One Morning of July - 13

image credit kay idol Melala

***

For Once in My Life ang tugtog sa FM radio sa loob ng bus na kinanta ng Spiral Staircase, na isa sa old school na kanta na paborito ko kahit paano. Hindi ko alam kung nakikisama ang DJ o timing lang talaga. Kanina lang parang hindi maubos ang enerhiya sa katawan ni Marta sa sobrang excited. Sa lahat naman ng nagtanan sya pa yung hindi kakikitaan ng takot. At sa sobrang excited, hindi pa umabot ng isang minuto nakatulog na sya kaagad sa byahe. Tahimik at payapa ang kanyang mukha na pasimple kong tinititigan habang nakapatong ang kanyang ulo sa aking balikat. For once in my life, naramdaman kong may nangangailangan din pala ng isang tulad ko, kahit pa gawing unan lang ang aking balikat, hindi na maipinta ang saya saking corny na mukha.

Kung tutuusin mas mabilis pa sa kaning niluwa kapag nalamang mainit ang relasyon namin ni Marta. Marami akong hindi alam sa kanya, at malamang ganun din sya sa akin. Parang noong unang kita namin, sa isang iglap lang katabi ko na sya. Kapag naiisip ko ang mga ginawa ko noon para makuha ang loob nya, natatawa nalang ako. Idagdag pa ang pag-iisip ko sa dalawang katauhan nya na naging mabisang biro na kahit tawanan ko ay medyo nakakadismaya.

"Noel Cruz," bigla akong napangisi. Mananaginip lang buong pangalan ko pa ang babanggitin.

"Bakit?" sakay ko.

"Mahal mo ba talaga ko?"

"Kung may simbahan tayong madadaanan, ipapahinto ko ang bus. Maniniwala ka na ba?" pinipigilan kong tumawa.

"Pangako?"

"Oo!" halos mangitim na ko sa kakapigil.

"Pwes! Wag na tayo bumalik!"

Tumayo pati ang balahibo ko sa binti sa gulat. Gising pala. Bilog na bilog ang mga mata sa tuwa. Gusto kong maasar. Ang inakala kong napagti-tripan ko ay sya palang nagti-trip sakin. Sana mabangga ang bus na sinasakyan namin at mauntog sya tapos malimutan nya lahat ng sinabi ko, pero masyadong brutal. Madulas na lang sana sa sobrang tuwa.

"1 week! Final na yun!" giit ko.

"1 week? Lang?"

"Ano 'to vacation?! Out of town? Marta, tumakas tayo. Tinakasan natin ang kasal mo kaya tayo nakasakay sa bus na 'to," pagpapaliwanag ko sa kanyang minsan 'di totoo ang fairy tales. "Tsaka kaya nga nag-bus tayo, kasi lalabas na kidnap o carnap kung dadalhin natin ang kotse mo."

"After 1 week, ano namang plano mo?"

"Ako lang? Pwede bang natin?" sinulyapan ko ang papasikat na araw sa bintana ng sinasakyan naming bus. Nakakamangha ang ganda nito, lalo't tatama iyon sa mga puno naming nadadaanan. "Kakausapin natin ang Daddy mo."

"Anong sasabihin mo?"

"Isasauli na kita, at hihingi ng tawad," deretsong sagot ko.

"Ano?!"

"Biro lang," nakangiti kong sagot, habang sinasalubong nya naman ng mga tingin na siguradong maghahatid sakin sa kabilang mundo. "Malayo na narating ng byaheng 'to, at hindi na siguro ito ang oras para pumara at mag-jingle.."

Ngumiti sya at ipinatong muli ang ulo sa aking balikat. Ipinikit ang mga mata. Hindi na ko magugulat sa mga biglaang pagbabago nya ng mood. Nasasanay na kong mukha syang araw-araw may dalaw. Seryoso ako sa pagsasabing hindi maganda kung papara ako para mag-jingle. Ewan ko kung iba ang dating sa kanya. Ang babae talaga, ilang kanta na ang ginawa para sa kanila, hindi pa din sila tinatamaan.

