Teenage Cappuccino - 24

TEENAGE CAPPUCCINO - Her Rules  (Chapter 24)


"The worst feeling is to love, and not be loved in return." echos!


Muntik ko nang makabisado lahat ng moral lesson sa grimm's fairy tales, nung sermunan ako ni ermats sa telepono. Ilang ulit nyang pinaalala sa akin na nilagay nya daw sa pulang lunch box na may tatlong layer ang baon ko, para sa buong maghapon. Tiyak daw na hindi ako magugutom, dahil pinadalhan nya daw ako ng sobrang pera, kahit hindi ko naman talaga hinihingi. Pero ang ending, nandito ako sa ospital at nagpapalipas ng oras para sa desisyon ng doktor na pwede na akong umuwi at sa bahay nalang ituloy ang sequel ng sermon ni nanay.

Hindi pa din ako makapaniwala sa news feed na binigay ni Richard. Nilapat ko na ang aking mga paa sa sahig, naramdaman ko pang malamig ito dahil sa naka full blast na aircon ng kwarto. Naupo ako sa gilid ng kama at bahagyang kinamot ang aking ulo, na noon lang ay parang nahihilo pa. Pinipilit ng utak kong i-rewind kung ano nga ba ang mga nangyari bago ako tuluyang mawalan ng malay. Pero wala, kahit yata himayin ko ang kapirasong laman sa loob ng ulo ko, eh wala akong mapipigang ala-ala. Tuluyan na kong tumayo matapos mapagdesisyonang hindi makakatulong ang pag-iisip sa pagsusulat. Bubuksan ko na sana ang pinto ng kwarto ng marining kong may taong papalapit, at hindi ko alam kung saan manggagaling.

Mabilis na bumukas ang pinto patungo sakin, at agad naman akong napa-atras. Ngunit laking gulat ko nang makita kung sino ang sumalubong sa akin. Ipinatong nya ang kanyang kanang kamay saking kaliwang balikat, at sinundan ng nakakapagtakang mga ngiti. Animoy walang bahid ng kahit anong kasalanan ang kanyang pagkatao, kapag ganitong ngiti ang binibigay nya sa kaharap.

"Ok ka naba? Ano sabi ng nurse?"

"Ok na naman ako, hinihitay ko lang ang desisyon ng doktor" paliwanag ko.

"Ako naghatid sayo dito, at ako na din nagbayad ng bills mo. Wag mo nang isipin din yun kasi hindi ko naman pababayaran sayo.."  natatawa nyang sabi.

"Salamat! Pero tingin ko kailangan kong bayaran yun, parating na din si nanay para sunduin ako. Uhm.. Teka, paano nga ba kita mababayaran?"

Iginala muna ang kanyang mata sa loob ng kwarto, bago ito tuluyang sumagot at binaling ulit sakin ang tingin.

"Sinabi ko nang wag mo nang isipin yun. Saan ka ba nakatira? Ihahatid na lang kita!" anyaya nito.

"Hindi! Huwag na! Parating na din si nanay, baka magkasalisi lang kami.. Tska sasabay naman samin yung dalawang kaibigan ko--"

"Si Richard at Agnes? Umuwi na sila, sinabi kong ako na maghahatid sayo. Tawagan mo na din ang nanay mo sabihin mong ihahatid na kita sa inyo" mapilit na naman nyang suhestiyon.

..
...
....

Hindi ko alam ang balak ni Sebastian sa mga oras na ito, pero napilit nya talaga kong pumayag sa paghatid. Binuksan ko ng bahagya ang bintana ng autong sinasakyan namin ngayon. Meron kasing kung anong amoy na mabango ngunit nakakahilo o na-allergic lang ang ilong ko sa amoy ng ospital. Sinandal ko pa ng patag ang aking ulo, para lang hindi ako mangalay. Tahimik lang sya habang nagmamaneho, parang sa isang iglap ay hindi na sya yung lalaking kausap ko nung nasa ospital kami.

"Robert pangalan mo, tama ba? Sebastian nga pala. Hindi pa pala tayo nagkakakilala ng maayos" at sinundan na naman ng maamong ngiti.

Gusto ko nang sabihin sa kanyang matagal na syang bukang bibig ni Sophia sa akin, at talaga naman naiirita na ako kahit pa sa commercial lang sa tv ay sumabit ang pangalan nya, ay parang gusto ko nang dalhin yun sa technician para ipasira at hindi ipaayos.

"Oo, Robert nga.." mahina kong sagot.

Tumingin sya sa akin, bago pa sundan ng sunod na tanong.

"Boyfriend ni Sophia?"

Nagulat ako sa tanong nya, kahit pa expect ko na alam na nya ang samin ni Sophia. Sasagot pa sana ako, ngunit sinundan nya na yun ng malalim na buntong hininga.

"Mabait, at magiliw na babae si Sophia. Sadyang nasa maling panahon at pagkakataon lang nung makilala ko sya.."

Sa tono palang ng pananalita nya, alam kong may malalim na istorya na syang gustong hukayin at ikwento sa akin.

"Malaking istorya ang pag-alis ko para sa kanya. Noon pa man alam ko nang meron syang nararamdaman para sa akin.. at ganun din ako."

Hindi ko alam kung nagyayabang na ang isang ito, pero heto pa din ako at nakikinig sa kanya. Kahit pa nakatingin lang ako sa view sa labas ng bintana, at iniisip kung tama ba ang slogan ng DOT na "It's more fun in the Philippines".

"Pero tulad nang sinabi ko, nagkakilala kami sa maling panahon. Hindi ako naging duwag noon para aminin sa kanya, gusto ko lang magkita kami ulit sa hinaharap, at kung papalarin ay sana nasa tamang panahon na.."

Nalunod ako sa sinabi nya. Pero hindi ako humingi ng paliwanag. Sobrang naiintindihan kong mahal nya si Sophia kaya nagawa nya yun. Kung tutuusin halos pareho kami ng sitwasyon. Sa sitwasyon nya noon, at sa sitwasyon ko ngayon. Ang kaibahan lang iba na ang ihip ng hangin na kanyang nadatnan. Nakaramdam din ako ng konting awa para sa kanya, kahit pa parehas kaming aso na nag-aagawan sa iisang buto.

"Mahal mo ba sya?"

Tinanong nya ko ng bagay na kahit pa ipikit ko ang aking mata, takpan ang aking tenga, at mag bunjee jumping sa golden gate ay kayang kaya kong sagutin.

"Alam kong isasagot mo ay oo, pero.."

Hindi ko namalayan na bumagal na pala ang takbo ng sinasakyan naming auto, at pagkaraan ng isang minuto ay huminto na ito. Lumingon ako sa paligid, at hindi nga ako nagkakamali. Nasa tapat na ako ng cafeteria namin. Tinanggal ko ang seatbelt, inayos ng bahagya ang aking nagusot na damit, at handa na sanang magpaalam.

"Alam mo na bang, ayaw na ayaw nya ang naghihintay?"

Napako ang balak kong pagbaba sa sinasakyan, at napatingin sa kanya. Malayo ang kanyang tanaw, mababaw ang kanyang mga mata, at pinipilit dayain ang sarili. Kabisado nya si Sophia higit pa sa akin. Bigla nyang kinusot ang kanyang mga mata, para itago sa akin ang pagkalungkot. Humarap sya sakin, at sinundan agad ng ngiti.

"Robert, wag mong paghihintayin si Sophia.. Sigurado magagalit yun! Hahaha! Tska--"

..
...
....

"Mahalin mo sya tulad ng pagmamahal nya sayo. Ipaglaban mo sya, tulad ng ginawa nya sayo. Sisihin mo na ang sarili mo kahit sya ang may mali. Wag kang maiinis kapag naiinis sya. Saluhin mo lahat ng galit nya sa tuwing may problema sya. Makinig ka sa sinasabi nya, kahit sa bagay na wala naman talagang kwenta. Si Sophia ang babaeng mahirap maintindihan, pero masarap mahalin. Mahalin mo sya bilang sya, at mamahalin ka din nya bilang ikaw."

Hindi pa man natapos ni Sebastian ang kanyang speech sa tagpong 'to, ay mabilis nang umagos ang likido sa kanyang mga mata deretso sa kanyang pisngi. Napatawa pa sya bago ito tuluyang punasan. Walang akong naisagot sa kanya, bagkus tumango lang ako. Sinarado na ng lalaking kaharap ko ang kurtina ng kanyang pag-ibig.

Hindi ko na nagawang magpaalam ng maayos, mabilis kong sinara ang pintuan ng kotse. Mabilis din syang umalis, hindi na yata nahintay na pagtawanan ko sya kahit na ang totoo ay hindi ko naman gawain yun. Pinagmamasdan ko ang sasakyang minamaneho nya sa gitna ng kalsada, sa ilalim ng naglalarong ilaw ng kalsada. Tuluyan na itong naglaho, kasunod ang pinakawalan nyang emosyon.

--------------------------------

Pinipilit kong maghanap ng parte sa kama kung saan hindi tatamaan ng sikat ng araw. Ngunit hindi nagpatalo ang kalaban, lumipat lang ito ng ibang pwesto at umatake ulit. Dahilan para tuluyan na akong bumangon sa hinihigaan. Nakikigulo din ang ingay ng nagdaraang sasakyan sa tapat, kung pu-pwede lang talagang magwala, at lahat ng tao'y hihinto at makikinig sayo kanina ko pa ginawa ang maghamon ng away.

Tila lasing na natalo sa sugal pa ang galaw ko habang naglalakad papasok sa eskwelahan. Normal na araw, matapos ang abnormal na pangyayari kagabi. Halos napuyat ako kakaisip sa napakabilis na takbo ng buhay at kwento na siyang kinabibilangan ko. Sa kanina pang nakikipagtalong sikat ng haring araw, singkit ang aking mata habang tinatanaw ang gate ng eskwelahan.

Ganun pa din..

Walang pinagbago..

Luma at lalong niluma ng panahon..

Estudyante nalang yata ang syang instrumento para magsilbi itong bago. Liban sa sermon ni ermats kaninang umaga na trilogy ang dating, ay meron pa kong isang bagay na kanina pinoproblema. Yun ay kung paano ko haharapin si Sophia sa araw na 'to. Simula kasi kagabi hindi pa kami nakakapag-usap sa telepono man o sa cellphone.

....

Naabutan ko sa home room ang mga iilang babaeng kaklase na abala sa pagbabasa ng pocket books, mga backstreet boys na nagtutumpukan na naman sa likod, walang ibang ginawa kundi mang-asar ng iba at kapag nanawa sila, eh sila naman ang mag-aasaran. Wala pa si Richard.. Wala si Sophia.. Walang kwenta ang umaga, wala ding kwenta ang kwentong ito.

Tulad ng nakagawian tutuklasin ko muna ang upuan ko kung meron bang mabait na naglagay ng bubble gum, o di kaya eh pen corrector fluid sa dulo ng armchair. Mga lumang kalokohan ng malolokong estudyante na gustong makabawi sa iba dahil na bully ng iba. Life cycle na hindi mawawala sa HS.

