Coffee Break


Simple lang naman pangarap ko. Tumungga ng Carlo Rossi sa loob ng aking lumang tsikot, habang nakikinig sa mga lumang love songs na ume-ere sa FM radio. Syempre dapat si volkswagen ay nasa harap ng dagat at lumulubog ang araw o di kaya'y pasikat pa lamang.

"15 minutes coffe break!" sigaw ni Albert.

Lumakad ako papuntang fire exit. Nasa unang palapag lang ako, kaya agad akong nakarating sa groud at dumiretso ng smoking area.

"Coffee mo.."

Nakangiti sya habang inaabot sa akin ang umuusok pang kape. Tipid ang ginawa kong reaksyon senyales na na-appreciate ko yun kahit paano. Bumunot ako ng yosi sa bagong bukas na kaha. Nagsindi 'ko ng isa at inabot sa kanya ang iba.

"Saan ka mamaya?" maingat kong tanong. kahit nakatingin sa malayo, nasa presensya nya pa din ang ulirat ko.

"Beth, invited me sa kanyang birthday party" sagot nya sabay buga sa natirang usok sa kanyang bibig.

"And you?"

"Bahay lang.."

"Bahay lang? Ayaw mo sumama?" may halong inis sa kanyang tono.

"I'm not invited"

"Okay, so kung magiging partner kita pwede ka na bang sumama?"

Minsan gustong-gusto 'ko ang mga dating ni Hazel. Alam na alam nya ang kiliti ko kahit saang anggulo ako magtago ng problema. Hindi aabot ng isang minuto, mabilis nya agad akong napapa-amo. Kung may mga rason ako o excuse, lagi din syang may nakahandang sagot. Para bang alam nya lahat ang pasikot-sikot sa loob ng isip ko. Palibhasa witty kaya iwas din ako sa pakikipag-diskusyon.

"Kamusta si Lance?"

"Naghiwalay kami kagabi, di ko na alam saan napadpad"

"Break agad?"

"Hindi naman naging kami. parang wala ka namang alam"

Kung ako lang masusunod, mas gugustuhin ko pa talagang wala akong alam. Ayokong makarinig ng mga kwento nya tungkol sa mga lalaking nag-take out sa kanya. Hindi ako tutol sa mga trip nya sa buhay, kaso nakakasawa din palang maging audience sa babaeng may kakaibang pangangati sa katawan.

Huli nyang kasama kagabi si Lance. Bago pa makuha ang gusto, marami na syang tanong sa akin. Gawain kasing kumonsulta muna bago pumatol. Maganda na daw ang nag-iingat kesa sa ibang langit sya lumipad. Tulad ng mga naunang ligaya, ganoon din ang kinabagsakan ni Lance. Gusto nyang kinikilala ko muna ang lalaking gusto nyang makasama sa magdamag, bago nya landiin. Ibang klaseng babae si Hazel. Nakakapaso pa sya sa literal na apoy.

"Nagtext sya sa akin kanina. Nagtatanong lang. Mahal ka na yata"

"Ako? Mahal? Agad-agad? Isang araw 'ko lang sya nakausap. Isang gabi lang kami nagsama" nakaka-isa palang ako naka-sampu na sya.

"Sinong next?"

"Wala pa.." malamya nyang sagot.

"Ingat sa susunod baka mahulog."

Hinithit ang natitirang yosi. Sumagad ang baga hanggang sa brand ng sigarilyo. Kasabay ng pagbuga ang malakas na halakhak. Nasisiraan na talaga sya ng ulo. Kung hindi 'ko sya kakilala, malamang ako na ang unang tumawag sa mental.

"Love is the biggest lie.." bulong nya.

"Oo, tama ka. Tapos na ang 15 minutes coffee break.." sagot ko.

Inangkla nya ang kanyang braso sa akin. Alam kong tinititigan nya 'ko sa gilid ng kanyang mga mata habang naglalakad kami papasok ng fire exit. Ilang hakbang pa nasa unang palapag na kami ng gusali.

"Hihintayin kita mamaya ha!" paalala nya sa birthday ng kaibigan.

"Hindi ako sigurado.."

"Ang labo nito! Ano bang gusto mong mangyari sa buhay mo?"

"Ako?" ngumiti ako.

"Simple lang. Pangarap kong tumungga ng Carlo Rossi habang nasa loob ng kotse ko sa ilalim ng papalubog na araw, habang nakikinig ng love song sa FM radio"

"That's it?"

"Syempre kasama ka.."

May kakaibang tukso sa kanyang mga mata na mahirap iwasan. Ngiting nang-aakit at handang manakmal.

"How about another 15 minutes coffee break?"

"Sure! Pero kumain ang trip 'ko eh.."

"Ignoring me? Sige ka baka pagsisihan mo" pang-aasar nya.

"Hazel mahal kita.."

"Corny mo! Tara na nga!" hinila nya 'ko papalabas ng building.

Ibang klase talaga si Hazel. Hindi ako tanga para magsinungaling na wala akong pagtingin sa kanya. Mahal na mahal 'ko sya. Ayokong ang init lang ng katawan ang mamamagitan sa aming dalawa. Ayokong ibigay nya ang bagay na hindi ko hinihiling sa kanya.

Isa lang ang gusto ko. Pangarap kong tumungga ng Carlo Rossi sa loob ng kotse sa papalubog o papasikat na araw, habang nakikinig ng love songs sa radyo. Kasama si Hazel na nakangiti habang hinihintay namin ang kanyang mga huling sandali.


-end






*image credit to duthied

One Morning of July - 7

(image donated by Melala)

***

"Overtime ka?" biglaang sulpot ni Nancy sa likod ko.

Nakapatong ang aking baba sa kaliwang kamay ko, habang walang tigil na pinipindot ang retractable pen sa kanang kamay. Sa ganoong posisyon ako naabutan ni Nancy. Sinipat ko ang kanyang imahe gamit ang kaharap kong pc monitor. Nakatayo at nag-aabang ng sagot galing sa akin.

Mahaba na pala ang nilakbay ng isip ko. Hindi ko namalayang tapos na pala ang oras ng trabaho. Pasalamat na lang at walang sumita sa akin kanina, o masyado lang talaga silang busy. Dahil kahit ang nakasalubong kong secretary ni Mr. Reonico palabas ng kwarto ay hindi ako binigyan ng anumang reaksyon.

"Okay sige! kunyari wala kang narinig.." aktong walk out queen pa ang drama.

