Orange Juice


Nakaka-engganyo ang bawat busina ng nagdaraang sasakyan sa kalsadang kinatatayuan ko. Ibinuka ko ang aking mga kamay, at tuluyang ninamnam ang usok na galing sa mga tambutso. May ilang natatawa sa ginagawa ko, meron ding dismayado, at meron ding napapa-sign of the cross. May dalawang MMDA officer na nagdaan sakay ng motorsiklo, pero imbes na sawayin ako ay inuna pa ang pagsipol sa seksing bebot na kakababa lang ng jeep.


"Life is unfair! Lord kunin mo na ko!" sigaw ko, ngunit bigong makakuha ng atensyon. Kahit ang nagdaang pusa ay napailing lang sa ginagawa ko.


"Baliw! Paano ka naman masasagasaan kung nasa bangketa ka lang?"


Hinanap ko kung saan nanggaling ang boses ng nagsalita. Tumingin ako sa likod, wala naman. Pinagsuspetyihan ko pa ang bulag na namamalimos, ngunit walang reaksyon. Kinurot ko pa ang pisngi. Masakit, kaya buhay pa naman ako. Muntik na kong mapasigaw nung biglang sumulpot sa harapan ko ang babaeng kulay brown ang buhok, at medyo kulot.


"Hinahanap mo ba ako?" tanong nya.


"Hindi! Tsk! Malas naman! Pati ba naman sa pagkitil ng sarili kong buhay may gusto pang pumerwisyo.." naiinis kong wika sa kanya.


"Hello?! Paano ka nga masasagasaan kung nasa bangketa ka lang? Gusto nga kitang tulungan e, kaso baka hindi maging suicide ang kaso.." nakuha pang mang-asar. Lumakad ako palayo, at iniwan syang mag-isa.


Malas talaga! Sa lahat ng kamalasan sa mundo, nasa akin pa ang titulo ng pinaka-aayawan ng lahat. Panglabing-anim na beses ko nang nabasted. Yung huling anim ay sa loob ng isang buwan lamang. Hindi pa ako nananaginip na kinausap ako ng diyos, kaya kumbinsido akong hindi pari ang papel ko sa mundo. Hindi naman ako mapili. Kahit nga yung katulong nung kapitbahay namin pinatos ko, kaya halos isumpa ko ang pag-ibig nung binasted nya din ako.


Wala pa sa isip kong sumubok ulit. Pahinga na muna. Kailangan din ng bakasyon sa pag-ibig ika nga. May natutunan kasi ako sa last movie na pinanood ko, na ang pag-ibig daw ay kusang darating kahit hindi mo hanapin. Pero wala pang isang linggo nakipagunahan na naman ako sa pana ni kupido, noong lumipat sa department namin si Michelle. Maganda sya at talaga namang dadagsain ng bulaklak kung sasapit ang buwan ng mga puso. Kahit pa ang supervisor ko ay handang makipag-ubusan ng buwanang sahod mapasagot lang sya. Daig ko pa nanalo sa lotto, at nawala ang ticket nung inisnob nya ang nararamdaman ko.


"Huwag ka ngang suplado! Hindi ka naman gwapo!" paghabol sakin ng babaeng natapunan ng agua oxinada sa buhok. Sumunod pala sa akin.


"Hindi ako suplado! Problemado lang! Tsaka ano namang kinalaman ng pagiging pangit ko kung magsusuplado ako?" naiirita ko nang sagot.


"Alex, tama ba?"


"With H! Ahlex! Stalker ba kita? May stalker na pala ang pangit?" pang-aasar ko.


"So stalker pala ang tawag mo sa pagsunod sa pangit? Hindi ba pwedeng hunting?"


"Get a life!" banas kong sagot, sabay talikod. Kung may balak pa syang sumunod uunahin ko syang paakyatin ng langit.


"Uy! Biro lang! Ang init naman ng ulo mo, sumasabay sa summer?"


"Okay sige tatawa ako para tumigil ka. Pwede na ba yun? Tsaka sino ka ba? Empleyado ka ba ng census, kaya kilala mo lahat ng tao?"


"Hindi mo ko namumukaan? This is me! Linda! Bagong ka-officemate mo!" Naubusan ako ng isasagot sa sinabi nya. Ganun na ba ka-miserable ang buhay ko, at kahit mga kasamahan ko sa trahabo ay hindi ko kilala.


"I started working yesterday, as a technical recruiter. Nagkaroon ako ng time makilala ang lahat, pero hindi ikaw."


"At nasaan naman ako kahapon nung mga oras na yun?"


"Busy ka kausap si simsimi" natawa ako sa sagot nya, palibhasa tama. Nawala ang init ng ulo ko na kanina lamang, ay halos makipagsabayan sa mga makina ng sasakyan.


"Sorry for being rude. Mainit ang panahon ngayon, gusto mo ng malamig na maiinom? lakas loob kong anyaya sa kanya. May phobia na kasi ako sa rejection, kaya kahit simpleng pagtanggi lang ay nag-eemo agad ako.


Dumiretso kami sa isang mall malapit sa opisinang pinagtatrabahuhan naming dalawa. Sa hagdan paakyat ng second floor ang paborito kong tambayan, nasa gilid kasi noon ang maliit na stall na nagtitinda ng fresh fruit beverages. Niyaya ko syang maupo sa hagdan. Nagdalawang isip pa ako, baka kasi maarte sya pero hindi pa natatapos ang tanong ko agad na syang umupo. Cowboy si Linda. Mahahalata naman iyon sa buhok nyang kulay brown.


"Ano palang problema mo kanina at naisipan mong magpakamatay?" pag-usisa nya.


"Broken hearted ako. Basted. Suki ng pagkalugi pagdating sa pangliligaw."


"Dahil lang doon? Ang babaw naman. Yung iba nga niloko ng asawa nakaya pang lagpasan, tapos ikaw nabasted lang gusto nang mamatay?"


"Magkaiba nga yun! Pero parehas na puso ang nasaktan. Ang kaso lang mas matatag ang puso nun kesa sa puso ko"


"Wow! Kapag nalaman ng niligawan mo yan baka ilibre ka nya ng checkup sa doktor. Sa cardiologist!"


"Tatawa na ba ako? Sumenyas ka lang!"


"Hindi ka mabiro! Sino ba ang babaeng yun? Baka kilala ko matulungan kita" wika nya na may halong pang-aasar.


"Si Michelle!"


"Aha.. Back out na ako! Mukha syang mas masungit pa sayo. Buti nagawa mo pa syang ligawan sa pagkasungit nya?"


"E-mail lang" tipid kong sagot.


"Sosyal! Yung iba call and text, ikaw e-mail. Iba na talaga ang panahon ngayon, ang babae hindi na dinadalaw sa bahay. Kung may lalaking aakyat sakin ng ligaw sa mismong bahay namin, hindi na ko magdadalawang isip"


"Wala ka palang boyfriend" may pang-aasar sa tono ko. Ang tibay ng apog nyang pagtripan ang love life ko, tapos sya pala itong biktima din ng pagkalugi.


"Kaka-break lang namin! Noong isang linggo lang! Hindi nya daw gusto ang pagkakulot ng buhok ko."


"Kaya pinakulayan mo ng brown? Baka sakaling magustuhan nya, at balikan ka nya? Haha! Kung gawin mo kayang rainbow, baka mas tumaas ang tyansang magkabalikan kayo" medyo napalakas ang tawa ko. Hindi ko napansing nakasimangot na pala si Linda, palibhasay nag-enjoy akong asarin sya.


"Uy? Okay ka lang?!" kunwaring panunuyo ko. Wala syang sagot. Nakasimangot at seryosong hinahalo ang straw sa natitirang fresh orange juice.


"Hindi naman talaga dahil sa buhok ko. Ang totoo pinagpalit nya ako sa iba." siwalat nya. Nalungkot ako bigla sa sinabi nya. Medyo natuwa din, dahil hindi lang pala ako ang nakakaramdam ng pagkabigo. "Ikakasal na dapat kami, kaso 1 week before the wedding hindi na sya nagpakita. Late ko nang nalaman na may kinakasama na palang iba"


Kanina lang ay kaalyansa ako ng mga kalalakihan, pero sa puntong ito yumuko ang ulo ko para sa isang babaeng biktima ng lahing pinaglalaban ko. Nanaig ang pagkahabag ko kay Linda. Cute sya para lokohin lang ng ganun. May konting kirot pang nagsisimulang humapdi, kapag iisipin ko ang pinagdaanan nyang sakit. Kung ihahambing kaming dalawa, hindi hamak na kasing laki lang ng garapa ang dahilan ng balak kong pagpapatiwakal kanina. Hindi tulad nya na mukhang pumuno ng isang drum ng luha ang kanyang mga mata. Nahiya tuloy ako sa mga inasal ko kanina. Tumayo ako mula sa kinauupan, at hinila ang kanyang kamay.