Umupo, nagbukas ng notes, nagsulat ng kaunti, binura, tapos nagsulat ulit. Naisipan kong hindi productive ang ginagawa ko kaya minabuti kong sumandal nalang at maghintay ng parating na guro.

Tumama ang tingin ko sa kalendaryo na dinikit ng isang kaklase sa kanyang arm chair, mabilis kong napansin ang buwan ng disyembre. Hindi ko maiwasang mamangha sa bilis ng panahon, ilang buwan nalang pala lalabas na naman ang Holiday Superstar na si Santa para mag survey kung sino ang makulit at kung sino ang mabait.

Hindi ko maiwasang isipin ang graduation, ang pinaka huling kabanata sa pagiging HS ay ang pagsusuot ng toga, at piktyuran, isama mo pa ang amoy ng sampaguita at nagmamantikang labi ng mga kababaihan dahil sa lipstick. Para lang maging red lips sila kapag kukuhanan na ng litrato para idisplay sa ding ding ng bahay at itago sa kahon kapag limot na lahat ng napag-aralan.

Minsan talaga masarap sariwain ang mga nagdaang araw, na hanggang ngayon ay naamoy mo pa..


"Robert! Good Morning!"

Mabilis kong nilingon kung sino ang tumawag sakin, napangiti din kahit paano dahil si Richard ang unang slight na matinong makakausap ko sa umagang 'to.

"Brad-pit kumusta?"

"Ayos lang.." sagot ko habang tinutulak palapit ang katabing upuan para kay Richard.

"Nasaan si Sophia?" tanong nya ulit habang nilalapag sa upuan ang kanyang gamit.

"Wala pa eh, baka parating na.."

"Bakit hindi mo alam? hindi ba kayo nag-usap kagabi?"

Parang naasar ako sa sinabi ni Richard, di dahil sa kanya kundi dahil bakit nga ba wala akong alam. Pwede ko naman kasi syang tawagan, may load naman din ang cellphone. Ang nagawa ko lang ay isipin sya at ang sinabi ni Sebastian.

"Nakatulog ako agad paguwi.." palusot ko.

"Oh! Speaking brad.." mahina nitong bulong.

Relax.. Kahit pa nagtatayuan na anit ko sa pagkasabik sa kanya. Lumakas tibok ng puso ko, lalo na nung naramdaman kong huminto sya at mismong nakatayo sa gilid ko. Hindi ko magawang lumingon, kahit pa kanina pa nangangati ang mga mata kong makita sya. Pakunwari kong nilingon sya at hindi nagpahalatang alam ko na nadyan na sya.

"Morning.."

"Kumusta kana?" tanong pero hindi nakatingin sa akin.

"Ok lang, ikaw?"

"Good.. Busy kaba mamayang break?"

"Hindi naman, hindi naman ako laging busy bakit?"

"I need to talk to you.." sa mahinang boses.

"Bakit? No! I mean para saan ba?"

Hindi na sya tuluyang sumagot, at agad na naglakad palayo sa kinauupuan namin. Dumiretso sa ibang chair at doon tahimik na naupo. Nagsalubong ang kilay ko sa pagtataka sa mga kinilos nya. Pilit kong iniisip kung may ginawa ba kong pwedeng magpaaga ng semana santa.

----------

Para sa mga umiibig.. Sa mga taong nagbabalak umibig. Sa mga nakakaranas mapuyat at magkaroon ng tigyawat. Sa mga nilalang na napana ni kupido, at mga taong feeling araw araw ang pasko. Kayo na may love life, at ang mga torpe ang wala! Oo! Sila wala, ikaw meron! Ano bang dahilan bakita sila wala? Kaparehas ba nun ang dahilan kung bakit hindi nila ma-straight ang kabuuan ng Harry Poter? Madali pa din, kung ganun lang kadali mayaman na siguro ang mga nagka-counseling pagdating sa pagiging torpe. Ano bang sakit ang pwedeng itawag sa pagiging torpe, kung may scientific term nga yun malamang hindi ko alam.

Ayon sa aking survey nitong nakaraang araw. Isang bagay ang sadyang dahilan kung bakit nauso ang salitang torpe, yun ay dahil may rejection. Isipin mo kung walang rejection, walang trabaho si papa jack, hindi sana nauso ang blind date, at hindi pinatulan ng mga torpe ang mga social medias at pamosong unlitxt.

"Torpe ka ba?"

"Huh?! Biglaan tanong mo brad pit!" habang nakatingin pa din kay Sophia. Patapos na ang klase, at susunod ang break. Hindi ako mapakali sa nagdaang apat na oras. Pakiwari ko'y may hindi magandang hangin ang pumasok sa isip ni Sophia. Kakalagpas ko lang sa isang problema, sinundan naman agad. Linsiyak na love life 'to, hindi nalang tinulad sa bagong tambalan ni Coco Martin at Julia Montes.

"Hindi lang ikaw may problema sa love life brad, kaya kausapin mo na sya"

"Ano? Baka may dalaw lang ngayon kaya mainit ang ulo, ayoko nang sabayan"

"Tska anong kinalaman ng torpe dun, ang labo"

"Kasi yung moves mo parang nangliligaw palang eh! may gawd brad pit!"

...

Nag-ring ang bell, at mabilis na tumayo si Sophia. At dahil kanina pa naka idle ang mata ko kay Sophia, ay mabilis ko din syang sinundan. Sa bilis nyang maglakad, ay napilitan din akong mag walking marathon para lang masundan sya. Hindi sinasadya nabangga ko pa ang nagtatrabahong janitor, humingi ako ng tawad pero dirty finger lang ang sinagot nya.

"Bilis.. Bilis naman maglakad nito" bulong ko sa sarili.

Nakita ko syang tinahak ang hagdanan paakyat ng rooftop, na sa mga oras na to ay may mga estudyante pang binibilad sa arawan at ginagawang daing. Ngunit nung marating ko ang tuktok, tska ko naman sya hindi makita. Ginala ko pa ang aking mata, at naglakad ng bahagya. Natagpuan ko syang nakaupo sa ilalim ng waiting shed kung saan may tatlong upuan pang bakante.

Mabilis akong lumapit sa kanya, para tuklasin kung anong kalokohan ang inaasal nya sa araw na ito. Sasalubungin ko na sana sya ng ngiti, ngunit hindi natuloy dahil naunahan ako ng kaba nung makita ko syang pang MMK ang itsura.

"Sophia, anong problema?"

Tumingin sya sa akin, habang pinaglalaruan ng mga kamay ang kanyang hawak na panyo. Naglakad pa ako ng kaunti para hindi masinagan ng araw ang aking balat. Tska palang tumabi sa kanya. Pinagmasdan ko sya ng maigi, kung kanina lang ay parang galit sya sa mundo. Ngayon naman ay parang wala syang pakielam. Hindi ko na talaga maintindihan ang nangyayari.

"Robert, can you kiss me right now?"

Lalo nang nagpili-pilipit ang utak ko sa sinabi nya. Trip trip lang ba yun? Porket ba suki na sya ng mga halik ko? Pero imbes na ibaling sa kalokohan ang usapan, pinili ko pa din maging seryoso. Mas maigi nang laging may baon kang tanong sa bawat diskusyon.

"Right now? Bakit?"

"Anong bakit? Hindi mo na kelangan magtanong. Boyfriend kita at girfriend mo ako, So it doesn't matter." Sa pagka bossy nyang pananalita, muntikan na akong mainis. Parang hindi normal na Sophia ang kaharap ko kanina pang umaga.

"Kung may problema sabihin mo sakin, wala sa pamilya namin may talent sa panghuhula."

Lalong sumimangot ang kanyang mukha, tumayo sya at inambahan agad ako ng batok. Napapikit naman ako sa takot, o sadyang passive na yun dahil sanay na yata ang ulo ko sa bawat batok nya sa akin. Dinilat ko ang aking mata dahan dahan, nagsimula sa kanan. Nakita ko syang nakakagat pa sa labi, at nagbabadyang magmaktol anumang oras. Para talagang batang ayaw matulog sa tanghali.

"Nakakainis ka! Nakakainis ka!"

"Ako?" tanong ko habang lumilingon pa ng paligid.

"Oo! Ikaw! Wala nang estuyante dito, nagsibabaan na kanina pa!"

"Oh eh bakit nga?"

"Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa harap ni Sebastian na ikaw ang mahal ko, tapos bigla bigla mo nalang ako tutulugan?"

Kung yayayain nya ulit halikan sya, hindi na ko magdadalawang isip sa oras na ito. Gusto ko nang lumundag mula rooftop hanggang quadrangle ng school sa sobrang saya. Doon lang ako nakaramdam na parang may nag-aasam ng reaksyon ko, at naghihintay sa bawat sasabihin ko. Parang ginagawa ko ngayon, nagkukwento ako at nakikinig ka.

"Yun lang? Kasalan ko bang himatayin?"

"Kung pwede lang eh! Hayaan bang ako pa kailangan magsabi nang lahat?"

"Sorry!"

"Sorry lang?"

"Ano ba gusto mo? Twice na sorry pwede na ba?"

Inaabangan kong sabihin nyang halik nalang, pero hindi nya sinabi. Bagkus bumalik sya sa pagkakaupo. Sumimangot na naman ang mukha at nakatitig sa kawalan. Agaran din akong naupo sa tabi nya. Maramdaman nya man lang na sincere ako sa paghingi ng tawad. Tumahimik ang paligid sa nagdaang segundo, para bang nawalan ng sasabihin ang bawat isa. Parehas din na parang na mental block na naman ang nagsusulat.

"May utang ka sakin ha.." paglalambing nya, kahit pa wala sa akin ang tingin.

"Ilista mo muna, babayaran ko nalang kapag may pagkakataon"

"Kanina hinahayaan na kitang magbayad, ayaw mo naman"

"Singilin mo ulit ako, babayaran kita for sure.."

Umihip ang malakas na hangin. Pinawi nito ang init ng araw at syang nagpakalmante sa dalawang damdaming parang bata lang kung mag-away. Hindi na importante kung saan, at kung hanggang kailan. Palagi kong inuulit.. Hanggang may pagkakataon pang natitira. I-enjoy ang buhay HS sa sayaw at tunog ng pag-ibig.

Sisihin ang sarili, kahit na sya ang may mali..
Bawal mainis, kapag sya ang nauna..
Makinig sa sinasabi kahit walang kwenta..
at mahalin sya bilang tunay na siya..

Minsan hindi maiiwasan, masarap talaga magmahal lalo na't may alat at tamis.

Teenage Cappuccino - 23



TEENAGE CAPPUCCINO - Tryst (Chapter 23)


Tryst - an agreement (as between lovers) to meet.

Use "trsyt" in a sentence. Bawal gumamit ng Google, Bing, Gingersoft, at kung anu ano pang nagpapadali sa buhay ng mga estudyante sa kasalukuyan. Kung tinamaan ng katamaran, mag proceed nalang sa istorya.


