Fishball

Gamit ang pulang pentel pen, naisulat na ni Jen ang sagot nya sa tanong kong halos limang taon nang naghahanap ng sagot. Hindi sa papel kundi sa kaliwang braso kong naka-semento. Gusto ko sanang silipin dahil excited na ko, kaso bawal pa daw hangga't hindi pa sya umaalis.

"Kung 'di ka pa madidisgrasya siguro hindi ka uuwi ng Pinas.." bulong nya. Alanganing nalulungkot at alanganing naghahanap ng simpatya ang kanyang mukha.

"Hindi ah!" diin ko, "Kailangan lang talaga ng dedikasyon sa klase ng trabaho ko. Alam mo namang hindi basta pwedeng iwanan ang duty.."

"Swerte naman ng trabaho mo, may dedikasyon.."

Hindi ako kumibo. Nahulaan ko na kasi ang kasunod. Matagal nga naman ang limang taon. Sa isang sundalo, maituturing na normal, ngunit sa tulad ni Jen na mas mahaba pa ang pilik mata kesa sa kanyang pasensya, malamang matinding sakripisyo ang kanyang ginawa.

Minalas ako sa huling operasyon ng grupo kaya baldado ang aking kaliwang braso. Swerteng nabuhay kami sa engkwentro, malas namang tumaob pababa sa paanan ng bundok ang sinasakyan namin habang kami'y pabalik na nang kampo. Pito sa amin ang binawian ng buhay. Apat naman ang lubhang nasugatan. Maituturing pa rin na mapalad ang naging hatol sakin ng Diyos, ikumpara sa isang kabaro kong hindi na alam ang kanyang pangalan matapos ang aksidente. Lucky charm ko daw si Jen sabi ng nurse na nag-alaga sa akin ng isang linggo bago ako lumipad pauwi.

"Mas maigi na 'to,” tukoy ko sa aking lagay, “at least mahaba ang magiging oras ko sayo. Babawi ako."

"Paano?!" naging excited ang kanyang tinig na parang batang nagulat nang matanaw ang parating na sorbetero.

"Food trip tayo sa Baguio, romantic date sa Vigan, swimming naman sa Calaguas, at sight seeing sa Bohol. Pero mas maganda kung mag fishball muna tayo kela Aling Tinay."

"Loko! Na-miss mo no?"

"Sobra! Hindi ko pwedeng ipagpalit ang fishball sa kahit anong pagkain sa mundo."

"Tara!"

Lucky charm? Siguro nga.

Yung mga sandaling pabalik na kami ng kampo bago maganap ang aksidente. Nakakagulat na bigla na lamang sumipa sa isip ko ang mukha ni Jen. Napakaganda nya. Bumilis agad ang kalabog sa dibdib ko. Nag roll back lahat ng ala-ala. Yung mga neurons na nagre-represent ng buong pagkatao nya bigla na lang nag-welga sa utak ko. Tsaka ko lang napagtanto na kailangan ko na palang umuwi, tapos biglang nag zig-zag yung takbo ng auto. Pumikit ako bago pa kami gumulong.

"Aling Tinay pakituruan nga itong si Jen mag-prito ng fishball na kasing katulad ng sayo, para kapag kasal na kami may maipagyayabang na ko!" biro ko kay Aling Tinay.

"Huwag po kayong maniwala dyan! Hindi pa nga nagpo-propose e!" bawi ni Jen.

"Hindi pa? Aba'y katagal naman. Sige ka baka maghanap na ng iba yan!" segunda naman ni Aling Tinay.

"Sobrang bagal po e! Isipin nyo po high school pa kami parokyano ng fishball nyo at hanggang ngayon hindi nya pa rin ako niyayayang lumagay sa tahimik."

"Hindi po totoo yan! Ang totoo po kasi binabalak ko na nga mag propose. Hindi ko lang po alam kung paano ipagkakasya ang singsing sa fishball."

Namayani ang tawa. Nasilayan kong muli ang pinaka-magandang ngiti ni Jen. Ngiting hinanap-hanap ko sa limang taong pagkakawalay sa kanya. Gusto ko syang yakapin. Yung sobrang higpit, kaso biglang nawalan ng space ang kanyang kilay, "Loko ka talaga! E kung malunok ko yun?"

"Plano palang naman e."

Noong magising ako puti na ang kulay ng langit at hindi na asul. Inakala kong sumakabilang buhay na ko hanggang sa magsalita ang amerikanong doktor. Kisame pala ang nakikita ko. Mula noo, balot ng bandage ang ulo ko. Meron ding bagay na sumusuporta sa leeg at sementong nakabalot sa kaliwang braso.

