabi nya. May natitira pang oras para humabol sa venue. Mabilis akong nag-asikaso at agarang umalis ng bahay.

------

Binangga ko ang estudyanteng nasa harapan ko lang. Sinadya ko yun, para malaman nyang may susunod pa sa kanya na umaasang may kinabukasan pang dapat igapang. Ngunit mali yata yun. Hindi ko kasi sya tinignan kaya hindi ko napansing may kalakihan ang kanyang katawan. Tumingin sya sa likod. Naghanap ng salarin. Mabilis pa ako sa vampirang tinamaan ng araw nung nagtago.

"Anong ginagawa mo dyan Robert?"

Nilingon ko kung sinong pumansin sa akin. Si Edison, ang chief editor ng school journal. Hindi ko sya tropa, hindi dahil hindi ko sya trip kasama. Kundi ayokong sumama sa mga taong buo ang laman ng bao. Pakiramdam ko kasi napapaligiran din ako ng guro kapag sila ang kasama ko. Sa pagnanais na bumalik ang gana ko sa pag-aaral, sinubukan kong gumawa ng artikulo at ipinasa iyon sa kanila. Hindi ko na alam ang nangyari. Kung na-reject man ang pyesa ko eh wala na akong pakielam. Kung natanggap man, di naman din ako nakatanggap ng kopya nitong taon. Para lang akong nagmasa ng harina na hindi alam kung anung tinapay ang kalalabasan.

"Ikaw pala. Pinagmamasdan ko kasi kung merong chemical reaction ang kalawang at dura dito sa gate" palusot kong korni.

Nabiktima naman ang loko. Agarang lumapit at pinatulan ang kalokohan ko. Nag-isip pa ang matalinong editor. Kung may lente sa paligid malamang ginamit na. Hahawakan pa sana kung hindi nya lang napansing hindi kalawang ang nasa gate kundi tsokolateng natuyo. Kung paano napunta yun doon? Hindi ko na alam.

"Anyway *ubo* kailan ka ulit magpapasa ng article mo para sa susunod na taon?" tanong nya. mabilis na akong nakatakas bago nya pa ako lingunin pabalik.

..
...
....

Sinalubong ko ang mga kaklase kong nakangiti, ngunit nang makita ako ay bigla nalang nalungkot. Kasama naman ako sa listahan ng nabigyan ng regalo noong pasko, pero bakit ganun nalang sila kung tapunan ako ng awa. Inakbayan ako ng kaklase kong sa unang pagkakataon ay parang naalala ko. Sya yung nakausap ko kahapon tungkol sa back story ng pangarap. Tinuro nya sa akin ang kapirasong manila paper na nakasabit sa board. Nakasulat ang pangalan nya sa pinakauna, nung binaba ko pa ang aking mata nakita ko naman ang pangalan ko. Pero noong tinaas ko pabalik ang aking tingin nakita ko naman ang title. Listahan ng bumagsak sa subject. Magkasama kaming dalawa.

"Ayos lang yan! May next time pa!" binalik ko sa kanya ang comforting lines nya kahapon.

Ayos na ayos talaga! Ang natitirang subject ko ngayon wala na din. Nagbagsakan na lahat nang pundasyon ko. Hindi ko na talaga alam ang moves ko sa larong pinasok ko. Naglalaro na sa isip ko ang sasabihin ni ermats, kapag nalaman nya. Tiyak ang pagbalik ko nito sa bahay, pero walang red carpet na sasalubong sakin kundi nakapilang sermon.

Binuhat ko muli ang bag ko na hindi pa nakakasayad sa upuan, at nilisan ang klase.

-----------------

Sakto lang ang dating ko kakaunti palang ang tao. Binalak ko pang magpahuli ng kaunti pero mukhang nauna pa din ako, o talagang konti lang ang darating para sa book launching. Naghanap ako ng magandang mauupuan sa harap, ngunit pinili ko pa ding maupo sa bandang likuran. Sine-setup palang ang maliit na entablado, ganun na din ang sound system. May nakikita pa kong iilang tao na nakasampa na sa stage na mukhang may pasimuno ng event na ito.

"Hindi ka na bata Sophia. Ang paglimot mo sa isang bagay, ay paraan pa din ng pag-alala mo sa pagkalimot mo nito. Wala kang nalimutan. Gusto mo lang makalimot"

Bumalik sa ala-ala ko ang sinabi ni kuya, nung nagpalakpakan ang mga tao sa paligid. Muli akong nakaramdam ng dahilan para makalimot. Yung mga araw naming masaya ang kanyang mga ngiti sa tuwing dinadalhan ko sya ng mga niluto ko. Noong una akala ko hindi nya pa magugustuhan, nung tumagal araw araw nya pa akong inuunahan. Kusa na namang nagbabalikan ang mga nakaraang hindi ko malaman kung saan ko na nga ba naiwan. Tumayo ako. Hindi ko na tatapusin, baka magunita ko lang lahat ng eksena. Nakakadalawang hakbang palang ako, may kung sino nang pumigil sa balak ko.

"Sophia Monsood?! Sophia! Hindi ba ako nagkakamali?" malakas ang boses nya. maliit na babae, may kahabaan ang buhok, at kung hindi ako nagkakamali isa sya sa kasama ni Robert sa club.

"A-Agnes?"

"Oo! Ako nga! Halika dito may ipapakita ako sayo!" mabilis nya akong hinila sa hindi mataong lugar sa venue. May kung anung bagay na dinukot mula sa bitbit na bag. Iniabot sa akin ang isang lumang kopya ng papel. Sa itsura palang mukhang pinilas lang sa isang babasahin.

"School article ito diba?" matapos kong masuri.

"Yup! Bigay sakin yan ng kaibigan ko from their university. Huli ko na din binasa, pero ang pahinang yan ang talagang ikinatuwa ko. Lalo na nung nalaman ko kung sinong nagsulat" paliwanag nya.

Naghalo na ang emosyon ko sa saliw ng tuwa at pagkasabik. Ang pagkasyahin sa pisngi ang aking ngiti ang pinakamagandang regalo sakin ng pangalan ni Robert, na nakalimbag sa mumunting piraso ng papel. Ang daming tumakbo sa isip ko bigla. May mga tanong sa isip ko, na kung paano kung may mahal na syang iba? Paano kung may pumalit na sa pwesto ko sa puso nya? Paano ko sya haharapin? Sa paanong paraan ko sasabihing naging duwag ako noon, para iwanan at kalimutan sya. Mga katanungang nag-uudyok sakin para tuluyan nalang umatras sa laban.

"I have a plan Sophia!" wika ni Agnes.

"Sorry Agnes, hindi ko alam kung magagawa ko ba syang harapin" sagot ko.

"Bakit hindi? Si Robert yun!"

"Yup! Si Robert yun. Pero hindi ko na sya kilala.. Sya pa ba yung Robert na nagmahal sakin? Paano kung.. kung-"

"Kung may girlfriend na sya ngayon?!"