"Sabay na tayo!" habol ko. Nakita kong sumilip ang ngiti sa kanyang mukha.

"Sige! Daan na din tayo sa malapit na makakainan. Nakakagutom ang araw na 'to!" reklamo nya sabay lakad pabalik sa kanyang working station para mag-ayos ng kanyang gamit. Nagkaroon ako ng chance para ibulsa ang photocopy ng picture na nakuha ko sa kwarto ni Mr. Reonico. Inipit ko sya sa bitbit kong notebook para hindi malukot.

"I'm ready!" excited na wika ni Nancy.

"Wow! Bilis natin mag-retouch ha! Kanina lang mukha kang zombie" biro ko sabay unat ng aking kamay para bitbitin ko na ang kanyang gamit.

"Nagpapalibre ka lang siguro" padabog na binigay sa akin ang kanyang gamit.

Pinipilit kong huwag munang isipin si July. Ayokong mahalata ni Nancy na may gumugulo sa akin. Ayoko syang magtanong o mag-usisa. Hindi pa 'ko sigurado sa natuklasan ko, kaya mas mabuti ng maging tahimik muna.

Naikwento na yata nya ang talambuhay nya sa trabaho. Kung paano sya nagsimula at kung paano sya nagkaroon ng trauma sa tuwing month end dahil sa ganoong time tumataas ang boses ni Mr. Reonico. Kahit ang pagtubo ng pimples ng katabi ay hindi nakaligtas. May mga side comments pang medyo corny, pero nakakatuwang pakinggan. Naaliw akong makinig. Sino bang mag-aakalang kwela din palang kasama 'tong si Nancy. Sa trabaho kasi para syang invisible sa dami ng ginagawa. Hindi mo sya mahahagilap sa kanyang pwesto dahil madalas ang utos sa kanya. Sa sandaling pagkakataon na lihis ang pag-iisip ko.

"Salamat ha!" pagtatapos ko sa kanyang pag-aala news caster.

"Hindi ka nakikinig!" inis nyang sagot kasunod ang suntok sa balikat ko.

"Nakikinig ako! Nagkaroon ka kamo ng problema sa pagtulog kasi madalas mo kong naiisip" biro ko.

"Adik! Wala sa kwento ko 'yon! Assuming na 'to!" labas ang ugat sa kanyang leeg. "Ikaw nga 'tong makahalik--"

"Hindi nya malimutan!" bulong ko kasunod ang sipol.

Naputol ang kanyang sasabihin. Natulala. Dahan-dahang sumilip ang aking mga ngipin. Hindi ko napigilang hindi tumuwa ng malakas. Nakaagaw ng atensyon sa mga kasabayan naming maglakad. Namula ang dalagang kasabay 'ko. Konti nalang at mukhang sasabog na sa inis.

Sampung minuto na ang nagawang hakbang ng aming mga paa. Wala pa ding imik si Nancy. Nakatingin sa mga posteng naglalakihan na parang naghahanap ng kung anong makikita. Tinabihan ko sya. Yung mas malapit para matignan ko ng mas maigi ang kanyang mukha.

"Biro lang yun!" singit ko.

Walang syang naging sagot.

"Nancy, biro lang yun!" nilakasan ko na ang aking boses, para wala syang excuse na hindi nya narinig. "Galit?"

Huminto ako. Pumitas ng ilang pirasong gumamela sa side walk, kahit pa may nakasulat na bawal. Lumang gimik na 'to pero alam kong kikiligin pa din kahit ang kapitbahay naming menopause.

"Sabi ng nanay 'ko madali daw makuha ang loob ng dalaga, lalo't dinaan sa bulaklak" hinarang 'ko ang kanyang hahakbangan.

Tinitigan nya 'ko ng masama. Sa sobrang talim pwede nang humiwa ng lahat ng sangkap sa kantang bahay kubo. Inalok 'ko ang ilang pirasong gumamela.

"Peace offering" nakangiti kong wika. Maya-maya pa hindi na nya napigilang ngumiti. Sinundan pa ng malakas na tawa, na pwedeng pang studio effects sa mga show ni Brady Bunch.

"Ang corny mo ha!" sambit nya. Tawa ulit ng malakas. Effective talaga ang mga turo ni ermats sa akin, kaso bigla syang nagsalita. "Gotcha!"

Napakamot ako ng ulo.

-------

Papasukan na ng langaw ang bibig ng babaeng nasa counter, hindi pa ako nakaka-order. Dismayado na ang kaharap 'ko. Gusto na yatang wakasan ang linyang the customer is always right. Pilit at ngawit na ang labi kakangiti ng peke. Ano bang kasalanan ko kung mabagal talaga ako pumili ng ilalaman sa tiyan? Wala naman.

"Tagal mo naman! I-order mo na kaya lahat para hindi ka mahirapan pumili" singit ni Nancy.

"Ah, yung special nalang" madalas kong sagot sa mga ganitong pagkakataon. Tumaas ang kilay ng babae. Umirap bago tuluyang tumalikod sa akin. may kaunting bulong pero 'di ko narinig. Kapag sumakit ang tiyan ko, alam ko na ang may pakana.

Maingat kong inilapag ang aking gamit sa katabing upuan. Napansin iyon ni Nancy, ngunit hindi sya nagtanong. Ilang minuto pa dumating na ang order. Dismayado ako. Sino bang mag-aakalang ang special nila ay pasta. Naalala ko na naman si July. Paborito nya daw ang pasta lalo't carbonara.

"May dumi ka sa kaliwang pisngi" ani Nancy. Pinunasan 'ko ang kanang pisngi ng ilang ulit.

"Ayan? Wala na?"

"Wala na! Wala naman kasi sa kanan eh" natatawa nyang sagot. Pupunasan ko pa sana ang kaliwa. "Wala namang dumi Noel" dugtong nya. Natigilan ako. Niloloko lang pala ako ni Nancy.

"Patulugin mo yung tao, wag mo masyadong isipin" bulong nya. Para bang may alam sa lahat ng iniisip ko ang babaeng kaharap ko.

Pasubo na 'ko nang bigla akong napahinto. Mapapaniwala 'ko si Nancy, pero hindi ang sarili ko. Ibinaba ko ang aking kamay. Mula sa kinauupuan sinilip ko ang labas mula sa humaharang na salamin. Walang dudang may marathon na naman si July sa isip ko. Kanina lang mabisang nai-drive ni Nancy yun, ngayon sumusulpot na naman ang kanyang imahe.