"Saan tayo pupunta?"


"May kaibigan akong nagsabi sakin na ang problema daw sa pag-ibig, ay dinadaan lang sa pagkain" wika ko.


"Parang kanina lang ikaw ang pinakamalungkot na tao sa mundo. Ngayon narinig mo lang ang kwento ko, ikaw na ngayon ang malakas?"


"Birds of the same feather, eat together!" nakangiti kong sagot.


"Kailan pa naging same ang feather natin aber? Magkaiba ang problema natin kahit parehas ng root word" pagtataray nya pa.


"Hindi na importante yun. Importante nakakahugot tayo ng lakas sa isa't isa. Kanina problemado ako, pero dahil sayo nawala yun. At ngayon nalaman kong ikaw pala ang mas may malaking dinadala, kaya ngayon hayaan mo akong bumawi"


"Malakas akong kumain" nakangiti na nyang sagot, at labas lahat ng ngipin.


"Exact opposite tayo dyan, mahina akong kumain kaya sayo na ang tira ko" biro ko.


Sa sobrang saya hindi nya napigilang kurutin ang pisngi ko. Nakalimutan yatang tao ang kaharap nya at hindi teddy bear. Hinugot nya ang singsing sa daliri, at hinulog sa paper cup na pinaglagyan ng juice, at tska itinapon. Ang babaeng pinanghugutan ko ng lakas, ay syang nagturo sakin para tulungan sya. Mahiwaga talaga ang pag-ikot ng mundo. Ang paghahangad natin sa mas malaking bagay, ay syang nagiging dahilan ng hindi natin pagpansin sa maliit ngunit mas importante.


"Teka, paano mo pala nalaman ang pangalan ko? Hindi naman tayo nagkakilala ng pormal kahapon" tanong ko.


"Na-wrong send ka ng e-mail" natatawa nyang sagot.


-End






"Sometimes you just got to look closer, instead of searching so hard"  -Dear God, Fm Static.

Flamingo - Chapter 3

Nasaksihan ko kung paano bumagsak ang ulan, mula sa kinauupuan ko. Tanaw na tanaw ito sa tagusang salamin na isang pulgada lang ang layo sa akin. 60's medley ang musikang umiikot sa loob ng coffee shop, kaya medyo nabawasan ang tensyon ko sa pagkukwento kay Ingrid. Wala nang bisa ang kape kapag malamig. Napatunayan ko yan noong mga panahon lunod ako sa depresyon, bunga ng pagkawala ni Sarah.

Ibinaling ko ulit ang atensyon kay Ingrid. Hinugot kong muli ang natitirang damdamin ko para sa namayapang asawa. Sa puntong ito kalmado na ang sarili ko. Nakatingin lang si Ingrid, nagtatanong ang mga mata. Halatang ang pagpapatuloy ng kwento ang pwede lang i-digest ng tenga nya sa mga oras na ito.

"Bulag ang babaeng sumalubong sa akin.." wika ko sa mababaw na tono.

"Bulag? As in literal na bulag?" namamangha nyang sagot.

"Oo.. Hindi malinaw ang tagpong yun sa akin, basta ang tanging natatandaan ko lang ay ang pakiramdam nung unang beses na dumapo ang palad nya sa mukha ko" pagpapatuloy ko.

"Maputol ko lang Marcus! Si Sarah ang asawa mo. Ikinasal ka sa kanya, pero natuklasan mong hindi sa kanya ang papeles na ginamit nya sa kasal nyo, tama ba?" pag-uusisa ni Ingrid.

Ngiti lang ang sinagot ko. Tinawag ko ang waiter na namataan kong nag-iikot sa paligid, tska umorder ulit ng dalawang kape.

----

"Bunsong kapatid sya ni Rica. Sya talaga si Sarah Roman" paliwanag ng lalaking nakausap ko kanina lang.

Inilapag ng matandang babae ang malamig na inumin sa isang maliit na table na nasa harap naming tatlo. Pakiramdam ko'y lalagnatin ako sa mga narinig, kaya halos itapon ko nalang ang inumin sa lalamunan ko. Hindi nakaligtas sa gilid ng aking mata ang hitsura ni Sarah. Pinagmasdan ko syang maigi. Para syang xerox copy ng Sarah na nakasama ko.

"Matagal tagal na din ng huli naming nakita si Rica. Umalis sya dito ng walang kahit anong iniwang bakas. Kahit ang pag-alis nya ay napakatahimik, palibhasay masikretong bata." pagpapatuloy ng lalaki.

Muntik ko nang malunok ang huling ice tube, na nasa bunganga na ng baso. Bigla kong naalala ang kasal namin ni Rica. Walang nakakaalam ng kasal na iyon. Kahit anino ng mga kamag-anak namin walang nakasilay kahit isa. Paano kapag nalaman ng Sarah na kaharap ko na ikinasal ako sa ate nya, at pagkakakilanlan nya ang ginamit? Naghahandang sumabog ang mga neurons sa utak ko sa kakaisip ng magandang panimula.

"Hindi ako ang ama nila." wika ng lalaki.

Nakapag-release ako ng konting sakit ng ulo sa sinabi ng lalaki. Si Sarah nalang ang problema ko. Kung makakausap ko sila sa maayos na paraan, maisasakatuparan ko ng maayos ang balak kong pakikipag-divorce.

"Matagal nang nasa piling ng diyos ang kanilang mga magulang. Ako at si Manang ang natitirang tagapag-alaga sa magkapatid. Daddy na ang tawag nila sa akin, nasanay na sila ng ganun"

Lalong nawala ang pressure ko. Nakawala ang nagma-marathon na daga sa loob ng dibdib ko. Tumindi ang adhikain kong tapusin na ang kalokohang kinasasangkutan ko ngayon. Nasa isip ko na ang mga dapat kong isiwalat sa kanila. Maiintindihan nila ako, dahil hindi ko naman kasalanan ang lahat.

"Pumanaw na po si Rica!" sambit ko.

Natigil ang pagbubuod ng talambuhay ni Rica ang lalaki. Halata sa mukha ang pagkagulat. Sa gilid ko ang original na Sarah na halos maubos ang daloy ng dugo sa mukha. Namutla ito, at bakas sa mga mata ang biglang pagkalungkot. Unti unti nang pumatak ang luha ng dalaga. Ni hindi ko na nagawa pang pigilan ang pag-agos. Gayun din ang lalaki. Hindi alam kung anong gagawing pagpapatahan kay Rica.

---

"Fool! Hindi ka ba nag-iisip?!" galit na tono ni Ingrid.

"Wala akong magagawa, kailangan kong sabihin ang lahat. Kung isesekreto ko pa baka kainin na ako ng takot, na baka masaktan ko ang damdamin nila" paliwanag ko.

"Tsk! Hindi mo alam ang impact ng mga ganung bagay sa isang tao Marcus.."

"Naiintindihan kita sa gusto mong mangyari, pero ang pagsasabi ng ganyang balita ay dinadaan sa--" mabilis kong itinakip sa bibig nya ang aking kamay.

"Kung hindi ka pa titigil, iiwan kita dito." wika ko.

Nagsalubong ang kilay ni Ingrid. Parang gusto nya akong ilagay sa pagitan noon at tuluyang ipitin sa inis. Matapos ang ilang segundong pakikipagtitigan, ay dahan dahan kong tinanggal ang aking kamay.

"Okay.." mahinahong bulong nya.

...

"Marcus.. May tanong lang ako.." wika ng lalaki na may sarkastikong tingin.

"Paano mo nakilala si Rica? Magkaibigan ba kayo?" tanong nya.

"Nagkakilala kami noong kolehiyo. Naging kaibigan. Hindi nagtagal--"

"Puputulin ko na dyan Marcus. Matagal na naming alam na may karamdaman si Rica. Pinasasalamatan ka namin sa paghahatid ng balita, at sa pag-aalaga sa kanya. Now tell me, may iba ka pa bang kailangan?" diretsong tanong nya.

Hindi ko alam pero parang biglang nabaliktad ang sitwasyon. Ako ang dapat na may sikretong kailangang sabihin, ngunit sa isang iglap parang alam na nila ang nilalaman ng isip ko. Masyado na akong nahihiwagaan. Para akong inilagay sa isang game show na kahit short briefing ay walang nabanggit ang production. Sinalang ako sa hotseat para sagutin ang 1 million question, na may tanong na kahit si Chris Langan ay dudugo ang isip.