Tumingin lang ako sa malayo, senyales na sumangayon ako sa tanong nya. Sa kabila ng pagkasabik ko sa mukha ng lalaking kahit hindi gwapo, ay nagsilbing prinsipe ng buhay ko. Nag-aalangan pa din ako. Naglalaro sa isip ko ang dalawang bagay na pwedeng maging resulta. Una, ang masayang pagtanggap nya sa akin. Ikalawa, ang malapit sa katotohanang hindi na ako kilala ng puso nya.

"Hindi talaga ako fanatic ng fate. Pero sa ngayon pwede na akong mag-apply para sa membership" biro ni Agnes.

"Sa tingin mo coincidence lang lahat ng ito? Nagkita tayo dito. Bago pa yun nakita ko na ang school article na ito. Parang lahat ng bituin sa milkyway ay umaayon sa inyo. So sa tingin mo coincidence? Fate!" dugtong nya pa.

Napangiti ako sa sinabi nya. Kahit paano may napaghugutan din ako para muling harapin sya.

"Ano ba yung plano mo?" tanong ko.

"Simple lang! Kailangan lang natin ng kaunting tulong ng bestfriend nya"

-----------

Ikot ang utak ko kakaisip ng idadahilan kay ermats. Bakas din sa sahig ang yapak ng aking sapatos kakalakad. Dalawang bagay nalang ang tumatakbo sa isip ko, yun ay kung susuko ako o isusuko ko ang karapatang maniwala sa sarili. May mga bagay talaga na hindi kayang ipilit. Kung pinilit mo at naka-tyamba ka, hindi ito magiging maganda sa paningin ng iba. Umupo ako sa sahig, at nilamukos ang mukha. Kurta na ang isip ko, nagtalsikan pa balakubak ko. Yung mga lumang magazine nagkalat din sa limesa, mga balat ng kendi sa kama, at medyas na pinang-alternate para maging salaan sa gripo. Hindi ko na alam ang nangyayari sa buhay ko.

Sa gitna ng pagmumuni-muni ko at pag-kukunwaring may napala ako. Isang malakas na kalabog sa pinto ang gumulat sa akin.

Hindi ko pinansin..

Ngunit umulit ulit..

Tumayo ako, dumukot ng natitirang pera sa bulsa. Kung ang matandang masungit, kahit isang daang piso mababawasan ang kanyang galit sa mundo.

Hawak ko na ang knob ng bulok na pinto, na may bulok na tao sa loob.

..
...
....

"Brad-pit? Brad-pit?"


Napahinto ako sa boses ng nasa kabila. Kung hindi nagkakamali si Madam Auring na bigyan ako ng problema sa buhay ko. Pinabaunan nya pa ako ng konsumisyon.

"Richard?"

"What the?! Sumali ka ba sa Survivor Philippines?"

"Halata ba?! Teka, bakit nandito ka? Sinong nagsabi sayong--"

"Ang dami mong satsat brad-pit! Sumama ka sakin! May sakit ang nanay mo!"

Singsing sa Banyo


Kahit ang pinagpalang kamay ni Vincent Van Gogh, hindi makuhang ipinta ang hitsura ni Jessie. Nagulo pa ang pagkaka-ayos ng buhok nito nung subukan nyang sabunutan ang sarili. Nagdadalawang isip pa kung titingin sa salamin na nakasabit sa banyo. Tagusan ang araw sa blurred na bintana, dahilan para lumitaw ang tinatago tagong kulubot. Maganda sana ang simula ng umaga. Humalik pa ang malambing na asawa bago ito tuluyang nagpaalam, na sa muling pagkakataon ay noon nya lang ulit naranasan.


Labas ang pantay nyang pustiso sa ngiti, ngunit agad na napawi. Sa ikatlong pagkakataon muli na namang iniwan ng asawa ang kanilang wedding ring sa loob ng banyo. Kung hindi pa malabo ang kanyang ala-ala at kung tama ang paggamit nya ng abacus, ay dalawamput limang taon nang nabubulok ang kanilang wedding vows. May edad na din si Rico. Aminado itong minsan makakalimutin na ang asawa, pero hindi sa mga bagay na tulad ng pagtanggal ng singsing sa daliri.


May kung anong senaryo na ang namumuo sa isipan ni Jessie. Dagdag pa ang sekretarya ng asawang madalas tumawag, nasa tuwing sya ang nakakasagot ay mabilis itong nagpapa-alam. Hindi alam kung apektado na sya sa mga teleserye, o tamang hinala lang. Ang lubos nyang ipinagtataka ay sa tuwing binabalik nya ito sa kabiyak, ay susuklian lang siya nito ng tawa at agad na tatalikod. Walang iiwang sagot, at walang balak makipagdiskuyon.


Sa muling pagkakataon hindi na pinalagpas ni Jessie si Rico, nang muli na namang maiwan nito ang singsing sa banyo. Kinausap nya ang mga anak. Nagpatak ng eye-mo sa mata, at ipinaliwanag ang lahat. Agaran syang nakipagpanayam sa hindi dekalidad na abogado. Inihanda ang kung anu-anong papeles na pwedeng magpawalang bisa sa kanilang puppy love noon. Tahimik ang may bahay habang hinihintay ang pag-uwi ng salarin, nasa tabi ang nakaimpakeng gamit.


Tulad ng inaasahan dumating ang kontrabida sa eksena. Oras na para maging Die Hard, ang dating Endless Love nilang love story. Hindi maiwasan sumagi sa isip nya ang "Our Day Will Come" na nagsilbing theme song nila, na ngayon ay parang tumetema sa magaganap na hiwalayan.


Humalimuyak ang amoy ng serbesa nung sinalubong sya nito. Pilipit ang dila, ganun din ang mga paa. Hindi na nagsayang ng oras si Jessie. Walang intro-intro. Pinaupo ang asawa at sinimulang i-interogate. Ngunit bigo ang kabiyak nung tawanan lang sya ni Rico. "Yang ching-ching na yan? Itapon mo na yan!" lalo lang humigpit ang pagkakuwelyo ni Jessie sa lasing na asawa. "Yun bang sekretarya mo?! Sya ba? Sya ba?" Hindi na napigilan ang emosyon. Habang nakangisi pa din ang asawa, na tila may dinudukot sa bulsa.


"Sinabi ko nang nyang chingching na yan, tapon mo na!" wika ni Rico. Bago tuluyang bumagsak, naiabot pa sa asawa ang kapirasong kahon na may kapirasong ribbon. Naglalaman ng dyamanteng singsing, at kapirasong kard. "Happy 25th Anniversary! Will you marry me? Again?"  


-End

Kaninong Love Letter Ito?



Hindi sinasadya napindot ko pa yung buton ng first floor. Nagpapadyak pa ko sa inis, at mabilis na pinindot ang ground floor sa loob ng elevator. Peste kasi yung mga tanong sa job interview kanina. Accountant lang naman ang inaaplayan ko, bakit nila ako tatanungin ng kasaysayan ni Albert Einstein. Yung mga nauna sakin ear to ear ang mga ngiti matapos lumabas ng kwarto nung nag-i-interview. Inisip ko tuloy na fill in the blank lang ang mga tanong. Pakiramdam ko tuloy pinahamak nila ako. Paglabas ko isa isa ko silang hinanap para sakalin, pero mabilis pa sila sa pulitikong nagnakaw kung magtago.

