Byaheng U-Turn


Sapat na sigurong mabasa ang medyas kong pink, para sabihing trip ako ng nakangiting ulan sa mga sandaling ito. Minsan kahit hindi mo inaasahan, may pagkakataon talagang sinusubok ka ng panahon. Panyo lang ang dala ko na sakto lang talaga sa hugis ng ulo ko. Mabuti nalang black ang kulay ng shirt ko, at hindi mahahalatang lunod ito sa malalaking patak ng ulan.

"Last trip! Last trip!" sigaw ng barker.

Walang may lakas ng loob magkasakit, kaya nauna akong sumakay sa unahan ng jeep. Piniga ko ang panyo bago tuluyang humakbang papasok. Si manong driver na curious ang mga mata ang sumalubong sa akin.

"Doble ang bayad mo iho, sa dami ng bitbit mo wala nang uupo sa tabi mo" bungad nya.

Hindi ako sumagot. Binunot ko ang bente pesos na sukli ko pa sa nagtitinda ng mais na flavored margarine. Wala naman akong mai-rereklamo, dahil kulang nalang ay harangan ko ang side mirror ng jeep sa dami ng bitbit ko.

"Saan ka ba?" tanong nya.

"Sa bus station po. Yung byaheng maynila" sagot ko.

Hinawi ko pa ng sagad ang kurtina. laylayan nalang kasi ng luma kong pantalon ang hindi pa nai-invade ng ulan. Baka bago pa ako makarating sa bus station, e pwede na akong itlugan ng mga lamok.

Kapansin-pansin ang paglakas ng ulan. Nasa liblib pa ang kalye kaya may kadiliman ang daraanan. Hindi pa siguro sapat ang buwis na binibigay namin, kaya wala pang matinong ilaw na pwedeng ilatag sa lugar. Tuwing hakutan lang kasi ng boto, nagagawi si mayor.

"May bagyo ba?" wika ng isang ale.

"Natatakot ako sa kidlat mama!" singit ng bata.

"Yung mga panty ba nasamsam ni Inday?" bida ng misis sa kausap sa cellphone.

"Sinagot mo na sya?" kinikilig na wika ng dalaga sa katabi.

"Manong kulang sukli ko!" galit na sambit ng sabit.

Inaagaw ng pagod ang sigla ko, dahilan para isandal ang aking ulo sa tatlong patong ng mga bag na nasa kanan ko. Dinaan ko nalang sa pagsipol ang pag-aabang kung mananalo ba si manong driver sa pakikipagdigma sa galit ng panahon.

"Susmeyo!" palatak na sigaw ni manong.

"Flat tayo?" tanong ko.

"Maputik ang kalsada, kaya hirap sa pag-abante" dahilan nya. Hindi ko lang masabi na trenta pursyento nalang ay kakainin na ng kalawang ang jeep nya.

Wala sa tipo ko ang pumapel sa bagay na wala naman akong alam. Sa loob ng isang taon dalawang beses akong umuuwi ng siyudad, kaya alam kong may ibang daan pa para mabawasan ang pamumuti ng buhok ni manong.

"May alam akong shorcut. Kung hindi ako nagkakamali, malapit lang tayo doon" suhestiyon ko.

"Dalawapung taon na akong driver. Pero hindi ako nasanay sa madaliang daan"

"Sementado po kasi ang daan doon, walang lubak at hindi maputik" punto ko.

"Alam ko iho.." kalmante nyang sagot.

Lumagpas lang kami sa sinasabi kong shortcut, pero ni lingon ay hindi nya ginawa. Tamad akong makipagtalo, lalo't hindi pakikinggan ang panig ko. Tumahimik lang ako, at ibinaling sa pagtulog ang atensyon.

"Hindi mo kasi masasabing driver ang isang driver kung hindi nito kayang lagpasan ang mahirap na daan.." nakangiti nyang wika sa akin.

"Ano po?"

"Ang hirap kasi sa tao kapag may putik at lubak sa buhay, una agad iisipin ang umiwas. Kung may bagyo sa daan, dapat matuto tayong umabante kahit pa nakayuko"

Napangiti ako sa sinabi nya. Wala pala sa itsura ng tao ang nilalaman ng kanyang isip. Hindi ko napansin na maliwanag na ang paligid na dala ng naglalakihang bus sa terminal. Huminto na din ang malakas na buhos ng ulan.

"Terminal!" wika ni manong.

