Ang Payo ni Kuya

image credit to orig uploader

Bagsak na naman ang magkabilang balikat ni Rochelle. Mababa pa sa standard na posisyon ang dalawang kilay at nagbibilang gamit ang mga mata ng mga nagdaraang sorbetero habang nakapatong ang baba sa kaliwang kamay. Sa ganitong pagkakataon, nahulaan na ni Rick ang problema ng kapatid nang ito'y kanyang madatnan.

Sinubukan nya munang magpatawa. Mabisang paraan iyon para maiwas ang kapatid sa napipintong paglipad ng isipan sa kung saan. "Noong bata pa tayo nahilig kang kumain ng bayabas"

Nilingon ni Rochelle ang nakakatandang kapatid. "Kasi paborito yun ng crush ko, tapos sinugod ako sa pagamutan dahil sa pananakit ng tiyan"

"Ang sabi ng doktor noon, nakakain ka daw ng tatlumpung piraso. At sa huli.."

"Nag-adviced syang humanap ako ng lalaking hindi maihilig kumain" singit ni Rochelle. Bahagyang natawa ang dalawa.

Tama ang hinala ni Rick. Ang isyu ay may kinalaman na naman sa usaping hindi kayang takasan ng kahit sinong may puso. Pag-ibig. Isang bagay na binubuo ng saya, problema, at 80% na pananakit ng bulsa. Alam nya kapag iyon ang dinadanas ng kapatid. Ilang beses nya nang napanood ang ganitong eksena. Sa tuwing mabibigo o masasaktan ang kapatid, kabisado nya na din kung anong dapat gawin o anong dapat sabihin. Kung anong biro ang nakakapagpasaya at kung anong aral ang dapat iparinig sa dalaga.

Symbianize Literati House Challenge: Byaheng SanDocena


Nagsimula ang kwentuhan noong mga panahong na'sa gitna ako ng depresyon. Mga sandaling 'di nagkakasundo ang aking mga paa kung saang lupalop ako makakahanap ng trabaho. Iyon ang mga sandaling isinumpa ko ang pagiging pangunahing pangagailangan ng pera sa buhay ng tao. Stress ang tumulak sakin para maghanap ng libangan. "Maghanap ng trabaho online" ang payo ng isang kaibigan sa gitna ng inuman. Tama sya, pasok pa din ang pangangailangan ng pera sa pagsakay ng dyip at pagbili ng gel araw-araw, at ibabagsak ka lang sa job interview dahil 'di mo nasagot ng tama ang tanong na "sino ang ceo ng microsoft" Sa huli, hindi ako nakahanap ng trabaho kakabasa online, bagkus.. naaliw akong magbasa. Nakahanap na ko ng sariling gamot sa stress. Fast forward.. Natuto, naaliw, at nagsimula akong magsulat. At mula noon lagi kong tanda ang pangalang Steve Job.

Tulad ng paglalakbay ng isang tao sa buhay. Mula sa paggapang hanggang sa makatayo at makalakad ng diretso. Ganoon din ang pagsusulat. Alanganin akong matumba at pagtawanan sa umpisa. Natakot akong madapa at masugatan. May mga boses na nagsasabing ituloy lang. Maigagapang ko din daw ang hirap kahit walang tulong ni Mayor. May mga taong aalalay sayo, at may mga taong hindi papalakpak sa layo ng naihakbang mo. Pero tulad ng paglalakbay ko sa buhay at sa larangang pinili mismo ng aking mga paa, masasabi kong hindi pa naipapasimento ang kalyeng nararapat sa bawat hakbang ko. Wala pang karatulang dead end akong natatanaw. Kung may magtatanong kung hanggang saan? Bahala ka sa buhay mo, di ko din alam.

Ang byaheng SanDocena ay isa sa byaheng 'di ko malaman kung saan ba ang hinto, o kung saan ako papara. Kung saan ako dadalhin o kung saan ako magigising sa ingay ng busina. Malubak man ang kalye at ma-flat ang gulong. Bumigay man ang makina o mawalan ng pasahero. Mawala man ng drayber o huminto sa stop over. Alam kong sa pagtapak kong muli sa lupa. Nariyan pa din ang aking mga paa. Tuloy ang hakbang, tuloy ang kwento, tuloy ang ligayang dala ng anti-stress kong pluma.

Para sa mga tulad kong solido ang pag-ibig sa Literatura. Hayaan nyo kong mag-iwan ng kapirasong salitang natutunan ko sa aking nilalakbay..