Apatnapu't isang palapag ang taas ng gusali. Sa taas, hindi maiwasang mabingi ang sasakay ng elevator. Aatakihin naman ng asthma ang magnanakaw kung susubukang gumamit ng hagdan. Halatang hindi ako ang nagbackground check, at hindi nakapagdala ng chewing gum. Pero mas priority ko nang makauwi, at tumaya nalang sa lotto. Para kung tumama ipapasisante ko yung nag-interview sa akin.

Nasa ika-tatlumpong baitang palang huminto na agad ang sinasakyan ko. Nag-slide ang pinto, at sumakay ang isang babaeng naka-mini skirt, itim na bolero, at nakapusod ang buhok. May katangkaran din, at singkit ang mga mata.

"Gilbert?! Is that you?" wika nya habang pasimpleng pinunasan ang lagpas na lipstick sa labi.

Tinitigan ko pa syang maigi, baka kasi sya yung napaginipan ko noong isang gabi. O di kaya e yung katabi ko kanina sa upuan habang naghihintay na bastedin ako nung interviewer. Pero hindi. Matapos manlisik ang mga mata sa pilit na pagmumukha sa kanya. Sinundan naman ito ng pagbilog nung pinakita nya sakin yung nunal nya sa siko, na kasing laki ng lumang limang piso.

"Andrea?!"

"Dito ka namamasukan?" masaya nyang tanong sa akin. Hinihintay ko kung anung palapag ang kanyang pipiliin. Pero nakalimutan na yata dahil sa tuwa.

"Nag-aaply palang, di naman natanggap"

"Sayang no? Ikaw kasi! Kahit sa pag-aaply ng trabaho ako pa din iniisip mo" sinundan nya pa ng malakas na tawa.

Wala pa din syang pinagbago. Klasmeyt ko sya nung kolehiyo. Naging kaibigan, kabarkada, kaasaran, kainuman, at kadaldalan. Hindi ko namalayan noong huli nahulog ang puso ko sa kanya. "Kaninong love letter ito?" Tandang tanda ko pa ang malakas na pagtawa ni Emon, habang walang awang minamaestra ang liham ko kay Andrea, sa harap ng buong tropa. Hindi ko naibigay dahil sa hiya. Ang kinaiinis ko naiwan ko pa sa maliit na kubo na tinatambayan namin tuwing walang klase. Si Emon nakadampot. Hindi nakuntento ang loko sa pagtawa, nakuha pang ipost sa Friendster ni Andrea at nang buong barkada. Isang linggo din akong walang mahugutan ng lakas ng loob nun.

"Loko! Ikaw? Saan ka nagtatrabaho?"

"Dito. Sa Loan Financing Company. Bakit mo nililliko ang usapan?" pabiro nyang tanong.

"Niliko ko ba? Gusto ko lang malaman kung saan ka naguubos ng panahon"

Nung nalaman nya ang nararamdaman ko, halos araw araw nya akong kinukulit kung totoo ba. Nakagraduate kami pero di ko nagawang aminin sa kanya. Kahit bihira nalang kami magkita panay naman ang padala nya ng text messages sakin. Sa isang araw hindi bababa sa sampung love quotes ang natatanggap ko, at kahit pa kasing dali nalang ng pagpapak ng chichiria ang pag-amin na mahal ko sya sa text ay di ko pa din nagawa.

"Yung sulat mo noon. Bakit hindi mo maamin sakin?" Akala ko tapos na ang alamat na yun. Sa tono nya ngayon parang bumalik lang ang araw ng kahihiyan ko noon. Pero iba na ang sitwasyon noon, kesa ngayon. Hindi na kami bata na nagmamahal lang gamit ang mga mata.

"Oo sakin yun, at para sayo. Hindi na malabo yan ha! Crush kasi kita noon. Hindi ko masabi e, kaya sinulat ko nalang"

"Magpaliwanag ba? Kung inamin mo lang, eh di sana nalaman mong crush din kita"

"Naunahan ng hiya. Natabunan ng alaska ng tropa"

"Sayang no? Mahal pa naman din kita noon"

Bumukas ang pinto ng elevator. Nagtaka pa ko sa bilis ng pangyayari. May kung anong pananabik sa loob loob ko, na tila gusto kong pigilan ang hakbang ng kanyang mga paa. Binibigyan nya ako ng pagkakataon para mahalin sya. Isang imbitasyon na matagal na sanang pinaunlakan kung hindi lang ako naging duwag at sinakop ng hiya. Kung may napaghugutan lang sana ako ng lakas ng loob, at kung naging parokyano lang ako ni Robin Padilla. Kami na sana. Naiwan akong nakatayo sa lobby kasama ng mga di kilalang tao, na kahit pagbuntungan ko ng inis ay mukhang hindi makikinig sa istorya ko.




"Natutulog, Natutulog si Gilbert! Si Gilbert!"




Tawanan ang buong klase nung naalimpungatan ako. Yung prof ko pala ang nag-utos na mag sing-along ang mga estudyante. Malakas naman ang tawa ni Andrea na katabi ko lang. Napapangiti pa ako habang nagkakamot ng ulo. Napansin ko ang kapirasong tinuping papel sa bulsa ng polo ko. Simplehan ko itong inabot kay Andrea nung sumapit ang break.

-End

Teenage Cappuccino - 26


TEENAGE CAPPUCCINO - Goodbye Highschool (Chapter 26)



"Sigurado ka ba sa gagawin mo Robert?"

Pagpigil pa ni ermats habang nagpupunas pa ng pasulpot sulpot na sipon, at walang tigil na daloy ng luha. At dahil ako ang parang nahihirapan sa hitsura nya, dinukot at inabot ko ang puting panyo sa kanya. Wrong moves yata. Lalo lang syang umatungal. Gusto ko nang takpan ang bibig nya, at ipasok nalang ang binigay na panyo. Nakakahiya lang sa lahat ng taong nakatingin sa amin sa loob ng bus terminal.

"Lagi mo akong tatawagan! Tska pasahan mo din ako ng load" pabiro pang sabi ni ermats.

"Opo! Pagkadating ko palang, tatawagan agad kita. Ito bago kong number, i-save mo na ha"

Aakma na sana akong umakyat ng bus, nung pigilan pa ulit ako ni inay. May kung anong bagay na dinukot sa bulsa, ngunit di pa yata makita. Matapos ang ang kwento ng wansapanataym, tsaka nya lang natagpuan. Nandilat pa ang mga mata.

"Ito pala susi ng kwarto mo, muntik ko nang malimutan iabot sayo"

Lalo lang akong nalungkot nung nakita ko ang susi ng aking balwarte. Kusang nagbalikan ang lahat ng ala-ala na pilit ko nang nilalayuan at kinakalimutan. Hindi ko na nga nagawang tumingin bago ako umalis, tapos dinalhan nya pa ako ng souveneir. Mula ballpen hanggang sa lahat ng items sa EGG na binigay nya sa akin, hindi ko lahat dinala. Iniwan ko lang sila sa kwarto ko, at hindi ko alam kung kailan ko babalikan. Yung mga sulat nya tinabi ko sa kisame, tapos nilagyan ko ng pira-pirasong tinapay para kay Mickey Mouse.

