image credit to KOKser
Kalahati ng mga tao sa baranggay namin ang naabutan kong nagkakagulo sa dulo ng tulay. Bumaba ako sa sinasakyan kong pampasaherong dyip kahit may kalayuan pa ang aming bahay, isang patunay na tsismoso din ako minsan. Iba't iba ang reaksyon ng mga taong sabik sa kwentong pwedeng pamalit sa miryenda. May mga naka-ngiti, salubong ang kilay, galit, constipated, ngunit lamang ang pwedeng pasukan ng langaw sa bibig.
Sa ganitong pagkakataon, bukod sa pagpapalaki ng tiyan ng mga maton at paligsahan sa pagpapadami ng bata sa lugar, paborito ding libangan ng mga kapitbahay ang pagsagap sa ibat-ibang uri ng chismis. Hindi pa kasi uso ang social network sa lugar, kaya kahit asong nanganak hindi pwedeng makaligtas.
Sumiksik ako sa kapal ng taong nakaharang, "Kuya anong meron?" tanong ko sa lalaking ayaw magpa-agaw ng first class seat.
"Si Erap, bida na naman" saglit nitong sagot.
Si Erap. Napakamot nalang ako ng ulo. Hindi na bago kung sya ang bida. Ang siga at tanging kinatatakutan sa kanto. Sya yung tipong 'di ka pwedeng malasing sa inuman at bigla nalang mag-amok ng away. Hindi ka nya pagbibigyang agawin ang kanyang trono. Epektibo ding panakot sa mga batang gusto pang sulitin ang amoy ng lansangan sa hapon.
Hindi na mabilang kung ilang beses lumabas-pasok sa apat na sulok ng kulungan. Hindi na din mabilang kung ilang bote ng alak ang lilipad sa bubungan ng kapitbahay sa tuwing sinasaniban. Maraming kwento tungkol sa pagkabata. Sa pagpapalaki ng magulang. Inabuso hanggang sa naging matatag sa larangang kanyang nilalakbay. Ang nag-iisang tao sa lugar namin na kahit ang pusang may siyaw na buhay, makita palang sya'y nagkukunwari nang patay.
Tinapik ako sa balikat ni Ace, "Hindi mo aakalain no?" kasunod ang iling.
"Nakaka-humaling kasi ang dami ng tao,"
"Noong isang linggo mga taga kabilang kanto ang kaaway nyan,"
Nagbalik sa isip ko yung mga panahong naging biktima din ako. Pero sa sandaling 'to mas pipiliin kong 'di nalang alalahanin. May mga pagkakataon talagang 'di mo masosolo ang ganoong titulo. Kung naging patas lang mag-isip ang bawat nilikha 'di na sana aabot sa ganitong eksena. Ngunit sa lahat ng bagay na tumatakbo sa isipan ko, nangingibabaw pa din ang panghihinayang sa perang pinagbayad sa sinasakyang dyip.
Lumakad ako papalayo sa tumpok ng mga taong nagpipiyesta sa kakarampot na isyung nakakapagpataba ng kwentuhan ngunit hindi ng kaisipan.
"Kung ako si Erap 'di na ko tumakbo e" narinig ko pang usal ng isang nagmamagaling na tambay.
Kalahati ng mga tao sa baranggay namin ang naabutan kong nagkakagulo sa dulo ng tulay. Iba't iba ang reaksyon ng mga taong sabik sa kwentong pwedeng pamalit sa miryenda. May mga naka-ngiti, salubong ang kilay, galit, constipated, ngunit lamang ang pwedeng pasukan ng langaw sa bibig.
Narinig ko ang sirena ng paparating na ambulansya. Bumaba ang grupong maghahatid kay Erap sa kanyang pupuntahan. Nagkagulo ang mga tao. May nagsisigawan, nanglulubak, at kunwaring nagdadalamhati. Sa gitna ng sari-saring boses, tanging ang tinig ng inang nagdadalamhati ang aking narinig.
-wakas
5 comment/s:
Ano nangyari kay Erap? Nalaglag? Sana ganyan rin mangyari sa isang siraulo dun sa tapat ng aming bahay. Kung ano-ano binabato sa bubong ng aming bahay. Pag lalabasan mo sa labas, nagtatago. Walang magawa sa buhay . . . Pag pinatulan mo naman, ikaw pa madedemanda, sasabihin may problema siya sa pag-iisip, ba't raw namin papatulan. Grrr...
Astig ang kwento mong ito! Dalawang beses ko pinasadahan at ganitong mga akda ang dapat na maging benchmark ng isang mahusay na katha!
Magaling! I appreciate the way it was written. Palaisipan ang nais ihatid na impact sa readers. Congrats!
aba'y ikaw pala yan senyor. bibihira ang mga blogger na mapadpad dito ;) salamat sa pagbasa.
bahala na reader. baka yan din ang kapitbahay namin :D
baka nagasaan sya ng ssakyan? kc tumakbo daw hehe
salamat ulit d2 ^^
Post a Comment