Tsinelas

image credit to orig uploader syempre :)

"Tang-na! May nagnakaw na naman ng tsinelas ko!" maktol ko matapos masigurong wala ang bagong biling tsinelas. "Kagabi nandito lang yun e!" sabay titig sa asong si Kulas na agaran namang tumakbo papalayo sa bakuran.

"Hanapin mo lang dyan. O baka nahiram lang ng kuya mo, umalis kaninang umaga e"

"Nag-basketball si kuya, sigurado naka-sapatos yun!"

"Gamitin mo yung mata hindi yung bibig!"

Asar na tinakpan ko ang kaliwa't kanang tenga para 'di marinig ang mga sasabihin pa ni Ermats, "Bwisit na buhay 'to! Spartan nalang tinalo pa!" bulong ko sa sarili.

Tyempo namang lumabas sa tapat na tindahan si Roy. Bunsong anak ng pamilyang bagong lipat lang sa kanilang lugar. Namuo ang paghihinala sa aking utak, dahil noong nakaraang araw ay aksidente kong nakita ang nawawalang bola sa kamay ng bata. Tanggap ko namang bola lang yun at alam kong kahit sinong na'sa ganoong edad ay maaakit lalo't naiwan lamang kakalat-kalat sa bakuran. Pero ang tsinelas na walang pinagkaiba ang nipis sa papel ay hindi katanggap-tanggap para lang nakawin.

Dali-dali akong tumakbo sa tindahan kahit naka-yapak. Pasimpleng tinignan ang paligid. Nagbabaka-sakaling may kapiranggot na ebidensyang makita. Bigo. Napaupo na lamang sa sama ng loob.

Shooting Star

image credit to orig uploader :)


"Kung na-solo mo ang nagdaang shooting star, anong hihilingin mo?" excited na tanong ni Toni nang may mapadaang bulalakaw sa langit. Siguradong sa lawak ng kalangitan hindi lang mga mata namin ang naka-saksi kaya sa isang daang pursyento malamang .1 lang ang tyansang matupad ang bagay na naisin ko.

"Ano?"

"Iwi-wish kong maging bata ulit," walang kwenta kong sagot. Kung magtatabi ang papel de liha at ang kanyang mukha parang walang pinagkaiba dahil sa weirdo kong sagot.

"Maging bata? Ayaw mo ng pera? bahay? maging artista?"

"Yung kapitbahay namin yumaman dahil tumama sa lotto pero mas marami pa ding problema 'di tulad ng pamangkin kong pagkukulay lang ng kanyang ginuhit ang iniisip. Hindi rin sya naging artista."

"Lalim ha! Ikaw na!"

Natawa lang ako sa sagot nya. Nagawa ko pa din palabasin ang pinaka-maganda nyang ngiti. Nakagawa pa din ng paraan para mag-mukhang matalino kesa sa alaga nilang parrot. Sumandal ako sa rocking chair at ipinatong ang dalawang palad sa aking ulo. Inugoy-ugoy ito habang pinagmamasdan si Toni. Wala pa ding kupas ang kanyang kagandahan. Parang hindi lumipas ang dalawampung taon saming dalawa.

Ika-Siyam (2)

image credit to orig uploader :)

Parang mga makukulit na buni lang kung magbalik sa isip ni Oswald ang mga nangyari. Pinipilit ang sarili na wala itong kinalaman sa kanyang panaginip. Dalawang linggo nang hindi nagpapakita ang matanda sa kanyang pagtulog. Tila see-saw ang kanyang paniniwala sa pintong tutupad daw sa kanyang hiling.

Madalas na syang nag-iisa. Minsa'y kinakausap ang sarili. Kahit ang kaibigang si Wilfred ay hindi din alam ang isasagot sa tuwing may magtatanong. Iba na ang kanyang kilos 'di tulad ng dati. Ang palaging masiglang anyo, ngayo'y parang resulta ng halalan. Maraming nawe-weirdohan kay Oswald liban na lang kay Milda.

"Tulala kana naman!" panggugulat nito kay Oswald nang abutang nag-iisang nakaupo sa gilid ng stage. Matamlay na ngiti ang naging sagot ng binata.

"Ang mga mahal daw sa buhay na pumanaw ay hindi nakakatawid sa langit kapag may taong hindi daw matanggap ang kanilang pagkamatay" wika ni Milda.

Bahagyang nagusot ang kilay ni Oswald. "Hindi si itay ang iniisip ko e"

"Sino?" Umupo ang dalaga sa kanyang tabi "Ako ba?" biro nito.

Pasimpleng napangiti si Oswald. Bago pa sya makasagot bigla syang may naalala. Noo'y sa tuwing makikita nya si Milda ay halos lumabas sa kanyang bibig ang kanyang puso sa kaba. Ngunit sa sandaling iyon halos kampante syang nakikipag-usap at nakikipagbiruan dito. Sumagi na naman sa kanyang isip ang matanda sa panaginip.