Inakala kong bilog ang mundo na syang tinatapakan ng mga paa ko. Panatag akong mag-a-ala Joel Barish at Clementine Kruczynski, ang istorya ng unang pag-ibig ko kay Sophia. Masyado akong kampante sa Long Engagement nila Manech at Mathilde, at umasang mag papasko sa halloween town bilang sina Jack at Sally. Pero YUN ang masakit sa salitang "Akala", lahat ng bagay na dinugtong sa salitang akala ay 90% na mali at 10% na tyamba lang. Inakala ko na ang isang magandang panaginip, ay susundan ng isang magandang gising. Nag-asam akong mayayakap ko ang panaginip na yun, ngunit parang hindi. Yari sa gunting ang kamay ni Edward, dahilan para masugatan ang sariling braso kapag niyapos nya nang mahigpit ang pinakamamahal nyang si Kim.

Buo na sana ang litrato kasunod ang salitang perpekto sa isip ko, nang biglang dumating ang totoong prinsipe ng buhay ni Sophia. Ang dahilan ng kanyang paghihintay. Ang inspirasyon nya sa araw-araw. Ang kahulugan ng tunay nyang mga ngiti, at ang haba na masyado ng intro na 'to para lang pahirapan ang sarili ko.

Humakbang mula sa dilim ang matangkad na lalaki. May boses na malalim, at lamang lang ng isang paligo sa akin. Tinitigan ko sya mula ulo hanggang paa. Mula sa brand ng mga suot nyang damit, at kung pwede lang pati brief. Maliwanag ang binibigay na sagot sa akin na hindi lang talaga isang paligo ang lamang sa akin ng lalaking 'to. Mukhang kailangan ko pang languyin ang Pacific Ocean ng mga sampung balik, bago ko sya tuluyang mahigitan.

"Sebastian.."

"Kumusta? Naa-alala mo pa pala ako.."

Sa kung paano binanggit ni Sophia ang pangalan nya, at kung paano sumagot si Sebastian, mararamdaman mo ang nag-uumapaw na pananabik ng bawat isa. Lubha nitong dinudurog ang puso ko sa mga sandaling 'to. Gusto kong gumawa ng eksena para maputol yun, pero kahit nasa dulo na ng isipan ko ang desisyong kasing katulad lang ng larong patintero, ay hindi ko pa ding magawang tumawid sa linyang may malaking kalabang nakatayo, nakadipa ang mga kamay, at nagsasabing "tapos na ang maliligayang araw mo Robert Monsood".

..
...
....

"Brad-pit, sino yan?" bulong ni Richard na nasa likuran ko lang.

Hindi ako sumagot. Abala ang mata't isipan ko sa mga posibleng mangyari. Naramdaman ko naman ang kamay ni Agnes na sa isang iglap ay biglang dumapo sa balikat ko. Marahan akong napalingon sa kanya. Alam kong naiintindihan nya kahit paano ang nangyayari, hindi tulad ni Richard na kailangan mo pang latagan ng orihinal na manuscript para lang maintindihan nya na sa mga sandaling ito, pwedeng madapa at magalusan ang kaibigan nya. At kung talagang mamalasin, ay hindi na muling makabangon pa.

-----------------------

Sophia


Gusto ko nang magkurot ng sariling pisngi, para lang malaman kung nananaginip nga ba talaga ako. Mabagal ang trabaho ng mga cells ko sa utak, kahit pa ganun kabilis dumaloy ang dugo ko sa buong katawan. Bukod sa pangalan nyang Sebastian, ay hindi ko na alam ang susunod kong sasabihin. Matutuwa ba ako? Magtataka? Magagalit? o Dedma lang? Pero ang sagot ay all of the above, pwera lang yung last. Lahat halos yan nagsama-sama na, at ginawang shake na hindi kayang mailathala sa isang emosyon lamang.

Nasa sitwasyon ako na merong nakaraang biglang nakipag-unahan sa kasalukuyan, at kasalukuyan na naghahangad ng walang ibang bagay kundi katahimikan. Dulot ng pagod at antok, naramdaman kong tila babagsak na ang katawan ko, nung biglang magsalita si Sebastian.

"Kamusta ka na?"

"...."

Hindi pa din ako makasagot sa mga tanong nyang pang 1+1 lang.

"Nag-se-send ako sayo ng mga e-mails. Sinubukan din kitang tawagan ng madaming beses. Kahit nga snail mail sinubukan ko na din, pero ni isa yata parang wala kang natanggap" napapangiti pa sya habang nagpapaliwanag.

"Mails?" balik tanong ko.

"Yes! Hmm, I think.. Kung hindi talaga ako nagkakamali twice sa isang buwan!"

Twice sa isang buwan. At halos sa loob ng dalawang taon. Hindi kami lumipat ng bahay, at matino din naman yata ang sahod ng mga kartero sa munisipyo, para hindi makarating sa mail box namin ang mga sulat ni Sebastian. Pero ang lubhang pinagtataka ko ay ang biglaang pasulpot nya. Sa huling usap namin ni Eri sa text messages, sinabi nyang apat na taon pa bago tuluyang bumalik si Sebastian. Kaya ganun nalang ang gulat ko. Isama na natin ang pagbangon ng natutulog kong emosyon, at pananabik sa kanya.

"I have no idea Sebastian.." malumanay kong sagot.

"Sebastian? You called me by my real name.."

Natigilan ako sa sinabi nya. Alam kong tila naghihintay sya ng atensyon at kalingan na binibigay ko dati, pero hindi ko masabi sa kanyang iba na talaga ang sitwasyon ngayon. Kahit na nandyan pa din ang pakiramdam na hinahanap ko ang presensya nya, pilit pinaghihiwalay ng puso ko ang nakaraan at kasalukuyan. Si Sebastian na naging bahagi na ng nakaraan kong buhay, at si Robert na pilit binabago ang sinulat ng nakaraan.

"Sorry.."

Tumingin lang sya sa akin sa reaksyong tila naghihintay ng kasunod sa salitang sorry.

"Sebastian.. Sorry pero--"

Bago ko tuluyang masabi ang dapat na talagang sabihin, marahan ko munang nilingon ang lalaking nagsilbing instrumento para magkaroon ng ngiti sa aking mga labi.

----------------------

Robert

Sa bawat patak ng tubig sa isang patag na lupa, mabilis naman itong tinutuyo ng pagkauhaw. Anumang oras pwede na kong magising sa isang magandang panaginip na sinasabi nilang pag-ibig. Ang kasiyahan ay madalas dinudugtungan ng kalungkutan. Parang unlimited text lang yan na may expiration, Credit card na may limitations, at inspirasyon na sinusundan ng mental block.

Ngunit..

Nung nakita kong lumingon sya sa akin, ewan ko ba.. Pero parang nagloko ang system at na-extend ang unlimited, na-expand ang limitations, at nakapagkape na ko para mawala ang mental block.

Sa tingin palang nya mababasa mo nang pito talaga ang kulay ng bahaghari..

Lahat nag-aabang..
Lahat nakikinig..
at halos lahat bawal pumikit..

..
...
....

"Sophia!!"

Diversion sometimes leads to distraction. Pinatunayan ang kasabihang yan ng may isang lalaki na namang dumating para lang lalong gumulo ang eksena, at masabing hindi talaga pang primetime ang kwentong 'to. Sa porma, hitsura, at paraan ng pagsasalita ay hindi ko talaga kilala, pwera nalang ng lumapit na sya sa amin. Nanglaki ang mga mata ni Sophia nang makilala ang lalaking palapit.

"Kuya!"

Tinitigan ko ulit ang lalaki para i-check kung tama ba ang sagot ko sa crossword puzzle na nakalatag ngayon sa harapan ko. Tumpak! Kahit pang larong dama lang ang mga mata ko, tumama din kahit paano. Mabilis na naglakad ang kapatid nya tungo sa kinatatayuan ni Sophia. Sa tulin ng mga paa, at tila nag-aamok na hitsura, alam kong kasunod ang problema.

"Sophia let's go! Akin na yang gamit mo!" mabilis nitong hinatak ang kapatid at inagaw ang mga gamit na bitbit.

"Kuya! Wait! Ano bang problema mo?" matapang na pagtanggi ni Sophia.

"Hinihintay ka na nila Mommy, halika na!"

"Dave!" pagpigil naman ni Sebastian.

Ngunit sa pagpigil na yun, mabilis na umalma ang kapatid ni Sophia. Agaran nitong hinarap si Sebastian na may galit sa mukha. Nagbabanta ng gulong hindi ko na talaga maunawaan. Nasa gitna ako ng mga nilalang na may mga weirdong kwento. Hindi ko na alam ang susunod na mangyayari pa, pero sigurado ako na baka sa susunod na mga eksena ay parang magiging action star ang dalawang lalaking nasa harapan ko.

"Stop following my sister Sebastian!" galit at mataas na tono ng kapatid ni Sophia.

Klaro! Malinaw pa sa tubig ang pagkakarinig ko. Kilala ng kuya ni Sophia si Sebastian sa paraan na kung paano nya ito nabanggit ay parang magkakilala na sila ng matagal. Bagay na wala talaga akong kaalam alam.

"Dave! Tapos na yun! Kailan kapa magmo-move on?"

"Huh!" sa mayabang na tono na sagot ni Dave.

"Mukha yatang baliktad? Pamilya mo, at ikaw ang hindi makamove on, tama ba?" dugtong pa nang huli.

"Dave, linawin natin 'to. Kahit kailan walang kinalaman ang pera't negosyo saming dalawa ng kapatid mo. Tanggap na namin yun sa nakalipas na dalawang taon" paliwanag ni Sebastian.

"Kaya pala nandito ka ulit? Para saan? Para makabawi? Sebastian, simula palang alam ko na ang takbo ng isip mo! Oo! Pamilya namin naging dahilan ng pagbagsak ng kumpanya nyo, at ako din ang dahilan kung bakit lahat ng koneksyon mo sa kapatid ko ay nawala.. Ngayon hindi kana magtataka"

"What? Dave! Inuulit ko walang kinalaman ang problema ng pamilya natin sa aming dalawa ni Sophia, nandito ako para humingi ng tawad sa kanya. Gusto ko nang sabihin sa kanya 'to, pero tingin ko hindi nya pa din ito maiintindihan noon.."

Habang tumatagal ang diskusyon, lalong nahihimay ang istorya ng mga taong hindi ko maintindihan kung sa pwet ba ng manok pinaglihi ang mga bibig. Hindi sinasadyang napako bigla ang tingin ko kay Sophia na parang maluluha na sa inis sa nangyayari sa kanyang paligid. Balakin ko mang makielam ay alam kong wala din akong magagawa. Hindi ako pwedeng manghimasok sa usapin ng mga taong pera at kayamanan ang pinagtatalunan.

"At ngayon sa tingin mo maiintindihan nya yun? Tama na yung nasaktan mo sya noon, para maintindihan ang mga bagay sa inyong dalawa."

"Hindi mo ko naiintindihan Dave! Wala akong balak gumanti sa pamilya nyo, kahit kayo pa ang dahilan ng pagbagsak ng kumpanya namin. Bilang sunod na mamamahala, mas pinili kong magpakadalubhasa kesa makipagtagisan sa mga bagay na naumpisahan ng mga magulang natin."

"Hindi ko kailangang bawiin kung ano man ang naagaw nyo sa amin. Kahit kailan hindi pumasok sa isip ko ang mga bagay na sinasabi mo Dave. Noong makilala ko si Sophia, at nalaman kong kabilang sya sa pamilya nyo, naging malaking balakit sakin yun, mas minabuti kong lumayo.. Pero.. Pero kahit saan ako dalhin ng mga paang ito--"

"Sebastian stop.."