"Hindi ka pa ba bababa? U-turn na dito, babalik na ko para gumarahe.." tanong nya sa akin.

"Sasabay nalang po ako pabalik" nakangiti kong sagot, matapos ibulsa ang cellphone.

"Doble ulit ang babayaran mo"

"Ayos lang! Nag-text kasi si mama. Hindi naman daw talaga galit si papa"

Umarangkada ulit ang jeep, kasabay ng pagpahid ko sa luhang kanina pa nangingilid.

-wakas


Nyeta

Alikabok ng lupa'y naging huling hantungan,
ng mumunting dahong nabuwal sa punong uhaw.


Kalyeng naging saksi sa tamis ng pagsasama,
sa isang kisapmata'y nilimot at tuluyang inabandona.


Pagbubuklod ng liwanag sa kalangitan at kaisipan,
ng nilalang na suki sa pait ng ipinaglalaban.


Imulat 'di lang ang mata sa bawat hapdi na nadarama,
sa punyetang drama ng pag-ibig, tuwa ay hindi na maisasalba.

One Morning of July - 2

(Ang imahe ay mula sa malikhaing kamay at isip ni Melala)

***

Kahit hindi ko pintahan ang laman ng baraha, alam ko na kung anong lay ang gagawin ko sa larong pusoy. Kumbaga sa darts, dalawang pin nalang sa single na pie tapos ko na ang larong 501. Hindi na kailangang magpahula sa labas ng Quiapo, para sabihing swerte ako sa pagpasok ng buwan ng Hulyo.

Mabilis pa sa perang dumadaan lang sa palad tuwing sahod ang mga pangyayari. Kaninang umaga lang halos ipagdikdikan nyang isang malaking kahibangan ang nangyari, nang gabing yun. Ngayon parang isang kindat lang close na agad kami. Literal na close. Mula nang hawiin namin ang mga taong naghihintay sa venue nang dumating kami ay hindi na ko nawala sa tabi nya. Weird yung pakiramdam na nagugustuhan mo, kahit pa nagtataka kung paano nalang nangyari.

Feeling ko welcome na welcome ako, kahit ngayon lang nila nakita ang mukha ko. Sa dami ng tao sa lugar nawala na sa isip ko kung sino si Marta. Sa isip ko mas bibigyan pansin ko muna ang paniniwala ng mga taong boyfriend ako ni July. Sa lahat siguro ng kasalanan ito ang pwede kong ipagmalaki. Maraming kaibigan si July. Hindi na nakakapagtaka iyon sa dami ng babaeng nakapalibot sa akin. May kaya ang pamilya nya. Hindi maitatago sa ganda ng pagkakaset ng venue at kakaibang putahe na inihain. Twenty Five years old na sya, pero parang debut lang ang pagkabongga ng birthday nya.

"Nag-enjoy ka ba?" bitbit ang isang baso na naglalaman ng likidong sa tingin ko'y may kakaibang espiritu. Iniabot sa akin, sabay upo sa tabi ko.

"Oo naman! Kasama kita mula kanina, kaya hindi naman ako nabagot.."

"Sorry kung sinabit pa kita dito. Alam ko namang hindi mo din gusto" may kababawan sa tono ng pagsasalita nya.

"Birthday mo 'to hindi ba?"

"Oo, bakit?"

"Sapat na dahilan na yun para sumama ko" nakangiti kong sagot.

Sa mga ganitong pagkakataon, alam kong magagamit ko ang mga moves ni vic sotto sa kanyang mga pelikula. Pinihit ko ang aking mga balikat, para ipakita sa kanyang may sinasabi din naman ang build ng aking katawan, saka hinawi ang buhok pakaliwa. Isang matinding opening line lang ang kailangan ko, baka sakaling makuha ko ang buong kwento.

"Akala ko kasi darating ang boyfriend ko, kaya isinama kita"

Muntik ko nang malunok ang yelo na nasa loob ng baso. Bumagsak ang aking mga balikat sa narinig ko. Nag-uumpisa palang akong bumuo ng tulay, gumiba na agad ang pundasyon. Hindi na siguro kailangan pang sabihin ang dahilan. Nasa gilid na ng utak ko na may problema sya, at ng kanyang bf.

"Oh bakit ganyan ang mukha mo?" nagtataka nyang tanong.

"Akala ko kasi bida ang role ko sa pelikula, stuntman lang pala.." pabulong kong sagot.

