Obliviónis


Hindi tipikal na pawis ang tumulo galing sa sintido ko. Kakaiba ang lamig na umiikot sa paligid, hindi pangkaraniwan sa pakiramdam ko. Ang malamlam na sinag ng buwan ang tanging liwanag na nagbibigay buhay sa paligid. Ngunit nakapagtatakang hindi takot ang namamayani sa katauhan ko. Labis na pagkalungkot ang syang emosyon na dinidikta ng puso ko.


Ang pagkusot lang sa mata kong napuwing ang huli kong natatandaan. Sa muli kong pagdilat, ang naunang sitwasyon na ang sumalubong sa akin. Nakaupo ako sa malaking tipak ng bato, sa ilalim ng isang malaking puno. Sa abot ng aking tanaw, alam kong nasa tuktok iyon ng isang burol.


"Isa ka din sa kanila.." wika ng lalaking nakatago sa madilim na parte ng puno.



Bumilis ang tibok ng puso ko. Alam kong sa direksyon ko ang punta nya, dahil sa yabag ng kanyang mga paa. Maaabot ko na ang taas ng aking paghinga, nang naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking balikat.


"Wala po akong kasalanan!"


"Alam ko. Pero ang tuluyang paglimot sa tulad ko, ay maituturing ding kasalanan ng isang tulad mo.."


"Hindi kita kilala, paano kita malilimutan?!" nagtataka kong wika.


Dahan-dahang lumantad ang kanyang kaanyuan ng muling gumalaw ang kanyang mga paa. Matangkad ang lalaking may hindi pamilyar na mukha. Ang balbas na nakapalibot sa kanyang baba, ang nagsasabing hindi pa uso ang gillette o aftershaved.


Tinitigan nya kong maigi. Mula bumbunan hanggang guhit sa talampakan. Hinawi ang laylayan ng suot nyang damit, na noo'y sumasayad na sa lupa. Tumigil sya sa harapan ko. May kadiliman ang paligid, ngunit may taglay na liwanag ang kanyang kaanyuan.


"Sino po ba kayo?" marahan kong tanong.


"Kabilang ako sa labindalawa" pagkasabi'y agad syang umupo sa tabi ko. Iniunat nya ang kanyang kanang braso, saka tinuro ang isang direksyong hindi na kayang makita ng mga mata ko sa sobrang dilim.


"Doon kami magkikita-kita ng mga kasamahan ko.."


Nagliwanag ang lugar na kanyang tinuro. Namangha ako. Hindi sa special effects, kundi sa ganda ng tanawin sa hindi kalayuan.


"Bababa na ang ama, kasama ang kanyang anak.." muli nyang tugon.


"Ama? Anak?"


"Si Jesus, at ang kanyang Ama.." pabulong nyang sagot.


Nandilat ang aking dalawang mata sa sinabi nya. Paglingon ko'y may kakaibang apoy na naglalaro sa kanyag ulonan. Nakakamangha iyon, sa kabilang banda'y nakakahilakbot. Binalak kong tumakbo, pero mabilis nya akong inakbayan. Mabigat ang kanyang braso. Halos hindi ko magawang iangat ang aking dalawang balikat.


"Judas! Judas! Ikaw si Judas!" sigaw ko.


Malakas na tawa lamang ang kanyang isinagot. Nakakapandig balahibo ang kanyang tinig. Habang tumatagal parang kasing katulad na ito ng boses na nanggagaling sa loob ng balon. Nangingilid na aking mga luha, nang luwagan nya ang kanyang pagkaka-akbay sa akin. Sa pagmamadali sa pagtakbo, hindi pa nakisama ang mga paa ko. Tuluyan akong bumagsak.


"Darating na ang anak kasama ang kanyang ama." muli nyang wika.


"Bakit ako? Madami pang mas makasalanan sa akin. Bakit ako?!"


"Ang dahilan ay nasa loob ng bulsa mo.."


Agaran kong kinapa ang kaliwa't kanang bulsa. Lalong tumindi ang aking takot nang mahugot ko ang isang supot ng ginto. Mabilis ko iyong tinapon sa kanyang paanan. Dinampot nya ito at binuksan sa harapan ko.


"Malapit na ang hukom. Ang tao na ginawa ng diyos ayon sa kanyang kawangis, ay nagbigay ng masidhing lungkot sa kanya. Binigo nyo ang diyos sa kanyang nais. Ang lahat ng bagay ay malinaw na nakalatag sa harapan ng bawat isa, kaya walang lugar ang pagiging sakim. Nilubog nyo ang sarili nyo, tulad ng ginawa ng mga nauna. Ang dati nang maputik, ay lalo pang dumungis ng dumungis. Ang maduming katauhan ng mga tao, ay hindi na nakitaan ng nakasisinag na kalinisan"


"Paano ako maniniwala sa iyo?! Tulad mo nagkasala din kami! Ipinagkalulo mo ang anak ng diyos! Hindi din malinis ang mga kamay mo, para ituro kami"


"Hindi pa ako nagpapakilala, mabilis ka nang nakapaghusga.." natatawa nyang sabi.


"Isa ka sa labindalawang apostol. Lahat ay nagtitipon na, ngunit ikaw ang tanging naiwan dito katabi ng iyong libingan" wika ko habang tinuturo ang malaking puno sa likod ng bato.


Isang nakakalokong ngiti ang kanyang binitawan sa akin. Napapailing pa ito habang naglalakad patungo ulit sa direksyon ko.


"Ako nga si Judas. Misyon kong itama ang landas ninyo, bago pa dumating ang hukom.." Inunat nya ang kanyang braso, para alalayan ako sa pagtayo.


"Naiwan ako para piliin pa ang mga taong kasama sa ililigtas. Bumangon ka! hindi pa huli ang lahat. Sa iyong paggising, ibahagi mo ang magandang balita"


Pagkasabi'y naglaho syang parang bula. Naiwan ang supot na pinagsisidlan ng ginto. May marka pa sa isip ko ang mga sinabi nya.


Umupo ako sa malaking tipak ng bato. Ang pagkusot lang sa mata kong napuwing ang huli kong natatandaan. Sa muli kong pagdilat, ang aking mga bodyguard ang agad na bumungad.


"Mayor? Okay lang kayo?" wika ng isa.


Mabilis ang responde ng mga taong nakapaligid sa akin. May mga nagtatanong kung anong nangyari. Ngunit isa lang ang tumatak sa aking isip.


"Mayor, sino si Thaddaeus?"


-End

1 comment/s:

Jasper Angeles Dela Cruz said...

test 3

Post a Comment