Ika-Siyam (1)

(image credit to orig uploader)

Pasubok lang ng ganitong tema :P

--------------

"Ito na ang iyong pinakahihintay Oswald. Ang iyong pangarap, ang iyong minimithi, ay na'sa likod lamang ng pintong iyan" wika ng isang boses sa isip ng binata. Malamig, malalim, at nakapanghihilakbot kung iyong maririnig. Hindi nagpatinag si Oswald. Buo na ang kanyang loob. Naubos na ang kanyang emosyon sa walong pinto na kanyang nalampasan.

"Kung ito lamang ang mag-uugnay sa puso namin ni Milda," pinahid nya ang huling luhang inilabas ng kanyang mata. "Handa na ko sa magiging kapalit" Kasabay ng pagbukas ng pinto ang nakasisilaw na liwanag. Naghalo ang kaba, takot, pagkasabik, at pagkaganid sa puso ni Oswald. Napangiti sya bago humalik ang kanyang mga tuhod sa lupa.

Ginising si Oswald ng isang nakakakilabot na panaginip. Mataas na ang sikat ng araw ngunit malamig ang pawis na namumuo sa kanyang noo. Dumaloy sa kanyang sintido. Pabalik-balik sa kanyang isip ang imahe ng isang matandang lalaking may mahabang damit at balot ang mukha. Ilang ulit nitong binanggit ang siyam na pinto. Katuparan ng hiling at pagdadalamhati. Bago pa magpakilala ang matanda, nakakapagtakang agad na syang nagigising.

"Kulang ka sa dasal!" pabirong sagot ni Wilfred kay Oswald matapos ikwento ang panaginip. Sinundan pa ng nakakalokong tawa.

Nagkibit balikat lamang si Oswald, "Para kasing totoo pre! Detalyado ang aking panaginip. Yung matanda lang talaga ang hindi ko makilala"

"Parang horror lang talaga! Masamang pangitain yan! Yung matanda limusan mo para mawala yun bad luck!"

"Siraulo!" naagaw ng kanyang atensyon ang pagdaan ni Milda sa kanilang harapan.

"Sa kwento mo may narinig akong hiling e. Hilingin mo nalang sya.. malay mo," sundot ng kaibigan.

Teacher na nga lang yata nila ang hindi nakaka-alam ng kanyang lihim na pagtingin kay Milda. Simula ng ibigin nya ang kaklase at disgrasyang nabanggit ito sa kaibigan, mabilis pa sa takbo ng snatcher na kumalat ang balita. Alam nyang wala syang magagawa para masungkit ang puso ni Milda. Sa dami ng nagtangkang umibig at nagtapat ng kanilang nararamdaman, kahit isa'y walang pinalad. Lahat ay nabigo. Kaya't buntong hininga na lamang ang kanyang reaksyon sa tuwing makikita nya ang dalaga. Bagay na naging tuksuhan sa loob ng klase. Sa grupo ng mga kalalakihan sa tuwing sya'y mapapadaan. Sa lagay daw nya malayo pa daw sa buwan ang kanyang sinusuntok at malabo pa sa putik ang kanyang pag-asa.

"Isang kahilingan. Matutupad. Ngunit lahat ng bagay ay may kapalit. Maaring bagay na iyong pinapahalagahan o maaaring mahal mo sa buhay" gulong-gulo si Oswald sa alok ng matanda. Pinipilit nyang igalaw ang kanyang katawan. Gusto nyang magising. Walang boses na lumalabas sa kanyang bibig kapag siya'y sumisigaw.

"Isang hiling. Siyam na pinto. Naghihintay ang liwanag sa iyong pagbukas. Naghihintay ang tunay na kasiyahan"

"Si Milda! Si Milda!"

"Milda.." bulalas ng matanda. "Si Milda ang aking kasiyahan!" wika ni Oswald. Dahan-dahan syang inakay ng matanda. Pilitin nya mang pigilan ang bawat hakbang kusang gumagalaw ang kanyang mga paa. Gamit ang kamay hinawi ng matanda ang makapal na usok na humaharang sa kanilang daraanan. Tumambad ang isang pinto.

"Ika-una. Buksan mo ang iyong kapalaran!" matapos ang utos tsaka lamang naramdaman ni Oswald ang paggaan ng kanyang katawan. Hingal aso at abo't langit ang kanyang kaba. Huli na ng kanyang malamang nabuksan nya na pala ang ika-unang pinto. Nakasisilaw na liwanag ang sumalubong sa kanila.

"Oswald! Oswald!" sunod-sunod na yugyog ang gumising sa kanya. Agaran nyang niyakap ang kanyang ina sa pagligtas sa kanyang panaginip. Nais nyang umiyak ngunit pinangungunahan sya ng kabang namuo sa kanyang dibdib. Hindi nya alam kung paano nya babanggitin sa ina ang lahat.

Laking gulat ni Oswald. Sa gitna ng kanyang pagkakapit sa ina naramdaman nya ang sunod-sunod na hikbi nito. Maya-maya pa'y dumaloy na sa kanyang pisngi ang mga luhang nanggaling sa mga mata ng ina. "Anak, wala na ang iyong ama.."

"Paano?"

"Nagka-aberya ang sinasakyan nilang service pauwi. Tumawag ang tiyo mo. Sumunod nalang tayo sa hospital"

Pinuno ng mga bisitang nagdadalamhati ang kanilang bahay ng gabing din yun. Lahat ay nabigla sa pangyayari. Kahit ang mga ka-trabaho ng kanyang ama ay halos walang masabi sa hindi kapanipaniwalang aksidente. Ngunit iba ang anyo ni Oswald. Balisa pa sya sa taong nakahigop ng puting usok. Pinipilit ang sarili na walang parte ang kanyang panaginip sa mga nagaganap. Ayaw nyang maniwalang ang kanyang hiniling sa panaginip ay kapalit ng pagkawala ng kanyang ama.

"Pre, condolence.." bumalik ang kanyang sarili nang tapikin sya ni Wilfred. "Nabalitaan ko lang ang nangyari"

Tumango lamang si Oswald. Walang bahid ng kahit anong reaksyon ang kanyang mukha. "Anak, bigyan mo ng maiinom ang iyong mga bisita" utos ng kanyang ina. Tatayo na sana sya ng makita nyang papasok si Milda. Sinalubong sya nito ng mahigpit na yakap. Nanlaki ang kanyang mga mata ng makita nyang nakatayo sa likod nito ang matanda sa kanyang panaginip.

"Sya ang may kasalanan!!" sigaw nya habang tinuturo ang matanda ngunit sa isang kisap mata'y agad itong nawala.


tbc..

0 comment/s:

Post a Comment