"Teka nga! Type mo ba ko?" diretsahan nyang tanong, at halos idikit ang kanyang mukha sa akin.

"Ako? Akala ko nga ikaw e! Sino ba nagpilit isama ko dito?" agad kong depensa.

"Assuming ka ha.. Pero ang cute pala ng reaksyon mo kapag binibigla ka"

"So cute pala ako nang magising akong kasama ka?"

"Patawa ka!"

Ewan ko kung may tama sa sinabi ko. Mata nalang kasi ang naiwang puti nang mamula ang buong mukha nya. Pakiramdam ko lang siguro na may sapi si July, dahil habang tumatagal ang oras na nakakasama ko sya ay lalo kong nakikita ang soft side nya. Ang soft side na una kong aatakehin kung sakaling magkahulugan ng puso.

---

Kung hindi pa mauubos ang tao sa venue, hindi ko pa malalamang madaling araw na pala. Na-enjoy ko ang pakikipagkulitan kay July, at ang libreng alak, isama na ang hapunan. Sa sandaling oras lang nakakatuwang ang dami kong nalaman tungkol sa kanya. Magiliw sya kausap lalo't buhay nya ang kanyang binibida. Noong una'y tinatamad pa akong makinig. Sino bang mag-eenjoy kung ang kwento ay tungkol sa love life? Wala naman akong nabanggit na fan ako ng showbiz.

Kapag dumadating sa point na ang usapan ay medyo seryoso, sinusubukan kong sumingit ng jokes. Hindi pala epektib dahil hindi ko mabilang kung ilang beses nya akong nabatukan. Naging ma-drama lang pagdating sa koneksyon nya sa kanyang pamilya, at sa bagay na yun wala akong nasabi kundi "okei" at "oo nga". Kung sa normal kong buhay, ang oras na iyon ay siguradong nasayang lang. Pero sabi nga the time you enjoy wasting was not wasted, ang kanyang simpleng ngiti at nakaka-turn on nyang bewang ang nagpapatunay.

"Lead on.. to keep our feelings strong, and make me still believe." kanta ni July habang hawak sa kaliwang kamay ang manubela.

"Our page is one and the same. Our ways will separate tonight" segunda ko. 

Napalingon sya sa akin sabay taas ng kilay. Kasunod ang mga ngiping mapuputi na sumilip sa kanyang labi.

"Fan ka pala ng The Starting Line.." bungad ko.

"Not really. Hindi ko alam kung saan ko narinig ang kanta, pero kanina pa sya pabalik-balik sa isip ko.."

"Siguro gusto mo lang ulit ako makita sa pagdilat ng mga mata mo?"

"Ano?!"

"Sabi ko Hello Houston ang title nyan.."

"Paano mo nalaman?"

"Alarm tone ng cellphone ko" walang reaksyon kong sagot.

"Mahilig ka pala sa mga ganyang genre ng music.." puna nya.

"Depende sa mood, pero ngayon favorite ko na"

Naputol ang dapat na sasabihin ko pa, nang huminto ang sinasakyan naming auto. Dahan-dahan ko syang sinilip sa gilid ng aking mga mata. Wala pa naman kami sa lugar kung saan nya dapat ako ibaba. Wala ding stop light sa unahan. Naramdaman kong humagod muna ng bwelta ang dugo ko, saka malakas na dumaloy sa lahat ng parte ng katawan ko. Parang may kuryenteng paikot ikot sa inuupuan ko kaya hindi ako mapakali.

Limang segundo pa bago nagkaroon ng reaksyon si July. Kung ano man ang nais nyang iparating sa akin, alam kong magiging interesante. Hindi ako nagkamali! Tinanggal nya ang pagkakakabit ng seatbelt at saka humarap sa akin. Kasunod ang ngiti na pwedeng gamitin kung sakaling ire-remake ang painting ni Mona Lisa. Lumunok ako ng laway at nagpakawala ng naipit na buntong hininga.

"Ang swerte naman talaga ng araw na 'to.." wika ko.

"Huwag ka nang magreklamo! Mabuti nga hindi tayo sa highway nawalan ng gas"

"Saan tayo ngayon?" tanong ko habang nakatingin sa bawat tatapakan ng aking paa.

"Hindi ko din alam!" natatawa nyang wika.