Tagumpay na tinapos ni Sophia ang usapan ng dalawa sa isang sabi lang. Lahat na ngayon ng mata ay nakatingin sa kanya. Nilipat na ng direktor ang eksena sa prinsesang tatapos sa dalawang dragon na nagpapaikot ikot at nagkakagatan ng buntot.

"You don't need to come back for me Sebastian.."

Nakita kong bumagsak ang bandila na hawak ni Sebastian sa mga oras na 'to. Nagtatanong ang mga mata nya kung bakit? Hindi na din nagawang magsalita pa ng kuya ni Sophia. Napako sila, este kami sa magiging pasya ni Sophia. Ito na ang magsisilbing desisyon kung matatanggal ba sa pwesto si corona.

----------------------------

Naging problema ng kasamahan ko ang "lack of self confidence", malay ko ba sa kanya kung anung katol ang tinira nya noong nag-inuman kami. Maraming tao ang dumadanas ng ganyang klaseng problema, pero hindi ba nila na alam na walang taong hindi dumaan sa ganyan? Kahit ang simpleng hiya lang sa isang bagay ay maituturing nang lack of self confidence. Naunahan ka ng hiya nung tinawag ka ng guro mo para sagutin ang mga sinumpang tanong sa algebra. Kahit pa na may konti kang alam, ang ending hindi ka nakasagot dahil naunahan ka ng kawalan ng tiwala sa sarili.

Matagal nang nagpaparamdam sayo ang crush mong ligawan mo sya, pero dahil naunahan kana naman ng hiya, ang ending naging syota nya best friend mo. Engaged ka sa isang job interview, pero dahil naunahan kana naman ng lintik na hiya na yan, sumagot ka ng "I will try my best" sa tanong na "Why did you apply for this position?"

Bakit ka mahihiya sa estado ng buhay mo? de-kurbata ka man, o naka sando lang sa trabaho, kapag binulyawan ka ng amo mo magiging mukha ka pa ding walang pinag-aralan at walang alam sa harap ng maraming tao. Pantay lang ang tingin ng taong may pantay na pananaw sa buhay.

...

At dahil sa lintik na HIYA na yan mistulang regular viewers lang ang dating ko sa eksenang ito. Produkto ng hiya kung bakit wala akong magawa sa mga sandaling ito. Sa dalawang nag-uumpugang bato, nasa gitna ang prinsesa ko. Main role ng isang leading man ang laging ipagtanggol ang kanyang leading lady, pero pinatunayan ng sarili kong isip na mahirap pala talagang magbrainstorming mag-isa.

"Sophia?" marahang tanong ni Sebastian.

"Sorry Sebastian.."

"Why? Tell me Sophia.."

Tulala pa din si Richard, Agnes, Eri, at Ako, kasama na ang dalawang agaw eksena na naghihintay sa final statement ni Sophia sa isang diskusyon na dinaig pa ang sona ng pangulo.

"Nandito na ko.. Tinupad ko ang pangako kong babalik ako.."

"I know.. I know you will.."

"Then, tell me why?"

"If the truth is bothering you right now, then let me find a good word and explain it"

"..."

"Hindi na kailangan Sebastian.."

"..."

Ramdam ko ang pagkapahiya ni Sebastian sa sinabi ni Sophia. Kahit pa nag-aalangan na ang estado ko sa puso ng aking prinsesa, nakasilip ako ng konting liwanag. Tanging aksyon ko nalang yata ang hinihintay ng lahat, kailangang gumawa ako ng paraan para masabing ako ang bida na kanina pa naagawan ng atensyon sa istorya. Humingan ako ng malalim.. Kusang humakbang ang aking mga paa..

Ang mga mata ng tao, ay tila na higop ng aking mga galaw. Lahat sila hindi inaasahan ang aking aksyon na sa tingin ko ay nararapat kong gawin, at magsasabing bilog talaga ang mundong inaapakan ko. Iikot ito ng naaayon sa gusto ko.

"Bakit Sophia?"

Bago pa man tuluyang maabot ng aking mga kamay ang palad ni Sophia, ay mabilis syang tumingin sa akin. Na sinundan naman ng mga mata ni Sebastian, Dave, at nang buong tropa ng sesame street.

Bago pa ko tuluyang mawalan ng lakas ng loob..

Bago pa gumuho ang mundo ngayon 2012..

Bago pa tuluyang matalo ang lakers sa miami..

..
...
....

Before the worst..

Pinikit ko ang aking mga mata, at tuluyang inangkin ang mga labi ni Sophia. Sa harap ng audience nagsumigaw ang puso ko sa pagkakamute nito. Tatlong segundo lang.. Yun lang ang hinihingi ko, bago ko pa saluhin ang lahat ng galit sa mundo.

Isa..

Dalawa..

Tatlo..

Kusang humiwalay ang kapirasong langit sa mga labi ko. Hindi ko na nagawa pang idilat ang aking mga mata, ngunit mabilis itong sinundan ng pagtalon ng aking puso, nung narining kong nagsalita si Sophia..


Sa tanong na "Bakit" ni Sebastian, iisa lang ang dahilan..


"Sorry Sebastian.."

"Even without you, I have a reason to smile"

------------------------------

Sa isang sikretong lugar kung saan berde ang kulay ng damo, pero bawal kainin ng mga baka at kambing. May matataas na tubo ng bulaklak, at nagyayabang dahil sa naggagandahang kulay nito. May langit na tila hinawi ng mga ulap para lumabas ang kulay asul. Mga puno na hindi pa napagtitripan ng gobyerno, at pwedeng hiramin para sa set ng twilight. Doon ko nakita ang sarili kong nakahiga na may kakaibang ngiti sa aking mga labi..


"Robert!"

Nagising ako sa isang malakas na yugyog. Masakit ang ulo, at nanglalambot ang buong katawan. Dinilat ko ang aking mata, para kilalanin kung sinong pangahas na gumising sa maganda kong panaginip. Kumunot ang noo ko nang makita kong si Richard. Dahan dahan akong bumangon, niyapos ang aking balakang dahil sa pagkangawit bunga ng mataas na porma ng mga unan sa aking ulunan.

"Ok ka lang brad-pit?"

"Nasaan si Sophia?"

"Wala na!"

"Anong wala?"

"Ito na naman tayo.."

"Teka nga, ano nangyari?"

"Hinimatay ka sa gitna ng pag-uusap kanina.. Dinala ka namin agad dito sa hospital, nagalit lang si dok at yung nurse sa akin!"

"Bakit?"

"Wag ka daw magpapalipas ng gutom sa susunod! hahaha!"

Napakamot ulo nalang ako, bunga ng aking katangahan. Tumayo si Richard mula sa pagkakaupo sa kamang hinihigaan ko.

"Tatawagin ko lang si Agnes sa labas, kanina pa din sya nagbabantay dito. Nainip kaya lumabas.."

"Salamat brad-pit.." sagot ko sa mahinang boses.

"Sus! Parating na si ermats mo tumawag sa akin.."

Sa mga sandaling ito isa lang ang gumugulo sa isip ko. Hindi ko alam kung totoo ba ang huling eksena, o guni guni lang ng utak kong nadamay sa kalokohan ko. Pero bago pa tuluyang lumabas ng kwarto si Richard, bigla syang huminto at bumalik tanaw sa kinaroroonan ko.

"Sayang brad, hindi mo narinig ang sagot ni Sophia kay Robert, bago ka bumagsak.."

"Huh?! Ano? Ano yun?"

Natatawa pa ito, bago tuluyang sinabi..


"Sorry Sebastian.. Even without you, I have a reason to smile! Naks! Kinilig ako dun brad!" may pag-arte pa kung paano nya ito sabihin.

Hindi ko alam kung tatalon ba ako sa tuwa, o magpipigil ng ngiti para lang hindi nya mahalata na baliw na naman ang kaibigan nyang, lunod sa pag-ibig.

"Kissing scence?"

"Hahaha! Anong kissing scene? Baka nananaginip kapa!"

Teenage Cappuccino - 22


TEENAGE CAPPUCCINO - Last Moment (Chapter 22)


If you carry the bricks from your past relationship to the new one, you'll only build the same house. At heto na naman akong bumabanat ng mga quotable lines, na nadampot lang kung saan saan, para lang may header at paraan na din para lang dumulas ng kaunti ang utak.

---------------

Agnes

Suko ang kabaitan ko kapag kausap ko ang lalaking 'to. Malayong malayo sya sa ugali ng kaibigan nyang isang dangkal lang yata ang kalokohan sa utak. Pero hanga ako sa determinasyon nyang iligtas ang kaibigan sa napipintong pagkabaliw, bunga ng maligalig nitong puso. Sa isang banda ay hindi ko pa din yata alam ang patutunguhan ng kwentong 'to na pinagbibidahan ng dalawang taong hindi magkasundo, at may pamagat na "bahala na.."

Habang abala ang tiyan ko sa paghihimay ng ingredients ng kinain kong pwede nang sabihing masarap kapag gutom, ay hindi ko pa din maintindihan ng lubos kung bakit nga ba ako pumayag sa alok nya.

"Now what?" mahinang bulong ni Richard.

sa isang iglap agaran akong napatingin kay Richard, na prenteng prente sa pag-iisip ng wala.

"Richard, anong now what?"

tumingin sya sa akin ng walang reaksyon ang mukha, at tila nagtataka.

"Sabi ko, ano nang plano mo?" pagbago ko ng tanong.

ngumisi sya nang bahagya, at simplehang tinuro ang isang alagad ng batas na noon ay nakapila sa counter at namamakyaw ng paninda.

"Pulis?" kumunot ang aking noo.

"Yup!" kasunod ang berdeng ngiti.

"Anong meron sa pulis?" nagtataka kong tanong, ngunit pabulong at nilapit ng bahagya ang aking ulo papunta sa kanya.

"Mauubusan ng taktika si James Bond o ang writer nito, pero ako hindi!" pagyayabang nito.

"Anong balak mo?"

Hindi sya sumagot, bagkus ay ngumiti na naman ng kakaiba. Huwag nya lang balaking gumawa ng hindi magandang bagay, dahil sigurado isusumpa ko ang araw na 'to at ang puso kong naglagay sakin sa maling sitwasyon kahit pa laging may anghel sa kanang balikat, na nangsasabing "Huwag mong gawin".

------------

Robert

"Right now, I just want to know It's not eternal
Even though I always want to look at it that way
I'll become that sky full of paper airplanes
And I'll search for only one.."

Hindi pa din mawala, at tila hindi na yata mawawala sa isipan ko ang maganda nyang mukha, kahit pa pilit itong i-describe ng pilipit kong pag-iisip na matagal nang na-knock out ng undefeated kong puso. Ilang beses ko na bang pinaliwanag ang pag-ibig ko kay Sophia? Hindi ko na din mabilang, tanging ang pagtatapos lang ng kwento ang magsasabing "happy ending" ang love story naming tila pinaglaruan ng kakaibang ikot ng mundo, na ang tanging sangkap ay pagdurusa, pagbangon, at babalik ulit sa pagdurusa at mag-e-end sa mga artistang magsasayawan sa masayang tugtog, tska palang lalabas ang pangalan ng mga gumanap na bida, sidekick, kontra-bida, direktor, producer, stuntman, at dahil laging nasa huli ang eksena ang mga pulis, ay hindi sila makakaligtas kahit sa istoryang 'to. PULIS! black screen fading..