"Tama pala 'ko.." kibit balikat si Nancy. Sumandal ako. Naglalaro sa isip 'ko kung sasabihin ko ba kay Nancy ang nalaman ko. Gusto kong may masabihan at alam kong si Nancy lang ang makakaunawa, at sya lang din naman ang may alam ng tungkol sa amin. Bahala na si dark knight.

"Anong ginawa mo sa kwarto ni Mr. Reonico?"

Nagulat ako sa tanong nya. Kung krimen siguro malamang sa reaksyon 'ko palang alam na agad na ako ang salarin. Hindi ako malinis mag-trabaho. Totoo ang sabi ng prof ko dati na 'di ako bagay sa pulitika, kahit wala naman talaga akong balak pasukin. Umayos ako ng pagkakaupo. Buo na ang desisyon ko. Gusto ko maglabas ng tension at si Nancy ang taong pwedeng mapaglabasan.. ng tensyon.

Kinuha ko sa bag ang photocopy ng litrato ni July. Pinakita ko yun kay Nancy. Pinaikot-ikot nya yun sa kanyang kamay habang salubong ang dalawang kilay. Tila abstract ang sinisipat dahil mukhang 'di nya yata naintindihan. Nagpakawala ng malalim na buntong hininga, bago ako hinarap.

"Nothing to say.. Kaya pala mukha kang biktima ng arson" si Nancy.

"Wala din akong ideya na engaged na pala sya. Sana pala 'di ko na nalaman guilty kasi ako"

"Guilty? Bakit kayo na ba?" curious nyang tanong. "In fairness ha ganda ng ring, mukhang mayaman ang magiging asawa"

"Yun nga e! hindi kami pero may bagay na 'di dapat nangyari"

"May nangyari?!" namilog ang kanyang mga mata sa narinig. Alam kong dapat 'di nya malaman. Kailangan ko lang makarinig ng opinyon. "Kawawa naman yung lalaki.."

"Konsensyahin ba ko?! Nangyari na! Kasalanan ko bang biglang umulan, di naman siguro counted yun"

"Ano ka ba?! Sabi 'ko kawawa yung lalaki, dahil 'di ba may sakit sya?" natatawang sagot ni Nancy. "Yung disorder nya"

"Disorder.." bulong ko.

"Bakit natahimik ka?" tanong ni Nancy.

Binuklat ko sa harap nya ang mini planner na ginawa ko. Hindi sya makapaniwala. Isa-isang binasa ang mga nakasulat. Bigla nalang syang tatawa, tapos seseryoso ang mukha. Schedule ang pinabasa ko at hindi kwento sa xerex, kaya medyo ang sarap nalang biglang manakal.

"I didn't know na ganyan ka ka-seryoso sa kanya Noel. Kung ikaw ang manliligaw 'ko hindi na ko magpapa-arte pa" natatawa sya habang ibinabalik sa akin ang planner. Sumenyas lang akong natawa ako sa joke nya habang itinuturo na puno ang laman ng bibig ko.

"Bukod sa suot nyang engagement ring sa litrato, meron pa kong isang pinagdududahan" ani Nancy.

"Ano?"

"Hindi kaya palabas nya lang na may disorder sya?" kumbinsido si Nancy sa kanyang salita.

"Malabo!" agaran kong sagot.

"Bakit sigurado ka bang ganun sya? eh, diba magkasama kayo kagabi dapat iba na ang reaksyon nya ng magising sya" paliwanag nya.

Hindi na ko nakapag-react. Sawa na siguro ang mukha ko sa expression na nagulat. May basehan ang sinasabi nya. Bakit ba hindi ko nagets yun ng mas maaga? Pero hindi. Kung trip nya lang yun, bakit nya gagawin sa akin pa. Wala namang special sakin, kahit nga ang kaisa-isa kong kapatid ay pinipilit akong gawing artist kahit 'di ko naman linya. Magulo pa talaga sa buhok ko si July. Isa pa, kung totoong engaged na nga sya, bakit pa kailangang may mangyari muna sa amin. Sumalo ba 'ko ng swerte nang nagpasabog ang nasa itaas?

"Kailangan ko ng proof para dyan" tanging nasabi ko.

"Hulihin mo sya!" agresibo si Nancy.

"Paano? Kailangan kong mapalapit kay Marta para dyan" reklamo ko.

"May naisip ako" nakangiting bulong ni Nancy.


-tbc


Dot Girl

Nakailang ulit ko ng pinindot ang backspace sa keyboard. Dalawang linya palang ay nauubusan na ko ng sasabihin. Saan ba dapat ako magsimula? Ang totoo kasi 'di ko din alam. Hindi sa hindi ko alam ang sasabihin, kundi 'di ko alam kung paano ko sasabihin. Naroon ang kabang baka magkaroon ng ibang kahulugan ang isang linya, at pangit ang isipin ng babasa.

"Sinong babasa?"

Solo ko ang kwarto. May kasama ko, pero zombie sya. Tipong "braiiinsss" lang ang alam nya sa mga sinusulat ko. At walang ideya kung anong ginagawa ko.

That girl. Siya ang dahilan nito. Siya ang may pakana kung bakit ako nagpupuyat. Pero kung may babatok sakin ngayon palang at sasabihing "May atraso ka sa babaeng 'yon! Tanga!" ay kahit ang umaaligid na ipis sa tabi ng baso ko ay handang sumang-ayon. At makibatok na din.

That girl. Hindi yata sapat ang dami ng balbas ko sa dami ng kalokohang nagawa ko sayo. Kung aahitin, hindi naman din babawas 'yon kahit katiting. Siguro nga 'di sapat ang nariyan lang palagi sa tabi para masabing mahal ang isang tao. Siguro hindi tama yung palaging nagsasabing "I love you" para lang masabing hindi mo nakakalimutang mag-message sa kanya. Araw hanggang gabi. At siguro hindi rin tama kung ang mensaheng 'to ay puro palabok ang laman, para lang pilitin syang ma-impress. Dapat totoo. Dapat galing sa parte ng katawang nagsu-supply ng dugo sayo. Corny no?