Ngayon hindi ko alam kung paano ko ide-define lahat. Dalawang taong ni hindi magkakilala na sa biglang ikot lang ng kamay ng orasan ay heto't magkasama. Binabaybay ang kahabaan ng kalyeng hindi namin alam kung saan ang dulo. Kung ang kalyeng ito ang magtuturo sa daan ng letseng drama ng pag-ibig, bakit pa ako liliko? Kahit may u-turn na sign, bakit pa ko lilingon? Kumbaga sa race track ng gallop puro abante nalang ang gagawin ko, para maabot ang finish line. Hindi naman ako desperadong tao, pero mahirap nang maunahan.

"Hindi ka pa nagsasabi ng tungkol sa buhay-buhay mo?" mahina nyang tugon.

"Buhay ko? Baka magyaya kana kasi ng uwian kapag narinig mo"

"Bakit naman ako magmamadali umuwi, kung interesante naman ang lesson?"

"Sure ka? Baka kasi wala pa sa kalahati magyaya kana ng break time e!" biro ko.

"Makikinig ako.. Best listener kaya ako!" pagbibida nya.

"Alam mo.. Hindi dito magandang pag-usapan yan"

Tumingin sya sa akin na may halong pagka-sarkastiko. Alam nya kaya ang pinupunto ko? Kung hilahin ko kaya ang tali ng confetti para sumabog, at sabihing joke lang maniniwala kaya sya? Ang daming tumatakbo sa isip ko. Naglalaro ang angulo nya sa maraming parte ng utak ko.

"Mababaw pa ang amats ko.. Gusto mo ng isang round ng beer?" anyaya nya.

"Kukulangin sa akin ang isa, gawin na nating dalawa" nakangiti kong sagot.

----

Alam mo yung kahit walang punch line na nakakatawa, eh napapahalakhak ka pa din? Kung normal pa ang daloy ng dugo sa katawan ko, masasabi kong hindi angkop ang dami ng boteng tinumba ko sa maximum na kaya lang ng katawan ko. Dalawa lang, naging tatlo, lima, pito, hanggang sa ubusin ko na lahat ng kanta sa song book ng videoke.

Hindi ko matandaan kung paano ako nakarating ng bahay. Kung present lang ang inay, sigurado tanggal ang lasing ko sa dami ng sasalubong na sermon sa akin. Hindi ko na din maalala kung paano ko nga ba naihatid si July, at kung anong nangyari sa auto matapos naming itawag sa pi-pick up. Ang alam ko lang nagkaroon pa kami ng phone conversation bago ako mawalan ng malay sa aking kama. Kinanta pa nga namin ang Hello Houston ng The Starting Line.

"Pwede mamaya na?" bulong ko sa sarili.

Umiikot pa ang paligid nang tumayo ako para tahakin ang pinto ng kwarto, para pagbigyan ang tawag ng kalikasan. Dalawang hakbang bago ko maabot ang knob, isang malakas na sigaw ang gumising sa natutulog ko pang kaluluwa.

"Sino ka?!!!"

"Ikaw?!" nagtataka kong tanong.

"What do you mean ikaw?!" balik tanong nya.

Napakamot ako sa ulo. Si July ang babaeng lumantad sa ilalim ng kumot. Second day ng July. Second morning na nagising ako na sya ulit ang kasama ko.

"Prank joke? Sige sasakay ako.. Ako nga pala si Noel, namiss mo bang katabi ako July?" biro ko.

"Anong July? Baliw ka ba?! Marta ang pangalan ko!"


bibitinin ulit :D


Jolly Jeep


Nagpapa-alam na ang magandang sikat ng araw, at pasilip naman ang malamig na sinag ng buwan nang marating ko ang lugar kung saan ako dapat maghintay. Tulad ng nakagawian, kailangan kong mauna ng mas maaga para hindi ako mahirapan makipagsiksikan sa mga taong lalabas ng gusaling kanyang pinapasukan. Sa isang kalye sa Makati kung saan ang mga tao ay tila nakikipaghabulan sa oras, doon ako naghintay. Katabi ang ligaw na puno ng mangga na ngayon ay yumabong na ng tuluyan, pakiramdam ko'y isa itong totoong tagumpay. Napayuko ako ng hindi sinasadya.

"Kuya, gusto mo ng malamig na softdrinks?" wika ng lalaking naka-kurbata, at halatang may sinasabi ang estado sa buhay.