..
...
....

Mauubos na yata ang alikabok at kalawang sa riles ng tren, pero mukhang wala pa ding balak si Sophia na basagin ang katahimikan. Mistula kaming estatwa na nakaupo pa din sa lumang bench, habang nakatingin sa magandang tanawin na kahit pa ipis ay mahihiyang pumasok sa eksena. Nakasiksik kami sa kanang bahagi ng upuan, habang nakasandal naman ang ulo nya saking balikat. Kampante nga ang paligid, ngunit ang damdamin ko naman ay parang baliw na mukhang walang balak huminto sa pagiging eksayted. Paulit ulit nitong sinasabing "Hindi ka gwapo pre, talagang swerte ka lang".


Dulot yata ng pagkangalay ay nagawa ko pang iunat ang aking kanang kamay, na kanina pa nakatukod sa arm rest ng lumang upuan. Napatingin sya sa akin, na parang naghihintay ng sasabihin ko. Ako naman na tumingin din sa kanya, kahit na alam ko nang magiging bato ang sino mang tumingin sa mga mata nya. Parehas kaming nag-aabang ng wala. Parang botanteng bumoto lang sa trapo, walang napala.

"Grawwwrrr"

Singit ng isang tunog na hindi ko malaman kung paano talaga i-describe sa isang sulat. Nangiti si Sophia, dedma naman ako. Ngunit umulit pa ulit ang makulit na tunog na nanggagaling sa kung saan.

"Grawwwrrrr"

Mas malakas na sya pagkakataong iyon. Tumawa na si Sophia, at napatingin sa tiyan ko. Dun ko lang napagtanto na sikmura ko ang nag-aalboroto.

"Gusto ko pa sanang mamalagi dito, pero mukhang hindi yata nakikisama ang tiyan mo.." pabiro nyang sabi. Napatawa naman ako, pero cool lang para mukha talagang bida sa istorya.

"Tara! Baka lalo pang magalit 'to sa gutom! hahaha!"


-Thank you I'm able to stretch out something so necessary as love.
I'll laugh and if I can enjoy the distance between us, despite it all, it'll be fine-


Naglakad muna kami sa destinasyon na ipinaubaya nalang kung saan dalhin ng mga paa. Habang magkawahak ang mga palad na nagsasabing sweet ang chapter na 'to at itinalaga para sa amin. Simplehan ko syang tinitignan sa gilid ng aking mga mata. Mula paa paakyat sa ulo. Nung marating na ng mga mata ko ang kanyang mukha diretso sa kanyang mga mata. Laking gulat ko nung nakatingin din sya sa akin. Mabilis naman akong umiwas, ngunit hindi maipagkakaila ang pagkapahiya na may halong katangahan. Nahuli nya kong sinasamantala ang kanyang natural na kagandahan.

Ang sumunod na eksena ang talagang nagsasabing love story talaga ang kwentong 'to. Sa gitna ng paglalakad biglaan nyang binitawan ang aking kamay. Nag-paiwan sya ng ilang hakbang, na nag-iwan ng tanong sa aking mukha na nilingon sya pabalik.

"Bakit?"

"Sige lakad ka lang.."

Lubos kong ikinalulungkot dahil hindi ko alam ang lahat ng bagay bagay sa mundo. Pero kung ang bagay at kung anu mang may koneksyon kay Sophia na hindi ko alam, ay tila magkakalagnat ako. Sa haba ng paliwanag ko, iisa lang naman ang gusto kong iparating. Yun ay yung hindi ko alam ang nasa isip nya kung bakit nya ako pinapauna.

Ako, bilang pinalaking masunurin, pero hindi sa tulad ni Ms. Ramirez. Eh walang nagawa kundi maglakad, naramdaman ko nalang ang mga palad nya sa magkabilang balikat ko na tila nakapatong at sumusunod ang katawan nya sa bawat hakbang ng mga paa ko.

-"I don't know" was your answer
So let's blow bubbles,
Even though they'll definitely burst before they reach the sky-

"Wag kang hihinto ha.." sabi nya habang naglalakad kami sa hindi maunawaan na posisyon.

May mga aksyon talaga si Sophia na parang algebra lang sa hirap kung sagutin. Pero kahit ganon minahal ko pa din ang algebra kahit pa ang alam ko lang na sagot sa tanong na (x+y)^2-(x-y)^2, so (x^2 + y^2 +2xy)- (x^2 + y^2 -2xy)= 2x^2 + 2y^2 ay "I Love you too".

"Sophia, teka lang--"

"Wag ka din magsasalita" mabilis nyang pag-awat, isa na namang rules sa hindi maintindihang laro.

Hindi hihinto, at hindi magsasalita. Hindi na yata algebra lang laro, buti nalang pwedeng huminga. Hindi ko talaga maintindihan ang balak nya, pero mas hindi ko matiis na hindi ito malaman. Ayokong tumanga lang sa isang bagay na nagbibigay ng madaming tanong sa isip ko. Mapilit ako, dahil nagbukas ako ng browser at nag search sa google na sa reality ay huminto ako't hinarap sya.

"Sabi ko wag kang hihinto eh!"

"Teka nga! Gusto ko lang liwanagin, ano ba ginagawa mo?"

"Ano pa.. eh di sinusundan ka.."

"Alam ko.. Bakit nga?"

Hindi sya nakasagot sa tanong ko. Nakatitig lang sya na blangko ang reaksyon sa mukha. Ewan ko ba, pero tinatamaan ako ng hiya kapag ginagawa nya ang ganun. Hindi ako makatingin ng maayos sa kanyang mata.

"Sophia?" tanong ko sa mahina at malumanay na boses.

"Sorry ha!" sabay ngiti sa akin.

"Sorry?"

"Gusto ko lang maramdaman mo--"

Pinutol nya ang kanyang sasabihin, para lang humaba pa ang script at magmukhang mahaba ang chapter na 'to.

"Na kahit paano, ay nasa likod mo lang ako.. Hindi mo man ako makita sa hinaharap.. Sana isipin mong may nakaraan kapang pwedeng lingunin.."

"Nandun lang ako Robert.. Wag mo sanang kalimutan.."

Alam ko na ang pinupunto nya. Nandoon ang lungkot, at pagkadismaya, pero nanaig ang tuwa at saya. Nagsasabing malayo pa ang gabi para tuluyang lumamig ang paligid. Hinawi ko ang buhok nya na tumatakip na sa kanyang mukha, kunwari walang tao sa paligid at sobrang romantic ang tagpong 'to.

"Kung lilingon lang ako sa wala, mas mabuti pang maglakad ka nalang sa harapan ko at ako ang susunod sayo.."

"Huh?"

-The two of us, if we could agree just a little more,
And look just a little longer,
For the swaying flower of love-

"Mas mainam yun.. Para kung sakaling mawala ka, alam ko kung saan ka hahanapin, kesa magpabalik balik ako ng tanaw sa likod na alam ko namang ala-ala lang ang naroon.."

-------------------

Richard

"Richard, wag nalang kaya?"

"Ano kaba nandito na kaya tayo! Maniwala ka sakin, epektib 'to!"

"Eh, paano kung hindi?

"Paano naman kung epektib?"

"Bahala ka nga!"

"Wag kang parang bata dyan, tara na!"

Hinila ko ang kanyang kamay para lang sumunod sya sa akin. Tulad ng inaasahan, kung gaano sya ka-negative mag isip, eh ganon din sya kabilis sumang-ayon sa positive. Sinundan namin ang pulis na kanina lang ay namamakyaw at nambobola sa tindera, hindi ko lang alam kung para makalibre o maka-diskarte. Sa pagmamadali namin sa pagsunod sa alagad ng batas, hindi ko napansin na nakahinto na pala ang parak at nakatingin sa amin.

"Mga estudyante ba kayo?" mataas ang boses ng pulis na kunyari ay matinong tao sa kwentong 'to, at para din maiba naman ang imahe nila na palaging huli ang dating sa mga typical pinoy action movies.

"Opo! Opo sir!" magalang kong sagot habang tinitignan ang pangalang naka-indicate sa kanang bahagi ng suot na uniporme.

"Anong kailangan nyo? May problema ba?"

Nagkatinginan kami agad ni Agnes, halata sa kanyang hitsura ang pagkatakot. Siniko ko pa sya ng bahagya. Pero lalo pa syang sumimangot, dahilan para lalong magtaka ang nasabing mabait na pulis.

"Teka, teka! hmm.. Mga kabataan talaga!" pahayag ng mamang pulis, na parang nakasagot lang ng tanong sa isang question and answer sa am radio.

Sa puntong yun mukhang sasablay ang diskarte ko sa mga oras na to. Lagot ako nito kay Agnes, hinding hindi nya ako mapapatawad, at isusumpa.

"Naligaw kayo no?! Bakit kayo naligaw? Dahil nagtanan kayo!" kasunod ang malakas na tawa.

Tanong nya, sagot nya. Parang mga engot lang sa FB na nagla-like ng sarili nilang status.. Muntik na kong matawa sa sinabi nya, pero talagang pinigilan ko. Ngunit nagulat ako sa mabilis na kabig ni Agnes.

"Hindi po! Hindi po talaga! Nawawala lang po kami! Naiwan kami ng bus!"

"Naiwan?"

"Opo Sir! Iniwan kami ng service ng bus, yung field trip service namin!" agaran kong sagot.

"Ganun ba?"

Natigilan ng bahagya ang pulis, kunwari'y nag-iisip. Matapos ang isang taon ay doon lang nasundan ang sinabi nya.

"Hala sige, sama kayo sa presinto dun natin pag-usapan yan!"

Nagulat ako sa biglaang desisyon ng pulis na mabait. Pero napilitan pa din kaming sumama. Mas mainam na kaysa maghintay kami dito ng wala.

"Humanda ka sakin, kapag napahamak tayo talaga!" pabulong na sabi ni Agnes, pero may inis sa boses.

"Relax lang! Akong bahala!" pagyayabang ko pa.

"Kapag hindi maganda pinuntahan nito--"

"Kapag maganda, papayag ka makipag date sakin! Ano?" mabilis kong tapal sa pagsasalita nya.

Natigilan sya at hindi alam ang isasagot sa pamosong tanong, at matagal nang gasgas sa kahit anong pelikula.

-----------------

Nakatingin ako sa paa kong diretso sa paglalakad, at hindi sa kung saan merong pwedeng ipanglaman sa tiyan kong kanina pa nangungulit sa akin. Hindi ko din alam kung ano nga ba ang tinatakbo ng isip ni Sophia sa mga oras na to. Matapos ang maikling pag-uusap, ay hindi na muli pa itong nasundan. Blangko ang bawat emosyon na nagdaan sa iilang minutong paglalakad.

"Robert!"