Tinalo ng pag-iisip kung nakarating naba kay Jen ang balita kesa sa nararamdaman kong sakit. Malamang bubuhos ang luha sa kanyang pisngi. Bagay na ayaw kong makita. Kwento ng nurse, madalas daw akong managinip. Paulit-ulit ko raw binabanggit ang pangalan ni Jen. Hindi na raw sya magtataka kung iyon ang nobya ko. Kaya nya siguro nasabing si Jen ang lucky charm ko.

Takipsilim. Pahalik na ang dilim nang magdesisyong ihatid ko na si Jen. Mas pinili naming maglakad kesa sumakay. Mabigat na dahilan ang trapik at maigi sa katawan ang exercise para mapapayag sya, kahit na ang totoo ay gusto ko lang talagang ma-extend ang oras na kasama sya.

"Bakit tahimik ka?" tanong ko kay Jen.

"Wala.."

"Ang taong tahimik palaging may iniisip."

Huminto sya sa paglalakad, ngumiti, at humalik sa aking pisngi, "Harold, please stay."

"I'll stay," nakangiti kong sagot.

"Sure ba yan?"

Yakap ang naging sagot ko. Senyales nang pagsang-ayon. Mahigpit, makabuluhan, malalim, may pagmamahal. Tinapik nya ang likod ko. Lalo ko lang hinigpitan. Isa, dalawa, tatlo. Sunod-sunod na tapik. Kumirot ang aking ulo. Lumakas ang tapik na may kasama nang hindi pamilyar na tinig.

"Sir? Sir?"

Idinilat ko ang aking mga mata. Tuloy pa rin sa pagyugyog ang nurse sa aking balikat, "Sir?"

Pumasok ang doktor sa kwarto. Sumunod ang isa pang nurse na may bitbit na clipboard. Marami silang tanong. Yung iba normal. Yung iba hindi pa ma-absorb ng utak ko. Wala pa ko sa ulirat. Naiintindihan ko ang pinag-uusapan nila. Wala lang ako sa mood sumagot. Inutusan ni dok yung nurse na gumising sa akin para alalayan akong umupo.

Sa gilid ng kama, pinagmamasdan ko ang aking paa. Sa isip ko okay lang naman pala kahit kulang ng isa. Yung kaliwang braso ko ganoon pa rin ang itsura. Sementado pa rin. Kinapa ko sa aking ulo kung saan galing ang kirot. May malaking sugat na sa wari ko'y malapit nang maging peklat. Yung umalalay saking nurse halata sa mukha nya ang awa. Nginitian ko lang sya para ipahiwatig na okay lang ako, tsaka nya hinilera yung mga iba't-ibang gamot. Iba rin ang kulay at hugis sa bawat isa. Yung isa naman tuloy pa rin ang pagsusulat sa clipboard. Lahat nang sinasabi ng doktor inililista nya. Pasimple nya lamang akong tinapunan ng tingin tsaka bumalik sa ginagawa.

"Sir," hinawakan ng doktor ang balikat ko, "Same dream po ba?"

"Oo.."

"Malapit na po kayong lumabas ng hospital. May I ask kung may naaalala na ba kayo sir?"

Gamit ang pulang ballpen na hiniram ko sa nurse, maingat kong isinulat ang sagot sa tanong ni Dok. Hindi sa papel kundi sa kaliwang braso kong naka-semento. Excited nyang sinilip. Ngumiti sya tsaka ako kinamayan.

Tatlong letra.

 Jen.

"Call his wife." utos nya sa nurse.



-Wakas





Opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2014 sa kategoryang Maikling Kwento




Balita

Makapal ang taong nakapaligid sa kanto ng Boni Ave. at Sto. Rosario sa Mandaluyong, matapos ang shoot out sa mga hinihinalang riding-in-tandem. Hindi malaman ng mga kinauukulan kung paano nila hahawiin ang mga tsimoso't tsismosa na lubhang nakaka-abala na rin sa daloy ng trapiko. Uhm, idagdag na rin ang mga auto ng mga pulisya na ginamit upang maharang ang mga kinikilalang mga kriminal.