Ngiti lang ang tipid kong sagot sa kanya. Kahit pa alam kong maganda ang intesyon nya, nahihiya akong makisalamuha. Sa suot kong simpleng t-shirt at faded na jeans, kumpara sa polo nyang dumaan pa sa masusing paghahabi, at itim ngunit makintab na slacks na sa tingin ko'y makinang din ang presyo.

"Madalas kitang naaabutan dito, hapon na kasi ako nakakapag-take ng lunch dahil sa dami ng trabaho.." muli nyang singit.

"May hinihintay lang ako. Pasensya na ha, hindi kasi ako pwede mag-abang sa malapit, madalas kasi akong sitahin ng guard."

Iyon na siguro ang pinakamahabang litanyang pwede kong masabi sa kanya. Hindi ako takot sa tao, iwas lang ako sa diskusyon lalo na't ako na ang tatanungin.

"Teka! Ibibili kita ng softdrinks! Pawis na pawis ka e, mukhang malayo pa pinanggalingan mo" nasasabik nyang wika. Pagkabili'y agad syang bumalik sa akin.

"Bakit dyan ka kumakain?" curious kong tanong habang pinapatid ang uhaw.

"Mura kasi! Paborito ko din ang pares na nilalako nila"

Napangiwe ako sa sagot nya. Matatanggap ko pa sana kung ang pagmamadali ang idadahilan nya, pero nagulat ako sa mas mababaw nyang sagot.

"Mura?!"

"Oo. Bakit nyo po natanong?"

"Marami kasing mas magandang makakainan dyan, at mukhang mas maayos." nahihiya kong sagot. Malakas na tawa lang ang ibinato nya pabalik sa akin.

Sa puntong iyon nakuha nya pang lumapit at umupo sa tabi ko. Hindi ko maiwasan, pero sumusundot sa ilong ko ang amoy ng pabango nyang dekalidad.

"Ikaw palang ang nagsabi sa akin ng ganyan. Akala ko lahat ng taong dumadaan at kumakain sa Jolly Jeep ay naiintindihan din ang mga bagay-bagay na umiikot dito."

"Hindi lang ang pares ang dahilan ng paulit-ulit na pagbalik ko dito. Kundi ang nakatagong aral na bihirang mapansin. Alam mo bang sa maghapon iba't-ibang klaseng tao ang humihinto at nakikisalo sa mga ulam na nakalatag dyan? Samut-saring tao ang nakikipagsisikan at nakikipagpalitan ng amoy. Iba't-ibang propesyon at iba't-ibang estado ng buhay? Mahirap at mayaman, may pangalan o wala. Napapansin mo bang wala kang pwedeng upuan? Lahat ay nakatayo at walang VIP para sa gwapo at seksing suki."

"Lahat pantay-pantay?" tanong ko.

"Tama. Ang simpleng istrakturang ito ang nagsasabing walang mahirap o mayaman sa mundo. Walang sisita sayo kung nakasando ka lang, o may sinasabi ang kulay ng collar ng suot mong polo. Dito malaya kang makipag-kwentuhan at makipagpalitan ng ngiti sa mga taong tingin sayo ay mataas. Walang malaking pader, na nakaharang sa dalawang uri ng taong pilit pinaghihiwalay ng mga kritiko."

Napangiti ako sa sinabi nya. Pakiramdam ko'y nahugot ang nakabarang tinik sa aking lalamunan, na sa haba ng panahon ay pilit nagpapahirap sa akin.

"Ron, sorry na-late na naman ako"

Matamis na ngiti at maliwanag na mukha ang salubong sa akin ni Gilda, ngunit napahinto nang madatnan akong may katawanan at kakuwentuhan.

"Gilda! Kilala mo sya?"

"Yes sir! Sya po ang asawa ko.." magalang nyang sagot.

"Ahh.. Next time sabihin mo sa kaibigan ko sa harap ng entrance maghintay sayo at huwag dito. Sasabihan ko ang guard para hindi na sya paalisin" wika ng lalaki.

"Yes Boss, salamat!"

Sa daan pauwi kinuwento ko kay Gilda ang napag-usapan namin ng kanyang manager. Hindi sya makapaniwala sa kanyang nadinig, halata iyon dahil sa bilis ng pagtulak nya sa wheel chair na sinasakyan ko.


-End

One Morning of July - 1

(Ang imahe ay mula sa malikhaing kamay at isip ni Melala) 


***

"Hello Houston!"