Agad akong napalingon kay Sophia na noon ay nasa tabi ko lang. Diretso syang nakatingin sa isang direksyon na sinundan naman ng aking mata. Nanglaki ang aking mata sa tuwa nung mabasa ko ang sign board na nagsasabing "Ito ang daan, papuntang siyudad. Ngumiti ka na, dahil matatapos na ang kalbaryo mo".

Tumingin ako kay Sophia, sya din na may halo nang ngiti sa kanyang mata. Hindi namin sigurado kung anong dadaang sasakyan dito para dalhin kami sa siyudad, dahil tanging hangin lamang ang mabilis na humarurot sa naturang kalsada. Nandoon pa din ang pag-asang makakauwi din kami.

"Teka! Diba nagugutom ka?"

"Ako? Kanina lang, pero ngayon gusto ko nang makauwi.."

Hindi ko alam, pero mukhang nalungkot sya sa sagot ko at tuluyang napayuko ang kanyang ulo.

"Dun nalang tayo maghanap ng makakainan!"

"Saan?"

Sabay turo ko sa isang malaking kalsada na pwedeng baybayin pero hindi kayang tanawin ng mga mata, dahil mukhang walang katapusan ang kalsadang nasa harapan namin. At dahil determinado akong makauwi na, at alam kong nasa role ko ang maging tagapagligtas ng prinsesa para makakuha ng pogi points, mabilis kong hinawakan ang kanyang kamay. Sumagot naman sya ng ngiti na nagsasabing sya ang leading lady ng istoryang ito, at kailangang hindi mawala ang ngiti sa bawat eksena.

"Bilis!" makulit kong anyaya.

"Teka, masakit na paa ko.."

Napatingin ako sa paa nya at sa suot nyang dekalidad na sapatos. Hindi nga maipagkakailang pagod na ito at handang magsalita anumang oras, at magsabi ng mga mura na hindi pwedeng isulat sa chapter na to. Tumingin naman ako sa suot kong rubber shoes, pero hindi pumasok sa isip ko na makipagpalit sa kanya, dahil gasgas na ang eksenang yun at nagamit na ng ilang artista isa iilang pelikula.

"Sige pahinga muna tayo.."

"Thanks.."

Naghanap ako ng pwede naming pagpahingahan, pero malinis ang paligid. Puro bato, at alikabok lamang ang laman ng kalsadang pwedeng i-model sa mga project ng gobyerno. Hahakbang palang ako para tanawin ang kabilang dako ng kalsada, nang mabilis na nag-park sa harapan namin ang isang puting Honda City na sa isang tingin mo palang ay alam mo nang may buwaya na nagmamaneho. Malinaw ang pagkakasulat sa bawat parte ng auto ang bidang bidang "PULISYA".

Napahinto ako, at agad na lumingon kay Sophia. Mabilis ko din syang nilapitan. Sa sikat ng araw na papalubog na sa kanluran, ay tumama ito sa salamin ng kotse dahilan para hindi makita kung tao nga ba o hayop ang nasa loob. Ngunit mabilis na nagbaba ng salamin ang nagmamaneho. Isang matandang pulis na mukhang hindi na pwedeng makahabol sa mga magnanakaw na dating player ng marathon.

"Chief, positive! Nandito sila sa high-way papalabas na nang boundary" mabilis na tugon ng pulis sa hawak na radyo na siguradong puro talsik na ng laway, dahil sa bilis nitong magsalita.

Tumingin muna ako sa paligid, walang ibang tao kundi kaming dalawa ni Sophia, ang auto, at ang pulis na weirdo. Naramdaman kong sumiksik sa gilid ko si Sophia, batid sa kanya ang pagkatakot.

"Bakit may pulis dito?" mahina nyang tanong.

"Hindi ko din alam, pero isa lang sigurado ko.."

"Ano?"

"Tayo ang hinahanap nito.."

"Tayo? Bakit?" May ninakaw kaba kanina sa store?"

"Huh?! Wala! Bakit ko naman gagawin yun?"

"Ah-Sir at Ma'am! Kayo po ba ito?" sabat ng pulis habang pinapakita samin ang dalawang school ID.

Nanglaki ang aking mata, dahil mukha ko at mukha ni Sophia ang nasa litrato. Swerte nalang at walang nakalagay na wanted, at hindi mug-shot ang kuha. Napakunot noo ako bago tuluyang sumagot.

"Yes sir! Saan nyo po naku--"

"Sige sakay! May naghahanap sa inyo sa presinto"

Hindi pa man tapos ang linyang binigay sakin ng otor, ay mabilis agad na nagdesisyon ang matandang pulis, at sinakay kami sa loob ng kotse. Hinawakan ko ang kamay ni Sophia, para ipaalam sa kanya na ayos lang ang lahat, pero hindi pa din mabura sa hitsura nya ang pangamba.

..
...
....

At dahil alam na ng lahat ang mangyayari, at predictable na ang kasunod na eksena ay malilipat sa istasyon ng pulis ang imahinasyon ng mambabasa.

Hindi ko alam kung paanong ngiti ang gagawin ko nang maabutan namin sina Richard, at Agnes sa presinto. Ganun din si Sophia na halos mangiyak ngiyak sa tuwa. Hindi na din maubos ubos ang thank you namin sa alagad ng batas, na sa unang pagkakataon ay naging mabuti sa mata ng mambabasa. Kinuwento ni Richard ang nangyari sa kanila at hindi daw natahimik ang kaluluwa nya dahil sa kakulitan ni Agnes. Binalak ko ding ikwento kay Richard ang ka-sweetan namin, pero pinili ko nalang ipabasa sa kanya ang mga nakaraang chapter hanggang dito. Nagpaunlak naman ang isang pulis na ihahatid nya daw kami sa istasyon ng bus kung saan ang destinasyon ay siguradong "uwian na", ay agad naman kaming pumayag, at dahil sa kabutihang asal ng mga pulis sa kwento, ay nagpasya kaming paliguan ulit sila ng "thank you".

-----------------------

Nag-aagaw antok na ko habang nasa byahe pauwi katabi si Sophia na nakasandal sa balikat ko, at halata ang pagkapagod. Sumuko na din yata ang tiyan ko sa pagmamaktol, at kinalimutan nalang yata na guluhin ako. Palubog na ang araw sa kalangitan, at nagbabadya na ang kadiliman. Natapos ang field trip namin na kahit hindi naging swimming, ay masaya naman ako, dahil nakatakas ako sa alphabetical arrangement ng titser ko na nagsasabing magiging boring ang buhay ko sa loob ng isang araw.

"Sophia, okei ka lang ba? Ihahatid kita agad sa inyo pagbaba natin"

"Ok lang, talagang napagod lang ang mga binti ko, pero enjoy naman!"

"Hahaha! Oo nga! Nakalimutan ko na nga si Ms. Ramirez dahil sa pag-e-enjoy"

"Robert, kain muna tayo bagi umuwi! Ayos na ayos double date!" singit ni Richard.

"Anong double date? Nanalo ka lang sa pustahan kanina, pero hindi counted yun as official date!" mabilis na awat ni Agnes, habang namumula ang mukha sa inis.

"Tayo nalang ang kumain tatlo.. Unahin ko muna ihatid tong isa.."

Sabay tingin kay Sophia na nakatulog na pala dulot ng sobrang kapaguran. Napangiti naman si Richard, at nakasimangot pa din si Agnes na mabilis bumalik sa pagkakaupo. Binuksan ko ng bahagya ang bintana ng bus. Dumaloy ang malamig at preskong hangin. Nagpapa-alala saking masarap ang byahe ng buhay sa isang tao, kung marunong kang mag-enjoy.

...

Sa loob lamang ng isang araw, isang magandang ala-ala na naman ang naisulat sa kasaysayan ng buhay ko bilang teenager. Muli, sa huling yugto ng HS life ko, sa huling taon ng pagiging estudyante ko sa iskwelahan na nagturo sakin ng maraming bagay, maging kalokohan man, o kabutihan, ay hindi ko inaasahang magmamahal ako ng babaeng nakatadhana para bigyang kulay ang black and white kong lovelife. Sa huling taon ng high school, yun ang akala ko..

..
...
....

"Robert! Gising na!"

Mabilis akong nagising sa yugyog ni Richard, nung dinilat ko ang aking mata nasa gate na kami ng subdivision nila Sophia, mabilis kong ginising si Sophia. Sakay ng isang taxi, na pangalawa naming sinakyan matapos kaming ibaba ng bus sa terminal ay agad kong sinipat ang bill at mabilis na nagbayad. At bakit nga ba mabilisan na ang setting ng istorya?


Hindi ko pa lubusang nauunawaan ang paligid dahil sa pagkakatulog, ay mabilis kaming sinalubong ng isang babaeng balingkinitan, maikli ang buhok, cute, at halatang may mansyon din tulad ng kela Sophia ang mabilis na humarap sa amin.

"Sophy! I'm glad your back!" sabi ng ingleserang babae.

Minukaan muna ni Sophia ang babae, bago tuluyang sumagot..

"Eri?"

Natauhan nalang ako nung marinig ko ang pangalang Eri, kung hindi ako nagkakamali sya din yung sumalubong samin ni Sophia sa gate ng eskwelahan.

"Kanina pa kami naghihintay sayo Sophia.."

Nagkatinginan kami ni Richard sa sinabi ni Eri. Mula sa likod, humakbang ang isang matangkad na lalaki galing sa espasyong nasasakupan ng dilim. Tumambad sa harap namin ang hitsura ng lalaking sinasabi ni Eri na kasama nya, at kanina pa daw naghihintay.

Tahimik ang lahat nung magsalita ang lalaking hindi pa sinasabi ang pangalan. Walang nakakakilala sa kanya maliban kay Eri, at kay Sophia na natahimik nalang at tuluyang hindi nakapagsalita.

"Sophy.. No! I mean Ate.. Kumusta na?" may pagkamalalim ang boses nito na pwedeng pang dub sa mga koreanovelang naghahari sa puso ng mga dalaginding ng pinas.

Lalapit na sana ako, para basagin ang katahimikan ng eksesna nung magsalita si Sophia..

"Sebastian.."

"Naaalala mo pa pala ako.."

Natigilan ako sa kung paano binigkas ni Sophia ang pangalan nya. Biglan sumikip ang dibdib ko, at umatras ang dila ko sa pagkagulat. Humakbang si Sophia papalapit sa lalaking pinangalanang Sebastian ng mga taong nakakakilala dito. Hindi ko alam ang gagawin ko, bumalik lahat ng ala-ala at kwento ng nakaraan na pilit naming iniiwan, at iniiwasan. Ngunit sa isang iglap ay nagbago ang ihip ng hangin. Bumunot ako ng yosi mula sa bulsa ng suot kong jeans, at naalalang hindi pala ako naninigarilyo, kaya nagpasya akong burahin yun sa eksena.

Isang desisyon lang ang tila hinihintay ng lahat, walang iba kundi ang manggagaling kay Sophia.

Teenage Cappuccino - 21


TEENAGE CAPPUCCINO - Sweet Escape (Chapter 21)


"Genius is 1 percent inspiration, 99 percent perspiration."  -Pareng Thomas Edison


*Hearbeat*

Hingang malalim..

*Heartbeat*

Abot langit na buntong hininga..