"Nakow! Robert! Talaga namang mami-miss kita! Mag-iingat ka palagi, at wag magpasaway ha!"

"Opo Nay! Sasakay na ko, nakasimangot na yung driver e!" pabulong kong biro kay ermats.

"Tawagan mo din si Richard, para di ka malungkot ok?"

Hindi na ko sumagot sa huling bilin nya. Isang daang porsyento hindi ko masusunod yun. Nagpalit ako ng numero, nagde-activate ng account sa feysbuk, twitter, at google plus, para hindi ako masundan ng mga fans ko. Kung pwede nga lang mag-ala Mission Impossible, e papasukin ko ang opisina ng eskwelahan at nanakawin ang aking school profile para talagang astig ang pagiging low profile ko. Pero syempre di ko kayang gawin. Mahal ko ang eskwelahan ko, ang mga guro, estudyante, sopas sa canteen, mga kaibigan, kaaway, ang literature club, at si Sophia. Lahat sila isang buong kwento ng highschool ko.

Saan nga ba ang punta ko?

Hindi ko din sigurado kung saan ako dadalhin ng byaheng ito.

Matapos ang graduation, dalawang araw nagpasya na kong mag-dorm. Kung ano mang pumasok sa kokote ko, yun ay ang hang-over ko kay Sophia.

-----------

"Boss, ticket?"

Saglit palang ako nakakaupo at nakakapag-emo, mabilis agad akong ginambala ng mabait na kundoktor. Inabot ko sa kanya ang ticket. Matapos mag-check na parang wala lang binalik nya agad sa akin. Tinitigan pa ako ng masama, hindi naman ako mukhang miyembro ng mga grupong nagpapasabog ng laman loob ng tao. Binaling ko ulit sa bintana ang pagiging emosyonal. May kung anong pakiramdam sakin na hindi ko maintindihan. Parehas na parehas noong naglakad ako palabas ng eskwelahan matapos ang graduation. Bitbit ko noon ang toga na hindi ko nagawang ihagis. Hinabol pa ko ng tagakuha ng piktyur, hindi pa daw ako bayad. Nung matanggap ko ang kopya, di naman ako natuwa. Nakangiti ako, pero nakapikit. Muntik na tuloy isama sa puntod ni erpats yung tagakuha, nung talakan sya ni nanay na nahuli ng dating sa eksena.

"Doon sa rooftop, dun kita hihintayin"

..
...
....

Mag-a-alas onse na noon ng umaga nung umakyat ako ng rooftop ng senior building. Kahit walang kasiguraduhan, umaasa pa din na darating sya. Baka kasi biglang mauntog at magbago ang isip ng parents nyang untouchables, at hindi nalang tumuloy sa ibang bansa.

Mula sa taas, nakadungaw ako sa quadrangle. Dinig ko pang ina-announce ng principal yung mga estudyanteng may matabang utak. May mga naghihiyawan. May mga loko lokong estudyanteng sumisipol pa, akala mo nanonood ng beauty pageant at swimsuit na ang suot ng mga participants. Tanaw na tanaw ko din yung mga magka-katipan na pasimpleng nagnanakaw ng sandali. Para talagang fiesta ang eskwelahan! Nakangiti ang mga tao. Maganda ang larawan ng graduation.

Pero hindi ako..

Una hindi makakapunta si ermats, dahil sigurado busy sa cafeteria. Sayang daw ang kita, pang suporta din daw sa nag-iisang anak nyang papasok ng kolehiyo. Yung pangalawa ang talagang kinababahala ko. Noong umakyat ako ng stage at kinuha ang kapirasong papel, na syang nagsasabing solve na ang kaso ko at laya na ako. Kasunod noon tinawag ang pangalan ni Sophia. Parehas Monsood ang last name namin, ngunit wala sya. Hindi ko din kilala ang kumuha ng diploma nya. Dali dali akong umakyat noon sa rooftop para tumupad sa usapan namin na walag kasiguraduhan.

...

Natapos ang seremonya ng principal. Nagbeso beso ang mga sosyal, nagpalitan ng numero ang magkakabarkada, may ibang nag-iyakan. Ako at ang janitor nalang ang tanging naiwan. Walang Sophia na dumating. Tumingin pa ko sa langit, baka sakaling makita ko ang eroplanong sinasakyan nya. Sa tindi ng sinag ng araw, napapikit na lang ako. Olats!

"Brad-pit, di ka pa pala umuuwi"

Mabilis akong nagpunas ng nagbabadyang luha, at agad na nilingon kung sino ang nagsalita.

"Oh, anong ginagawa mo dito?" balik tanong ko pa, habang nagpipilit ng ngiti.

"Ako dapat magtanong nyan" seryoso nyang sagot.

"Nakita kitang umalis sa upuan, after mo makuha ang diploma. Si Sophia ba?" dugtong nya pa.

Di na naman ako nakasagot, kahit pa napakadali lang ng tanong nya. Tinanggal ko ang pagkaka-ribbon ng suot kong pwedeng pamalit sa costume ni Harry Poter. Huminga ng malalim, tska muli syang hinarap.

"Umalis na sya brad"

"I see.. Anong balak mo ngayon?"

"Hindi ko din alam, wala pa kong matinong pag-iisip ngayon"

Lumapit sya sa akin. Noon ko lang napansin na mas matangkad na pala sya ng kaunti. Noon kasing 1st year, halos magkasinglaki lang kami. Doon nya din nahugot ang salitang "brad-pit". "Brad" sa pinaiksing "brader" at "Pit" para lang maging cool. At hindi nga ako nagkamali. Si Brad-pit ang pinaka-cool na taong nakilala ko. Palaging nariyan sa tabi ko. Sa lahat ng problema ko, tulad ng sa ngayon.

"Kailan ba tumino pag-iisip mo kapag si Sophia ang laman?" napapa-iling nya pang sabi.

"First time brad e!"

"Sus! Mas masaya ang second time!"

"Tingin mo may second time samin? E di nga natapos ang first"

"Babalik pa ba sya?" tanong nya.

"Di ko alam"

"Kung mag-aaral sya dun, sigurado mahigit apat na taon yun"

"Pero ang tanong eh kung babalik pa nga ba sya" dugtong nya.

Nung napansin nyang wala nang paghuhugutan ang mga ngiti ko. Inakbayan nya agad ako, ginusot ng bahagya ang buhok, at inagaw ang toga na bitbit ko.

"Brad! Move on! May mas maganda pang kwento sa labas ng eskwelahang ito!"

Kasunod nun hinagis nya ang toga mula sa rooftop. Mabilis itong lumanding sa patag na lupa. Senyales na iwanan na ang dapat iwanan, at ilibing ang nararamdamang hindi na dapat hukayin sa susunod na kabanata ng buhay ko.

Paalam, Highschool! Paalam..

"Ang kwento ng pag-ibig ay kumusta, at paalam"  -Eraserheads, Slo Mo.