"Gusto ko ng divorce!"

Nakita ko kung paano umabot sa hairline sa taas ng noo ang kilay ng lalaki. Gulat na gulat at halos iluwa ang sariling mata. Gusto ko syang batukan sa pagka-corny nya.

"Haha! Hindi magandang biro yan Marcus.." may pilit na ngiti na namalagi sa kanang bahagi ng kanyang labi.

"It's not a joke! Ikinasal kami ni Rica! Naging asawa ko sya! But lately natuklasan kong hindi sa kanyang papeles ang ginamit nya. Walang iba kundi kay Sarah. Nakilala ko sya bilang Sarah.. Sarah Roman!" paliwanag ko.

Natahimik ang lahat sa sinabi ko. Tanging ang ikot ng kamay ng orasan ang syang namayaning ingay sa nagdaang segundo. Hindi na ako makakatagal sa lugar na ito. Mabilis kong dinukot ang mga papeles na syang magpapatunay sa lahat. Inihagis ko ito sa limesa. Halata ang mabilis na daloy ng dugo sa buong katawan ko, dahilan para tuluyang kumalat ang mga papel sa paligid.

"Si Ate.." garalgal na boses ni Sarah.

...

"Ginawa mo iyon?" muling pagputol ni Ingrid sa kwento.

"Nadala ako ng emosyon. Nakalimutan kong nandoon pala si Sarah. Bulag sya, pero nakakarinig" wika ko.

"Tapos?"

"Wala akong ideya na simula na pala iyon ng mas magulong pangyayari sa buhay ko.."

Happy Ending

Ito ang pinakamasayang araw ko. Matapos ang apat na taong pakikipaglokohan sakin ni Eloisa, napagpasyahan nya na ding iwan ako. Nalungkot din naman ako, pero lately na-realized ko na sayang naman ang lungkot na sana’y sa telenovela ko nalang ibinuhos. Akala nya naman iiyak ako noong sabihin nyang si Mark ang totoong mahal nya. Halata na naman yun! Akala siguro nila hindi ko pansin ang malagkit nilang pagtititigan, sa tuwing iiwan ko sila sa pantry para kumuha ng kape sa vending machine. Sinasadya ko yun, para ma-enjoy naman nila ang sarap ng mga nakaw na sandali. Apektado pa ako noong una eh, pero nung nagtagal halos itulak ko pa sya papalapit kay Mark. Kunwari hindi ko sadya. Nakuha pang magalit ng malditang babae, pero hayop naman ang ngiti nung nagtama ang kanilang mga pisngi.

Marami pa daw pwedeng magmahal sakin. Wika nya noong hinatid ko sa bahay nila ang life size na kahong punong puno ng mga sulat nya. Medyo mabigat din yun ha! At ang pamasahe medyo masakit din sa bulsa, kasi isipin mo Quezon City ako tapos taga Las Pinas pa sya. Lugi din ako ha! Kaya nga hindi ko sinauli yung regalo nyang PSP at G-Shock sakin noong first and second anniversary namin. Pinalitan ko nalang yung wallpaper ng picture ni Belle ng Twilight. Binura ko na din yung mga video naming alam mo na. Tipong sweet! Nakaka-irita lang i-playback. Hindi ako bitter. Ayoko lang ng scripted na pag-ibig.

Pinuntahan ko yung parke kung saan una ko syang nakilala. Hindi para mag-emo. Gusto ko lang burahin yung mga vandals naming doon sa upuan. Baka kasi mapasyal sila doon. Seloso daw yung lalaki, mahirap nang pagmulan ng pag-aaway nila. Kumain ako sa restaurant na madalas naming kinakainan sa tuwing bonding day namin. Inorder ko yung paborito nyang lasagna. Hindi naman pala masarap! Naalala ko tuloy ang nakakapeke nyang ngiti habang nginunguya ang lasagna, kaya naman pala panay tubig kada subo. Naligaw din ako sa music bar sa isang local mall, kapag overload ang trabaho sa opisina doon kami nagpapalipas ng stress. Paborito nya ang rnb. Hilig ko naman ang novelty. Korni ko nga daw eh! Hindi nya alam halos kabagin ako kakapigil ng tawa, nung sinilip ko mga soundtrack sa ipod nya. Willie Revillame! Sinong mas korni samin?

Nag-resign na din ako sa trabaho. Mahirap nang sila ni Mark ang nakikita ko araw-araw. Mababa din naman ang sweldo ko doon. Sabagay sana’y naman sya sa mga turo turo. Porket paborito ni Mark ang amoeba at cholera, paborito nya na din. Hindi nya lang alam mas mababa pa sahod sakin nung lalaki. Mukha lang mapera kasi radiant skin. Hindi ako affected talaga! Sobrang saya ko nga eh! Iba ang kasiyahan na bitbit ng pagiging single. Walang monthsary. Walang anniversary. Walang special day na kailangan tandaan. Walang kalendaryong dapat markahan. Walang paggagastusan. Walang problemang dapat pagtalunan. Walang pipilit sayong i-text sya ng good morning, at I love you pagdating ng evening. Walang expensive na flowers and chocolates tuwing valentines. Walang romantic dates. At walang heartaches! Happy akong maging single. Jologs lang yung umiiwas sa pagiging SMP. Malamig daw ang pasko kapag walang kayakap. Sus! Human pillow lang ang hanap mo at hindi karelasyon tuwing magpapasko.

Ito ang pinakamasayang araw ko. Akala siguro ni Eloisa hahabulin ko sya, at magmamaka-awa sa harap nya. Never! Hinding hindi nya na ako maloloko. Sa katunayan nga habang nag-iisa ako sa loob ng madilim na kwarto, sinisigurado kong matibay ang pundasyon ng kisame, baka kasi bumigay dahil nadagdagan na naman yata ang timbang ko. Medyo napadalas kasi sa beer noong isang linggo. Naghihintay din yung mga pesticide na nakapila sa harap ko. Binasa ko pa kasi kung anong magiging epekto kapag dumaan na sa bituka ko. Ayoko namang magmukhang over boiled na kamote sa loob ng ataol. Baka imbes na mag-iyakan sila ay maghalakhakan pa. Nagback-out din pala ako sa mga batangas blades na ipina-ship ko pa, inisip ko kasi na mahihirapan pa ang embalsamador sa pagdudugtong ng ulo at katawan ko. Baka humingi pa ng dagdag na bayad, magkakautang pa ako. Cute din sana yung pagpigil ng paghinga, parang nagpa-pouting ka lang tulad ng mga koreana. Ang dami kong plano ngayong single na ako. Sigurado hinding hindi nya na ako maiisahan o maloloko. Never Eloisa! Never!


-End


Flamingo - Chapter 2

"Ikinasal ako sa Sarah na hindi ko kilala!"


Sobrang weird. Sa ilang taong pagsasama namin, totoong wala akong ideya sa nakaraan nyang buhay. May mga bagay kaming pinaguusapan ukol dun, pero mababaw pa sa tubig na nasa baso ang mga detalye. Kaya halos pulutin ko isa isa yung mga ngipin ko, nung bumagsak ang panga ko sa gulat nung nalaman ko ang balita. May malaking question mark na biglang sumulpot sa ibabaw ng ulo ko, dahil sa biglaang paggulo ng mga pangyayari. Hinanap ko sa paligid kung merong prankster na may hidden cam, wala naman. Kung maipapalabas ako sa tv, sana lang naka-blurred ang mukha.

"Hindi ka pwedeng maging balo sir. Buhay pa ang asawa mo. Naka-address sya somewhere in the province of mojaeles, ayun sa sinumite nyang birth certificate sa kasal nyo"

"Miss alam ko yun. Pero imposible! Sarah Roman ang pangalan ng asawa ko, at mahimbing na ang tulog nya ngayon. Kung pwede ko lang syang hukayin at iharap sa inyo gagawin ko"

"I know sir. Pero kailangan muna naming i-verify kung talagang pumanaw na ang isang tao, bago namin i-process lahat ng papeles. Lumabas sa records naming buhay ang asawa nyo, at ayun sa census ngayong taon kaka-register lang ng pangalan nya. Tanong ko lang sir, sa asawa nyo ba talaga ang mga dokumentong ginamit nya noong ikinasal kayo?"

"Saan po ba ang mojaeles na yan?" may bahagyang pagtaas na sa aking boses.

...

