Taym Matsing (250 words challenge)


Lahat ng lente ng kodak ay naka-abang. Lahat ng mata ng sambayanan ay na sa kuwadradong kahong nagbibigay kaalaman. Mismong ang Pangulo ng bansa’y hindi na mapakali sa kaniyang inuupuan. Lahat ay naiinip habang nag-aabang.

Taong 2020 nang naimbento ang aparatong kayang maglaro ng oras. Kauna-unahan sa mundo, ng isang pinoy na henyo. Si Art, bilang isang imbentor, siya na rin ang naatasang sumubok. Iisa ang kanyang misyon simula noong umpisa. Walang iba kundi hanapin si Hesus Kristo.

“Mr. President!” wika ng alalay ng pangulo, “Nagsimula na ang paghuni ng aparato!”

Palatandaang pabalik na si Art sa kabihasnan. “Ihanda ang media!” utos ng Pangulo, “At ang kape ko’t maintenance!” kasabay ang pagsilip sa kanyang bank account. Napangiti nang biglang tumaas ang mga numero.

Umilaw ng pagkalas ang aparato. Nanginig ng ilang ulit bago nito iniluwal si Art. Lahat ay tulala. Lahat ay hindi makapaniwala. Kasabay ng paglabas ni Art ang isang lalaking may kahabaan ang buhok at putting puti ang suot.

Batid sa itsura ng dalawa ang tila hirap na dinanas. Kung anumang nangyari’y wala ni isang nakaka-alam. Dahan dahan silang naglakad sa nag-aabang na entablado. Sa harapan ng mga taong noong umpisa’y mga kritiko. Akay nya sa kaliwang kamay ang lalaking walang pangalan at nagsabing..

“Mga kababayan! Na sa harapan ninyo ang taong maraming ulit na naglaro sa ating mga isipan!”

Nagpalakpakan ang lahat. Nagkaluto’t umusbong ang masigabong sigawan.

“Siya! Siya si Hesus!” matapang ang kaniyang tinig.

Bumulong ang lalaki kay Art, “Sir, dagdagan mo talent fee ko ha..”

Social Media

image credit to orig uploader

Tinalo ng boses ni Aling Temy ang ilang bote ng alak na itinumba ko kagabi. Sa sobrang lakas ng kaniyang sigaw, kahit ang alaga kong nakatindig ay biglang humandusay na lamang.

Agad akong bumalikwas sa kama. Hinagod ang gusot na buhok at panis na laway. Kinapa ko ang tsinelas gamit ang paa, at saka napagtantong kulang na ito ng isa.

"Anak, bumangon ka na!" sigaw ni Ermats, "Nagkakagulo sa labas!"

Marahan kong sinilip sa bintana kung ano ang mga kaganapan sa kalye naming abnormal na maituturing, kung bigla na lamang naging tahimik. Sinabayan ko ng higop sa kape at hithit sa yosi ang mga ginang at kabataang tila may welga.

Yung lugawan sa tapat ng bahay namin na langaw lamang ang nabebenepisyo ay bigla na lamang dinumog ng mga moso't mosa. Tuwang tuwa naman ang tindera't naubos ang kaniyang paninda.