Kunot na siguro ang noo mo. Wala kapa kasing nababasang importante dito. Hindi na mahalaga yun. Ang purpose naman nito ay paghingi ng patawad, at hindi bolahin ka. "Sorry ha!" ayan, nasabi ko na. Bahala ka na kung sasalain mo pa o hindi. Pero kung lulunukin mo yan, malalaman mong hindi peke. Kasi buo. Kasi galing sa puso. Alam mo mahalaga ka sakin. Hindi man ako masyadong nagpapakita,  hanggang kaya ay pilit kong pinapadama. Lately ko nga lang nalaman na kung ganoo ka-totoo yun. Pinatunayan ng mga gusot sa bed sheet ko. Nagbubukas ako ng phone, tsaka ko lang maalala na ang gago ko. Huling-huli ako ng sarili ko na hinahanap ang text messages mo. Nakakainis. Hirap kasi akong mag-express lalo na't may mali ako.

Immature ako, promise! Hindi pala talaga 'ko marunong magdala. Kabisote. Pero pinipilit ko naman i-maneho ang kotse natin, kahit alam kong mababa ang kalidad ng lisensya ko. Kahit alam kong kahit anong oras ay pwedeng madisgrasya tayo. Kahit alam kong may karampatang parusa ang paglagpas sa red light. Hayaan mo sa susunod ikaw na ang driver, para maturuan mo ako ng tamang pagbaybay sa kalyeng tinatahak natin. Pangako, tahimik lang ako at hindi ka bibigyan ng sakit ng ulo, para 'di tayo maligaw kung sakaling may nakakalitong daan. At kung malasin man at may lubak na madaanan at ma-flat ang gulong. Huwag ka ng iiyak. Tutulungan naman kitang magtulak ng sasakyan, wag lang tayo ma-stuck.

Nga pala. Pasensya na kung mas maarte ako sayo. Hindi ko lang talaga gustong malaman nila kung gaano mo 'ko ka-mahal. Baka lang kasi may mainggit. Mahirap na. Hindi kasi sanay ang mukha ko sa suntok. Biro lang. Sanay kasi akong nagpaparamdam lang. Nang-gugulat at bigla-bigla nalang susulpot sa bahay nyo, kung kinakailangan.

Uy! Dito nalang ha. Sobrang antok na kasi ako. Hindi 'to pilit pero umaasang ma-appreciate mo. Ay, teka may last pa. Tinanong mo pala ako kung iiwan ba kita. Naalala mo sagot ko? Sinabi ko nga palang "oo" kasi 'di ka naman pwedeng sumama kung madededo ako. Totoo yun! Kahit mukhang banat lang, at least original. At bagay sayo ang "dot girl" yun na lang ang tawag ko sayo. Hindi naman ako gwapo para magdagdag pa. Mas gusto kong may tuldok na, pagkatapos ng pangalan mo.

"Brains!" sabi ng kasama ko. Hindi ko pa na-gets kung hindi nya pa tinuro ang switch ng ilaw. Ipatay ko na daw.

Isang Dosenang Rosas


Hindi na bago ang dami ng tao sa mga flower shop, sa tuwing sasapit ang araw ng mga puso. Kahit kulang ang budget mas pinili ko ang mamili sa mall, kaysa sa dangwa na hindi mahulugan ng karayom sa dami ng tao at mangungupit ng pitaka. Palingon-lingo pa 'ko sa paligid. Ako na pala ang susunod sa pila, kaya pala nakasimangot na yung aleng nasa likod ko.

"450 po sir" bungad ng kahera matapos kong iabot ang isang dosena ng pulang rosas.

Nagbukas ako ng pitaka. Bagamat nakakaiyak talaga at kalunos-lunos ang sasapitin ng aking pitaka, mas pinili kong mag walang kibo. Solve naman ako nito kung matutuwa ang aking nobya. Sigurado mayayakap nya 'ko sa tuwa at makakalibre pa ng halik. Mawawalan na din sya ng dahilan para hindi mag-reply sa mga txt messages ko.

Palabas na ko ng mall ng may lalaking kumapit sa balikat ko. Hindi pa sana ako maniniwalang si Jake yun kung hindi ko nakita ang balat sa kanyang kaliwang tenga.

"Ikaw na ba yan Rudy?" pauna nya.

"May nagbago ba sa mukha ko? Kamusta na? Pumayat ka ha!" nakangiti kong sagot habang nakatingin sa bitbit nyang bulaklak.

"Kakauwi ko lang galing Baguio noong isang buwan. Ikaw? Ano nang balita sayo?"

Wala pa din pinagbago si Rudy. Kung ano ang kilos at pananalita nya noong kolehiyo kami ay halos walang pinagkaiba sa Rudy na kaharap ko ngayon. Yung sakit nyang paghawi ng buhok kahit walang bangs ay hindi pa din nawala.

Solid. Sa ganung salita ko pwedeng idescribe ang aming samahan. Palibhasa kaklase ko simula unang taon hanggang sa makalusot kami ng kolehiyo. Sa dami nga ng kalokohang nagawa namin ay hindi ko na maalala kung ano ang pinaka corny. Lalo na pagdating sa babae. Panata naming hindi lalagpas sa isang buwan ang relasyon namin sa isang babae. At madalas naming binibiktima ang mga 1st year students, kung saan mga bagong mukha at nagsisimula palang mag-explore.

"Si Margie?" biglaang tanong nya.

"Wala na kami pre"

"Oh, talaga? Sayang naman. Sa dami ng babaeng dumaan sayo noon, sya lang ang sineryoso mo tapos nawala pa"

"Oo nga eh! Nanawa na siguro sa mukha ko. Bigla nalang kasing nawala noong naka-graduate tayo" tugon ko.

"Buhay nga naman.." sabay kanta ng isang linya sa kanta ng eheads na pare ko.

"Siraulo! Eh, si Donna? Para sa kanya ba yan?" usisa ko sa dala nyang bulaklak.

"Sino si Donna? Hahaha! Wala! Nag ibang bansa!" natatawa nyang sagot kahit wala naman akong joke.

"Kayo pa?"

"Kami pa? Hindi! Nag-asawa ng ibang lahi." bumaba ang kanyang boses. "Nakakatawa no?"

Itinuloy ko ang isang linya sa kantang pare ko. Sumimangot ang loko.

Naupo kami sa isang table sa isang sikat na kapehan sa mall. Sinariwa ang mga kalokohan at mga nagdaang babae sa buhay namin noong kolehiyo. Hindi maiwasang matawa pa din, kapag maalala ang pag-iyak ng kanya-kanyang syota sa tuwing makikipag-break kami. Sa ganung mundo lang umiikot ang aming buhay noon. Lokohan lang at lahat ng relasyon, at bawal ang sumeryoso.