"Hinanap mo sya?" wika ni Ingrid.

"Oo. Wala akong ibang choice" sagot ko.

"Hmm. Sounds interesting. The more you continue your story, lalo akong nahihiwagaan sa pagkatao mo, at ni Sarah."

"Sa akin wala. Kay Sarah meron" sambit ko.

Tumitig sya ng may halong pagtataka. Nawala ang space sa pagitan ng kanyang kilay. Ano mang oras alam kong may salitang lalabas sa kanyang bibig. Kaya bago nya pa masabi, inunahan ko na sya ng pagpapatuloy sa kwento.

...

"Sir, malapit na ba dito ang mojaeles?" tanong ko sa lalaking nagkakarga ng gasolina sa bitbit kong kotse.

"Medyo malayo pa bossing. Taga maynila kaba?"

"Oo, paano mo nalaman?"

"Hindi kasi pamilyar ang ganyang klase ng pananamit dito. Yung pabango na gamit mo din amoy siyudad" paliwanag nya.

Napakunot noo ako sa sinabi nya. Tumingin ako sa paligid. Wala na ngang natirang bakas ng kabihasnan saan man ako tumingin. Iba din ang simoy ng hangin. Naalala ko bigla ang amoy ng puno na nakatayo sa likod ng bahay namin noon. Amoy probinsya. Amoy librong bagong bili. Matapos magbayad, mabilis kong hinarurot ang sasakyan. Ayokong maabutan ng pagkagat ng dilim sa kalsada, lalo na sa ganitong lugar. Hindi ako sanay na hindi nakakakita ng street lights sa kalsada, pakiramdam ko'y nasa ibang parte ako ng pinas na hindi pa natutuklasan ng kahit sino.

Nawala ang pangamba ko nung dumaan sa ulonan ko ang malaking arko na yari sa bato. Nakaukit ang salitang "mojaeles", nakadugtong ang mga salitang "nandito kana tanga!"

"Purok kwatro, Purok kwatro"

Paulit ulit na bulong ko sa sarili habang nasa mabagal na takbo ang sasakyan. "Bakit ba walang numero?" naiinis ko pang wika.

"Ano hinahanap mo?" muntik ko nang madukot ang nakaipit na tubo sa gilid ng driver's seat nang biglang sumulpot ang lalaki sa bintana ng tsikot. Kung gutom ako sigurado nakahandusay na sya ngayon.

"Purok kwatro boss" wika ko sa lalaking mukhang pitong taon nang hindi nakakakain ng masustansyang pagkain.

"Halatang naliligaw ka! Purok kwatro na ito. Walang numero ang mga bahay dito, kasi maliit lang naman ang bayang ito. Kung alam mo ang pangalan ng hinahanap mo, madali lang iyong matunton" paliwang nya, habang panay ang iwas ko sa nagtatalsikang laway.

"Sarah! Sarah Roman. Kilala mo ba?" tanong ko.

"Ahh.. Diretso ka lang dyan sir" habang itinuturo ang daan na pilit nilalabanan ni Pnoy.

"Malaking bahay na kulay pula. Nag-iisa lang yun sa pinakadulo, madali mo yung makikita" dugtong nya.

Matapos magpasalamat at mag-abot ng konting barya, agaran kong tinungo ang sinasabi nang lalaking jeproks. Sinilip ko pa sya sa rear mirror baka kasi bigla syang mawala. Hindi naman ako nabigo, pero may kakaibang ngiti syang ibinigay sa akin. Kakaisip muntik ko pang mabanga ang gate ng pink na bahay na nasa harapan.

"Pink? Nasaan ang pula?" tanong ko sa sarili.

Lumingon lingon ako sa paligid. Malawak na palayan nalang ang kumaway sa akin. Wala nang ibang bahay. Bumaba ako ng auto, doon ko lang napansin na may kalakihan ang bahay. Halata sa itsura ang dumaang panahon, na kung susumahin mas matanda pa sa mga kwento ng lolo ko.

Huminga ako ng malalim bago pindutin ang door bell. Hindi ko alam pero biglaan nalang sumulpot ang imahe ni Sarah sa isip ko. Isang may edad na babae ang nagbukas ng gate. Napasimangot ako hindi dahil gutom na ako, dahil mukhang nahawa ako agad sa reaksyon nyang kahit si vice ganda ay hindi sya kayang mapatawa.

"Good afternoon! Pwede po kay Sarah? Sarah Roman" pauna ko.

Matino naman yata ang pagkabati ko kaya ganun nalang ang gulat ko noong binagsak nya ang gate. Weird! Sobrang weirdo ng mga tao sa Purok Kwatro, Mojaeles. Pakiramdam ko'y nababalot ng sumpa ang lugar na ito. Naghintay pa ako ng ilang minuto, kung walang magbubukas aakyat ako ng bakod. Pero syempre kunwari lang yun. Lalakad na sana ako paalis nang muling nagbukas ang gate.

"Marcus?"

Hindi matandang babae, kundi isang lalaki na sa tingin ko ay naglalaro ang edad na 40 pataas. Lalong tumayo ang balahibo ko nung banggitin nya ang pangalan ko.

"Opo sir. I was looking for a girl named Sarah Roman" wika ko. Hindi ko pinahalatang may katiting nang takot sa likod ng utak ko.

"Nasa loob sya, pasok ka muna.."

Namangha at nanglaki ang aking mata sa gulat. Malaki pala talaga ang bahay lalo na't nasa loob ka. Malaking espasyo para lamang sa sala. May magarbong spiral staircase na nagdudugtong sa naka-hang na terasa. Amoy na amoy ang kalumaan sa loob ng bahay. Mga antigong kagamitan. Mga santo, at iba't ibang imahe ng yari sa kahoy at bato.

"Ano? Nakita mo ba si Sarah?" wika ni Ingrid.

"Oo! Nakita ko sya, pero hindi nya ako nakita.." sagot ko.

"Sorry?" nagtatakang tanong nya.

Bumaba ang lalaking nagpapasok sakin kanina. Nawala ang antok ko nung napansin kong kakaiba na ang kinikilos nya. Pero imbes na magpakita ng takot, matapang ko syang sinalubong. Huminto ang kanyang hakbang bago pa makalapit sa kinatatayuan ko. Mula sa kanyang likod sumulpot ang babaeng hindi nagkakalayo sa itsura ni Sarah.

Nagsalo ang lungkot at saya sa emosyon ko. Tuwa dahil halos napabilis yata ang reincarnate ni Sarah, at lungkot dahil hinaplos nya ang kanyang kamay sa aking mukha.

"Daddy, anong hitsura nya?" wika ng babaeng kaharap ko, ngunit malayo ang tingin.



--------


"A story inspired by the movie 3 idiots"

I Used To Play Guitar


Nagselos pa ang mga sapot ng gagamba nung agawin ko ang lumang gitara sa sulok ng aking kwarto. “I used to play this guitar eh”, paumanhin ko sa nag-alborotong daliri nung sinimulan kong tipahin ang letrang D. Sabi nung musikerong nagtuturo sakin dati, kahit anong kanta pasok sa chord pattern na D-A-G-A. Nung natuto na ako hindi nya na nababanggit yun. Pero wag ka! Doon ka yata humanga sakin diba?

Tag-araw noon. Parang nalulusaw na sorbetes lang kung tunawin ng ngiti mo ang puso ko, noong dumaan ka sa tapat namin. Hindi ko tuloy natapos yung kantang tatlong araw ko nang pina-practice, para sa concert ko sa lamay ng kapitbahay natin. Simula noon lagi na kong naghihintay sa pagdaan mo. “I want to play this guitar” sabi ko sa tuwing makikita kitang paparating na. Overacting yung tibok ng puso ko lalo na yung nasa harapan na kita, parang slow motion yung bawat yapak mo. Sa totoo lang gusto na kitang kurutin sa pisngi sa sobrang gigil ko sayo. Kada gabi tuloy napapasenti ako, paano ba naman naging istambay kana hindi lang sa isip ko, pati na din sa panaginip ko. Ang korni ko no? Okay lang, korni naman talaga ang pag-ibig.

“I want to learn how to play a guitar” sabi mo nung naabutan mo akong nagtitiris ng mga langgam, sa ilalim ng punong mangga; habang kalong ang aking gitara. Sa sobrang hiya hindi lang dila ko ang nabuhol, pati yung daliri ko nabuhol na sa kwerdas. Natutuwa ako kapag nakikita kitang naiinis, kapag hindi masapul ng daliri mo ang tamang tipa ng gusto mong kanta. Sinabihan mo pa akong bigyan kita ng panahon para matuto. Hindi ko lang masabing sana hindi kana matuto, para humaba pa ang panahong magkasama tayo. Araw-araw nalang kitang hinihintay. Pero syempre hindi na sa tapat ng bahay kundi sa sikreto nating tagpuan. Nakakatulog na nga ako minsan, tapos gigisingin mo nalang ako kapag nagsawa kana maggitara at uwian na. Ang sarap talaga ng ganung feeling.