Wala ako sa Houston. Yun ang alarm tone ng cellphone ko, na nakikipag-unahan pa sa sikat ng araw. Hinila ko pang maigi ang comforter para takpan ang mga mata kong iritable sa liwanag ng paligid. Snooze mode na sya nang aabutin ko na. Kahit masakit ang ulo ko sa dami ng naitumba kong bote kagabi, pakiramdam ko’y ang sarap ng gising ko.


Nakapikit pa ang mga mata ko habang kinakapa sa paligid ng kama ang nakikipagtaguan kong unan. Nang magtagpo ang aming landas agad ko syang niyakap. Nothing beats this feeling ika nga. Mabango talaga sya kahit tatlong buwan ng hindi nakikipagkita sa labahan. Daig pa ang fabric conditioner na ginagamit sa Let’s Talk Dirty.


Niyakap ko sya ng mahigpit. Para bang first time lang naming ulit nakasiping ang isa’t-isa. Nakikipagtalo pa ang antok sa akin, kaya inunat ko pang maigi ang aking mga paa na sa tingin ko’y tatama sa nais kong posisyon, para makakuha muli ng tulog.


“Urgh..”


“Huh?!”


“Good morning..”


“Good morning din..”


Napabalikwas ako. Mabilis kong hinawi ang makapal na telang nagtatakip sa aking katawan. Lumantad ang babaeng sa buong buhay ko ay hindi ko pa nakikita o napapaniginipan. Namutla ako’t napalunok. Mabagal ang pagdaloy ng laway pababa sa aking lalamunan. Agaran akong tumalikod sa kanya, nang napansin kong wala ni kapirasong tela ang pwedeng magtago kanyang katawan.


“Oh my God!” sabay naming wika.


Sabi ng tsismoso kong tenga, tumayo daw sya at mabilis na tinakip ang kumot sa kanyang katawan. Kasunod noon ang mga salitang, hindi na maaaring basahin ng mga batang mambabasa.


“Okay! Ilang bote ba ang naging dahilan nito? Kung anong nangyari wala akong alam.. Hindi ako aware!” nauutal-utal ko pang litanya, habang pilit na pinipigilan ang pagkilos ng aking katawan.


“What?! Hindi naman makapal ang mukha no? Anong ginagawa ko dito?!” mataray ang pagkakasabi nya.


“Ano nga bang ginagawa mo sa kwarto ko?”


“Kwarto mo?!”


“Ay hindi! Motel ito!” pilosopo kong sagot. “Pwede na ba akong humarap?”


“NO! Don’t even try!” mabilis nyang sagot na akala mo sya lang ang affected. “Nasaan ang phone ko?”


“Miss! Yung mga tanong mo imposibleng masagot..” agad akong humarap sa kanya.


Hinanap ko kung saan nagtalsikan ang aking mga ngipin, matapos malaglag ang aking panga dahil sa ganda ng babaeng kaharap ko. Kung pa-raffle lang ang mga babae sa mundo, malamang natumbok ko ang grand prize. Pinipilit kong alalahanin ang mga nangyari kagabi, pero kahit simpleng detalye ay wala talaga akong matandaan. Kahit man lang kissing scene lang, sigurado akong kaya ko nang iguhit. Kahit anong halo ko sa sabaw, wala akong makuhang laman. Olats! Hindi sya pinagpala ng height, pero bumawi naman ang bilugan nyang mga mata. Bumagay din ang apple cut nyang buhok sa kanyang dimple, na kahit nakasimagot ay sumisilip.


“Sigurado ka bang wala kang natatandaan?” tanong nya habang diretsong nilalagok ang malamig na tubig sa baso.


“Company Anniversary lang ang event kagabi, at ang brand ng alak  ang natandaan ko” sagot ko habang nagsusuot ng shirt.


“Hindi ka part ng company, kaya sigurado akong hindi tayo doon nagkakilala..” dugtong ko pa.


Magulo talaga ang takbo ng utak ko. Dagdag pa ang pag-iisip kung anong nangyari sa apat na sulok ng kama kagabi. Kung mayroon man hindi ko alam kung paano nangyari, dahil sa sobrang kalasingan.


“Yes! I’m not! But—“


“So, ano nang balak natin?” mabilis kong kabig.


“We? Uuwi na ako! I need to get home, bago pa ako tawagan ni daddy..”


“Baka gusto mong mag-breakfast muna! Or coffee? Or coffee and breakfast?” pagbabakasakali ko.


