(image credit to orig uploader)
Mahaba pa ang byahe para ubusin lahat ng enerhiya ko sa pag-ngiti. Hindi sa mga natatanaw, kundi sa tuwing maaalala kong tinawag kaming "bakasyonista" ng mga namamahala sa kursilyo. Bakasyonista ang biro nila sa mga taong kayang mag-commit sa mga ganoong gawain, kung san galing? Hindi ko alam.
Apat na araw akong wala sa bahay. Tatlong gabi kong hindi nakatabi si misis. Manood lang ng paborito kong team sa PBA ang bisyo ko kaya laking gulat ko kung bakit pinilit ako ni misis sumama. Maganda daw doon. Bukod sa libre ang pagkain, bababa pa daw ang konsumo ng kuryente samin. Pero 'di ako doon na-engganyo. Sa pangakong may libreng swimming nabuo ang interes ko. Pauwi na kami ng tapatin kaming wala talagang ganun. Imbes na sa tubig na maalat, sa salita ng Diyos ako naligo.
Limang araw daw talaga kaso nagkasakit ang isa sa aming kasama. Nagdeklarang ubusin na lahat ng sermon mapa-iyak lang kami't mapaaming nagsisisi sa lahat ng mga nagawang kasalanan, kahit na ang pinakamabigat ko na ay ang hindi pagbabalik ng toothpick sa karinderya. Kung tutuusin, nag-enjoy talaga ko. Hindi ako pwedeng magsinungaling sa bagay na yun. Masayang makakita ng mga tunay na tao paminsan-minsan. Bagong mukha. Sa loob ng apat na araw marami din akong natutunan. Nalaman kong 'di pala dapat magalit sa magulang kapag kulang ang baon, bagkus matuwa dahil 'di masarap ang tinda sa public school.
Dumaan ako sa pinakamalapit at bukas pang mall ng mga oras na yon. Naghanap ng pasalubong. Binili ko ang pinapangarap nyang nighties. Isinabay ko na din sila Inay at Itay, pati mga kapatid, at kay junior. Alam kong guguhit sa labi nila ang matatamis na ngiti kapag nalaman nilang nagbawas ako ng laman ng pitaka. Ilang araw ding nakatipid kaya 'di na masama kung gumastos naman. Binili ko din ang paborito nyang siopao sa kanto ng Hulo. Ibang klase daw ang luto doon ang lagi nyang dahilan na madalas kong katakutan noong sya'y nagbubuntis pa lamang.
Si Sharon ang sumalubong sakin pagpasok ko ng bakuran. Alam yatang kasama sya sa bigayan ng biyaya. Kumakaway ang kanyang buntot. Inihagis ko ang kaliwang pares ng tsinelas na hindi pamilyar sa akin. Nagmadali ang aso sa paghabol. Halatang gutom. Dahan-dahan kong binuksan ang pinto. Umagaw nang atensyon ko ang lagaslas ng tubig sa banyo. Timing! Naliligo si misis. Sinilip ko si junior sa kanyang kwarto. Mahimbing ang pagkakatulog. Ibinaba ko ang mga ipinamili sa ibabaw ng mesa sa kusina tsaka dumiretso sa kwarto. Hindi maubos ang aking ngiti habang naiisip ko ang malalamig na gabi sa pinanggalingang lugar. Sa apat na araw imposibleng hindi ko ma-miss ang mga paborito kong parte ng kanyang katawan.
"Honey..." dinig ko ang malambing na tinig ni misis. Kasabay ng kilig ang pagpindot ko sa patay na ilaw ng kwarto. Bumungad si kumpare. Nakapikit. Tulog. Malakas ang hilik.
-end
4 comment/s:
oh my... natulala ako sa ending... galing!
so si kmpare? alam na! omg... tsk
kakabawas lang ng kasalanan pero baka may bloody scene na sumunod... haha
haha
susme o_O
paktay haha m22log na ng habangbuhay yan si kumpare..
sweetdreams hehe
mabilisan ang ending eh lol
Post a Comment