Habang dumaraan ang araw lalong nahuhulog ang loob ko sayo. Kainis ka na nga e! Hindi mo pa din maramdaman. Naubos ko na yata lahat ng love song na pwedeng ipatama sayo, hindi mo pa din nage-gets. Tapos tatanungin mo ako para kanino yun. Ang labo. Noong isang beses nga nahuli ako ng dating, tapos nagalit ka. “I don’t want to play this guitar, without you!” sambit mo. Kinilig ako dun. Okay din pala yung mga ganong plano, kahit papano nakakalubag loob. Pero syempre nagsawa din ako magpasakalye ng nararamdaman ko.

Hindi ko alam kung anung pumasok sa isip ko, nung natripan kong haranahin ka sa bahay nyo. “I want to express my love for you, with this guitar” bulong ko sayo nung natapos yung kanta. Kinilabutan ako kung paano mo sinabi ang salitang “Baby, you don’t have to. Because I also love you” habang kumukutitap ang mga mata mo. Nag jumping jack yung puso ko habang kumekembot sa landi. Inabot yata tayo ng madaling araw nung araw na yun, at naubos lahat ng lamok kakatapik ko kada dadapo sayo. Yun ang pinakamasayang araw ko. Halos ayoko nang bitawan yung gitara ko, at hindi magsawang tumugtog kasama mo. Kung ang pagtugtog lang ng gitara at ang musikang binibigay nito, ang bagay na pwedeng magdugtong sating dalawa; kahit mapudpod ang daliri ko kakatipa hindi ako hihintong tugtugan ka. Gusto kong maging instrumento at ikaw ang maestro, maluma man ako at tangayin ng panahon hindi mo ako malilimutan bilang unang guro mo.

Nagselos pa ang mga sapot ng gagamba nung agawin ko ang lumang gitara sa sulok ng ating kwarto. “I used to play this guitar eh”, paumanhin ko sa nag-alborotong daliri nung simulan kong itipa ang letrang G. Kinurot mo ako para umpisahan na ang love song na naging theme song natin. Ngumiti ka sa akin nung inilapat ko ang unang stanza. “I really like to play this guitar, with this song” sabi ko. “Bilisan mo baka magising pa si junior” sagot mo.


-End

Reunion


Hindi magkasya ang ngiti ko sa labi noong tumawag si Elmer kaninang umaga. Napagdesisyonan na pala nila na ituloy ang palaging nabibitin na reunion. Napilitan tuloy akong magpagpag ng mga agiw sa mga lumang litrato. Lalong naghimagsik ang kasabikan kong makita syang muli. May kung ano pang kumiliti sa malikot kong pag-iisip, kapag nagugunita ko na ang aming pagtatagpo.

Dalawampung taon na din pala noong huli kong nakita si Mylene Rodriguez. Habang pinagmamasdan ko ang class picture, iniisip ko kung ano na nga ba ang nagbago sa kanya. Parehas pa din ba dati ang ngiti nya? Yung nakagawian nyang pagsampay ng buhok sa kanyang tenga, sana hindi nagbago yun. Naalala ko din kung paano nya ako pagalitan sa tuwing nagtatangka akong mangopya sa klase. Para syang nanay ko, pero yun naman ang ikinatutuwa ko. Sa totoo lang gustong gusto ko ang palagi nya akong napapansin. Pakiramdam ko kasi nagkakaroon ako ng espesyal na puwang sa puso nya.

“Kumpleto na kami, ikaw nalang hinihintay” si Elmer sa kabilang linya.

Kahit malayo ang venue, sinikap ko talagang pumunta. Minsan lang mangyayaring magtagpo ang maloloko sa klase, ang mga proclaimed class clowns, at mga certified harutera sa campus.

“Lapit na. Lakarin ko nalang yung papunta dyan. Masakit din sa balakang ang mahabang byahe” wika ko.

Si Francis na class president noon, ang unang sumalubong sa akin. Hindi ngiti at bati kundi isang bote ng malamig na serbesa ang iniabot nya sa akin. Kung hindi lang naisipan ng organizer na maglagay ng name tag sa bawat miyembro ng class 88, siguro hindi ko na sila makikilala. Maraming nagbago sa mukha nila, na ibang iba na sa lumang class picture noon. Sigurado din akong bawat estudyante may iba’t ibang kwento na balak ipamalita sa bawat isa.

Abala ang lahat. Pero hindi ako. Si Mylene Rodriguez ang tanging hinahanap ng mga mata ko. Habang tumatagal ang minutong paghahanap ko sa kanya, lalo namang tumataas ang adhikain kong makita sya.

“Ronald? Ronald Yu?”

Sumilip ang ngiti sa aking labi nang tinapik nya ang aking balikat. Ngunit mabilis na napawi ang mga ngiti, nung nakita kong malaki ang pinagbago ng hitsura nya. Nagkaroon na sya ng hindi mabilang na guhit sa magkabilang pisngi. Tinatago na din ng blackening shampoo ang namumuti nya nang buhok. Laylay na ang ilang balat sa braso, at matamlay na ang mga mata.

“Yes Ma’am! Ronald Yu po! Present!”

“A-ano iho? Pasensya kana at hindi makasabay ang hearing aid ko sa lakas ng tugtog” sa mahinang boses.

Hinawakan ko ang kanyang kamay, at inakay sya sa upuan. Masaya ako at nakita ko syang muli. Hindi man sya katulad ng dati ay hindi naman mabigat na rason yun para magbago ang nararamdaman ko sa kanya. At kung ano man ang pakiramdam na yun, ay dapat ko nalang sigurong sarilihin.

“Maupo ka sa tabi ko iho. Gusto kong makarinig ng mga kwento mula sa paborito kong estudyante” wika nya.

“Opo! Marami din akong gustong ikwento sa paborito kong guro”


---------


Namiss ko lang ang saya na dulot ng eskwelahan. Namiss ko si crush, pero hindi si Ma'am. haha!

Flamingo - Chapter 1

Ipinikit ko ang aking mga mata. Sinigurado ko kung kailangan ko na bang mag-take ng supplement, para maalala ko ang lahat. Sa isang iglap nagsulputan lahat ng detalye ng nakaraan. Mula sa kakaibang amoy ng hangin sa bayan ng Mojaeles, hanggang humantong sa mukha ng babaeng hinding hindi ko pwedeng makalimutan habang nabubuhay.

Dinilat ko ang aking mata nasa harapan ko na si Ingrid. May kakaibang ngiti sa kanyang labi habang hawak ang dalawang cup na naglalaman ng coffee. Tatayo sana ako para tulungan sya, ngunit naunahan nya ako. Inilapag nya ang umuusok na kape sa harap ko. Nakaka-alarma ang kanyang ngiti habang inaayos ang upuan. Isang table, dalawang upuan, dalawang taong magkaharap, at isang kwentong naghihintay na mailatag.

Inilapag nya ang voice recorder sa ibabaw ng magarbong table, na binabalutan ng asul na tela. Bahagyang ipinatong ang dalawang kamay, at tska ito itinikom.

"Pwede ka nang magsimula Marcus.." si Ingrid.

"Para saan ang recorder?" usisa ko.

"Just for fun!" natatawa nyang sagot.

Kumiliti sa ilong ko ang mabango at nakakagising na amoy ng dekalidad na kape. Uminom ng bahagya bago tuluyang magsalita.

"Ilang beses kong pinag-isipan ito, pero sumagi din sa utak ko na wala namang mawawala" pauna ko.

Tahimik lang sya at walang anumang salitang lumabas sa kanyang bibig. Napakunot ang noo ko sa kanyang nakakairitang ugali. Wala akong nagawa kundi tuluyan nang magsalita.

"Maniniwala kaba kung sasabihin kong ikinasal na ako?" tanong ko.

Sumilip ang kanyang ngiti. "Oo, pwede! Tao ka naman, at karapatan mo yun" pilisopo nyang sagot.

"Isang beses akong ikinasal, sa magkaibang babae.." dugtong ko.

Naputol ang kanyang ngiti, at mabilis na pinalitan ng pagdududa ang kanyang mukha. Nag-aagaw ang tawa, at kyuryosidad sa kanyang isip. Batid ko sa hindi maipaliwanag nyang paggalaw.