"Akala ko nga makakaya ko ng mawala si Donna. Sabi ko nga nagawa kong mag-paiyak ng mga babae noon, kaya 'di ako papayag na paiiyakin ako ng pagkawala nya" seryoso sya habang humihigop ng kape.

"Ako din. Kung kailan natuto na kong magseryoso at magmahal, tsaka pala ako iiwan nalang ng basta lang" sagot ko.

"Hindi kaya kinarma tayo? Hahaha!"

"Siguro nga. Pauso mo kasi yang bawal mag-seryoso!"

"Aba! Malay ko bang mahuhulog ang puso ko. Tsaka ikaw 'tong unang nagmahal, sumunod lang ako!"

Mali ang akala naming habang buhay kaming maglalaro ng damdamin ng mga kababaihan. Huli na ng malaman naming kami na pala ang pinaglalaruan. Kami na pala ang nasasaktan. Sa huli ang birong ginagawa namin ay sa amin din ang bagsak ng tawanan.

"So, sa ngayon seryoso ka na sa nobya mo?" tanong nya habang nginunguso ang hawak kong bulaklak.

"Oo pre. Mahirap nang mabalikan" natatawa kong sagot.

"Eh, ikaw? Props ba yan para maka-score?" biro ko.

"Loko! Seryoso 'to! Solid pre!" pagyayabang nya.

Kaunting kwentuhan pa bago namin nilisan ang mall. Sa paglalakad, mahahalatang iba na ang aming tingin sa mga kababaihan. Nagbago na 'ko. Ganoon din si Jake. Sira na ang pangakong isang buwan lang ang expiration ng aming pagmamahal. Solid na kami. Solid na kung magmahal.

"Pre! Hindi ka maniniwala! Kilala mo si kulot?"

"Kulot? Sino yun?"

"Yung klasmeyt natin noong 3rd year? Sya ang girlfriend ko ngayon! Nagulat ka no? Hindi ko din alam na ma-i-inlove ako doon"

"Si Ednalyn ba tinutukoy mo?" hindi ako makapaniwala.

"Oo! Ganda na nya ngayon kung makikita mo lang"

Iniabot ko sa kanya ang bitbit kong bulaklak. Itinuro ko ang dedication letter na nakadikit pa.

"Pre, naloko yata tayo.." mahina nyang bulong.

Buhumos ang tawanan sa pagitan naming dalawa. Mga ngiting hindi makapaniwala sa nangyayari sa amin ngayon. Ngiting dismayado ng mga lalaking naging hobby ang manloko.


-End




-------------------------------------------------------------------------------------------------------

ako pala nag-drawing nyan hehe!

Dolor

image credit to Kmye Chan

Matagal bago nasundan ang aking paggalaw. Tahimik at nakatitig lamang sa maamo nyang mukha, habang sya'y mahimbing na natutulog. Kumurap lamang nang may nagdaang kulisap sa aking kaliwang mata. Sumimangot. Nagtaka. Nainis. Nagbuntong hininga.

"Maganda ka pa din kahit tulog.." mahina kong bulong. Ayaw kong sirain ang kanyang mahimbing na pagkakatulog.

Nakakatuwa talaga syang pagmasdan. Bilugan pa din ang kanyang mga mata kahit nakapikit. Ang kurbada sa kanyang labi, ay palagi nalang akong tinutukso at pinasasabik. Ang natural nyang mga kilay na ilang beses kong pinagdudahang inaahit, kahit na pinipilit nyang hindi. Gusto ko din ang kanyang malambot na kamay. Sayang nga lang at iyon ay natatakpan. Ngunit sa lahat, ang kanyang ngiti ang aking paborito.

"Gising na mahal.. Nandito na 'ko.." bulong ko.

May naramdaman akong paggalaw, pero hindi ako sigurado. Lalo tuloy tumaas ang pagnanais kong angkinin na ang kanyang mga labi. Pinigilan ko ang sarili. Mahirap na. Hindi pala ang tipo nya ang natutuwa kapag ginugulat na lang bigla. Nainis. Napakamot. Napabuntong hininga.

"Anna.. Gising.." pangungulit ko sa mababang tono. "Ma-mahal.."

Napahinto ako. Nalungkot bigla. Nainis. Malalim na buntong hininga.

Kailan ko ba huling sinabing, mahal ko sya? 

Ang totoo ay hindi ko na maalala. Hindi kung kailan o ilan. Yun ay kung ano ang totoo, at kung ano lang ang inaantok. Kung ano ang galing sa puso, at hindi yung responsibilidad lang. Ngayon ko lang naalala ang dahilan kung bakit ko nga ba sya minahal. Ngayon ko lang naalala na wala nga palang dahilan ang pagmamahal. Ngayon lang, kung kailan ko sya naalalang balikan matapos ang ilang buwan.

Ngumiti ako ng bahagya. Ngiting may pinaghuhugutan. Hinaplos ko ang kanyang kanang pisngi ng dahan-dahan, huwag lamang syang ma-uga.

"Mahal kita ha.. Lagi mong tatandaan.." nakangiti kong wika.

"Nak, kape ka muna. Mahaba pa ang gabi.." ani Inay. 

May tubig na palang pumapatak, Sinalo lamang ng salaming nakaharang sa pagitan ng aming mukha.


-end


Pagtatapat


"Bye! Bukas nalang ulit.." paalam ni Nicca. Pilit pinipigilan ang mga nangingilid ng luha.

Kahit labag sa kalooban ni Anthony ang pagpapa-alam ng kabiyak, mas pinili nya pa din hindi magmukhang apektado. Alam nyang kinabukasan ay wala nang Nicca syang makikita, at ang salitang "bukas" lang ang totoo sa sinabi ng kabiyak.

Tinapangan nya ang sarili. Ayaw nyang masira ang titulong siga sa kanilang lugar. Palibhasa laking basag ulo. Mapapalitan na nga daw ang chairman ng baranggay, pero hindi mawawala ang kanyang record. Suko din ang tiyahing nagpalaki sa katigasan ng ulo ni Anthony. Kung may mapapasahang malapit na kamag-anak, ay ibibigay nya na lang wag lang daw madagdagan ang uban.

"Mahal kita.." tanging nabanggit ng binata.

Ngumiti lang ang dalaga, tsaka humakbang palayo. Mataas ang ginawa nyang pagtingkayad, maabot lang ng tingin ang lumalayong kabiyak. Gusto nyang mainis, pero sawa na sya. Nais nya ding magalit, ngunit para saan pa. Kung salitang bukas lang ang kanyang panghahawakan, mas gugustuhin pang hindi na sya sikatan ng araw.


