Ang Payo ni Kuya

image credit to orig uploader

Bagsak na naman ang magkabilang balikat ni Rochelle. Mababa pa sa standard na posisyon ang dalawang kilay at nagbibilang gamit ang mga mata ng mga nagdaraang sorbetero habang nakapatong ang baba sa kaliwang kamay. Sa ganitong pagkakataon, nahulaan na ni Rick ang problema ng kapatid nang ito'y kanyang madatnan.

Sinubukan nya munang magpatawa. Mabisang paraan iyon para maiwas ang kapatid sa napipintong paglipad ng isipan sa kung saan. "Noong bata pa tayo nahilig kang kumain ng bayabas"

Nilingon ni Rochelle ang nakakatandang kapatid. "Kasi paborito yun ng crush ko, tapos sinugod ako sa pagamutan dahil sa pananakit ng tiyan"

"Ang sabi ng doktor noon, nakakain ka daw ng tatlumpung piraso. At sa huli.."

"Nag-adviced syang humanap ako ng lalaking hindi maihilig kumain" singit ni Rochelle. Bahagyang natawa ang dalawa.

Tama ang hinala ni Rick. Ang isyu ay may kinalaman na naman sa usaping hindi kayang takasan ng kahit sinong may puso. Pag-ibig. Isang bagay na binubuo ng saya, problema, at 80% na pananakit ng bulsa. Alam nya kapag iyon ang dinadanas ng kapatid. Ilang beses nya nang napanood ang ganitong eksena. Sa tuwing mabibigo o masasaktan ang kapatid, kabisado nya na din kung anong dapat gawin o anong dapat sabihin. Kung anong biro ang nakakapagpasaya at kung anong aral ang dapat iparinig sa dalaga.

Tumabi sya sa kapatid. Ginulo ng bahagya ang buhok, at ipinatong sa kamay ang tsokolate na ipinamili. "Kay Nori yan no?" tanong agad ni Rochelle. Tumango ng dalawang ulit si Rick, "Sayo nalang. Mas kailangan mo yan" dahan-dahang sumilay ang ngiti at masayahing mukha ng dalaga.

"Nasaktan kana naman ba?" pigil na tanong ni Rick, animo'y sinisimpatiya ang kalagayan ng katabi.

"Sabi ko naman sayo, 'di minamadali ang pag-ibi e. Sabi nga dun sa nabasa ko.. Parang dyip lang daw iyan. Pwede mong sakyan ang byaheng gusto mo, pero isang byahe lang ang magdadala sayo pauwi. Huwag kang mag-uubos ng pamasahe kung nagandahan ka lang sa tugtog o disenyo ng huminto sa iyo. Dapat dun ka alam mong may sss o insurance"

Nangilid ang luha ni Rochelle. Mahigpit na yakap sa nakakatandang kapatid ang naging tugon nya. Emosyonal ang mga ganitong sandali sa kanilang dalawa. "Salamat Kuya, pero hindi iyon ang problema ko.."

Kumunot ang kilay ni Rick sa bulalas ni Rochelle. "Anong problema?"

"Si Nori tumawag kanina lang," nahinto si Rick, "Nakikipag-break na sayo. Inakala sigurong ikaw ang nakasagot ng telepono" pagpapatuloy ni Rochelle habang diretso ang pag-nguya sa mamahalin tsokolate.

-end

4 comment/s:

Chico Reymart said...

magaling mag payo sa iba pero pag dating sa sarili mo waley na haha
tama lang Rochelle na kinain mo un tsokolate haha

Reilly Reverie said...

Andun na eh.. Akala ko talaga yun na eh...
Yun pala nalinlang nanaman ako..
Haha.. Salamat po! :)

amphie said...

hehe, sa huli mo basahin para di malinlang :D

amphie said...

malabo talagang i-apply sa sarili. thanks!

Post a Comment