"Paano nangyari yun?!" tanging salitang nasabi nya.

-----

Doktora si Ingrid Mercillano. Hindi nang mga nanay na nagdadalang tao. Hindi ng mga aso, at lalong hindi ng mga pekeng diploma at resibo. Isa syang Psychiatrist, at isa ako sa mga pasyente nya. Nakilala ko sya noong panahon lubog ako sa depresyon. Hindi naman ako parokyano, but somehow nagkaroon sya ng interes sa buhay ko. Madaming beses kong pinaunlakan ang ideya nyang ganito, pero katumbas din noon ang hindi ko pagsulpot. Mahigit dalawang taon na kong nakikipag hide-and-seek sa kanya, pero hindi pa din sya huminto. May gusto syang malaman ang lagi nyang dahilan.

Nagsawa din ako kakatago. Napagod na din ang daliri ko kaka-cancel ng mga tawag nya. At ngayon ang araw na nag-iba ang ihip ng hangin sa isip ko. Pumayag ako sa kagustuhan nya, bakit? Trip lang.

"Lumalamig ang kape. Tumatakbo ang oras, hanggang kailan ka makikipag-usap sa sarili?" ang biglang pasulupot nyang tanong.

Tinanggal ko ang unang butones ng suot kong polo. Dinukot ko ang kwintas na merong pendant na yari sa abaka. Bakas sa itsura nito ang nagdaang panahon, at sa likod naman ang kakaibang kwentong nakapaloob dito. Isang kwentong nais kong ihayag. Kwento ng pag-ibig na gumawa ng malalim na ukit sa puso ko. Inilapag ko ito sa ibabaw ng mesa.

"Sabihin mo nga. Naniniwala ka ba kay Ramon Revilla?" natatawa nyang tanong.

"Hindi yan anting-anting!" irita kong sagot.

"Relax Marcus! Para saan ang wooden amulet na hugis ostrich?"

"Hindi yan ostrich. Malaki masyado ang ibong yun para isabit sa leeg ko" pilosopo kong sagot.

"Hindi bird? Hindi plane?" pang-aasar nya.

"Flamingo! A big pink bird, that symbolized love!" matikas kong sagot.

Muli, pumikit ako. Sinimulan kong alalahanin ang lahat ng detalyeng natatandaan ko.

------------

Ang mga ngiti ni Sarah, ang pinakamagandang ngiting bumusog sa aking mga mata. Bumaba sya sa langit, para punan ang kulang na parte ng pagkatao ko. Hindi ko sya hiniling, pero sa isang iglap nariyan sya. Nag-krus ang aming landas noong nasa kolehiyo pa kami. Galing syang probinsya, at mag-isang nanirahan sa maynila. Nagkaroon ako ng dahilan para magsipag sa buhay. Natuto ako ng mga bagay na hindi kakikitaan sakin noon. Sa madaling salita, malaki ang pinagbago ko.

Nakatapos kami ng kolehiyo. Bitbit ang mga pangarap na nagsisimula nang lumipad, napagdesisyon naming magsama sa iisang bubong. Hindi naging mahirap ang lahat. Nagkakasundo kami sa maraming bagay. Walang dapat problemahin. Kahit pa ang kakapusan sa pera, hindi naging balakit sa tinatahak naming daan.

Nakahanap ako ng trabaho noong sumunod na taon. Admin assistant sa isang kompanya, hindi na masama. May sahod na pwede nang bumuhay ng pamilya. Kahit kapos sa oras, nagkakaroon pa din kami ng panahon sa isa't isa. Naging makulay ang pagsasama namin, kaya noong naka-ipon na ng pera niyaya ko na syang tapusin na ang pagiging single namin. Nagpakasal kami nung sumunod na taon. Walang magandang venue, walang audience na malakas magtake-out ng handa. Isang simpleng kasal. Isang lihim na kasal.

Pero tulad ng madalas na sinasabi ng lahat. Palaging karugtong ng kaligayahan ang kalungkutan. Iikot ang mundo, at dadaan ka sa parteng hindi nasisilayan ng araw. Hindi ko nakitang paparating ang bagyong namuo sa langit. Dalawang buwan nagkaroon sya ng karamdaman. Hindi din nagtagal.

Pumanaw si Sarah.

"Oh my!" gulat na wika ni Ingrid. Muntikan pang matabig ang iniinom na kape. Halata sa mukha ang pagkagulat ng doktora.

"As in namatay sya?!" tanong nya.

"Ay hindi! Natulog lang!" pabiro kong sagot.

"Sorry Marcus!" humugot sya ng malalim na hangin. "Gusto mo bang wag na nating ituloy ito?" tanong nya. Alam kong naapektuhan na sya sa kwento ko, at iniisip na makakasama pa sa akin kung magpatuloy.

"No, it's okay! Nasimulan ko na naman"

"Sigurado?"

"Oo."

Sa puntong yun nakitaan ko si Ingrid ng kakaibang interes. Ipinatong na nya ang siko sa limesa, at itinukod iyon sa kanyang baba. Bahagya nya pang nilapit ang kanyang ulo palapit sa akin, para marining nya ng husto ang lahat ng aking sasabihin.

"Akala ko noon ang pagkawala ni Sarah ang pinakamalaking problema ko sa buhay" pagpapatuloy ko.

"Akala ko din yun lang ang ibinigay ng diyos na pasanin sa akin, ngunit may malaki pa palang krus na naghihintay sa daan ko"

"Ano nangyari?" tanong nya.

"Kakaibang balita ang dumating sa akin noong dumalaw ako sa ahensya ng gobyerno, para kunin ang papeles na nagpapatunay na sya'y pumanaw na. At para na din mag-file ng bagong estado"

"And then?" nasasabik nyang tanong.

"Natuklasan kong ikinasal ako kay Sarah" wika ko.

"Huh?"

"Ikinasal ako sa Sarah na nabubuhay pa, at hindi yung pumanaw na"

------

"A Story inspired by the movie 3 Idiots"

Teenage Cappuccino - Final Chapter

TEENAGE CAPPUCCINO - Last look (Final Chapter)



Kung dati ang pinakamalaking problema ko lang ay ang pagka-bacon ng mga underwear ko, ngayon ay ang mala-billboard na imahe ni Sophia sa isip ko. Sino ba si Sophia? Oo parehas kami ng last name, pero hindi iisa ang bloodline namin. Marami kaming pinagkaiba. Simula sa hibla ng buhok, hanggang sa pag-iisip ng mga bagay bagay. Pati yata pagtingin sa takbo ng buhay malaki ang pinagkaiba namin. Kung tutuusin kami yata ang pinakasalising nilalang ng diyos na hindi nya alam na sa huli ay magtutugma, sa ngalan ng pag-ibig. Amen!

Dalawang tao na pinaglaruan ng tadhana, ng madaming beses. Ang love life namin ay mas nakakahilo pa sa roller coaster ang takbo. Hitik sa mga loops at heights. Ngunit isa lang ang sigurado.. Kahit anong mangyari hihinto ang takbo ng roller coaster, at magpapatag ang lupa. Amen ulit!

Si Sophia ang babaeng nagbigay ng dahilan para magkaroon ng tingkad ang black and white kong mundo. Kung walang formatting na magaganap sa isip ng tao sa reincarnation, putek! Kahit maging ipis pa ako, at sya ang tsinelas sobrang saya ko pa din. Dahil ngayon bilang tao, pinapatay na ako ng bawat ngiti nya.
Mahal ko sya. Hindi ako magsasawang gumising sa umaga, at matulog sa gabi na sya ang kasama ko.

"Kahit kailan ka talaga.." bulong ko sa sarili, habang nakatingin sa dingding ng rooftop ng senior building.

Nag-flashback sa isip ko ang graduation. Kung paano ko kinalimutan ang lahat ganun ko din ito mabilis maalala, sa tuwing mababanggit ang pangalan nya. Kitang kita ng mga mata ko kung paano hinagis ni Richard ang toga, at kung paano ito bumagsak sa patag na lupa. Yun na ang pinaka-emo na sandali sa buhay ko.

"Tara na brad-pit.." si Richard.

"Mauna kana, susunod ako.." sagot ko.

