Flamingo - Chapter 4


Pilit kong iniiwasan ang matalim at nakakahiwang titig ni manang sa akin. May kakaibang bulong pang binabanggit ang katiwala, na sa anumang oras ay may sasaping ligaw na kaluluwa ng isang bading sa akin. Balisa ang kilos ko at kahit ang upuang plastik ay handang magreklamo anumang oras. Lagpas langit ang panalangin kong hindi bawian ng buhay si Mang Fred. Gusto ko lang ng maayos na divorce. Wala talaga akong ideyang may sakit pala sa puso si Mang Fred, kaya ganoon nalang ang gulat ko nang biglang bumagsak sya sa harapan ko, matapos kong sabihing ikinasal kami ni Rica.


"Stable na po siya sir.." wika ng doktor na sumalubong sa amin.


Kahit paano nakahinga ako ng maluwang sa sinabi ng doktor. Nabawasan din ang pagbato ng sumpa sakin ni manang, ngunit wala pa ding kibo. Sa gilid si Sarah na hindi magkasya ang tuwa sa mukha. Hindi ko maintindihan pero sa tuwing nakikita kong ngumingiti si Sarah, ay nakakaramdam ako ng kakaibang kapayapaan sa paligid.


"Pero kailangan nya munang mag-stay dito sa hospital. Kailan nyang makapagpahinga ng maayos. Two to three weeks is enough para makarecover, para makaiwas na din sa mga bad habit nya"


"Pwede ko pa bang makausap?" sabat ni Sarah.


"Pwede na po miss, pero mas maganda kung bukas nalang. Maigi nang makapagpahinga sya. Relatives nya po ba kayo? Paki fill-up nalang ng form" sabay abot ng ballpen at kapirasong papel kay Sarah. Mabilis ko itong inagaw bago pa man bumagsak sa mga kamay ng dalaga.


"Ako na dok! She's blind!" wika ko.


"Oh! Sorry!" mabilis na sagot ng doktor. bahagyang sinulyapan si Sarah, at marahang umiling.


"She's beautiful. Take care of your wife.." bulong ng doktor sa akin matapos kong sagutan ang papel na binigay nya. Kumunot ang noo ko sa sinabi nya. Gusto kong sabihing hindi ko sya asawa, pero walang saysay kung uungkatin ko pa ang buong istorya. Naiwan kaming tatlo sa labas ng mahabang hallway ng hospital. Isang matandang babae, isang dalagang walang paningin, at ako na hindi alam ang gagawin.


---



"Bakit ka huminto?" si Ingrid.

"Tumigil na ang ulan sa labas.." sagot ko.

Nilingon ni Ingrid ang labas ng cafeteria. May liwanag nang sumilip mula sa langit. Nagbabadya ng magandang panahon, matapos ang saglit na unos. Hindi pa nakakabalik sa akin ang paningin ni Ingrid, ay tumayo na ako at naglakad papalabas ng cafeteria.

"Saan ka pupunta?!" paghabol nya.

"Yosi.. Ikaw?"

"Hindi ako nagyoyosi, pero sige sasamahan kita" nakangiti nyang sagot. Ewan ko pero parang gumaan ang pakiramdam sa akin ni Ingrid. Kakaiba ang kinikilos nya matapos ang pagputol ko ng kwento. Dinampot ang kanyang gamit, kasama na din ang recorder na nakapatong sa ibabaw ng table at agad na sumunod sa akin.

May kaunting ambon pang nangungulit sa harap ng cafeteria, pero hindi naging balakit para tuluyan kong sindihan ang sigarilyo.

"Mas kumportable ka sigurong magkwento kung ganito, kaya okay lang din sa akin"

"Tapatin mo nga ako. Wala ka namang kikitaing pera sa ginagawa mo, pero bakit interesado ka pa din?" tanong ko habang pinaglalaruan ang natitirang usok na lumalabas sa bibig ko.

"Tulad nang sinabi ko. Sa lahat ng naging patient ko, sayo ako nagkaroon ng kakaibang interes. Masyado kang mailap, at malihim. Kapag ganoon ang kaharap kong tao, nahihiwagaan ako" paliwanag nya.

Ngiti lang ang sinagot ko.

---


Wala akong choice! Hindi pwedeng maiwan si Sarah para magbantay. Lalo naman ako. Ni hindi ko nga malalamang Fred ang pangalan nya kung hindi pa sya aatakihin sa puso. Si Manang ang naiwan. Mas okay na din para makaiwas ako sa mga kakaibang tingin nya na parang witch sa mga movies ng Disney.


Mula nang malaman kong ibang babae ang napakasalan ko, ay lagi nang nakabuntot ang isang palaisipan sa isip ko. Yun ay kung bakit ginawa iyon ni Rica, at anong dahilan. Bakit nya din inilihim sa akin na may sakit sya. Kung huhukayin ko ang naiiwang clue sa isip ko, ay tila hindi sapat para buoin ang isang malaking puzzle na iniwan ni Rica sa buhay ko.


