Inlab si Mariel

(image credit to orig uploader)

Si Mariel inlab na naman. Parang kahapon lang hindi maubos-ubos ang luha sa mga mata. Hanggang tanghaling tapat lang ang love story nila ng huli nyang boyfriend at ngayon parang xmas light kung kumutitap ang kanyang mga mata sa bagong salta sa eskwela. Kung may sukob sa pagiging brokenhearted siguro'y puro malas na ang inabot nya.

"Masama bang magmahal agad?" narinig ko pang bulong nya kay Ella. Hindi nga yata bulong yun, dahil kahit ang lalaking nakaupo sa harapan ko ay napalingon din.

"Hindi masama! Ang masama ay masaktan ng maraming beses" pangaral ni Ella. Ilang beses ko ng narinig iyon. Ang huli ay kahapon lang.

"Anong magagawa ko, eh mabilis lang akong mahulog"

"Ewan ko sayo! Ang bilis mo ngang mahulog, kaya madalas kang mauntog!" giit ni Ella. Hindi na mabilang kung ilang ulit umiling ang ulo. "Ang problema lang hindi ka natatauhan kahit makapal na ang bukol mo sa ulo"

Paikot-ikot. Pabalik-balik. Kung masasaktan sya mamaya o sa susunod na araw hindi na ko magtataka kung sa darating na mga araw ay may puso na naman sa background nya.

Hindi ko kasalanan kung marinig ko ang mga bagay-bagay tungkol kay Mariel. Mas dapat pang sisihin ang titser kong madalas sumunod sa alphabetical arrangement ng klase. Noong isang linggo nga natawa ako, dahil sa dalawang lalaki sya umiyak. Naisipan pang kumuha ng backup. Dahilan nya na kung iwan sya ng isa, ay may isa pa syang maiiwan. Ang classic lang nagkagustuhan ang dalawang kasintahan nya. Ewan ko ba. Magulo talaga ang mundo. Malas lang si Mariel at paborito syang dalawin ng kamalasan.

"Sorry! Hindi ko sadya!"

"Okay lang! Kasalanan ko hindi kita napansin sa pagmamadali.."

"No! It's my fault.."

"Sige na nga payag na ko.. Kaso paano ko naman tatanggapin ang sorry sa taong hindi ko alam ang pangalan?" si Mariel.

"Nestor! Nes nalang.."

Natawa na lang ako. Hindi talaga nagbago ang diskarte nya. Palay pa ang lumapit sa manok. Buhok nalang ang pagitan pwede na syang tawaging desperada. Nakakatuwa talagang panoorin ang love life ni Mariel. Para bang mga joke lang ni Bertud na kahit ilang ulit kong marinig ay natatawa pa din ako.

Bigla silang nawala sa canteen. Hindi ko alam kung saan sila napadpad o kung saang pader tumagos. Ang tanda ko lang nakangiti silang dalawa habang pinagsasaluhan ang tanghalian. Kung anong mangyayari ay hindi ko na din alam. Ang pag-iyak ni Mariel mamayang uwian o bukas ang nasisigurado ko lang. Repeat chorus till fade..

Si Mariel inlab na naman sa lalaking Nes nalang daw ang itawag sa kanya. Parang kahapon lang hindi maubos-ubos ang luha sa mga mata. Hanggang tanghaling tapat lang ang love story nila ng huli nyang boyfriend at ngayon parang xmas light kung kumutitap ang kanyang mga mata sa bagong salta sa eskwela.

Hindi ako nagkamali.

Basa na naman ang magkabilang pisngi nya nang madatnan ko sya sa hagdan. Walang pinagkaiba. Pupuno na naman ng dam ang kanyang mga luha. Huminto ako at inabot sa kanya ang panyo.

"Baka gamit na to ha!" nakuha pang magbiro.

"Extra ko yan. Kung gusto mo sayo nalang.."

"Kung magsalita ka parang siguradong tatanggapin ko"

"Swerte ang panyong yan. Nagpapahinto daw ng iyak.." ngumiti sya.

"Ano ulit pangalan mo?"

"Secret muna! Sasabihin ko lang kapag pumayag kang ihatid kita sa inyo ngayon.."

"Sige.." mahinahon nyang sagot "Mariel nga pala!"

"I know.."

-End


0 comment/s:

Post a Comment