Old Story

(image credit to orig uploader)

"Para sa kanto!" wika ng estudyante.

Huminto ang jeep sa kanto. Bumaba ang estudyanteng kanina ko pa ninanakawan ng tingin, pero kahit sulyap walang sukli. Sumakay ang dalawang matanda. Isang babae at isang lalaki. Daig pa ang republika ng pinas sa pagkilos. Naapektuhan yata ang mga mata ko sa pagsunod sa galaw nila.

"Bayad! Dalawang senior!" bungad ni lola. Natripan nila ang bakanteng pwesto sa harapan ko na malapit sa babaan.

Trapik. Mainit. Zero ang hangin, ang resulta basa ang kili-kili ko. Sa limang minutong walang usad, nagkaroon ako ng hobby. Ang paglunok ng sariling laway.

"Sa susunod kasi huwag ka na sasama.." paputak putak na wika ni lolo kay lola. Napako ang atensyon ko sa kanila. Umagaw ng aking atensyon ang wedding ring. Mag-asawa. Old lovers pala ang dalawa. Sa sumunod na mga minuto iba na ang daloy ng hangin. Pakiwari ko may tampuhan. Isnabero si lolo, at trying hard naman si lola sa pagbabakasakali sa katipan.

Inabot ni lola ang kamay ni lolo. Suplado na ang dating maginoo. Ang dating kasing tamis ng kalamay na mga panunuyo, ngayon tila kasing gaspang na ng mukha ni mang kanor. Nalungkot ako. Hindi ko na paborito ang linyang "Till death do us part". Naisip ko bigla si gerlpren. Kung tatanda kami at magmumukhang kuyukot din ang kanyang mukha, magbabago din kaya ang nararamdaman ko? Mauumay din kaya ako sa tamis? Maiinis din kaya ako kung mabagal na din syang kumilos? O mahina na ang pandinig? Sabi ni Jay may dulo din pala ang langit. May kantang nakakasawang pakinggan. May umagang tila ayaw nang gisingan. Ang lumang ending ng kwentong pag-ibig, may pait kahit piliting magpaka-sweet.

Trapik. Sobrang init. Hindi lang kili-kili ang basa, pati na din ang brief. Malungkot ako. Napako ang atensyon ko sa dalawang matanda. Si lola nakangiti kahit medyo sawi. Si lolo nakasimangot mukhang inip na inip.

"Sa tabi lang! Sa tabi lang! Sandali la-ang ha!" pagmamadali ni lolo.

Binitiwan ang kamay ni lola. Mabilis na bumaba. Kasunod si lola, pero hindi na hinintay. Uugod-ugod si lolo habang tinatawid ang kalsadang two-way. Si lola naiwan sa gutter, takip ng dalawang kamay ang noo sa tindi ng sikat ng araw. Naghihintay mawalan ng kotse sa tatawiran. Dismayado sa ginawang pang-iiwan.

Umarangkada ang jeep. Tanaw ko pa din si lola. Malungkot. Walang reaksyon. Babad sa arawan. Lumiko nang pakaliwa ang sinasakyan ko. Napabuntong hininga. Napangiti. Nahagip ng aking mata si lolo. Nakikipagpatintero sa kalye, bitbit ang kinakalawang na wheelchair. Isang makahulugang ngiti ang salubong sa kaparehang naghihintay lang ng kanyang pagbalik.

-wakas

8 comment/s:

Anonymous said...

galing, ang galing.....

nhia said...

:((

Amphie said...

bakit sad? happy ending kaya :|

Pink Line said...

nagsusuplado pa si lolo eh sweet din naman pala..

something's wrong with my URL I cant follow your blog.. add po muna kita sa blog list ko ah para may update ako sa bago mong post... aliw akong magbasa nito :)

Amphie said...

Nagdrama lang daw :D

Salamat sa pagbisita at pag add. Macarthur tayo!

Reilly Reverie said...

Bakit ganyan ka trops..

Talagang hinahatak ako pabalik ng mga katha mo..

amphie said...

may dasal ang bawat kwento hahahaha :D

Carezz Me said...

si lolo hahaha pakipot kukuha lang pala ng wheelchair

Post a Comment