“You’re funny! I don’t even know you, tapos kung makayaya ka parang close lang tayo?”


“Pinapakalma lang kita. Hindi tayo magkakaunawaan kung puro hysterical”


“Nagising akong walang damit, at may kasamang lalaki na hindi ko kilala. Sa tingin mo kaya kong mag-breakfast at mag-relax?” talsik lahat ng laway sa mukha ko.


Mabuti nalang at kasing haba ng San Juanico Bridge ang pasensya ko, kung hindi pinalayas ko na sya. Naubusan na ako ng isasagot. Pakiramdam ko’y lahat ng sasabihin ko may counter attack na sya. Hindi ko tuloy lubos maisip na nakatabi ko ng isang gabi ang babaeng ito. Produkto lang ng alak ang lahat, at ang nangyari ay isang malaking kalokohan lamang. Alam kong bawal mag-expect sa ganitong klaseng sitwasyon, pero sa ganda nya hindi ko maiwasang umasa. Kung lalabas sya ng kwarto ko, at magkikita kami ulit sa ibang lugar.. Maniniwala na akong may invisible na sinulid na nag-uugnay sa dalawang taong tinadhana. Naks!


Nakalimutan ko pang magbayad sa jeep, kaka-imagine sa mukha nya. Mabuti nalang may mga sayings na naka vandals sa loob ng disco jeep, tulad ng “God knows Judas not pay” at “Katas ng Saudi” pati ang “Fool the string to stuff”. Parang si Nyan Cat lang kung lumipad ang isip ko mula byahe hanggang opisina. Kinalawang yata sa dami ng alak.


“Noel!”


Dahan-dahan kong sinilip sa ibabaw ng computer monitor ko, kung sino ang tumawag sa akin. Matapos kong malamang guni-guni, agad kong binalik sa ginagawa ang aking paningin.


“Noel! Anong nangyari kagabi?” kumunot agad ang noo ko sa boses ng ka-officemate kong bida sa videoke kagabi.


“Anong nangyari? Nalasing lang.. tapos umuwi..” pagsisinungaling ko. Baka sakaling may matuklasan ako sa kanya.


“Kaya pala bigla kang nawala.. Akala ko tinake-out mo si Marta, sabay kasi kayong nawala..” pabulong nyang sagot.


“Si Marta? Haha! Hindi! Sino ba si Marta?” curious kong tanong. Sa gilid ng utak ko may nabubuo nang kakaibang senaryo.


“Lasing ka nga. Daughter of Mr. Reonico.. Si Boss!”


Tinignan ko sa likod kung may pwedeng sumalo sa akin, kung sakaling hihimatayin ako. Nagpilipit ang dila ko sa sinabi nya. Hindi ko sigurado kung Marta nga ang pangalan ng misteryosang babae na nakitulog sa kama ko kagabi. Pero may kutob na akong magiging magulo ang takbo ng buhay ko, kung sakali mang sya iyon.


“Bilib na ko sayo Noel! Akala ko nga kayo na e, sa sobrang close nyo kagabi. Good thing lasing din si boss, kung hindi nag-iimpake ka na ng mga gamit mo dito sa opisina.” Pang-aasar nyang may halong inggit.


“Advantage daw kapag kargado ng alak, may automatic na humor na bigla nalang susulpot” pabiro kong sagot, o excuse na din para matapos ang usapan.


Naging problema ko ang paghahanap ng sagot, kaya nawala na din sa isip ko ang pagkuha ng pangalan nya. Contact o address man lang ay malaking tulong na. Naglalaro din sa pilyo kong isip na kung sakaling mag-krus ulit ang lasing naming landas, may chance pa kayang maging maayos ang aming relasyon. Friends ba? Kahit isang porsyentong tyansa lang, alam kong madedevelop iyon sa isang daan. Pero paano ako magsisimulang hanapin sya? Kung ang natandaan ko lang ay ang kurba ng kanyang balakang?


Tatlumpu’t tatlong minuto bago matapos ang oras ng trabaho. Himalang walang text message na natanggap ang cellphone ko. Sa ganitong tipikal na araw, ang pagpapadala ng mensahe at pagtawag sa akin ang trip ni mommy bukod sa pagko-cross stitch. Hindi ko alam kung tumumba ang cell site sa Bicol, o nang-chiks na naman si daddy kaya nalimutan nila akong kamustahin. Kung tutuusin yung party lang last night, ang pinaka-exciting na nangyari sa unang isang buwan ko dito sa company. Mababait naman sila, yun nga lang nasobrahan kaya ang produkto ay pagkaboring.