Anim na buwan ng magkakilala si Anthony at Nicca. Bagong lipat lang noon ang dalaga sa kanilang lugar. Dating may kaya ang pamilya na ngayon ay naghirap ng dahil sa amang lumayas, matapos makatikim ng ibang sarap. Nagpasya ang pamilya ng dalaga na ibenta lahat ng pag-aari, at ang lumang bahay ng matandang namayapa ang kanilang napiling bilhin.

Maayos ang naging takbo sa simula. Naituloy din ng dalaga ang kanyang pag-aaral sa hindi kilalang eskwelahan. Nakahanap ulit ng hanapbuhay ang kanyang ina. Hindi man kasing laki ang natatanggap nyang salapi 'di tulad dati, ay kuntento na daw sya kesa sa paghahabol sa asawang pilit syang hindi kinikilala. Nagbago lang nang makilala ng dalaga si Anthony.

"Hatid na kita miss! Maraming tambay dyan baka kursunadahin ka" alok ni Anthony.

"Salamat na lang! Kaya ko sarili ko" pagsusungit ng dalaga, bagamat may kaunting takot ding nadama.

"Magtatakip na lang ako ng tenga kapag narinig kitang humihingi ng saklolo" pananakot ulit ni Anthony.

Nakakadalawang hakbang pa lamang ang binata, mabilis ng kumabig si Nicca. Mas nakakatakot nga naman ang eskenitang kanyang dadaanan, kesa sa mukha ni Anthony. Hindi pa din nya kabisado ang lugar para magtapang-tapangan. Wala namang mawawala kung tatanggap sya ng tulong.

Kinabukasan, ganoon din ang naging istilo ni Anthony para makuha ang loob ng dalaga. Tulad ng ibang lalaki, nabibighani lang din sya sa dalaga. Huli na ng kanyang malamang lumalagpas na pala sya ng bahay kakaisip kay Nicca.

"Hatid mo na 'ko!" usal ni Nicca ng maabutang nakatambay ang binata sa tindahan.

Umusbong agad ang bulungan ng mga kapitbahay sa narinig. Para bang paulit-ulit na nabiktima ng bagyo ang kanilang reaksyon. Lingid sa kaalaman ni Nicca, si Anthony na ang kinamumuhian ng lahat ng tao sa lugar. Kesyo nakuha pa daw pumatol. Walang taste, at halatang salat daw sa gabay ng magulang. Iba ang trip ng mga tao sa paligid. Hindi pa napipisa ang itlog, sinasabi na nilang sisiw ang laman.

"Kanina ka pa tahimik.. Hindi ako sanay ng ganyan ka" pag-aalala ng dalaga sa kasabayang maglakad.

"Ano kasi e.." pigil na sagot ni Anthony.

"Anong ano? Kung may problema, ako nalang mag-isa. Sa tingin ko kaya ko na naman"

"Hindi!" pigil agad ng binata. Naglalaro sa isip nya kung sasabihin ba nya ang nararamdaman. Kahit sa sarili nya alam nyang hindi sya nababagay kay Nicca. Alam ng buong baranggay ang hatid nyang problema, pero nagbago na sya bago pa man nya malamang nahuhulog na sya sa dalaga. Tinatakot sya ng sariling multo. Kinakain sya ng sarili nyang halimaw. Nilulubog ng sariling katauhan. Basura sya ng lipunan.

"Nicca! Nicca!" galit na wika ng kanyang ina. May tinig na humihiwa ng dagat.

Balikwas si Nicca sa kanyang pagkakahiga. Mabilis na hinarap ang kanyang inang pwedeng pakuluan ng tubig ang ulo, dahil sa sobrang init. Abot langit ang panalanging walang nangyayaring masama. Nag-abot sila sa sala. Hindi pa man sya nakakapagsalita, inunahan na sya ng malingawngaw na sampal.

"Hayop ka! Pinag-aaral kita!" bulalas ng kanyang ina.

Hindi alam ng dalaga ang isasagot. Wala syang matandaang pinalagpas na exam sa school. Kahit quizzes ay hindi nga daw makakapagtago sa kanya, kaya malabo na agad ang bintang ng kanyang ina.

"Magtapat ka! Buntis ka ba?!"

Natigilan si Nicca. Wala syang alam sa sinasabi ng kanyang ina. First kiss nga hindi pa natitikman, yun pa daw na first..

"Hindi po! Saan naman galing yan?!" sagot nya sa ina.

"Sa dami naman ng lalaki bakit doon pa sa Anthony na yun! Anak naman.. Basagulero yung tao! Walang magandang bukas kang haharapin dun!"

"Nay, hindi po ako buntis! At hindi ko sya boyfriend!" depensa nya.

"Madalas daw kayong magkita! Yun ang balita sa akin ni Aling Elsa"

Hindi pa man nabibiyak ang itlog, sinasabi na agad na sisiw ang laman nito. Tulad ng nararamdaman ni Anthony kay Nicca. Wala pang first move, nabuntis na. Iyak na lamang ang naging sagot ni Nicca sa kanyang ina. Gusto nyang magalit, pero hindi nya alam kung kanino nya iyon ibubuntong. Nais nyang kausapin ang binata, ngunit alam nyang hindi magandang sagot iyon. Sa huli ang desisyon ng kanyang ina ang masusunod. Nilayuan nya ang inosenteng binata.

Tulad ng mga basurang ibinabato ng mga nakapaligid kay Anthony. Tulad ng mga mabahong amoy na pilit itinuturo sa kanya.
Tulad ng mga mapanghusgang matang sikretong nakatitig sa bawat galaw nya. Tinupad ni Anthony ang nais ng kanyang lipunan para sa kanya.

"Mahal kita.." huling salitang nabanggit nya kay Nicca.

Galit ang mga ugat sa kanyang binti, masulyapan lang ang pag-alis ng kanyang minamahal. Huli na para sa kanya ang pagtatapat, ngunit masaya sya dahil naipaalam nya ito kay Nicca.

Yun nga lang sa likod ng malamig at nakakangilong kalansing ng selda.


-end

One Morning of July - 6

(Ang imahe ay mula sa malikhaing isip at kamay ni Melala)

***

"What's next?"