Last look! Tinignan kong maigi ang kalakihan ng eskwelahang naghubog sa pagkatao ko bilang teenager. Kung pwede lang ipinta sa isip ang hitsura nito malamang daig ko pa si Mars Ravelo sa pagguhit. Kasunod ang hampas ng hangin, nagising ako sa katotohanan na wala na ngang Sophia na darating pa. Isang larawan ang dinukot ko sa bulsa at idinikit sa pader ng rooftop, kung saan kami dapat na magkikita noon. Sa likod ang maikling salitang isinulat ko. "Hihintayin kita Sophia" kaya ganun na lang ang ngiti ko nang may sagot na ito "Nasaan kana Robert? Late kana naman!" Sa loob ng isang taon, hindi ko man lang nalaman na ang taong hinihintay ko, ay naghihintay din pala sa pagbabalik ko.

Ngayon ang araw na dapat nang tapusin ang ikot ng roller coaster. Naglakad ako pababa ng hallway. Tinawid ang gitna ng quadrangle, at diretsong nilakad ang gate. May maayos nang ngiti sa aking mga labi.

..
...
....

Sa pagtapak ng mga paa ko sa kalsada ng pag-ibig, muli ko ulit nasilayan ang maamo nyang mukha. Mukha na naging masipag na tambay sa isip ko. Naglaro ang kanyang mata na nagtatalo ang luha at saya. Ang bilis ng tibok ng puso ko, ay parehas na parehas nung unang beses syang lumapit sa akin sa cafeteria. Walang pinagbago. Halos limang dipa lang ang layo nya sa akin, na sa isang iglap ay kayang kaya ko syang angkinin. Ngunit nanatili ang katahimikan sa pagitan naming dalawa.

Parehas naming hinintay ang sandaling ito, pero ngayong magkaharap na kami tila ayaw na yata gumalaw ng katawan ko. Gusto ko syang yakapin at iparamdam sa kanya kung gaano kahirap i-visualized ng kanyang mga ngiti at tawa. Nais kong malaman nya ang hirap na dulot ng pagkamiss ko sa kanya. Naunang humakbang ang kanang paa nya, na lalong nagpataas ng adhikain kong sunggaban sya.

"Sandali!" awat ko.

"Bakit?" nagtataka nyang tanong.

"Bago ka tuluyang lumapit sakin, gusto ko lang malaman mo.."

"Na ano?"

"Hindi ako bumalik dito para makita ka lang.." sagot ko.

Bahagyang kumunot ang kanyang noo. Bagay na gustong gusto kong makita sa maamo nyang mukha. Kung hindi ko lang talaga pinapahaba ang eksenang ito, at kung pumikit lang lahat ng tao. Malamang nalunod na sya sa mga halik ko.

"Nandito ako para hanapin ang ka-partner nito. Ayaw na kasing mag-function ng normal e!" sabay turo sa kaliwang dibdib ko. Sumilip ang ngiti sa kanyang labi.

"Nandito ba ang kabiyak nyan? Sabihin mo lang ibibigay ko sayo" malinaw nyang sagot.

Sa puntong yun humakbang na ang kaliwang paa nya. Hindi ako nagpadaig. Nakipag-unahan ang mga paa ko tungo sa kanya. Sa bawat hakbang lahat ng memorya ng pinagsamang saya, at tuwa nang mga araw na kasama ko sya, lahat ay kusang nagbalik. Isa sa mga pinakamahigpit na yakap ang ibinigay ko sa kanya.

Kung pwede lang kaming manatili sa ganitong posisyon, hinding hindi na ako bibitaw pa. Wala syang imik. Nararamdaman ko din ang dampi ng kanyang paghinga sa aking leeg. Mainit ito, kasing init at kasing sarap ng paborito kong pares sa jolly-jeep sa makati. Napapangiti ako habang iniisip na ito na ang simula, at ending ng love story namin.

..
...
....

Ngunit nawala ang mga ngiting yun, nung nagsimulang manigas ang aking mga braso. Hindi ko ito maigalaw. Kusa itong humihigpit sa pagkakayakap kay Sophia. Nararamdaman ko ding dahan dahang lumulubog ang mga paa ko sa lupa. May kung anong takot ang biglang bumalot sa buong katawan ko. Kasunod ang mabilis na pagpatak ng malamig na pawis.

"Nangyari na ito.." bulong ko sa sarili.

Muli kong tinignan si Sophia, ngunit laking gulat ko nung wala na sya sa mga bisig ko. Humigpit ang aking paghinga.

"Nangyari na ito noon, hindi ko lang matandaan" muli kong bulong.

"Mahal kita.. Mahal na mahal" isang tinig ng babae na kung hindi ako nagkakamali, ay ilang beses nang dumalaw sa panaginip ko. Palaging nyang role ang magpaalam sa tuwing magkikita kami sa ganitong klaseng eksena. Pero iba ang ngayon. Gising na gising ang diwa ko, at maliwanag ang paligid kumpara noong..

"Tama! Noong inatake ako ng bangungot sa field trip!" nagawa ko ding sumigaw. Tumingin ako sa paligid pero walang pumansin sa akin. Anong nangyayari? Nagbagsakan ang luha sa aking mga mata na kahit anong pilit ko ay parang nasirang gripo lang kung dumaloy.

Pumikit ako..

Limang segundo..

Sa pagpikit ko, lumabas ang imahe ni Sophia. Sa kanyang aksyon para syang nagpapa-alam. Tulad nung nakaraan kong panaginip, iniangat ko ang aking kamay para abutin sya. Mabilis ang kanyang paglayo sa akin.

Lumunok ako ng bahagya..

Pinagmasdan ko sya..

..
...
....

"Robert tinatanong kita sumagot ka nga!" si Ermats.

"Diyoskong bata ito! Dilat na dilat ang araw nananaginip ka?" dugtong nya pa. hindi ako sumagot. tinignan ko lang sya. Hindi ako makapaniwala sa nangyayari.

"Hoy! Tinatanong kita! Sigurado ka naba sa pag-alis mo?"

"Hindi po!"

"Anong hindi?! Kanina pa naghihintay sayo yung bus, tapos sasabihin mo hindi?"

"Nanaginip ako ng gising.." tanging nasabi ko.

"Umayos ka nga Robert, nakakahiya sa mga tao dito" bulong sakin ni nanay sa naiinis nang tinig.

Kinapa ko ang bulsa ng aking suot na jeans. Hindi ako nagkamali! Panyo ang laman nito. Mabilis kong hinablot kay nanay ang bag nya, hinalungkat ang laman nito. Lalong nanglaki ang mga mata ko nung nakita ko ang susi ng aking kwarto.

Walang ibang pumasok sa isip ko kundi si Sophia. Kung tama ang hinala ko nasa ospital sya sa mga oras na ito. Bumangga ang sinasakyan nilang kotse kasama ang kanyang mga magulang. At wala syang malay. Marahil iyon ang tinutukoy sa mga panaginip ko. Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras, inabot ko kay ermats ang mga gamit ko.

"Saan ka pupunta?! Teka! Hoy! Robert!"

"Uuwi! May kailangan akong tawagan"

"Sino? Maghulos dili ka nga! Batang 'to!"

"Pupuntahan ko si Sophia! Mag-taxi ka nalang pauwi!" pahabol kay nanay.

"Sinong Sophia?! Halika nga dito! Buntis ba sya?!" sigaw pa ni nanay.

--------

Nung mahagilap ko sa kwarto kung saan ko nilagay ang lumang simcard, mabilis kong tinawagan ang numero ni Sophia. Ngunit hindi tinig ni Sophia ang sumagot sa akin, kundi ang kuya nya. Sinabi nya ang eksaktong lokasyon. Hinarang ko ang taxi na una kong nakita pagkalabas palang ng bahay.

"Manong! Diretso mo lang! Sasabihin ko sayo ang lugar!" pagmamadali ko sa driver.

Kung may latigo lang akong hawak nilatigo ko na ang taxi driver, para lang bumilis ang aming takbo. Dinaig pa kasi sa bagal ang pinas sa pagusad, kung magmaneho. Highway ang kalye pero tumatayang sixty lang ang takbo namin. Yung mga paa ko nangangati na, parang gusto ko nalang takbuhin ang kalsada.

"Manong, wala naba tayong ibibilis?" tanong ko.

"Nagmamadali ka ba iho?"

"Ay hindi po! Nakakainip lang po yung byahe" pilosopo kong sagot.

"Wag kang magmadali iho. Makakarating din tayo.. Sino ba pupuntahan mo sa ospital?"

Napahinto ako sa tanong nya. Tumingin ako sa kanya bago tuluyang sumagot.

"Girlfriend ko po, nasa kritikal sya ngayon"

"Ganun ba? bakit hindi mo agad sinabi?!"