"Marta.. Marta.. Marta.." paulit-ulit kong bulong sa sarili habang binabaybay ang kahabaan ng Paseo sa Makati.


Nabitiwan ko ang cellphone ko sa sobrang gulat, dahil sa halos kasing nipis nalang ng buhok ang distansya ng sasakyang nasa harapan ko huminto. Hindi pa yata ako matatauhan kung hindi bumusina ang driver. Sumenyas lang ako at nagsabi ng sorry, kahit pa alam kong hindi nya iyon maririnig.


"Ikaw?!" wika nya habang binababa ang sunglass sa kanyang mata. bukas na ang bintana ng auto nang nilingon ko sya.


"Siyam na oras palang tayong nagkakahiwalay ha! Ang bilis mo naman akong ma-miss"


"Kung nalaman kong ikaw yan, hindi na sana ako nag-preno" natatawa nyang wika.


Hindi ko alam kung paano susuklian ang kanyang ngiti. Moody ba sya? Kanina lang gusto nya na kong tirisin sa pagitan ng kanyang mga kilay, at kahit footprints ko ay pinagdadasal nyang hindi na nag-exist. Ngayon kung ngitian nya ako, daig nya pa naglalambing na bata. Nang-aakit ang kanyang mga labi, na hindi ko magawang titigan ng diretso. Pumaling ang kanyang ulo kasunod ng isang kindat.


"Free ride ba 'to? o Peace offering?"


"Both! Malinis na kasi ang pangalan mo sa akin.." wika nya habang tinatahak ang u-turn.


"Ah.. Walang nangyari?" pigil kong tanong.


"Do you expect na may nangyari?" mataray nyang sagot.


Supalpal ako sa sinabi nya. Halata ang motibo ko. Dali-dalli kong nilihis ang aking mata papalayo sa kanya. Binalak ko nang mag kwento ng malayo sa usapan, pero kahit anong pilit ko hindi ko alam kung paano magsisimula. Napansin ko na lang ang kalyeng tinatahak namin ay hindi pabor sa akin.


"Bakit dito tayo? Anong meron at ang daming tao?"


"Guess what?!" nakangiti nyang wika.


"Birthday ko! At ikaw ang magiging partner ko ha! Just pretend na matagal na tayong magkakilala.. Kung maari pwede ding boyfriend"


Alam na siguro ng kahit sino ang ngumiti, kahit mukhang nagulat lang ang mukha. Sa loob-loob ko may weird na pakiramdam. Feeling ko'y gwapo ako, at ang pagpilit nya sa akin ang nagpapatunay nun.


Ilang minuto pa nakapag-park na din sya ng maayos. Bago tuluyang hugutin ang susi sa pinagsasaksakan nito, sinilip nya pa ang sarili sa rear mirror at tumingin sa akin. Ngiti din ang sukli ko. Kahit kabado, pinilit kong magmukhang relax. Mabuti nalang at naka semi formal ang porma ko.


"Ready ka na--"


"Noel! Noel nga pala.." agad kong sagot.


"Nice name. Mukhang mabait. I'm July!" sabay abot ng kanyang kamay para makipag-shake hands sa akin.


"July? Sino si Marta?" bulong ko sa sarili.






itutuloy din syempre.. 

ObliviĆ³nis


Hindi tipikal na pawis ang tumulo galing sa sintido ko. Kakaiba ang lamig na umiikot sa paligid, hindi pangkaraniwan sa pakiramdam ko. Ang malamlam na sinag ng buwan ang tanging liwanag na nagbibigay buhay sa paligid. Ngunit nakapagtatakang hindi takot ang namamayani sa katauhan ko. Labis na pagkalungkot ang syang emosyon na dinidikta ng puso ko.


Ang pagkusot lang sa mata kong napuwing ang huli kong natatandaan. Sa muli kong pagdilat, ang naunang sitwasyon na ang sumalubong sa akin. Nakaupo ako sa malaking tipak ng bato, sa ilalim ng isang malaking puno. Sa abot ng aking tanaw, alam kong nasa tuktok iyon ng isang burol.


"Isa ka din sa kanila.." wika ng lalaking nakatago sa madilim na parte ng puno.