*DUG!*

*DUG!*

Pakiramdam ko'y katabi na yata ng mga tenga ko ang puso ko. Hindi ko alam kung paanong reaksyon ang gagawin ko. Halos lahat ng mata ay nakatingin sa amin sa mga sandaling 'to. Pakiramdam ko'y nagbitaw ako ng joke, at walang natawa. Lahat parang gustong magtanong, iba't-ibang reaksyon pero iisa lang ang tinutukoy. Sa pagitan ng pinto ng simbahan, tanging hangin lamang ang naghahati sa aming dalawa, at sa mga estudyanteng anumang oras ay pwedeng magsagawa ng pag-aalsa.

..
...
....

"OH-MY-GOD!"

"Ama namin" lang ang tanging dasal na kabisado ng taong nasa oras ng kagipitan. Nakita kong papalapit sa kinatatayuan namin ang adviser naming tila hinahati ang mga estudyanteng nakaharang sa kanyang daraanan. May inis sa kanyang mukha. Nagbabadya sa kanyang hitsura ang hindi magandang banta ng kalangitan. Isa lang pumasok sa isip ko. Uulan ng laway, kapag tumalak sya. Isang daang pursyento mapapahiya ako, at mawawasak na naman ang pagkatao ko. Tipikal na yatang senaryo 'to sa kwentong 'to tuwing magsasalubong ang landas naming dalawa.

Napalunok ako habang pinagmamasdan ang lockness monster na hinahati ang dagat para lang makarating sa pampang. Nagkatinginan kami ni Sophia, ngunit wala syang reaksyon.

"Sumasalangit ka, sambahin ang ngalan mo.."

"Mapasa-amin ang kaharian mo.."

Automatic binigkas ko ang pangalawa at pangatlong linya sa walang kamatayang "Ama Namin". Sa puntong yun tinigasan ko na ang tuhod ko't paa, para kung sakaling lunurin ako sa laway ng adviser ko, ay maipagmamalaki ko sa kanyang sinalo ko ang hamon ng tsunami.

*Heartbeat*

Minsan talaga masarap tumakas sa problema sa buhay. Masarap magbulag bulagan, at magbingi-bingihan. Turning point na yata yun ng isang tao, kapag sawa na sya sa lubak lubak na byahe ng buhay. Kung walang stop over ang isang byahe, hindi mawawala sa option ang "bintana" na sa kahit anong oras ay pwedeng pwede kang tumalon. Nasa tabi mo lang yun, kaya walang kahit sino ang pwedeng pumigil sayo. Kung meron man konsensya na lang.
Minsan naisipan ko na ding magbukas ng bintana habang nasa byahe, pero hindi para tumalon, kundi para magpahangin. Iba kasi ang thrill kapag nasa gitna ka ng dalawang desisyon na parehas lang ang kalalabasan kahit ano pang piliin mo.

Tatalon ka ba?

Kung "oo" hindi kita pipigilan..

at kung "hindi"

tara samahan mo nalang akong magpahangin, i-enjoy ang byahe at magtiwala sa drayber ng buhay natin..

Malamig ang kamay ko, pero mas malamig ang palad ni Sophia nung hinawakan nya ang kamay ko. Lalong nanglaki ang mga mata ng adviser namin na ilang hakbang nalang ang layo sa amin. Tumingin ako kay Sophia. Nakangiti sya na parang hindi ko maintindihan. Nag-krus ang kilay ko nung sinabi nyang..

"Robert, are you ready?"

"Ready? Saan?"

Hindi sya sumagot, bagkus ay mabilis akong hinila at tumakbo.

"Sophia! Teka, saan tayo pupunta?"

"Wag ka nang magtanong! Hindi ko din alam!"

"Anong hindi al-- waahhh!!"

Binilisan nya pa ang takbo, ako naman na parang laruang kotse lang na tinalian at hinatak. Ngunit wala na kong nagawa. Mahirap kontrahin ang mga ganitong klaseng desisyon nya. Kahit siguro makipagtalo ako, eh hindi din ako mananalo. Tumingin pa ko ulit sa likod para tanawin si Ms. Ramirez. Ayun! Naiwan syang nakatayo, at hindi nagawang humabol, kasunod yung mga estudyanteng nakiki-uzi na pasulpot sulpot ang mga ulo sa pagtanaw sa amin.

Hindi ko alam ang balak ni Sophia, at kung saan kami pupunta. Mahirap hulaan ang pag-iisip ng babaeng 'to. Isa lang sigurado ko. May darating na liham sa ermats ko, o di kaya pagpasok namin sa klase, ay magkakaroon ng title ang ginawa naming pagtakas sa kanya. Pinamagatang.. "Wag tularan.."

--------------

Agnes


"Richard! Richard!"

"Angie?"

"Agnes po!"

"Oh! Bakit Andy?"

"Agnes PO! *sigh* Ano nalang nangyari kay Robert?"

"Kay Robert ba at Sophia?" sagot nito habang naghihimas ng baba, kahit wala namang balbas.

"Sorry ha! Hindi ko alam, pero isa lang ang sigurado ako.."

Kumunot ang noo ni Agnes, style Dinna Bonnivie.

"Ano?"

"Galit at umuusok ang ilong ng adviser ko! Hahahaha!"

Muli ko pang tinanaw ang paligid bago ko mapansing bumalik na si Richard sa loob ng service bus nila. Hindi ko maiwasang mag-alala kay Robert, alam kong hindi magiging maganda ang pakikitungo ni Ms. Ramirez sa kanila dahil sa ginawa nilang pagtakbo. Ilang beses ko na ding tinawagan ang cellphone nya, pero sa unang tatlong beses ay hindi nya ito sinagot, ang huli ay nakapatay na ito. Nagpasya na kong bumalik sa service, at baka ako naman ang maiwanan. Pahakbang na ang mga paa ko paakyat ng bus, ng marinig kong may sumisigaw ng pangalan ko galing sa likod.

"Agnes! Agnes!"

Si Richard! Bitbit ang iilang gamit, na sa tingin ko ay kay Robert at Sophia.

"Bakit- *hingal* ka- *hingal* uma- *hingal* lis?"

"Ikaw ang nawala, diba bumalik kana sa bus nyo? Tsaka bakit hingal na hingal ka? Dalawang bus lang pagitan ng bus nyo sa amin."

"Nagmadali kasi akong kunin tong mga gamit nila"

"Oh? Bakit mo dala? Anong gagawin mo dyan?"

Ngumiti lang si Richard na parang kontrabida sa pelikula, kasing katulad nang mga ngiti ni PGMA nung bumaba si Pare sa pagkakaupo.

-----------------------

Habol pa din ako ng hininga, habang nakahawak ang dalawang kamay sa tuhod. Habang si Sophia naman ay busy sa pag-disassemble ng battery sa cellphone. Tumingin ako sa paligid, para maghanap ng mauupuan, at magliligtas sa mga nangangawit kong paa.

"Doon tayo!" anyaya ko kay Sophia habang tinuturo ang isang lumang bench.

Sa isang lumang istasyon ng tren. Sa isang lumang bench. Sa isang lugar na siguradong walang makakakilala sa amin, at mas lalong siguradong hindi ko alam kung kasama pa ba sa mapa ng pilipinas, ay dun muna kami nagpalipas ng oras at nagpahinga. Pasimple kong ginala ang mata sa paligid. Napansin kong hindi gaanong matao ang istasyon na 'to. Hindi tulad ng pamosong MRT at LRT, na laging siksikan at paboritong tambayan ng mga mandurukot na kadalasan ay bataan ng mga pulis na sya ding nakabantay sa lugar.

"Now what?" tanong ko kay Sophia.

"Now what?! Parang hindi 'to lalaki!" sabay batok sakin.

Medyo napahiya ako sa sinabi nya. Pero cool pa din para hindi halatang nagmukha na naman akong pandesal.

"Ano kayang gagawin ni Ms. Ramirez?" tanong nya.

"Malamang i-expelled nya tayong dalawa.." sagot ko habang naggagala pa din ang paningin sa paligid.

"Ano naman idadahilan nya?"

"Tumakas tayo sa field trip.."

"Sa tingin mo magmumukha tayong tumakas, kapag sasabihin nating naiwanan tayo ng bus?"

Napatingin ako sa kanya sa sinabi nya. Hindi ko alam kung may maganda bang punto sa salita nya, o talagang panatag sya na maloloko namin si Ms. Ramirez. Hindi muna ako sumagot, nag-isip muna ako kung mas may maganda pang pwedeng idahilan sa mabait kong guro. Masyado kasing matalas syang mag-isip, kahit pa humigop ng todo sa slurpee at ma-brain freeze, ay gumagana pa din ang utak nya. Dahilan na din yata para hindi sya nakapag-asawa.

"Saan na tayo pupunta Robert?"

Hindi ko na namalayan na umalis na pala ang tren na nakahinto kanina. Tsaka lang ako nakaramdam ng panunuyo ng lalamunan. Binalak kong sumagot sa tanong nya, pero naramadam kong pipiyok ang boses ko, kaya nagkibit balikat nalang ako. Tumingin ako kung saan may malapit na mabibilhan ng pamatay uhaw sa paligid, at nang makahanap ay tska palang ako tumayo.

"Saan ka pupunta?"

"Bibili lang ako ng maiinom"

Ngumiti lang sya sa akin, at tulad ng dati ang mga ngiting yun ang nagsasabi palagi sa akin na masaya mabuhay sa mundo, lalo na't kasama sya. kahit pa sa lugar na kaming dalawa lang yata ang magkakilala.

"Bilisan mo! Ayoko maghintay!"

"Yes boss!"

---------------------------

"Alam mo hindi ko alam kung tama 'tong ginagawa natin eh!"

"Alam mo mas maganda kung itikom mo nalang yang bibig mo!"

"Paano naman ako matatahimik kung--"

"Please! Please! Kahit isang minuto lang!"

"Pfft!"

Ewan ko ba kung anung pumasok sa isip ni Richard, at nagpaiwan kami sa service. Magkaibigan nga sila ni Robert. Sa maraming dahilan, parehas sila ng takbo ng pag-iisip. Hindi ko lang talaga alam kung anung meron si Robert, na tila kakaiba kay Richard.

"Dito tayo!"

"Sandali lang naman! Mas madami pa ang bitbit ko kesa sayo!"

"Malay ko bang mas mabigat ang bag ni Robert kesa kay Sophia, tsaka bakit ba yan ang ginusto mong bitbitin aber?"

Hindi ako nakasagot, pakiramdam ko'y namula ako sa hiya. Tinamaan ako sa sinabi nya. Hindi mapagkakailang may nararamdaman ako kay Robert, at mas pinili kong bitbitin ang mga gamit nya. At ang nakakahiya pa ay sinilip ko ang laman nito kanina, dun ko lang nalaman na nandito pala ang phone nya, at battery empty pa. Kaya naman pala..