Kung race track lang ang isip ko, siguro hugis oval na ang ulo ko. Paulit ulit ang takbo ng tanong nya sa isip ko. Sa totoo lang naisip ko na ang mga possible na sagot, kaso nahihirapan ang utak kong i-evaluate kung ano ang mas maganda. Sa tipo nya, kailangang hindi magmukhang nilalakong daga ang mga sinasabi ko, kahit dinadaga na ang dibdib ko. Ano nga bang kasunod sa pagbibigay ng bulaklak? Hindi ba pwedeng sabihing gumagawa ka lang ng tulay o nag-i-invest? Ayoko nang mag-isip. Time's up!

"Ayan na yung order!" paglilihis ko ng usapan. Nang lingunin nya, agad kong ipinatong sa table ang bulaklak.

Prente! Walang kakaba-kaba! Napangiti sya nang mapansin iyon. Pasimpleng tinitignan ng kanyang mga mata, kahit alam kong ayaw nyang pansinin. Ilang saglit pa nakarating na sa table namin ang order. Umuusok ang soup na kung hindi nilagyan ng brocolli ay halos walang pinagkaiba sa soup ni nanay.

"Magkano yan?" tugon nya sa bulaklak.

"Hindi naman kita sisingilin" maagap kong sagot.

"Oh sige! Para saan nalang yan?"

"Para sayo. Bawal ka bang bigyan ng regalo?"

"Noel, ang gift nakabalot"

"Na-surprise ka naman 'di ba? Parehas lang ng pakiramdam yun!" biro ko.

"Bakit kailangang i-surprise?"

"Para magulat ka!"

"Hindi pa ba sapat yung nagising akong kasama ka?" manipis ang kanyang bilugang mata.

"Uyy! Binabalik talaga!"

Nagbago ang ihip ng hangin. Wala naman akong nabalitaang sasama ang panahon bago ako umalis ng bahay, kaya nakakapagtakang seryoso pa sa may diarrhea ang mukha nya. Dagdag pa ang suot nyang eyeglasses na tinalo pa ang pagkataray ni Ms. Ramirez, tuwing magle-lecture ng life cycle ng ipis. Nakakapanibago. Kung may problema siguro hindi naman ang brocolli soup.

"Saan tayo after nito?" biglaang tanong nya. Muntik ko nang maitaktak ang asin sa juice sa sobrang gulat.

"Ikaw! Saan ba trip mo? Maaga pa naman" nakangiti kong sagot.

"Bakit ganyan ang ngiti mo?" angat ang kaliwa nyang kilay. "Gusto kong maglakad-lakad.."

Minsan iniisip ko kung biktima ba sya ng CAT officers na mahilig mag power trip noong high school. Mag-martsa kasi ang hobby nya. Hindi na siguro kailangang utuin sya para mag jay walking. Wala namang magagawa. Hindi pa naman basa ang panyo ko. May bakante pa para sa pawis.

Nagkaroon pa ng kaunting conversation bago namin iwan ang restaurant. Simpleng usap lang. Yung tipong magkumare lang na ginagawang piknik ang chismisan. May mga pagkakataong tila wala sya sa sarili. Napapatulala nalang sya bigla, ibabalik nalang ang atensyon sa akin kapag tapos na yung mga kwento kong mas interesante pa ang buhay ni Sarah Balabagan.

"Saan na tayo?" tanong ko.

"Kahit saan! Gusto kong maglibang. Boring na kasi ang buhay.." mababaw ang kanyang tinig.

"May problema ba? Kanina ka pa mukhang constipated"

Huminto sya ng hakbang. Sinukat yata ang height ko dahil sa titig nyang mula ulo hanggang tip toe. Ngumiti ng pilit, at naglakad ulit. Ang weird! Pinipilit kong sumakay sa trip nya, pero hindi ko makuha ang tama ng tinira nya. Nilalaro pa ang bawat hakbang. Sikreto nalang akong napapangiti sa ginagawa nya.

"Naniniwala ka bang pabago-bago ang isip ng babae?" biglaan nyang tanong na parang binunot lang sa fish bowl.

"Sasagutin ko yan sa next life ko. Wala kasing palatandaan na naging babae ako sa past life ko"

"Based sa experience lang! Yung mga naging girlfriend mo.. Meron ba?"

"Oo naman!" mayabang kong sagot.

"Oh, meron ba sa kanilang ganun?"

"No offense! Pero moody talaga ang babae e! Minsan hindi ko sila maintindihan. Kapag badtrip sila ayaw nilang kinakausap. Kapag okay na, naghahanap naman ng ikaka-badtrip. Malas ng boyfriend kapag sila ang target"

"Kunyari ako ang girlfriend mo.."

Humaba tenga ko sa narinig. Kung walang kunyari baka umabot na sa batok ang ngiti ko. Tumalikod muna ko para ilabas na lahat ng ngiti bago muling humarap sa kanya. Umubo kahit wala namang laman. Masabi lang na may pagka-brusko ang tinig.

"Kung ikaw ang girlfriend ko? Okay lang! Hindi naman ako mapagpatol e!"

Seryoso ang sagot ko. Walang joke doon. Pero sa lakas ng tawa nya, pinaparamdam nyang pwede akong komedyanteng hindi nakakatawa. Tumahimik na ko bago pa ko mainis at maisipag ipasok sya sa sarili nyang bibig. Nangingilid na ang luha sa kanyang mata, tuloy pa din. Maya-maya pa tumahimik. Naubusan yata ng hangin.

"You're funny!" bwelo lang pala. "Sorry ha! Nakakatawa ka kasi!" dugtong pa nya.

Mukha na kong tanga pero okay pa din. Daig ko pa yung mga artistang hinahampas ng dyaryo sa ulo, kapag sablay ang sagot sa main cast. Pero tulad ng sabi ko.. Okay lang! Napatawa ko sya. Napasayaw ko ang tonsil nya. Bonus siguro kung kakabagin sya.

"Tara na nga!" wika nya sabay angkla sa braso ko.

"Saan?" pigil ko.

"Napatawa mo ako e, so ikaw ang masusunod kung saan"

May bahagyang pagpatak ng tubig sa pisngi ko, akala ko laway lang ng kausap ko. Hindi marunong makisama ang panahon. Ayaw din yata sa sagot ko. Hinila ko sya sa malapit na masisilungan. Lumakas ang patak ng ulan, bago kami makapagtago. Stranded kami sa isang bus shed. Bwisit! Nabasa pa polo ko. Hindi pa din nawala sa mukha nya ang ngiti. Nakakainis, pero nakakatuwang pagmasdan.