----------------

"Sino ka?!"

"Uhm! Robert po!"

"Wala akong kilalang Robert! Sindikato ka no? Bagong modus ba yan?!"

"Magtatanong lang sana kung may bakante pa kayo"

"Wala!"

Blag!

Ewan ko ba kung bakit suki ako ng naglipanang matatandang masusungit. Pangatlong dormitoryo na itong pinagtangkaan ko, halos lahat ng nakakausap ko may sapi. Wala naman akong matandaang may hindi nilimusan na matatanda sa kalsada. Kahit pa nga hindi nanglilimos binibigyan ko pa din, masabi lang na kabilang ako sa pag-asa ng bayan. Binagsakan pa ako ng pinto, matapos akong ihambing sa mga intsik na nag-i-invest ng shabu sa Pilipinas.

Magkakasya naman siguro ang dala kong pera sa loob ng dalawang buwan. Buwanan naman din ang padala sakin ni ermats. Kung kapusin, eh di ayawan na. Pero una ko pa ding priority ang makahanap ng sideline, habang nag-aaral sa kolehiyo. O masyado lang akong naniwala kay Richard, na may mas maganda daw na kwento paglabas ko ng eskwelahan.

"Sungit!" pabulong kong sabi habang naglalakad palayo.

Masyadong malawak ang gubat para maghanap ng tuyong sisilungan. Nakakaramdam na ako ng kawalan ng pag-asa, nung narinig ko ulit ang boses ng masungit na matanda.

"Lumayas ka!"

Ang layo ko na nga dinig ko pa. Ipagdiinan ba sakin na lumayas ako?

"Kahit di mo sabihin aalis ako! Sino magtitiis dito?"

Nagulat ako nung may sumagot sa kanya. Agad kong nilingon kung sino. Isang lalaki na sa tingin ko ay nasa edad ng mapusok. Akala mo mag ca-camping sa dami ng bitbit na bag. Nagkakamot pa ng ulo habang aktong tatawag sa telepono. Didiretso na talaga ako ng lakad, para tuparin ang namumuong balak sa isip ko na "Mas maganda ang kwento sa labas ng eskwelahan".

"Hoy! Iho! Ikaw, ikaw! Parini ka dali!"

Lumingon pa ako sa paligid, baka may ibang napag-tripan ang matandang masungit. Ngunit lahat ng taong tinitignan ko, ay mabilis na nililiko ang kani-kanilang ulo. Akala mo pupugutan sila ng ulo sa takot.

"Ako po ba?"

"Oo! Ikaw! Two Five Monthly, One Month Advanced at One Month Deposit!"

Ayos din si lola eh! Para lang nangungubra ng taya sa sabong. Pero swak naman sa budget, kaya pinatos ko na agad. Kesa naman abutin ako ng dilim, at lapitan ng kung anumang manggagaling sa dilim. Titiisin ko nalang ang mala-mega phone nyang tinig. Huwag nga lang talagang hahawak ng mikropono, at babanat ng "Isang linggong pag-ibig".

...

Nilapag ko ang mga gamit ko sa harap ng pintuan ng kwartong paglalagian ko. May kapirasong tanong sa isip ko. Kung handa ba ako sa mga mangyayaring karumaldumal, at kung anu-ano pang mapanindig balahibong salita na pwedeng idugtong sa salitang "nag-iisa". Binunot ko yung wallet kong nabunot ko sa monito-monita nung nagdaang xmas party. Sinilip ko ang laman, kung aabot paba hanggang matapos ang kwentong ito. Inisa isa ko pang bilangin, nung biglang nag-aklas mula sa kasingit singitan ang kapirasong litrato.

Muntikan pa kong mapamura nung masilayan ko ang puting pantay pantay nyang mga ngipin. Ang itim na itim nyang buhok. At ang ngiti nyang nagpaluha sa akin.

"Badtrip! Hindi pa ko gaanong nakakalayo, nagsisimula kana naman" wika ko sa sarili.

"Yan ba ang katipan mo?!"

Siguro kung marunong lang akong mag taekwando, kung fu, at martial law. Eh sigurado ding nagkabali bali na lahat ng buto ng siraulong nanggulat sa akin. Pero napahinto talaga ako, nung nakita kong si matandang masungit. Malapit ko nang mabanggit ang salitang "Ex", bigla naman akong napaisip kung ex ko nga ba sya, wala namang formal break up. Wala ding cool-off. Basta wala nalang!

"Hindi yan ang kwarto mo! Doon pa sa dulo!" dugtong nya habang naglalakad paalis habang nakapamewang.

---------------------

"Nauuhaw ako.." bulong ko sa sarili.

Madilim at tahimik ang paligid. Ngunit dinig na dinig ko ang malakas na patak ng tubig, na tumatama lamang sa iisang direksyon. May kung ano pang tunog na tila nanggagaling sa dekuryenteng aparato. Kasunod noon ay dahan dahan kong nararamdaman ang sakit ng buo kong katawan. Lalo pa kong nakaramdam ng pagkauhaw, nung lumakas ang patak ng tubig.

Hindi ko na nakayanan. Dahan dahan kong ginalaw kung anumang parte ng katawan ko, na sa tingin ko ay makakasunod pa sa dinidikta ng isip ko. Mula sa mga daliri, hanggang sa braso. Mulo paa hanggang sa tuhod. Hanggang sa nabuksan ko ang aking mga mata. Pilit ko pang hinahabol ang aking hininga, dahil sa mahabang tubo na nakasaksak sa bibig ko.

Lalo pa kong nataranta nung natagpuan ko ang sarili sa isang kwarto, na may puti at asul na ding ding. Pilit kong tinataktak ang aking ala-ala, kung bakit ako nandito. Nang biglang bumukas ang pinto na nasa harapan ko.

"Sophia?!"

Kitang kita ko sa mukha ni Kuya ang pag-aalala. Mabilis syang tumakbo sa kinahihigaan ko, at agad na niyapos yapos ang aking ulo. Tinanggal nya ang swero na nakatakip sa bibig ko. Hinagis sa kung saan, at agad na niyakap ako. Dinig ko kung paano umatungal si Kuya, na sa buong buhay ko ay parang ngayon ko lang napakinggan.

"Dok?! Dok!!"

..
...
....

"I think I'm going to lose you also Sophia" wika ni kuya habang hinahalo ang mainit na sabaw.

Hindi ko alam kung saan ako huhugot ng lakas ng loob sa kwento nya. Kung alam ko lang na yun ang maririnig ko sa aking paggising, mas gugustuhin ko nalang bumalik sa pagkakahimbing. Unti unti kong naaalala ang lahat ng nangyari, habang hinihimay ni kuya ang istorya. Natatandaan ko na din ang larawan sa nakalipas na dalawang buwang paghimlay.

"Uuwi din tayo, magpahinga ka muna at magpalakas" sambit nya.

Tumayo sya. May kung anong dinampot sa loob ng maliit na drawer sa gilid ng kama. Banayad pang pinagpag bago tuluyang iabot sakin. Sa hitsura palang ng kapirasong papel, di ko na magawang ngumiti.

