One Morning of July - 2

(Ang imahe ay mula sa malikhaing kamay at isip ni Melala)

***

Kahit hindi ko pintahan ang laman ng baraha, alam ko na kung anong lay ang gagawin ko sa larong pusoy. Kumbaga sa darts, dalawang pin nalang sa single na pie tapos ko na ang larong 501. Hindi na kailangang magpahula sa labas ng Quiapo, para sabihing swerte ako sa pagpasok ng buwan ng Hulyo.

Mabilis pa sa perang dumadaan lang sa palad tuwing sahod ang mga pangyayari. Kaninang umaga lang halos ipagdikdikan nyang isang malaking kahibangan ang nangyari, nang gabing yun. Ngayon parang isang kindat lang close na agad kami. Literal na close. Mula nang hawiin namin ang mga taong naghihintay sa venue nang dumating kami ay hindi na ko nawala sa tabi nya. Weird yung pakiramdam na nagugustuhan mo, kahit pa nagtataka kung paano nalang nangyari.

Feeling ko welcome na welcome ako, kahit ngayon lang nila nakita ang mukha ko. Sa dami ng tao sa lugar nawala na sa isip ko kung sino si Marta. Sa isip ko mas bibigyan pansin ko muna ang paniniwala ng mga taong boyfriend ako ni July. Sa lahat siguro ng kasalanan ito ang pwede kong ipagmalaki. Maraming kaibigan si July. Hindi na nakakapagtaka iyon sa dami ng babaeng nakapalibot sa akin. May kaya ang pamilya nya. Hindi maitatago sa ganda ng pagkakaset ng venue at kakaibang putahe na inihain. Twenty Five years old na sya, pero parang debut lang ang pagkabongga ng birthday nya.

"Nag-enjoy ka ba?" bitbit ang isang baso na naglalaman ng likidong sa tingin ko'y may kakaibang espiritu. Iniabot sa akin, sabay upo sa tabi ko.

"Oo naman! Kasama kita mula kanina, kaya hindi naman ako nabagot.."

"Sorry kung sinabit pa kita dito. Alam ko namang hindi mo din gusto" may kababawan sa tono ng pagsasalita nya.

"Birthday mo 'to hindi ba?"

"Oo, bakit?"

"Sapat na dahilan na yun para sumama ko" nakangiti kong sagot.

Sa mga ganitong pagkakataon, alam kong magagamit ko ang mga moves ni vic sotto sa kanyang mga pelikula. Pinihit ko ang aking mga balikat, para ipakita sa kanyang may sinasabi din naman ang build ng aking katawan, saka hinawi ang buhok pakaliwa. Isang matinding opening line lang ang kailangan ko, baka sakaling makuha ko ang buong kwento.

"Akala ko kasi darating ang boyfriend ko, kaya isinama kita"

Muntik ko nang malunok ang yelo na nasa loob ng baso. Bumagsak ang aking mga balikat sa narinig ko. Nag-uumpisa palang akong bumuo ng tulay, gumiba na agad ang pundasyon. Hindi na siguro kailangan pang sabihin ang dahilan. Nasa gilid na ng utak ko na may problema sya, at ng kanyang bf.

"Oh bakit ganyan ang mukha mo?" nagtataka nyang tanong.

"Akala ko kasi bida ang role ko sa pelikula, stuntman lang pala.." pabulong kong sagot.

"Teka nga! Type mo ba ko?" diretsahan nyang tanong, at halos idikit ang kanyang mukha sa akin.

"Ako? Akala ko nga ikaw e! Sino ba nagpilit isama ko dito?" agad kong depensa.

"Assuming ka ha.. Pero ang cute pala ng reaksyon mo kapag binibigla ka"

"So cute pala ako nang magising akong kasama ka?"

"Patawa ka!"