Nakahandusay at halos wala ng buhay ang dalawang lalaking kinilala sa pangalang sina Rogelio Trinidad, 24 na taon, at si Cesar Lintao, 34 na taong gulang. Mga pawang walang love life ang mga ito dahil sa mga identipikasyong nakuha sa kanilang mga wallet na may naglalaman ng Php350 (kung pagsasamahin) pesos na bigla na lamang sinilid ng isang pulis bilang kapalit sa tumagaktak nyang pawis kakahabol sa dalawa.

Ayon sa saksing si Ginang Malou, na'sa gitna umano sya ng mainit na tsismisan sa kanyang mga kapitbahay nang bigla na lamang 'di umano'y may narinig syang sigaw ng isang babae sa tawid na kalsada. Out of curiousity, ibinato nya agad ang bitbit nyang pandesal sa pag-aakalang isang mahalagang spoof ang kanyang makukuha.

Reporter: "Nasaan po ba kayo noong mga oras na yun?"

GM: "Ayun nga! Basahin mo sa taas!"

Reporter: "Ah, e ano ho ba mismo ang inyong nasaksihan?"

GM: "Ayun nga! Pilit inaagaw noong isang lalaking yun (itinuro yung isang lalaking nakahandusay), yung hawak nyang bag. Ayaw nya talagang ibigay! Siguro malaking halaga ang laman noon.. Tapos yung isang lalaki namang nakasakay sa motor bababa na sana sya. Gusto yatang tulungan yung lalaking kasama nya, kaso bigla akong sumigaw.."

Reporter: "So, ibig sabihin sa inyo ho na-alarma ang mga 'to? Tama po ba?"

GM: "Yes! Opkors! Sa lakas ba naman ng sigaw kong umabot ng munisipyo, e agad rumesponde yung mga pulis! Naku! Kung ikaw ang nakakita, hindi ka talaga maniniwala. Mabilis talaga ang aksyon nila!"

Reporter: "Ano pong nangyari pagkatapos?"

GM: "Yun na nga. Tatakas sana yung dalawa kaso agad silang nahabol tapos agad silang pinagbabaril. Ito! (tinuro yung pulis na nagkakape) Yan ang naunang bumaril. Galing mo tsip!"

Reporter: "Matanong ko lang ho Ginang. Nakita nyo po ba kung saan napunta yung babae? Yung biktima?"

GM: "Ay! Oo nga no? Hindi na e! Mabilis syang nawala matapos dumating yung mga pulis. Sayang 'di ko na-chika man lang (may tinig ng panghihinayang)"

Reporter: "Maraming salamat Ginang Malou! At yan po ang ating ulat mula dito sa Mandaluyong, back to you F******!"

Maya-maya'y napawi na ang tensyon. Nakapag-tanghalian na ang mga usisero/sera. Lumuwag na ang daloy ng trapiko. Balik sa normal ang gawain ng taong bayan. May mga bumilib at mas marami ang natuwa. Liban sa hepe na kakarating pa lamang na hindi malaman kung may balakubak sa ulo dahil sa kakakamot. Pasimple nitong nilapitan ang dalawa sa pulis na nakatokang maiwan.

"Sino bumaril sa mga asset?", bulong nito. "Yung babae ang target. Na'sa bag yung item. Big time na sana tayo napurnada pa.."

"Sir, may ginang kasing nag-ingay e.."

"Barilin nyo rin.." utos nito.

At muli, may katawang bumagsak sa kanto ng Boni Ave., at Sto. Rosario sa Mandaluyong. Yun nga lang, hindi na nanumbalik ang mga tao para tumikim ng balita.


-Wakas



image credit to orig uploader :)

Test Paper

credit to orig uploader :)
Pasimple kong sinipa ang ibabang bahagi ng upuan ni Alex. Tumingin lang sya tapos bumalik ulit sa paghagikhik. Medyo lumakas nga lang ng kaunti nang malaman nyang apektado ako. Kung hindi lang si Mrs. Ramirez yung teacher namin sa harapan malamang tumayo na ko't binatukan sya.

Alam kong ako at si Carla ang nilalaman ng malabnaw nyang utak. Nagsisisi tuloy ako't nabanggit ko pa sa kanya kanina na medyo umiibig na ko kay Carla. Natatakot lamang ako umamin dahil alam kong may kahabaan ang pila ng kanyang manliligaw, at alam ko rin na malayo sa katotohan ang mukha ko kung ikukumpara sa mga nagtangka. Natatawa nga ako kapag nakikita ko yung mga liham ko sa kanya tsaka yung tatlong pirasong roses na hanggang ngayon ay naka-display pa din sa aming sala.

