Patintero

image credit to orig uploader :)

"Hayop na 'to! Hayop!" bulyaw ng katabi kong lalaki. Halos mapatid ang litid sa leeg kakapaligo ng mura sa paslit na tumangay ng natitirang piraso ng adobo. Kakalapag pa lang ng extra rice sa kanyang pinggan, nawala na agad ang kanyang ulam. Kahit sino'y iinit agad ang ulo sa tirik na tirik ng araw. Nagsalo na siguro ang alinsangan ng paligid at gutom kaya 'di na naisip na kumalma.

"Pasensya na po kayo sir," malumanay na tinig ng tindera sa karinderyang aking kinauupuan. "Madalas ganyan yan. Noong isang araw softdrinks naman tinangay sa customer"

"Dapat dyan leksyon!" galit na sagot ng lalaki. Binalak pang tumayo sa kinauupuan, ngunit agad na napigilan ng babaeng kasama.

"Hayaan mo na. Baka sobra sa gutom kaya nagawang magnakaw.."

Hindi nagpadaig ang nauna. "Noong bata pa ko nagugutom din kami. Gumagala sa kalye para magbenta ng sampaguita, pero 'di kami nagnakaw"

"Ano namang gagawin mo kung mahuli mo?"

"Tuturuan ko ng dapat!"

Lahat ng saksi sa pangyayari halos hindi makapagsalita. Walang gustong pumigil sa galit ng lalaking hindi matanggap ang pagkabitin sa pagkain. Walang habas itong tumayo. Iniayos pa ang pagkakagusot ng t-shirt bago maglakad. Mabagal ang unang hakbang hanggang sa papabilis ng papabilis.

"Ate, isang mineral po" wika ko sa tindera. Mula sa kinauupuan ko'y tanaw ko pa din ang kilos ng lalaki. Aliw na aliw at excited kung anong susunod na mangyayari. Sa katapat na kalye nakapwesto ang paslit habang pinapakyaw ang inumit na pang-laman tiyan. Nakita ko ang lalaking nagmamadali. Napaka-entertaining ng tagpong iyon kapag nahuli ang paslit. Iniisip ko kung anong unang gagawin ng lalaki. Ang kawawang bata, walang kaalam-alam.

"Takbo!! Bilis takbo!!"

Napalingon ang paslit sa sigaw ng isa pang batang halos walang pinagkaiba sa kanyang itsura. Balot ng ungis ang katawan at halos hindi nadadapuan ng tubig ang buhok at balat. Napatayo na ko sa galak habang tinutungga ang tubig sa sisidlan.

"Tangina san ka pupunta?" wika ng lalaki ng ma-corner nya ito sa gilid kung saan may on-going na gumagawa ng kalsada. Namumutla at halos manglaki ang mga mata ng bata. Isang malaking kamay ang dumamba sa kanyang ulonan. Ngunit sa bilis ng mga paang beterano sa pagtakbo agad itong nakatakas. Mabilis ang sumunod na mga pangyayari.

Nagkagulo ang mga tao sa kabilang kalye. Naharangan ng mga usisero ang palabas. Hindi ko na matanaw kung anong nangyayari. Pinilit kong iangat ang aking ulo para makasilip ngunit isang piraso na lamang ng tsinelas ang aking natanaw sa kalye. Tumakbo ang binatilyong nakaharang sa paningin ko. Ang pangalang RNE ng taxi na lamang ang tumambad. Sa ibaba ang paslit na duguan na naipit sa gulong ng kanina'y rumaragasang sasakyan. Sa gulat, naibuga ko ang tubig sa katabi kong kumakain.

-wakas




moral of the story: dagdagan ang mga sidewalk fence.


0 comment/s:

Post a Comment