Ewan ko kung may tama sa sinabi ko. Mata nalang kasi ang naiwang puti nang mamula ang buong mukha nya. Pakiramdam ko lang siguro na may sapi si July, dahil habang tumatagal ang oras na nakakasama ko sya ay lalo kong nakikita ang soft side nya. Ang soft side na una kong aatakehin kung sakaling magkahulugan ng puso.

---

Kung hindi pa mauubos ang tao sa venue, hindi ko pa malalamang madaling araw na pala. Na-enjoy ko ang pakikipagkulitan kay July, at ang libreng alak, isama na ang hapunan. Sa sandaling oras lang nakakatuwang ang dami kong nalaman tungkol sa kanya. Magiliw sya kausap lalo't buhay nya ang kanyang binibida. Noong una'y tinatamad pa akong makinig. Sino bang mag-eenjoy kung ang kwento ay tungkol sa love life? Wala naman akong nabanggit na fan ako ng showbiz.

Kapag dumadating sa point na ang usapan ay medyo seryoso, sinusubukan kong sumingit ng jokes. Hindi pala epektib dahil hindi ko mabilang kung ilang beses nya akong nabatukan. Naging ma-drama lang pagdating sa koneksyon nya sa kanyang pamilya, at sa bagay na yun wala akong nasabi kundi "okei" at "oo nga". Kung sa normal kong buhay, ang oras na iyon ay siguradong nasayang lang. Pero sabi nga the time you enjoy wasting was not wasted, ang kanyang simpleng ngiti at nakaka-turn on nyang bewang ang nagpapatunay.

"Lead on.. to keep our feelings strong, and make me still believe." kanta ni July habang hawak sa kaliwang kamay ang manubela.

"Our page is one and the same. Our ways will separate tonight" segunda ko. 

Napalingon sya sa akin sabay taas ng kilay. Kasunod ang mga ngiping mapuputi na sumilip sa kanyang labi.

"Fan ka pala ng The Starting Line.." bungad ko.

"Not really. Hindi ko alam kung saan ko narinig ang kanta, pero kanina pa sya pabalik-balik sa isip ko.."

"Siguro gusto mo lang ulit ako makita sa pagdilat ng mga mata mo?"

"Ano?!"

"Sabi ko Hello Houston ang title nyan.."

"Paano mo nalaman?"

"Alarm tone ng cellphone ko" walang reaksyon kong sagot.

"Mahilig ka pala sa mga ganyang genre ng music.." puna nya.

"Depende sa mood, pero ngayon favorite ko na"

Naputol ang dapat na sasabihin ko pa, nang huminto ang sinasakyan naming auto. Dahan-dahan ko syang sinilip sa gilid ng aking mga mata. Wala pa naman kami sa lugar kung saan nya dapat ako ibaba. Wala ding stop light sa unahan. Naramdaman kong humagod muna ng bwelta ang dugo ko, saka malakas na dumaloy sa lahat ng parte ng katawan ko. Parang may kuryenteng paikot ikot sa inuupuan ko kaya hindi ako mapakali.

Limang segundo pa bago nagkaroon ng reaksyon si July. Kung ano man ang nais nyang iparating sa akin, alam kong magiging interesante. Hindi ako nagkamali! Tinanggal nya ang pagkakakabit ng seatbelt at saka humarap sa akin. Kasunod ang ngiti na pwedeng gamitin kung sakaling ire-remake ang painting ni Mona Lisa. Lumunok ako ng laway at nagpakawala ng naipit na buntong hininga.

"Ang swerte naman talaga ng araw na 'to.." wika ko.

"Huwag ka nang magreklamo! Mabuti nga hindi tayo sa highway nawalan ng gas"

"Saan tayo ngayon?" tanong ko habang nakatingin sa bawat tatapakan ng aking paa.

"Hindi ko din alam!" natatawa nyang wika.