---

Ginising ako ng malakas na yugyog saking balikat. Idinilat ko ang aking kaliwang mata. May liwanag na sa paligid. Pamilyar na lugar ang bumungad ng sinilip ko ang labas ng bintana. Nagbalik ang mga ala-ala ng aking kabataan. Noong mga panahong hindi ko pa alam ang paggamit ng salawal. Nostalgic. Naiba lang ay ang makulit na babaeng humihila saking balikat.

"Nandito na tayo!" excited nyang tinig na parang first time lang makasinghot ng amoy probinsya.

"Aba, oo nga!" sakay ko. "May prize ang unang makababa ng bus!"

"Ano?"

"Halik ko," pinikit ko ang aking mata at pinahaba ang nguso. Natatawa ako sa ginagawa ko, pero pagdilat ko lumilipad na bag ang sumalubong sakin.

"Kiss mo mukha mo!" padabog syang nag-walk out palabas ng bus. Sa wakas nanalo din ako sa asaran.

"Naalala ko ang kabataan namin sa inyo," singit ni erpats.

Sesegunda pa sana si ermats. Napigil nang biglang tumili si Marta. Napabalikwas ako ng baba. Mabilis ko syang hinanap. Napahawak ako sa tiyan para magpigil ng tawa nang makita ko syang nakalublob ang kaliwang paa sa laman loob ng kung anong hayop. Kulang na lang ay lumobo ang sipon sa pagpipigil ng iyak.

"Excited ka kasi," pang-aasar ko.

"Uuwi na ko!"

"Sige, iwan ko na gamit mo dito sa bus"

"Hindi mo man lang ako tutulungan?"

Humakbang ako papalapit sa kanya. Nakatayo lang sya at tinitignan kung anong gagawin ko. Nang makarating ako sa kinatatayuan nya, ngumiti ako at inilusom ko din ang kaliwang paa ko sa inakala nyang pataba sa lupa. Putik pala, mukha lang carbon deposit ang itsura.

"Quits!"

Nangibabaw ang tawanan saming dalawa. Nakakatuwa. Hindi ko pa sya nakitang tumawa ng ganun kalakas at ganun ka-pangit. Biglang hihinto, tatahimik, tapos tatawa ulit. Sumagi tuloy sa isip ko yung mga oras na kasama ko sya. Malayong malayo sa kung ano sya noon, keysa sa ngayon. Kung ako, este ano man ang dahilan, at kung parte man ako, kahit mukha ko pa ang ilulublob sa putik, tumawa lang sya. Sobrang quits na!

Okay, so after ng mahaba habang lakaran, nakarating din kami sa lugar kung saan uso sa tao ang hindi pa nakakakita ng totoong tao. Namangha sya sa pagkaluma ng bahay namin. Never pa daw sya nakakakita ng bahay na antik. Bawat kanto inusisa. Bawat lumang gamit gustong kuhaan ng picture. Akala siguro nasa field trip sya sa bahay ni Rizal.

"Welcome back, Estong!" ang tarpaulin na bumulaga sakin pagkapasok ko ng bahay. Akma kong lalamukusin ng pigilan ako ni Marta. Nakangiti sya habang kinunan iyon ng litrato.

"Ano bang ginagawa mo, Noel? Pinadalaw ko pa ang Daddy mo sa bayan para ipagawa yan" si ermats.

Walanghiya! Sa pag-alis pala nila, sinisigurado na pala ang pagbalik ko. Tatawid na sana ako papasok ng kusina ng nagsalita si Marta.

"Estong?" natatawang tanong ni Marta.

"Oo, hija. Yan ang madalas nyang banggitin kapag nakakahuli ng dagang bukid. Ayaw pa tanggapin na sa kanya galing ang palayaw" giliw na giliw si ermats habang nagpapaliwanag, habang ako'y dahan-dahang nalulusaw sa kahihiyan.

"Hi, Estong" bulong ni Marta habang sinisiko ako sa tagiliran.

"Isang buwan bago ko natanggap yan. Hindi ko nga alam kung sakin ba galing, o imbento lang ni erpats"

"Bagay naman!" labas lahat ng ngipin nya.