"Dad, can you drive slowly? Masyado kang nagmamadali"

Kitang kita ko kung paano iniwasan ni Dad, yung pulang volkswagen na biglang nag-menor sa harap namin. Biglaan nyang binaling sa kaliwa ang manubela. Hindi naman inaasahan merong mala-optimus prime na truck na humaharurot din sa likod. Isang malakas na pagbanga, at kasunod ang isang blangkong eksena.

"Mom and Dad died in a car accident. Sa mismong araw ng pag-alis nyo" pagderetso ni kuya.

Kusang nagbagsakan ang mga luha ko. Dumaloy ito at tuluyang pumatak sa diploma na syang nasa palad ko. Para bang sa isang iglap madaming nawala sa akin. Hindi ko na alam kung paano pa ako lalabas ng kwartong ito. Nabasag na pinggan ang emosyon ko na pilit binubuo na lamang ng nag-iisang tao na syang nagsilbing sandalan ko.

"Robert.."

------------

Biglaan ang pagbangon ko sa hindi maipaliwanag na dahilan. Kahit pa napuyat na naman ako sa pag-iisip ng wala. Malamig naman ang umaga, at hindi gaanong galit ang araw. Naghilamos, nagtanggal ng excess ng mga kinain kagabi, nagwithdraw ng likido, at nagmuni muni.

"Papasok ba ko?" tanong ko sa sarili, habang tinititigan ang kape na noon ay nag-uumpisa nang lisanin ng init.

Iba ang mundong ginagalawan ko. Ibang klaseng patintero ang nasa paligid ko. Ibang iba sa kinagisnan kong buhay, na naging dahilan ng kakaibang porma ng mga eyebag ko. Ibang-iba ang kolehiyo. Sobrang na-culture shock ako sa mga estudyanteng may kakaibang istilo, mula sa pag-aayos ng buhok hanggang sa kulay ng kanilang kuko. Para akong alien sa sarili kong daigdig. Minsan nga napagkakamalan pa akong pangalawang lahi ni Adan. Hindi daw kasi ako masyadong aktibo sa opposite sex. Ayoko namang magkwento ng sarili kong alamat, baka hindi sila maniwalang nabaliw ako dati. Pero kung tutuusin kada hahakbang ang mga paa ko palabas ng kwarto, may kakaibang kilos ito na para bang asong umaamoy sa lupa, at pilit hinahanap ang gusto.

"Papasok ba talaga ako?!" tanong ko ulit sa sarili.

Huli na nang mamalayan kong hawak na pala ng mga kamay ko, ang huli't natitirang larawan nya. Sa gulat bigla ko pang natabig ang isang tasang kape. Nabuhusan tuloy nito ang litrato. Mabilis kong pinagpag at hinipan hipan, at agad na sinundan ng ngiti.

"Sophia.."

Teenage Cappuccino - 25



TEENAGE CAPPUCCINO - Promise (Chapter 25)



Tik..

Kitang kita ko pa kung paano nagliliparan ang laway ni Ms. Ramirez habang nile-lecture ang life cycle ng mga ipis. Hangang hanga naman ang kaklase kong nasa harapan, habang sinasalo lahat ng produkto ng matandang dalagang guro ko.

Tak..

Nilalabanan ko nalang ang antok. Ilang minuto nalang kasi matatapos na ang klase nya, at pwede ko na ulit makasabay si Sophia sa break. Wag ko nga lang talaga maalala yung mga ipis sa kwento nya. Hindi pa nakuntento nagbigay pa ng homework. Life cycle naman daw ng langaw at bulate. Kapag pagsasamahin mo lahat ng natutunan ko sa klase nya, pwede na kong gumawa ng thesis patungkol gobyerno.

Tik..

Linsiyak na oras 'to. Mentras hinihintay parang ayaw namang gumalaw. May ilan akong kaklaseng napapahikab na, habang ang iba ay nag-iisip na ng kani-kanilang ipangdudugtong sa buhay na matatagpuan sa canteen. Si Richard abala sa pangongopya ng notes kay Sophia, di na naman kasi tinamaan ng sipag sa pagsusulat noong nakaraang linggo.

Tak! Syet!

Bigla kong naalala yung love letter ni Sophia dun sa side table ng kama ko. Iniwan ko lang yun dun kaninang umaga. Dahil sa sobrang antok kasi, ang pag-aayos lang ng nagulong picture frame namin ang nagawa ko. Basta ko nalang nilapag dun, pati yung personalized na mga mug na niregalo nya hindi ko pa na di-display sa estante. Anim na mug yun! Kada isang mug eh isang letra ng pangalan nya! Iniisa-isa nya pa ang bigay sakin kada buwan. Anim na mug na kumunsumo ng anim din na buwan. kahit paano nakisama naman ang kupidong may hawak ng kasunduan ng pag-iibigang, wala nang mas kokorni pa.

Hindi inaasahan..

Hindi namamalayan..

Mabilis lang niluma ng nagdaang buwan ang keypad ng aking cellphone, pero hindi ang tambalang asin at asukal. Nalagas ang mga dahon, at nagkalat sa kalsada ng pag-ibig. Dinuyan ng ulan, at dinala sa huling hantungan. Sumisikat at lumulubog ang araw, para lang ipaalala saking may dahilan ang mga mata itong para gumising.

..
...
....


Ano ba ang LITERAL sa pagmamahal?


Tulad nang napapanood mo at nababasang love story. Hindi kami nakaalis sa parteng "away-bati". Nag-aaway kami sa walang kwentang bagay, at nagkakaayos din matapos malamang hindi pala magandang mag-away habang nagte-text lang. Pasok din sa kategorya ng kalandian ang pagseselos. Nagselos sya nung nalaman nyang karibal nya si Julia Montes, kahit pa pantasya ko lang yun kasunod ni Eula Valdez. Selos din ang nararamdaman ko kapag ine-entertain nya ang fans club nya sa cooking class, kahit pa nasa isip ko lang yun. Nalaman ko ding may igaganda pa pala ang handwritings ko, matapos makapagsulat ng isang kahong love letters na wala kang ibang mababasa kundi "i love you" "i miss you" at "I really miss you" kahit pa araw araw naman kaming nagkikita. May mga date kaming sobrang memorable sana kung natuloy lang. Mga projects ni kupido na pinagpuyatan. Assignments at lambingang pinapasa sa bawat isa. Pressure na exams na dinadaan nalang sa ngitian, kung minsan may konting halikan. Kung ang pag-ibig ay iikot lang sa apat na sulok ng eskwelahan, mas pipiliin ko pang mag back subject at sumulat ng promisorry note kay kupido, at sasabihing pasensya na at nahuli ako sa klase mo.

----------

Tik..

Natatawa pa ako matapos kong lisanin ang board, kung saan nakapaskil lahat ng may karapatang mapaskil lamang ang pangalan. Sa club na kinabibilangan ko, hindi na nakakapagtaka na nakuha ni Agnes ang dalawang titulo sa inter school writing competition. Habang napasakamay ko naman ang titulo ng tagapalakpak. Sigurado magiging iskolar sya sa kolehiyo, at magkakaroon ng pangalan sa publiko. At magiging tanyag din ako sa pagsusulat sa armchair ng upuan, o di kaya sa bus.