Para kay Klasmeyt..

Hindi 'to bagong kwento. Lalong hindi bagong tula. Hindi din panibagong nobela na hindi alam ng author o ng mga mambabasa kung may sunod na chapter pa ba o sinolo nalang ng sumulat ang ending.

Simple lang..

Nais ko lang humingi ng maliit na pabor. Halagang P320 petot lang. Kung wala kang gagawin sa August 17. Araw ng linggo. Pwede kang maligaw sa Robinsons Galeria. Isama si bf/gf, ermats o erpats, si klasmeyt, si crush, si yaya, si utol, at.. at mas maganda kung babasahin nyo nalang yung banner/image sa baba.







"Nag-enjoy ka na, nakatulong ka pa!"  -Hiram na asawa linya.


Normal na tanong ng mga normal na tao (In-short FAQ)

Q: Paano mas mapapadali ang aking buhay pagpa-reserved/bili ng ticket.
A: Mas hassle free kung magbabayad sa bangko.
    -BPI account #3399 2782 78
    -Account name: Christian Dee

*then paki-inform ako kung nakapaghulog na at ibibigay ko yung ticket number. Pwede din kontakin yung mga numerong na'sa banner kung nais nyo yung literal na ticket, na sa kalaunan ay pwedeng gamiting remembrance.

Q: Pwede bang kay Amphie nalang ako bumili ng ticket?
A: Wala akong ticket na hawak. Pwede kayo sa akin magbayad then bibigyan ko nalang kayo ng ticket number. Contact nyo ko 0916 636 9425.

Q: May free snack po ba while watching the movie?
A: Opo, sopas..








PS. Kapanalig, para po ito kay klasmeyt.. Ngayon palang.. Salamat! ;)


official trailer HD, naks!




Paki-follow na din ang mga sumusunod:

Twitter: @iHeartPBO
Instagram: @iHeartPBO

Pakisabay na din 'to: ???










Maleta

image credit to orig uploader


"Blag!"

Isang malakas na sipa ang pinakawalan ko gamit ang kaliwang paa. Hindi natinag ang maleta. Tila natatawa lang sa naging asta ko sa kanya. Hindi ako nagpatalo. Sinipa ko ulit sa pangalawang beses na ubod ng lakas. Baklas ang handle. Tumalsik ang kapirasong gulong, dahan-dahan, papalayo sa akin, hanggang sa hindi ko na matanaw. Ipinakita na nito ang totoong anyo. Kung saang materyales yari. Napunit ang bandang ibaba. Sa halagang walong daan, napa-isip ako, napamura, napakamot, napa-suntok sa hangin. Tsaka biglang pumasok ang imahe ni Selya. Badtrip.

"Kung ayaw mo kong paalisin dito, sige! Ikaw ang lumayas!"

Graduate

Halos tatlumpung minuto na ang itinagal ni Estong sa pagkakaupo sa plastik na upuan na wala man lang sandalan. Nangangalay na ang kanyang mga binti dahil hindi abot ng kanyang mga paa ang sementadong sahig. Dagdag pa ang ingay ng lumalagutok galing sa mekanismong nagluluwal ng papel habang itinitipa ang bawat letrang bubuo sa kanyang pagkakakilanlan.

"Pangalan hijo?" tanong ng pulis na bahagyang nagtapon lamang ng tingin sa kanya. Banayad na ibinaba ang may gradong salamin sa kanyang ilong.

"Ernesto po."

"Apelyido?"

"Sucat"

"Spelling?"

Hindi nakakibo si Estong.

"Spelling!" tumaas ng bahagya ang tinig ng pulis.

"Eh-eh hindi ko po alam," nahihiyang tugon ng katorse anyos na binatilyo.

Orange - Chapter 3



Nasa dalawampung hakbang lamang o higit pa ang smoking area ni Philip mula sa studio. Actually hindi naman talaga mukhang studio ang gusali. Bahay lang na inupahan tapos ginawang opisina ang unang palapag. Yung second floor may tatlong kwarto, yung isa solo ni Philip. Sya lang ang pwedeng gumamit kaya mapapansin agad na puro obra ng binata ang nilalaman ng buong kwarto.

Yung dalawampung hakbang nagmistulang isang daan. Napakabagal maglakad ni Filona. Kapag binibilisan ni Philip ang kanyang mga paa, naiiwan ang dalaga. Hindi nya alam kung sinasadya o talagang makupad lang itong kumilos. Napipilitan tuloy syang sabayan na lamang ito para naman hindi sila magmukhang mag-syotang nag-aaway.