Medyo tirik pa din ang araw kahit pa hapon na, mainit at maalinsangan ang paligid. At ang mas nakakainis ay parang hindi namin alam kung saan kami pupunta. Hindi namin alam kung saan hahanapin ang dalawa. Oo! Ideya ni Richard na hanapin ang dalawa, hindi daw sya mapapakali kapag napahamak ang kaibigan, hindi ba nya naisip na mas delikado ang ginawa namin. Ngayon palang yata ako naniniwala na nagmula nga ang tao sa unggoy, dahil kaparehas nilang mag-isip ang kasama ko ngayon. Ewan! Inis!

"Teka! Parang galing na tayo dito kanina ha!"

"Haaayyy!! Sinabi ko na eh! Wala namang pupuntahan tong ginagawa natin!"

"Wag ka na nga magreklamo, ikaw naman din tong gustong sumama eh!"

"Anong gusto? Hindi ba ikaw tong nagpilit sakin?"

"Pinilit? Sinabi ko lang naman na hahanapin natin si Robert at Sophia, pumayag ka naman agad!"

"Ewan ko talaga sayo!"

"Hmm, teka lang.."

"Bakit na naman?"

"Hindi kaya crush mo si Robert? Ha? Ha? Ha?!"

"...."

"Ano? Siguro nga no? Hahahaha! Walastik talaga tong bespren ko!"

-----------------------

Sinumpong na naman ako ng inis sa mini store na pinagbilhan ko ng maiinom. Hindi ko lubos maintindihan kung bakit napakabagal ng serbisyo sa lugar na 'to. Una kakaunti lang at halos walang taong umoorder, pero parang kamag-anak ni pong pagong ang cashier kung kumilos. Inabot yata ako ng isang taon sa pagbili ng dalawang bote ng mineral water. Paano pa kaya kung mag-shopping galore ako? Baka tubuan na ko ng balbas at bigote, kahit wala sa genes namin ang ganon.

Nagmadali na kong lumakad para balikan si Sophia. Isang block lang naman at isang kalsada ang layo ng store sa isatasyon ng tren. Naabutan ko syang nakaupo pa din, kung paano ko sya iniwan, ay ganun pa din ang ayos nya. Parang naka idle lang eh.

"Sophia, sorry! Grabe kasi sa bagal yung--"

Napahinto at napangiti ako sa nadatnan ko, na parang hinaluan ng awa. Naabutan kong natutulog na si Sophia sa lumang bench, hawak hawak pa din ang kanyang phone. Dahan dahan kong inilapag ang bitbit na botelya ng tubig. Marahan din akong umupo sa tabi nya. Maingat kong isinandal ang ulo nya sa aking balikat, para mas maging komportable sya sa pagtulog. Eh ang kaso, nagtrip ang author! Hindi ko napigilan ang pagdulas ng kanyang katawan, pinigilan ko pa kaso medyo mabigat sya, kumpara sa braso kong papel at lapis lang ang kayang buhatin. Ang ending imbis na sa balikat dapat nasandal ang ulo nya ay napunta ito sa aking mga hita.

Swerte lang talaga! Hindi sya nagising. Malas nga lang, at kahit katiting na pagkilos ay hindi ko yata magagawa. Napako na naman ako sa sitwasyon na may advantage at disadvantage.

Disadvantage dahil magmumukha akong estatwa ni mcdo sa mga susunod na oras. Advantage naman dahil malaya kong mapagmamasdan ang kanyang mukha. Sa totoo lang ngayon ko lang sya nakita sa ganitong hitsura, at hindi maipagkakaila na maging sa pagtulog ay cute pa din sya. Kumbaga sa larong pusoy perfect sya mulo ulo hanggang katawan.

Para kang kape, di ka nagpapatulog
Parang kagabi, gising ako hanggang tanghali
Di ko nga man lang alam kung sino ka talaga
Kailan kaya kita makikilala?

At pano kung nasulat na sa notebook ng tadhana
ang kwento ng pag-ibig tungkol sa ating dalawa
di kaya sayang naman, kung hindi nating susundin
ang nais na mangyari ng tadhana, para satin.

Medyo nakaramdam talaga ako ng lungkot, nung biglang sumagi sa isip ko ang pagtatapos ng HS life ko. Hindi dahil aalis na ko sa eskwelahan, Hindi dahil ma-mimiss ko si Ms. Ramirez. Kundi dahil ang salitang "paghihiwalay" ang sadyang dumudurog sa puso ko. Minsan nagtatanong ako sa sarili kung ano nga bang pwede kong gawin, para tuluyan syang maangkin? Kung tatanunging ako sa isang game show, o kahit slumbook man lang, kung magiging superhero ako? Anong kapangyarihan ang gusto ko? Sigurado isa lang ang isasagot ko.

"Yung kayang magpigil ng oras, at panahon". Wala nang iba!

Ang kaso lang, ang buhay ay hindi question and answer. Walang superhero sa kwentong 'to na kayang pigilin ang takbo ng kamay ng orasan. Ang magagawa ko lang ay sulitin ang bawat eksenang ganito, habang sariwa pa. At kung pagtitig lang sa kanyang mukha ang magagawa ko sa mga oras na 'to. Aba'y bakit hindi? Hindi na masama na magwagi ka ng ginto sa patimpalak ng buhay, na tinatawag na pag-ibig.

------------------------

"Richard, napapagod na ko.."

"Ikaw lang ba? Ikaw lang ba tao, marunong mapagod?"

"Ikaw pa galit? Diba ideya mo 'to?"

"Oo na! Oo na! Ideya ko to! Paulit ulit! Unlimited ba?"

"Oo! Paulit ulit! Paulit ulit lang tayo pabalik balik dito eh!"

"Sige ikaw mauna, mukha yatang alam mo dito"

"Hindi! Hindi ko alam! Sana talaga hindi na ko sumama!"

"Sana nga! kung alam ko lang na parang kang radio station sa umaga, sana nga hindi kana sumama.."

"Ano?!"

"Wala!"

Hindi na talaga maipinta mukha ko sa inis. Buti sana kung maayos kausap ang kasama ko, kaso hindi! Parang nakikipagtalo lang ako sa bata! Mas mainam pa yata ang bata, kapag nagalit ka tahimik na. Gutom na din ako, dahil halos dalawang oras na kaming naglalakad sa iisang lugar na parang pabalik balik lang kami.

"Ayoko na! Suko na ko! Sasakay na ko dun sa istasyon ng tren na yun!" turo ko sa abot tanaw lang na istasyon.

"Go ahead! Wala pong pumipigil sayo Agnes!"

"Ayun! Nabanggit mo din ng tama ang pangalan ko! Sa wakas!"

"Matandain ako no! Gutom lang talaga ako, kaya hindi ako makapag-isip.."

"Ako din.. Gutom na.. Kanina pa.."

Nagkatinginan kami. Sa puntong yun, iisa lang ang tinatakbo ng isip naming against sa isa't isa. Sabay kaming napahinto, at naghanap hanap sa paligid ng pwedeng makainan.

"Dun tayo!" halos sabay pa naming bigkas.

Wala pang trenta minutos ay dumating na ang order namin. Dahil kung hindi ay mukhang maghahamon na ng away si Richard, dala ng sobrang gutom at pagod. Walang imikan, kanya kanya muna kami ng mundo. Parang walang nangyaring pagtatalo kanina, parang sa isang iglap nalang ay bigla kaming nagkasundo.

"Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko.."

"May tanong ka ba?" balik tanong ko, habang deretso pa din sa paglantak sa pagkain.

"Kung crush mo nga ba si Robert!"

"Oi! Wag mo nga lakasan! May mga tao sa paligid, hindi lang tayo!"

"Eh ano naman? Kilala ka ba nila?"

"Kahit na! Nakakahiya!"

"Hahahaha! May gf na si Robert!"

"I know Richard! I know!"

"But still--"

"Still what?" Mabilis kong awat sa kanya.

"Defensive masyado.. pero halatado naman!"

"Ganyan lang ba gawain mo sa buhay? Ang mang-asar?"

"Hindi ah! Marunong din akong sumayaw, bukod sa pang-aasar mahilig din ako sa mga cute na babae. Hmm, Tulad mo! Mga tipo mo ang type ko, pwede bang kalimutan mo na ang bespren ko?"

"WHAT?"

Ngayon lang ako nakaramdam ng mawalan ng gana sa pagkain. Hindi lang pala sya ubod ng kulit, mukha nasobrahan din sya ng kapreskuhan sa katawan. Alam kong nagbibiro lang sya, at nagpapatawa kahit hindi naman talaga nakakatawa. Pero ang sabihing kalimutan ko nalang si Robert, para sa kanya? Tingin ko babaliktad ang sikmura ko, at mailalabas ko lahat ng kinain ko.

--------------------------

Halos dalawang libong kapalpakan muna ang nangyari kay "The Wizard of Menlo Park" bago nya tuluyang napagana ang isang perpektong bombilya. Ngunit sa kanyang interview sinabi nyang hindi sya pumalpak, bagkus nakahanap lang daw sya ng dalawang libong paraan para hindi mapagana ang isang bombilya, at isang paraan para tuluyan itong mapagana. At kahit walang kinalaman sa istorya at love life namin ni Sophia, ay naging inspirasyon ko ang determinasyon nya sa isang bagay na gusto nya. Bagay na wala naman talaga ako.

Wala akong determinasyon para tuluyang angkinin si Sophia, pero meron akong walang katapat na pag-ibig para sa kanya, at yun ang nagsisilbi kong inspirayson.

Umalis at may panibago na namang tren na huminto sa harap namin. May kakaunting taong lumalabas at pumapasok sa loob nito. Merong dumadaan lang, at meron din parang tangang lutang ang isip na lalabas ng tren at babalik sa loob matapos maalalang mali sila ng nababaan. At kami ni Sophia na hindi alam ang pupuntahan Na-stock sa aksidenteng date na wala naman talaga sa plano at malayong malayo sa "swimming".

Pero ayos lang! Lahat naman ayos lang, basta si Sophia ang kasama ko. Napapangiti pa ko habang pinagmamasdan syang tulog. Sa pagkakatitig pinilit ko pang ilapit ng kaunti ang mukha ko sa mukha nya. Gusto kong mapagmasdan sya ng malapitan.

"Sophia.."

"I Love You.."

..
...
....

"I love you too.."

Muntikan ko na talagang mailaglag sya sa sahig dahil sa pagkagulat. Huli na nang mapansin kong dilat na ang kanyang mga mata, at diretsong nakatingin sa mga mata ko. Bumilis na naman ang tibok ng puso ko. Alam kong dinig nya ang sinabi ko, dahil sa malinaw na sagot nya. Hindi ko alam kung bakit, pero sa mga ganitong pagkakataon ay para akong tanga na bigla nalang nababalisa at hindi alam ang susunod na hakbang.

"Sorry ha, nangawit ka ba?"

"Hindi! Hindi talaga!"

Ngumiti sya! Pero sa pagkakataong ito masasabi kong isa ito sa pinakamalupit na ngiting binigay nya sa akin. Parang gusto ko na yatang pasalamatan si Ms. Ramirez sa pag-aalboroto nya kanina at paglalagay sakin sa sitwasyon na 'to.

"Buti naman.."

"Buti naman?" bulong ko sa sarili.

"Kanina pa ako gising.. Gusto ko lang talagang makatabi ka pa, pasensya na.."

Buti nalang talaga tumaya ako, kung hindi! eh di hindi ako tumama.