Naglakad pa ko ng konti para lang makaiwas sa bintana ng faculty. Naalala ko pa ang sinabi ni Ms. Ramirez sakin na ako lang daw ang estudyanteng takot sa kanya, hindi ko naman masabing kung alam lang nya na kada magsasalita sya lahat ng estudyante halos maubos lahat ng kuko sa daliri sa takot sa kanya. Tinawag din ng pansin ko ang stage sa quadrangle, kung saan madalas na parokyano si Richard. Mahilig syang sumayaw kaya sya napadpad sa dance club. Hindi man sila nagwagi ngayong taon, nagkaroon naman sila ng sideline tuwing fiestahan sa baranggay.

Tak..

Winagayway nya ang kanyang kamay para masilaw ako sa kulay nito, na pinaglihi sa langit. Ngumiti ako habang tinatakpan ng aking palad ang aking mga mata, maka-iwas lang sa sinag ng araw. Maganda at may katuturan ang titig nya habang pinagmamasdan akong papalapit sa kanya. Minsan di ko maiwasang mag-isip kung bakit nga ba binigyan ako ni bro ng ngiti na hindi kayang mapawi.

Nakaupo sya sa waiting shed sa gilid ng mga halaman. Nakapatong ang dalawang kamay sa kanyang mga hita. Huminto ako, para kurutin ang sariling pisngi. Baka magtrip na naman ang tadhana at malaglag ako sa gilid ng aking kama. Pero ang lakas ng tibok ng dibdib ko na walang pinagbago mula nung naglakad sya papalapit sa akin, ay syang nagpapatunay na hindi kailangang maging gwapo kapag susubok kang manalo.

"Mainit ba?" pauna nya.

Tumingin pa ako sa paligid, nakita kong may mga estudyanteng nakapayong at nagmistulang boracay ang quadrangle. Sabay balik ng tingin sa kanya.

"Wala akong dalang payong e!"

Sinilip nya kung saan nanggaling ang sagot ko, matapos malaman ang wala binaling ulit sakin ang atensyon.

"Aalis na ba tayo?"

"Maaga pa, tambay muna tayo" wika ko sabay upo sa tabi nya.

Maganda talaga ang view ng eskwelahan mula sa kinauupuan namin, kaya siguro ito ang napili naming tambayan. O nagsawa nalang din ang ilong ko sa amoy ng basurahan sa canteen. Mula dito tanaw ang kabuuan ng quadrangle, canteen, dalawang gusali ng junior at senior, guard house, mga estudyanteng papasok na may blangkong notebook, at lalabas na may baong reviewer na kakailanganin para mabuhay.

Masaya ang HS. Kung maaari ayokong isiping may kamay ang orasan. Buti nalang biniyayaan ang tao ng pag-iisip na kayang kayang balikan ang nakaraan, hindi lang para isipin kundi ngitian.

Tik..

Nakasandal ang ulo ko sa pader, habang nakasandal ang ulo nya sa balikat ko. Sumasabay ang tingin sa kung saan ito dalhin. Presko ang ihip ng hangin, kahit pa uso ang global warming. Binuksan ko ang bag ko, dinukot ang kapirasong puting envelope. Inangat ito gamit ang dalawang kamay sa pataas na direksyon. Nagtataka naman si Sophia, mabilis nya itong inagaw at agad na binuksan. Kung SARS ang laman siguradong nadali sya ng kanyang kyuryosidad.

"Cute!" bilugan ang kanyang mata habang tinititigan ang litrato na nilalaman ng puting envelope.

"Kahapon ko pa dapat bibigay, ngayon ko lang naalala. Nalukot tuloy yung--"

Hindi pa ko tapos magpaliwanag ng alamat ng litratong nalukot, eh halos ilaglag nya na ko sa upuan. Sa sobrang tuwa agad nya akong niyakap. Tumilapon lahat ng laman ng bag ko sa maalikabok na lupa. Isa isa kong pinulot, kung pwede lang sa kanya ko ito ipadadampot. Pero dahil ang mga ngiti nya ang nagsasabing habang buhay akong alipin na walang sweldo, e sobrang swabe lang ang lahat.

Tak..

"Kuha natin to nung christmas di ba? Bakit na sayo?"

"Camera ni Agnes ang ginamit, Si Raymond ang kumuha"

"Nice! Ipapa-frame ko ito, at ilalagay sa side table ng bed ko"

Matapos kong ibalik lahat ng nalaglag na gamit sa loob ng bag, balik sa normal ang lahat. Yung kaninang saya isang kisapmata lang biglang naging nakakabinging katahimikan. Kahit anong gawin naming pamemeke hindi namin pwedeng dayain ang reyalidad.

"Tuloy ba alis mo?" mapangahas kong tanong.

Seryoso na sya kahit pa pinipilit nalang pangitiin ang sarili, sa kapirasong litratong magisislbing ala-ala nalang sa magdaraang isang linggo.

"Kinausap na ako ni Dad last night. Baka hindi na ako maka-attend ng graduation"

Dehins ko nang nagawa pang bumuntong hininga, o magbaba ng balikat. Matagal ko nang tanggap, pero may namumuong pagnanais sa likod ng pagtanggap na yun. Na sana magloko ang dapat magloko. Masira ang dapat masira. Gumuho na ang mundo kung guguho. Wag lang matuloy ang hinihintay ko.

"So wala na palang plan B, sa istoryang 'to"

Hindi sya sumagot. Hindi nya siguro alam ang sasabihin, o nanawa na din syang dayain ang sarili.

"Robert, tumatanggap kaba ng pangako?"

Kung mangangako syang babalikan ako matapos ang isang libong taon sa ibang lugar. Sa loob ng isang libong taon malamang limot ko na yun. Mahirap umasa sa isang bagay na walang kasiguraduhan. Ang masakit ay yung maramdaman mong hindi mo na alam kung bakit kapa naghihintay.

Tik..

"Sa graduation.. Kapag dumating ako bago o after ng ceremony, maitutuloy ba natin kung anong nasimulan natin?"

"Sinasabi mo bang may pag-asa pang mag-stay ka dito?" balik tanong ko.

"Kung makikisama lang ang lahat, bakit hindi!" may pananabik sa tono nya.

Gusto kong tumutol sa ganung usapan. Hindi naman ako tanga o sinilang kahapon para lang maniwala sa ganun. Pero kung yun lang ang paraan para dayain ang napipintong pagbagsak ng tower of pisa, meron pa kong natitirang isang linggo para bigyan ang sarili ng lakas ng loob.

"Sa mismong graduation, nasa mismong ground lang ako. After, nandoon lang ako sa rooftop ng senior.. Dun kita hihintayin! Wag mong aalisin ang mga ngiting yan kapag nagkita tayo" wika ko habang pinipisil pa ang kanyang ilong.