"Bakit ka pumasok sa ganitong trabaho?" tanong ni Philip.

"Wala namang masama 'di ba? Hindi pa naman ako nare-rape tsaka malaki ang bayad."

"Malaki nga, pero alam kong mas malaki ang kikitain ng isang stewardess.."

"Aba! Sinilip mo ang profile ko?"

"Hindi ah!" mariing tanggi ni Philip, "Nabanggit lang sa akin ni Ms. Belle. Hindi ko nga alam na ikaw ang magiging modelo ngayon. Maliit talaga ang mundo.."

Orange - Chapter 2



Katulad ng sinapit ng mga naunang mensahe ni Harry kagabi, binura nya rin ang huling mensahe na nabasa nya lamang ngayong umaga. Hindi sya apektado sa mga sinasabi ng kaibigan. Sanay na sya kay Harry na lintik ang concern sa kanya. Dapat pa nga'y magpasalamat sa kanya ang kaibigan dahil binisto nyang type nya si Rose, hindi nya lang alam kung nakatulong talaga.

May kakarampot na excitement din sa kanya ang blind date na yun. Hindi nya lang talaga gusto si Rose. Hindi ang tipo nyang babae ang magbabalik ng kiliti sa kanyang katawan. Tsaka alam nya ding sa huli ay itatapon sya nito na parang basura lang. Natuwa lang si Rose sa kanya. Yun lang. Walang iba. Hindi sila magki-click. Baka nga sa unang linggo pa lang ay ipagkaila na sya nito katulad ng kaso ni Pedro kay Kristo.

Binilisan nya ang pagkain. Bawal mahuli sa trabaho nya ngayon. May kahigpitan si Ms. Belle na bago nyang manager ngayon, na mas pinili nya para may katuwang syang labanan ang katamaran. Binigla nya ang paglagok sa kape. Pinaspasan nya ang paglantak sa pandesal. Kulang na lang singhutin nya ang mga piraso-pirasong nagkalat para walang masayang.

Orange - Chapter 1




Chapter 1

Simple lang ang mga pangarap ni Philip. Kasing simple ng pagkakaroon ng tagsi-singkwenta pesos na Ray Ban, na hindi nya pa sigurado kung isasama nya sa opisyal na listahan. Isa sa mga priority nya ang makabili ng sariling gitara. Mas mura iyon kaysa bumili sya ng sound system sa kanyang kwarto. Pangalawa na ang pagkakaroon ng pang araw-araw na rasyon ng kapeng barako. Kailangan nya ng pampagising sa trabaho na kinakailangan ng matinding konsentrasyon ang isang damukal na puyat. Ngunit mas itinuturing nyang jackpot, kung magbababa ng singil ang kanilang masungit na kasera na nagiging sweet lamang tuwing sasapit ang katapusan.

Ngayon, nais nya ng maidagadag sa listahan ang pagtiklop ng bibig ni Harry. Literal na pagtiklop. Yung hindi na makakapagsalita. Nauumay syang pakinggan ang mga sinasabi nito tungkol sa kanyang pagkatao. Papuri at mga positive personalities nya. Umuukit na nga ng butas sa mesa ang kanyang siko na nagsilbing tukuran ng kanyang baba habang pinagmamasdan ang view sa labas ng magarbong coffee shop.

"Sampu!" bulalas ni Philip.

Nahinto si Harry. Nawala sa isip ang susunod na sasabihin. Siniko nya si Philip. Pinandilatan. Ngunit hindi ito nakinig.

"Hindi mo ba napapansin?" bulong nito.

"Ang ano?"

Payong (Dagli)

credit to orig uploader

Mula anit hanggang sakong ang tubig sa katawan ni Isko. Inuubo't nilalagare ng sipon. Salo ng kanyang mga palad ang plastik bag na butas. Pinaglalagyan ng biniling bigas na kanina lamang ay umaapaw ang laman. Nalulungkot nya itong pinagmasdan, dahil ang kaninang isang kilo ay kakarampot na lamang.

"Pusang gala ka talagang bata!," pinihit ng kanyang Ina ang kanyang kanang patilya pataas.

Napaigtad si Isko sa hapdi. Dinukot ang walis ting-ting. Sunod-sunod itong humalik sa hita, paa, likod, at braso ng paslit.

"Maligo ka doon at magbihis! Minsan ka lang utusan na-peste ka pa! Pati ka-isa isang payong winala mo!" hugot-galit ng kanyang Ina.