"Hindi ka ba nagugutom?" biglaang sambit ni Sarah.


Ibinaba ko ng bahagya ang bintana ng kotse, para pumasok ang malamig na hangin. Medyo bumabagsak na din kasi ang mata ko sa antok. Malinaw sa akin ang tanong ni Sarah, pero wala ako sa mood na sagutin. Kung sasang-ayon ako, hindi nya naman magagawang ipagluto ako. Sapat na siguro ang kalokohan ko at napadpad ng hospital si Mang Fred, kung hahayaan ko syang magluto baka wala nang madatnang bahay ang matanda.


"Marcus, hindi ka ba nagugutom?"


"Hindi.." tipid kong sagot.


Hindi ko akalaing hanggang sa makarating kami sa bahay nila, ay yun lang ang mga salitang lumabas sa aming bibig. Tahimik ang halos kalahating oras na byahe. Kung may contest lang ng tulad nun, siguro champion kami. Papanisan ng laway. At kahit ang pag-alalay ko sa kanya papasok ng bahay ay walang ingay ng ginawa. Pumutok ang pagod ko matapos kong maihatid sya sa kanyang kwarto. May pasulpot sulpot pang pagkahilo habang binabaybay ko ang hagdan.


Nung lumapat ang katawan ko sa malambot na sofa, hindi na nagpadaig ang antok at pagod. Tuluyan akong nakatulog.


---


"Good Morning.."


Isang mahinang bulong na gumising sa akin. May kaunting sakit na pilit sumisingit sa ulo ko. Kinusot ko ng bahagya ang aking mata. Tumambad sa harapan ko ang maamong mukha ni Sarah. Nakangiti sya kahit hindi naman sa akin diretsong nakatingin. Inilapat ko sa malamig na sahig ang aking paa. Sinuklay ang buhok gamit ang dalawang kamay.


"Kanina pa nakahanda ang almusal.." wika nya.


Naramdaman kong tumatawag ang kalikasan, dahilan para hindi ko sya pagtuonan ng pansin. Mabilis akong tumayo at naglakad papunta ng kusina na nagdudugtong sa banyo. Nakapako ang aking mata sa kanya, habang hinahakbang ang aking mga paa. Kita ko kung paano sya nadismaya sa ginawa kong hindi pagpansin sa kanya. Hindi naman ako suplado, tulad ng ibang tao wala din ako sa mood tuwing magigising.


Nandilat ang aking mata nang maabutan ko ang kusina. Nakalatag sa mahabang limesa ang almusal. Kumpleto at organisado. Kahit ang mga kutsara't tinidor ay nakahanay sa magandang pwesto. Sumabit pa sa ilong ko ang nakakaengganyong amoy ng kape. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, ay bigla akong napangiti. Matapos magdeposit agad kong binalikan si Sarah, na nakaupo pa din sa sala at walang kibo.


"Ah.. Hindi ako sanay kumain ng mag-isa.." wika ko.


"Parehas tayo. Kaya hinihintay din kita magising"


"Teka, ikaw ba ang nagluto?" tanong ko kahit alam kong hindi nya magagawa iyon.


"Oo, tinulungan ako ni manang. Umuwi sya ng maaga para kumuha ng ilang gamit ni Mang Fred" sagot nya.


"Bakit mo kailangang magluto? Paano kung napaso ka, o madisgrasya?" wika ko nang umupo ako sa tabi nya.


"Si Ate Rica. Sabi nya gusto mo daw ang ipinagluluto ka sa umaga" pabulong nyang sagot.


Kahit hindi ko pigilan kusang nagsalubong ang kilay ko sa sinabi nya. Paano nabanggit ng ate nya ang ganung bagay? Wala akong natatandaang nagkaroon ng komunikasyon si Rica sa kanyang pamilya. Kung meron man, bakit kailangan nyang ilihim sa akin. Masyado na akong naguguluhan sa mga nangyayari. Kung ano mang naging partisipasyon ni Rica sa mga nangyayari, ay kailangan kong malaman.


"Tapatin mo nga ako Sarah. May sikreto bang dapat itago ang ate mo sa akin?" usisa ko.


"Wala.. Sadyang nakaplano lang ang lahat.." sagot nya.


4 comment/s:

yammakoolet na bata said...

I knew it! Planado lahat yun ni Rica for her sister! Kasi Rica know's na di naman sya magtatagal so she used her sister identity parang naging instant nagkaroon ng asawa si sarah. Imean para may mag aalaga sa kapatid nyang si Sarah? :) just so you know..

Amphie said...

hehe nice! salamat sa ideya, abang nalang ng kasunod :)

sana may magbigay ng FUNsign haha!

yammakoolet na bata said...

kaya naman pala di ko maopen kagabi tong blog mo kasi nag update ka! Wow! Opo.. Naging busy lang talaga diz past few days e. Pasensya na. :) basta i'll send it to you! Be ready! LOL

Amphie said...

haha! salamat! ginaganahan tuloy ako mag-update :))

Post a Comment