Mabilis na diniinan ng driver ang gaas. Mabilis ding humarurot ang sasakyan. Ang kaninang parada ng mga taxi, ngayon tila karera ng buhay o patay. Wala pang isang oras nasa hospital na kami. Agaran akong nagbayad, sa pagmamadali hindi ko nagawa pang kunin ang sukli. Hindi ko din naman alam kung magkano ang metro. Tinakbo ko ang hagdan imbes na mag elevator. Sa ikatlong palapag kung saan ako itinuro ng receptionist, nakarating din kahit pa hingal pugo.

"374.. 374.." paulit ulit kong sambit habang iniisa isa ang mga nakahanay na pintuan sa hallway.

Nakarating ako sa pinakadulong kwarto. Bago pumasok huminga muna ako ng malalim at mabilis itong pinakawalan. Nag-summon ng kaunting lakas ng loob tska binuksan ang pinto. Napahinto ako sa sumalubong sa akin. Iba't ibang klase ng tinapay, crackers, softdrinks, juice, at mga babaeng naka-apron na nagsasalin ng tubig sa malaking kaldero. Napa-atras ako bigla, sinilip kong muli ang numero sa harapang pinto. Nakasulat ang malalaking letra na binubuo ang salitang "canteen"

"Anak ng.. Nasaan na ba yun?"

Binaybay ng mata ko ang mahabang hallway ng ospital. Isang pinto ang bumukas. Kasunod ang doktor at nurse. Doon ko lang nakita ang maliwanag na numerong 374. Tinakbo ko agad ang kwarto. Hindi tulad nung kanina hindi na ako huminto, binuksan ko agad ang pinto.

..
...
....

Nanglambot ang aking mga tuhod sa aking nadatnan. Kusang napahawak ang aking mga kamay sa aking tuhod, at diretsong napaluhod. Hindi matanggap ng aking mata kung paano tinaklob ang puting kumot sa katawan ni Sophia. Naagaw ng atensyon ko ang isa pang nurse na nasa loob ng kwarto. Tumango lang ito sa akin at binanggit ang salitang sorry nang walang tinig na lumabas sa kanyang labi.

"Sorry Sophia.. Na-late na naman ako.." bulong ko sa sarili.

Gulong gulo ang isip ko, habang nagbabagsakan ang mga luha sa aking mata. Walang parte ng aking pisngi ang naiwang tuyo. Sunod sunod na hikbi ang tanging namutawi sa aking boses. Ibang klase talaga mag-trip ang tadhana. Pumikit ako. Nagdasal na sana'y isang panaginip ulit. Ngunit nang dumilat ako nasa harapan ko na ang nurse at pilit akong pinapapasok sa loob ng kwarto.

Gusto kong sumigaw..

Gusto kong magwala..

Gusto ko pa syang yakapin..

Madami pa akong gustong sabihin at ikwento sa kanya..

"I'm sorry sir.." mahinang boses ng nurse.

Hindi ako umimik.

"Stage 4 na po ang cancer nya.. Lahat na po ng paraan ay ginawa namin. Sad to say, pero kailangan po nating tanggapin ang lahat. Again, sorry.."

Napabalikwas ako sa sinabi nya. Sa pagkakatanda ko car accident, at walang kinalaman ang cancer sa kwentong ito. Tumayo ako mula sa pagkakaluhod, at nagpunas ng mga mata at sumusulpot na sipon. Nagsalubong ang aking kilay, para lang makaiwas sa pagkapahiya.

"Miss! Sophia Monsood po ang hinahanap ko!" wika ko.

"Sophia po ba? Sorry sir! Pasok po kayo nasa loob po sya.." sagot nya.

Malaki pala ang loob ng kwarto na hinahati ng isang malaking partition. Nasa kabilang side si Sophia. Napakamot pa ako habang diretsong naglakad papasok sa kwarto. Sinilip ko muna ang maliit na siwang bago tuluyang pumasok. Nakahinga ako ng maluwang sa aking nakita.

Ang maamong mukha ni Sophia na natutulog. Nasa tabi nya si Dave na nakaupo, at sa tingin ko ay naghihintay sa akin.

"Uhm.."

"Oh! Robert! Nandito kana pala.." wika nya.

"Halika dito.. Kanina kapa nya hinihintay. Nakatulog na nga eh!" dugtong nya.

Umupo ako sa tabi nya, at tahimik na pinagmasdan ang kanyang mukha. Payapa ito kung pagmamasdan. Nasisinagan ng liwanag na nanggagaling sa maliit na bintana ng kwarto. Naramdaman ko ang sobrang pagkamiss sa kanya. Hinawakan ko ang kanyang kamay, at taimtim lang nakatitig.

"Maiwan muna kita ha.. Tatawagan ko lang sina Mommy"

"Nasaan po pala sila?" tanong ko.

"May inasikaso lang, pero parating na" tipid nyang sagot.

"Maitanong ko lang po. Ano po bang nangyari?"

Ngumiti sya ng bahagya, bago tuluyang magsalita.

"Sabihin nalang natin na matigas talaga ang ulo ng kapatid ko, Pero hanga ako sa kanya. Buong buhay ko hindi ko nagawang sumalungat sa mga gusto ng magulang namin, bagay na sya lang ang nakagawa"

"She's talking about freedom. She's fighting for that. And I know it's because of you Robert.." tumalikod sya at diretsong umalis. Naiwan akong walang nasabi.

"She's fighting for me.." bulong ko sa sarili.

Tinitigan ko syang muli. Ayoko syang iwan. Gusto kong sa pagdilat ng mga mata nya, ako ang unang babati sa kanya. Nilapit ko ng bahagya ang aking mukha sa kanya. Humalik sa kanyang noo.

"Sorry.. for being late.." bulong ko sa kanya.

..
...
....

"Lapit ka ng konti.." ang mahinang sagot nya. Nakapikit pa din ang mga mata ngunit may liwanag na ang kanyang mukha.

"A kiss?" tanong ko.

"I would love to. But I want to kill you first"

Nangibabaw ang tawa sa pagitan naming dalawa.

--------------

One month later..

Napuyat ako kagabi! Sa pagmamadali ko nalimutan ko pang magsuklay ng buhok. Hindi ko natignan ng mabuti ang sarili sa salamin, kaya diskumpyado ako kung katanggap tanggap ba ang hitsura ko sa napaka importanteng araw na ito. Tumingin ako sa relos habang patuloy sa pagtakbo, sinasabi nitong may babaeng naghihintay kasunod ang nakapilang sermon. Sira ang pagkatao ko sa muling pagkakataon.

Lahat ng nadadaanan ko napapalingon sa akin. Mabilis ding lumilingon pabalik, baka daw may kasunod na pulis. Tinalon talon ko ang hagdan sa underpass maging ang overpass. Nakipag marathon ako sa mga jeep, at nakipag patintero sa mga nagtitinda ng sigarilyo. Sa pinakadulo ng kalye merong huling liko pakanan. Doon ako huminto. Pigil na pigil na ang aking yapak kahit pa abot langit ang aking paghinga.

Sa dulo ng huling kalyeng nilikuan ko, nakatayo ang isang babaeng walang space ang kilay.

"Late kana naman!" warm greeting nya.

"5 minutes lang!"

"Tatawad kapa! Naku! Mukhang isang buong taon na namang ganito!" pagmamaktol nya pa.

Humakbang ako papalapit sa kanya. May mga lalaking napapahinto, at tila hindi makapaniwala.

"Tara na?!" anyaya ko.

"Sandali lang.. Gusto kong sulitin ang mga sandaling kagaya nito.." kasunod ang buntong hininga at hindi maipaliwanag na ngiti.

Hinawakan ko ang kanyang kamay. Lalong namangha ang mga tao sa paligid. Hindi makapaniwalang nag-exist ang mga anghel, at nasa lupa ang isa bilang girlfriend ko. Itinaas ko ang kamay nya.

"Hello College!" sigaw ko.

"Umayos ka nga! Nakakahiya tayo!"

"I just can't help it.. sobrang excited ako! napuyat nga ako kagabi dahil dito" paliwanag ko.

She smiled at me. That smile can kill a person in an instant! Sabay naglakad ang aming paa patungo sa bagong eskwelahan. Bagong pakikipagsapalaran, at bagong version ni Ms. Ramirez. Umihip ang hangin. Okay na sana, kaso nagmaktol ang aking tiyan.

"Hindi ka nag breakfast?"

"Hindi e! Saan ba ang canteen?"

"Don't know.."

"Gusto ko kasi mag coffee, ikaw?"

"Sure! With sugar or salt?"

"Hahaha! No! With me.."

-END