Ngayon hindi ko alam kung paano ko ide-define lahat. Dalawang taong ni hindi magkakilala na sa biglang ikot lang ng kamay ng orasan ay heto't magkasama. Binabaybay ang kahabaan ng kalyeng hindi namin alam kung saan ang dulo. Kung ang kalyeng ito ang magtuturo sa daan ng letseng drama ng pag-ibig, bakit pa ako liliko? Kahit may u-turn na sign, bakit pa ko lilingon? Kumbaga sa race track ng gallop puro abante nalang ang gagawin ko, para maabot ang finish line. Hindi naman ako desperadong tao, pero mahirap nang maunahan.

"Hindi ka pa nagsasabi ng tungkol sa buhay-buhay mo?" mahina nyang tugon.

"Buhay ko? Baka magyaya kana kasi ng uwian kapag narinig mo"

"Bakit naman ako magmamadali umuwi, kung interesante naman ang lesson?"

"Sure ka? Baka kasi wala pa sa kalahati magyaya kana ng break time e!" biro ko.

"Makikinig ako.. Best listener kaya ako!" pagbibida nya.

"Alam mo.. Hindi dito magandang pag-usapan yan"

Tumingin sya sa akin na may halong pagka-sarkastiko. Alam nya kaya ang pinupunto ko? Kung hilahin ko kaya ang tali ng confetti para sumabog, at sabihing joke lang maniniwala kaya sya? Ang daming tumatakbo sa isip ko. Naglalaro ang angulo nya sa maraming parte ng utak ko.

"Mababaw pa ang amats ko.. Gusto mo ng isang round ng beer?" anyaya nya.

"Kukulangin sa akin ang isa, gawin na nating dalawa" nakangiti kong sagot.

----

Alam mo yung kahit walang punch line na nakakatawa, eh napapahalakhak ka pa din? Kung normal pa ang daloy ng dugo sa katawan ko, masasabi kong hindi angkop ang dami ng boteng tinumba ko sa maximum na kaya lang ng katawan ko. Dalawa lang, naging tatlo, lima, pito, hanggang sa ubusin ko na lahat ng kanta sa song book ng videoke.

Hindi ko matandaan kung paano ako nakarating ng bahay. Kung present lang ang inay, sigurado tanggal ang lasing ko sa dami ng sasalubong na sermon sa akin. Hindi ko na din maalala kung paano ko nga ba naihatid si July, at kung anong nangyari sa auto matapos naming itawag sa pi-pick up. Ang alam ko lang nagkaroon pa kami ng phone conversation bago ako mawalan ng malay sa aking kama. Kinanta pa nga namin ang Hello Houston ng The Starting Line.

"Pwede mamaya na?" bulong ko sa sarili.

Umiikot pa ang paligid nang tumayo ako para tahakin ang pinto ng kwarto, para pagbigyan ang tawag ng kalikasan. Dalawang hakbang bago ko maabot ang knob, isang malakas na sigaw ang gumising sa natutulog ko pang kaluluwa.

"Sino ka?!!!"

"Ikaw?!" nagtataka kong tanong.

"What do you mean ikaw?!" balik tanong nya.

Napakamot ako sa ulo. Si July ang babaeng lumantad sa ilalim ng kumot. Second day ng July. Second morning na nagising ako na sya ulit ang kasama ko.

"Prank joke? Sige sasakay ako.. Ako nga pala si Noel, namiss mo bang katabi ako July?" biro ko.

"Anong July? Baliw ka ba?! Marta ang pangalan ko!"


bibitinin ulit :D


7 comment/s:

born-san said...

Walang announcement...may update na pala. :excited:

Amphie said...

hehe sensya na, posted na sa symb :D

starbuko1234 said...

maybago ka pala boss di ko man lang napuna

Amphie said...

hindi ako nakapagpost sa tikap, hehehe! salamat!

Pink Line said...

interesting tong kwento na to!..anu kayang twist meron kay july at marta?hmmmm..

Amphie said...

secret pa muna hehe!

rhed said...

nyaks!... hahaha, nice! wala nanaman akong matatapos sa trabaho... hehehe

Post a Comment