Habang nag-aayos ng mga gamit ikinuwento ko sa kanya ang aking experience sa lugar na kinalakihan. Bawat kakatwang bahagi ng aking buhay ay halos mapunit na ang kanyang labi sa kakatawa. Napapasaya ko sya, kahit nagmumukha naman akong tanga. Nakakabilib daw dahil hindi daw sya nakaranas ng ganitong simpleng buhay. Hindi naranasang maglaro sa ilalim ng ulan, at suminghot ng alikabok sa parke. Malaki daw ang inggit nya sa mga tulad ko. Nabanggit ko ding mayaman ang turing samin sa ganitong lugar kapag may up and down na bahay at palayan. Iba sa kanila. Malayong malayo. Kaya ng makarating ako ng Maynila ay feeling ko ibang planeta na. Tawa na naman sya.

Inabot ng gabi ang kwentuhan. Hindi na namalayan ang oras. Mabilis na inilatag ang kadiliman sa paligid. Kasabay ng pagdilim ang biglang pagkawala ni Marta, na kanina lang parang kasabay ko sa pagkain. Hinanap ko sa kwarto, wala. Sa kusina, wala din. Sa ilalim ng mesa, at sa likod ng picture frame. Kahit sa takip ng inodoro, wala. Ilang hakbang pa narinig kong may tumutugtog na musika. Hindi ako pwedeng magkamali, galing sa labas.

Sa tatlong baitang na hagdan papasok ng pinto. Nakasalampak ang kanyang pagkakaupo. Nakatingin sya sa malayo. Gusto na yatang umuwi. Maingat akong humakbang para gulatin sya, kaso lumangitngit ang sahig na gawa sa kahoy.

"Estong, may balak kang masama?!"

"Layo ng bayan dito, kapag nagkakasakit ang tao dito tinatapon na lang sa bukid. Sige ka, baka magkasipon ka sa lamig," umupo ako sa tabi nya. Hinanap ko ang instrumentong gamit nya sa paglikha ng musika, pero wala akong nakita. Guni-guni?

"Sumeryoso ka nga!" masungit nyang sagot.

"Ganito talaga dito. Boring! Huni lang ng insekto ang nagsisilbing night club."

"Okay nga e! Nakakabawas ng stress ang katahimikan," walang buhay nyang sagot, sabay angkla ng kamay nya sa braso ko. "Noel, sorry ha.."

"Sorry? Saan?"

"For all the troubles.." hindi ko alam kung sincere, nakangiti kasi. "I know naman na hindi pabor sayo ang pagbalik dito, pero thanks talaga dahil ginawa mo yun para sakin."

"Thanks din!" alangan kong sagot. "Marunong ka bang magtago ng sikreto?"

"Try me!"

"Itong parte ng bahay na 'to ang madalas kong tambayan noon," panimula ko. "Naging paborito ko ito! Sabi ko noon, ang babaeng para sa akin talaga ng unang dadalhin ko dito. Gusto ko kasi ang view mula dito. Lalo na kapag tinatamaan ng sinag ng buwan yung rice field."

Napakunot noo sya. Hindi yata kumbinsido. Mukha kasing setting ng regal shocker kung baguhan ka sa lugar. Para sakin romantic, pero sa pagsalubong ng kilay nya horror movie ang dating.

"Ahh, siguro pangalawa na ko sa pinagsabihan mo nyan?"

"Ikaw ang una!"

"Liar! Eh, ano to?” tanong nya habang tinuturo ang nakaukit na pangalan sa ikatlong baitang ng hagdan. “Elisa? Cute ng name ha!”

“Ganun ka ba kabilis mag-judge ng tao?” ngumiti ako “Pangalawa ka nga! That’s my sister, kadugtong sana nyan ang Jacob na pangalan ng boyfriend nya.”

Lumiwanag ang kanyang mukha. Nakakasilaw ang kanyang ngiti. Kung tatagal pa sya sa ganung expression, iisipin kong commercial na ‘to ng toothpaste.

“Nasaan na sya?”

“Si Elisa? O si Jacob?”

“Silang dalawa?”

“Nasa abroad na si Ate, si Jacob wala na kong balita.”

“Hindi sila nagkatuluyan?” nagpigil ako ng tawa sa pagkagulat nya.