Ayoko nang sundan pa ng tanong na "Paano kung hindi ka dumating?" dahil sigurado kapag wala kahit anino nya, baka mula dun tumalon na ko. Pinagpagan ko pa ang ilalim ng aking bag, nung napuna kong may natirang alikabok pa. Tumayo ako at hinila sya pasunod sa akin. Hinawakan ng mahigpit ang kanyang kamay. Bawat minuto hindi makakalagpas sa akin. Gusto kong magkaroon ng dahilan ang bawat ginagawa ko sa kanya, at kahit paano magmistula sanang pahina ng libro nasa kahit anong oras ay pwede mong balik-balikan.

"Uwi na tayo, hatid na kita"

"Sige!"

----------------

Umuulan noon, at walang tigil ang kidlat. Kakamadali kong makauwi ng bahay, di sinasadya nadapa pa ako. Gasgas ang tuhod ko, kung mamalasin may sinturon pang maghihintay sakin. Wala akong maisip na dahilan na pwede kong ipagsinungaling kay nanay. Dahan dahan pa kong pumasok ng bahay, pero nabigla ako nung walang sumalubong na sermon sa akin. Tahimik at misteryoso ang apat na sulok ng tahanan ng mga Monsood nung gabing yun. Dali dali akong umakyat ng kwarto, kumuha ng pamalit na damit at agad dumiretso sa banyo.

Minadali ko pa ang pagligo, para kung sakalin dumating si nanay e wala syang makikitang ebidensya ng kakulitan ko. Bubuksan ko na sana yung pinto nung marinig kong may taong pumasok sa loob ng bahay. Kung hindi ako nagkamali nasa tatlo o apat sila.

Napaupo ako sa takot, nung sinundan ito ng malakas na iyak.

Kasunod ang pagsigaw ni nanay ng patay na si itay..

Hindi ko maiwasang hindi balikan ang nakaraan sa tuwing makakaramdam ako ng lungkot. Yun na siguro ang darkest days sa buhay namin ni ermats. Ngayon ang kwartong ito, litrato at cellphone na nasa harapan ko. Ang magsisilbing ikalawang yugto ng pinakamalungkot na araw ng buhay ko.

"Tatawagan ko ba sya?" tanong ko sa sarili habang paulit ulit na binabasa ang kanyang nakaraang mensahe.

"Baka busy na sya sa pag-aayos ng kanyang mga gamit" dugtong ko pa, habang pinag-iisapan kung lulukutin ko ba ang litrato naming dalawa, o pipilasin nalang.

..
...
....

Bukas na ang graduation. Plantsado na ang mga isusuot ko, pati panyo't brief hindi nakaligtas. Pwera ang nararamdaman ko ngayong gabi. Gusot na gusot di lang ang mukha ko, pati na din ang puso ko na umaasang may tangang pipindot ng button ng kapalaran.

"Gusto kitang makita" sabi ko sa larawan.

"Gustong gusto.."

-------------

Sophia

Nakahanda na ang lahat. Sarado at nakakandado na ang maleta na tanging ala-ala nalang ang libreng makakasama. Nakahiga ako habang pinagmamasdan ang mga sulat nyang idinikit ko sa study table sa loob ng aking kwarto. Hindi ko alam kung paano pagkakasyahin ang emosyon ko sa huling gabi na syang pinakamalungkot na parte ng buhay ko.

Mapagbiro talaga ang tadhana. Pinatunayan na naman ito nang sakin tumapat ang arrow ng roleta na may nakasulat na salitang "Yari ka!". Kung kailan naman nabigyan ako ng dahilan para sumaya, ganun din ang dahilan kung paano nya ito kinuha.

Tak..

Time is running out. Kung hihiga lang ako dito, at hihintaying patayin ng sariling kalungkutan eh wala talagang mangyayari. Tumayo ako at mabilis na dinampot ang aking cellphone. Pero bago ko pa tuluyang i-dial ang kanyang numero, ay naunahan nya na pala ako.

"Robert, nasan ka?" mabilis kong tanong.

..
...
....

Tik..

Umuulan, at malakas ang bitaw ng hangin sa paligid. Pero hindi alintana ang sipon at ubo. Bitbit ang maliit na payong at suot ang asul na raincoat, lakas loob akong tumungo sa gate ng eskwelahan kung saan kami posibleng huling magkikita. Bago pa ko umalis ng bahay sinabi kong hindi ako iiyak kung sakaling may nakaka-iyak na eksena sa kwentong to.

Ngunit hindi ko na napigilan ang emosyon nung makita ko ang prinsesang naglagay ng kulay, at nagpinta ng bahaghari sa huling taon ko, bilang estudyante ng HS. Binuksan ko ang payong. Agad ko syang sinalubong, sakto lang talaga ang ulan para tuluyang punasan ang luha na hindi ko alam kung tuwa o lungkot ang pinaghuhugutan.

"Sana magkasakit ka" bungad ko.

"Para ano? Para hindi matuloy ang alis ko?"

"Oo! Kung ako magkakasakit, walang kwenta! Sa graduation lang ako mawawala" sagot ko, habang nilalayo sya kung saan mas malakas ang patak ng ulan.

"Wag nga yung ganyan! Ayoko pa ding magkasakit ka"

Natigilan pa ko sa sinabi nya. Kahit paano nabawasan ang hinanakit ko sa mundo. Nakapa ko pa sa dilim ang katiting na liwanag. Pero dahil sa malakas na hangin, agad nitong tinangay ang saya at pinalitan ng lamig at walang humpay na pananalasa ng ulan sa dalawang taong nasa binggit ng pagkawalay.

"Sophia, mas may maganda ka pa bang pangako?"

Tumingin sya sa akin habang nagpapagpag ng nabasang laylayan ng suot nyang jacket.

"Sorry pero wala"

Napalunok ako sa sinabi nya. Sakto na sana ang flow, medyo romantic na sana kaso pakiramdam ko'y sinira nya ang daloy ng emosyon ng kwento.

Tak..

Tik..

Tak..

"Wala na kong pwedeng ipangako sayo, kundi balikan ka at tapusin ang kwento nating dalawa"

Lalo pang lumakas ang buhos ng ulan. Kahit pa pilit kong itago ang korning emosyon at luha, ay napansin nya pa din. Mabilis nya akong niyakap, di alintana ang basa kong raincoat. Sa yakap na yun siguradong mami-miss ko talaga sya. Ang pesteng kamay ng orasan na kanina ko pa naririnig ay walang tigil na pumapatay sa akin.

Pero wala akong magagawa, tulad ng sinabi ko.. Ginto ang orasan at hindi kukupas para lang hintayin kami. Ang muling pagbangon at pagsabay nalang sa ikot nito, ay matatawag nalang na tadhana. Kung tinadhana nga kami, walang kwenta ang pagiging ginto ng orasang hindi humihinto.

Time's up!

May tamang oras din para sa lahat. Maging tao, hayop, bagay, kwento, at pag-ibig. Lahat apektado ng oras. Natapos ang oras ng aming huling pagkikita. Kung may bukas pa na dapat kong ibangon sa umaga, sigurado walang kwenta! Pinikit ko ang aking mga mata, hanggang sa huling sandali ang bahaghari ang aking nakikita.