Kinabukasan, may lagnat si Isko. May latay ang katawan. Nakatulog ng walang laman ang tiyan. Nakaratay sa tagpi-tagping banig ang likuran. Maya-maya pa'y sumulpot si Aling Nadia. Kabaryong niluma ng panahon. Bitbit ang payong na syang tunay na may sala.

"Daghan salamat sa imong anak, ug dili niya nitaas na ayo ang hilantan naku kahuwat sa akong asawa!"

-Wakas

Open Parking

image credit to orig uploader

Maihahambing sa isang pampublikong paradahan ng mga sasakyan ang buhay pag-ibig ni Jane. Libre ang sinomang gustong igarahe ang kanilang auto. Kahit anong oras, araw, o kahit kailan nila gustong balikan, o iwanan. Walang karampatang singil sa bawat sasakyang pumapasok o umaalis. May tumatagal mayroon ding napakabilis. Walang bakas na iniiwan. Walang pangakong tinutupad.

"Gising.." mahinang bulong ni Jane.

Nagtaas lamang ng kaliwang mata ang lalaki. Narinig nya si Jane. Sigurado 'yun. Ayaw nya lang tuluyang maglaho ang kanyang antok. Malamlam ang kanilang mga mata. Tanda na dinaanan ito ng luha at puyat. Ngunit si Jane ay daig pa ang napaka-agang lawin para maghanap ng ipanglalaman sa tiyan. Hindi na rin bago yun. Madalas syang nauuna para din ipaghanda ng agahan ang bawat lalaking nakakatabi nya sa kama noon. Naiiba lang ang lalaking natutulog ngayon.

Espesyal.

Natatangi.

Walang hihigit.

Orange - Preview


"Ang star alignment ay parang relasyon, may connection sa isa't isa ngunit may distance. Parang kayo, may spark, yun nga lang hilaw at supot.."


Philip loves Filona,
Filona loves Philip,
The End.. ?

But what if,
they really love each other,
but they didn't want to be together.
Peste! Nag-love life pa sila?

Isang tipikal na kwentong pag-ibig.
Plain at walang twist.
Mga ordinaryong bida,
at walang kontra-bida.
Isang cute na author.

Red + Yellow = Orange






#baliknobela

Pulot Gata (Rated PG)

image credit to orig uploader :)

Parang mamahaling alahas si Elsa. Kumikinang ang kanyang natural na ganda. Hinding hindi nawawala ang kanyang angking alindog na ilang beses nang nagpaluhod at nagpalambot ng aking mga tuhod.

Para ring espesyal na alak si Elsa. Habang nagtatagal ay lalong nakakasabik na tikman. Tumataas ang value. Nakakapanghinayang hubaran at lantakin.

Ngunit ngayong gabi'y binuwag na ng libog ang aking pananggalang. Buong-buo ko na syang malalasahan. Magpapakasawa ang aking kamunduhan hanggang sa ako'y hindi na makakilos sa magdamagang kaligayahan. Sa akin na muli si Elsa. Magsasalo kami sa init at tutupukin ang ginaw na namamayani sa paligid.

Pula ang suot nyang nigthies.

Itim naman ang mga kapirasong tela sa ilalim.

Malamlam na ilaw.

Malambot na kama.

Isang babaeng naghihintay, nag-aabang.

Hardcore ang datingan.

Pitong Pares ng Sapatos

Pitong pares ng sapatos ang aking natanaw. Nakasabit sa punong mangga. Nakabuhol ang sintas sa bawat isa. Inugoy ng malakas na hangin kaya't gumewang-gewang at nagmistulang sumasayaw.

Na'sa abroad na si Levy. Tulad ko, hindi sya tapos ng kahit anong degree. Masipag at may tamang diskarte kaya't sinuwerte sa estado ng buhay. Nalungkot ako nang malaman kong nakaalis na pala sya. Walang tawag, text, o kutob man lang na natanggap ang buong tropa. Basta na lamang syang nawala. Naglaho. Nabalitaan ko nalang sa kanyang ermats, noong isang araw na makasabay ko sya sa Jeep. Byaheng Vergara. Masaya ang kwento ng kanyang Ina habang ako'y napipinitensya.

Anim na pares ng sapatos ang aking natanaw. Nakasabit sa punong mangga. May balat, rubber, at may isang pang-balerina. Natutuwa akong pagmasdan. Lalo pa nang may biglang tumawag sa aking pangalan.