"Hindi bale ng puro jologs ang kwento. Hindi mo naman solo ang titulong corny sa mundo"




Last Minute Passenger

Nagmamadaling hinabol ng babae ang pagdidikit ng labi ng elevator kung saan ako nakasakay. Kung nagkataon, first time ko sanang maka-saksi ng naputulan ng kamay sa aking harapan. Ngunit hindi ang kanyang pagmamadali ang kumuha ng aking atensyon, bagkus ang hindi maintindihang ayos ng kanyang pananamit. Naglalaro sa edad na kwarenta ang kanyang hitsura. Magulo pa sa senado ang pagkaka-ayos ng kanyang buhok. Sleeve na hindi angkop sa mainit na panahon, at scarf sa leeg na hindi man lamang naikabit ng maayos. Magkakaibang kulay ng kuko, at nakaka-stress na mataas na takong ng sapatos.

"Ma'am saang floor po kayo?" pangunguna ko. Apat na palapag na ang nagdaan mukhang 'di pa nya alam kung saan sya bababa. Gusto ko nang mag-usisa sa tagal ng sagot, kaso biglaan nyang pinili ang palapag kung saan din ako bababa.

"Pasensya na ha, may gumugulo lang sa isip ko"

"For interview din ba kayo?" pansin kong parehas ng kompanyang bibisitahin ang idinidikta ng guest ID namin.

"Hindi, hindi!" mariin nyang tanggi. "may bibisitahin lang.."

Hindi ko mapigilang magtaka. Kanina wala sya sa sarili, ngayon naman'y tumutulo na ang kanyang mga luha. May biglang ngiti na sisilip sa kanyang labi na mabilis namang susundan ng hikbi. Ganitong-ganito yung mga napapanood ko at nababasa. Yung biglang may masamang mangyayari nalang. Sana 'di totoo. Nakakahawa pa naman ang kanyang reaksyon.

One Morning of July - 15

(image credit to idol Melala)

Hindi ko nagawang ikilos ang aking katawan sa pagkagulat. Sa mga mata palang ni Mr. Reonico parang kusang nag-back out ang boses ko. Sa tirik na araw, malamig na pawis ang umaagos mula sa aking noo. Seryoso ang kanyang anyo. Kinakabahan na 'ko. Kung kaya ko lang magtago sa piraso ng walis tingting baka ginawa ko na. Ngayon lang yata ako nakaramdam ng takot na kakaiba. Tipong kusang gagawa ng sink hole ang dibdib ko sa kaba. Lumunok ako ng laway.

Ramdam ko ang mahigpit na hawak ni Marta sa aking kamay. Itataas ko na sana ang aking kamay at ituturo sya bilang master mind sa kalokohang 'to, pero laking gulat ko nang umabante ng hakbang si Marta. Hinarangan nya ang paningin ko. Sumingit ako ng silip. Si Mr. Reonico parang 'di natinag sa ginawa ng dalaga sa harapan ko. Hindi ko ma-drawing sa isip ko ang susunod na posibleng mangyari.

"Umalis ka dyan," mahinahong utos nito kay Marta.

Ako ang pakay nya. Sigurado. Ang daming umiikot na dahilan sa isip ko, pero mukhang walang pwedeng paniwalaan. Hindi ko pwedeng idahilan ang katigasan ng ulo ng anak nya, pero mas lalong 'di ko kayang manghiram ng mukha sa kapitbahay kapag may biglang lumipad na kamao. Mahirap ang sitwasyon namin. Mahirap pa kay Villar.

Bakasyonista

(image credit to orig uploader)


Mahaba pa ang byahe para ubusin lahat ng enerhiya ko sa pag-ngiti. Hindi sa mga natatanaw, kundi sa tuwing maaalala kong tinawag kaming "bakasyonista" ng mga namamahala sa kursilyo. Bakasyonista ang biro nila sa mga taong kayang mag-commit sa mga ganoong gawain, kung san galing? Hindi ko alam.

Apat na araw akong wala sa bahay. Tatlong gabi kong hindi nakatabi si misis. Manood lang ng paborito kong team sa PBA ang bisyo ko kaya laking gulat ko kung bakit pinilit ako ni misis sumama. Maganda daw doon. Bukod sa libre ang pagkain, bababa pa daw ang konsumo ng kuryente samin. Pero 'di ako doon na-engganyo. Sa pangakong may libreng swimming nabuo ang interes ko. Pauwi na kami ng tapatin kaming wala talagang ganun. Imbes na sa tubig na maalat, sa salita ng Diyos ako naligo.

Limang araw daw talaga kaso nagkasakit ang isa sa aming kasama. Nagdeklarang ubusin na lahat ng sermon mapa-iyak lang kami't mapaaming nagsisisi sa lahat ng mga nagawang kasalanan, kahit na ang pinakamabigat ko na ay ang hindi pagbabalik ng toothpick sa karinderya. Kung tutuusin, nag-enjoy talaga ko. Hindi ako pwedeng magsinungaling sa bagay na yun. Masayang makakita ng mga tunay na tao paminsan-minsan. Bagong mukha. Sa loob ng apat na araw marami din akong natutunan. Nalaman kong 'di pala dapat magalit sa magulang kapag kulang ang baon, bagkus matuwa dahil 'di masarap ang tinda sa public school.