"Mahina ka kasi sa taas e!" natatawa nyang sabi habang nagpapagpag ng nabasang mangas.

"Malas ka lang yata siguro.." mahinang bulong ko.

"Narinig ko yun!" susuntok pa sana sa braso ko, pero mabilis akong nakaiwas.

"Lakas daw kasi ng tawa mo! Para daw pulitikong nanalo" pang-aasar ko pa.

"Eh sa nakakatawa naman kasi ang sagot mo!"

"Ano bang nakakatawa dun? Seryoso naman ako.."

"Yun nga ang nakakatawa dun!" sinundan pa ng sunod-sunod na tawa na hindi naman lalakas sa galit ng panahon.

Natigil lang ang kulitan nang humangin ng malakas. Linsiyak! Mukhang hindi magandang pangitain ang bitbit na lamig. Hindi pa naman ako masunurin sa nanay kapag sinasabihan akong laging magdala ng payong.

Paglingon ko nasa isang sulok na si July. Iniiwas ang sarili sa nanghahabol na patak ng ulan. Nakakawiling pagmasdan sya na parang batang takot sa kulog at kidlat. Tinabihan ko sya. Hinarang ko ang sarili, para hindi sya mabasa ng tubig na bitbit ng hangin.

"Ang sweet naman.. Hindi lang halata sa mukha.." bulong nya sa akin.

"Lamig no?" tugon ko. "Saan na tayo ngayon?"

Nagpasayaw-sayaw muna ang labi nya mula kanan hanggang kaliwang direksyon.

"Sa tingin mo masarap ang beer sa ganitong panahon?" nakangiti nyang sagot.

"What's next after ng beer?" alangan kong tanong. Hindi sya sumagot, bagkus ay isang nakaka-akit na ngiti lang ang sukli nya.

"Ano nga ulit sagot mo sa kung ikaw ang boyfriend ko?"


Mabilis pa kay Usain Bolt of Jamaica ang pangyayari. Kumurap lang yata ang naalala ko, tapos madilim na kwarto na ang kasunod. Sinarado ko ang pinto gamit ang kaliwang paa, huwag lang magkahiwalay ang aming labi. Hinubad ko ang basang polo, bago pa man bumagsak sa kama ang katawan ko. Hindi ako makapaniwala sa nangyayari. Akala ko sa PGT lang uso ang expect the unexpected.

Hindi ko na mabilang kung ilang beses kong binalikan ang kanyang labi. Baka kasi paggising ko hindi ko na maalala kung anong pakiramdam. Katawan na mismo ang kusang dumidikta ng mga mangyayari. Passive level 4 ang skill ko sa mga sandaling 'to. Hindi alintana kung anong mangyayari. Walang reaskyon, puno ng emosyon.

"Wait!"

"Bakit?"

Tinanggal nya ang suot nyang eyeglasses. Ipinatong ang magkabilang kamay sa aking batok, at saka hinila ako pabalik. Madilim ang kwarto. Malalalim na buntong hininga. Blangko na ang kasunod.

"Lead on.. to keep our feelings strong, and make me still believe."

Ginising ako ng alarm tone ng aking phone. Mataas na pala ang sikat ng araw. Sinakop na ng liwanag ang kalakihan ng bintana saking kwarto. Mabigat ang aking ulo. Dahan-dahan kong idinilat ang aking mata. Una ang kanan, at huli ang kaliwa.

"Ay! Syet!"

Bumalikwas ako, nang maalala kong iba na naman ang kanyang katauhan sa susunod na araw. Hinawi ko ang makapal na kumot na tumatakip sa aking katawan. Napahinto ako. Hindi kaagad ako nakapagsalita. Wala na si July.

Mabilis akong tumayo. Nag-ikot ako sa buong bahay. Walang iniwang bakas ang babaeng malakas tumawa sa seryosong sagot. Liban nalang sa bulaklak na aking ibinigay, na naabutan kong nakapatong sa ibabaw ng shoe cabinet.

"Weird.." natatawa kong bulong sa sarili.

----

"Kayo na?" bungad ni Nancy. Tumingin ako sa relos. Sa sobrang busy, hindi ko na namalayan ang oras. Hapon na pala.

"Anong kami na?"

"Ahh.. Hindi pa pala" tinapik nya ang balikat ko, tsaka nilapit ng kaunti ang kanyang bibig sa aking tenga.

"Nandito sya kaninang umaga.." bulong nya.

Napakunot noo ako. Gumising sya ng maaga para pumunta dito ng opisina? Kung si Mr. Reonico na kanyang ama, ang kanyang binisita ay hindi na nakakapagtaka. Hindi lang maalis sa isip ko na bakit parang hindi na sya nagulat ng magising syang ako ang kanyang katabi. Walang sinabi ang x-files sa misteryo ng kanyang pagkatao, o nasobrahan lang ako sa kaligayan kagabi.

"I think may importanteng lakad ang pamilya nila. Mukha kasing taga travel agency yung kasamang lalaki" dugtong nya pa.

"Nakuha mo pangalan?" usisa ko.

"Hindi eh! Tinawag kasi ako ni Ma'am Audrey" nakangiti nyang sagot. "Pero matangkad sya. Bilugan ang mukha, at gwapo"

"Parang ako?" biro ko.

"Ay! Oo! Hawig kayo" sagot nya habang nakatitig sa isang katrabahong hindi lalayo ang mukha sa mga kontrabida sa pelikula ni FPJ.

"Bagay kayo.." pang-aasar ko.

Nagkaroon pa kami ng kaunting pag-uusap bago sya umalis. Inilihis ko ang usapan para hindi madulas ang dila kong magkasama kami kagabi. Nang makahanap ng tiyempo pasimple akong pumasok sa opisina ni Mr. Reonico. Alam kong kapag ganung oras ay palaging nasa coffee shop sya kasama ng kanyang secretary.

Naghanap ako ng kahit anong bagay na may kaugnayan kay July. Kahit anong papeles na posibleng makakapagsabi ng katauhan nya. Nagbukas ako ng mga drawer, filling cabinet, at mga personal na gamit ni Mr. Reonico. Ngunit bigo. Larawan lang ni July ang naroon. Palabas na sana ako nang may bigla akong naalala.

Binalikan ko ang larawan na nakapatong sa table. Ilang ulit ko itong pinaikot-ikot sa aking kamay. Tinitigan kong mabuti.

"Kung ikaw ang boyfriend ko.."

Bumalik sa isip ko ang tanong nya.


-tbc