“Nag-asawa na ang Ate sa ibang bansa,” tumingin ako sa pangalang nakaukit sa hagdan. “Hindi ko alam ang buong kwento, pero alam ko kung gaano nila ka-mahal ang  isa’t isa.”

“So, ano ang sikreto dun?”

“Wala!” tumawa ko ng malakas. Trip ko lang pahabain ang kwentuhan kaya naglabas ako ng topic na wala namang kabuluhan.

“Ikaw?” tanong nya. “Can you keep a secret?”

Ngumiti lang ako. Mas kapanipaniwala pa yun kesa magsalita ako. Dinampot nya ang isang piraso ng ligaw na dahon. Nirolyo nya yun at inipit ang dulo. Sa unang tingin parang nasisiraan sya ng bait. Inisip ko na lang na baka vegetarian sya, para di na ko magulat kung isusubo nya ang dahon.

“Kaya kong tumugtog gamit ang dahon!” nakakagulat nyang rebelasyon. Hinipan nya ang dulo. Namilog ang mata ko sa pagkamangha. Napakasarap pakinggan. Kung hindi sya magagalit malamang nakatulog na ko sa sobrang lamig ng paligid, isabay pa ang tunog na para akong hinehele. “Bilib ka no?”

“Galing!” pumalakpak ako. “May talent ka pala! Akala ko kakainin mo yung dahon e!”

“Siraulo!”

Tatayo na sana ako para tumakbo papalayo sa kanya, kaso mabilis nyang napigilan ang braso ko. Tinitigan nya ko na parang salarin sa pagnanakaw ng kalamay. Hindi ako kumurap. Mahirap na, baka may kung anong gawin sya.

“Abot mo yung bato!” utos nya.

“Para saan?” napalunok ako. “Pupukpok mo sa ulo ko?”

“Sira! Bilisan mo!”

Buong ingat kong inabot sa kanyang kamay ang batong nakakalat, habang nakadepensa naman ang isang kamay ko, kung sakaling sapian sya ng espiritu ni Leonidas. Yumuko sya matapos makuha iyon. Napangiti ako sa ginawa nya. Gamit ang bato isinulat nya ang kanyang pangalan sa ikatlong baitang ng hagdan. Kahit lalaki siguro kikiligin, lalo’t nakita kong kasunod ng pangalan nya ang hugis puso. Kaso napalitan ng pagkadismaya nang isulat nya ang pangalan ko na imbis na Noel, ay naging Estong.

“Marta, biro ko lang yun” pag-amin ko sa sinabing dadalhin ko ang unang babaeng mamahalin ko sa pwesto namin ngayon.

“I know,” prangka nyang sagot. “Pero sa pagsasalita mo at sa pagkaseryoso ng mukha mo, I know that you mean it.”

Tinalo ng halakhak namin ang ingay ng mga kulisap. Hindi sinasadya, sa sobrang tuwa. Nahalikan ko sya sa pisngi. Hindi scripted yun kaya parehas kaming namula. Hindi ako nakapagsalita. Nakatingin lang sya sa sinulat nya. Naghanap naman ako ng bituin sa langit.

“May isa pa kong sikreto,” basag nya sa katahimikan.

“Ano?”

“Hindi lahat ng naging boyfriend ko ay may access sa labi ko,” napalunok ako ng napakabagal. Sa sobrang tense nakalimutan ko ang isasagot ko. “Kiss me”

Isang mainit na halik. Makabuluhan bago maghiwalay ang aming labi.

“Hindi ba sabi mo malamig na dito? Baka magkasakit tayo,” nag-aalangan ang kanyang tono. Tumayo ako para alalayan sya. Naglakad sya papasok ng parang wala sa sarili. Bago pumasok nilingon ko pa ang kanyang isinulat. Napangiti ako.

“Marta!” habol ko. Huminto sya. “Dalawa lang ang kwarto sa taas, occupied na ng parents ko ang isa”

“Alam ko!” asar nyang sagot “So, tatayo ka nalang dyan?”

tbc..

2 comment/s:

Mafe Sumampong Garcia said...

sulit! haba ng update.. :)

Anonymous said...

kailan ba update nito. . . Sana chapter 14 na. . .

Post a Comment