Pritong Isda - Maikling Kwento

(image credit to orig uploader)

"Kanina pito ito 'di ba?" may galit sa boses ni Ama habang itinuturo ang piniritong isda sa hapag kainan gamit ang sigarilyong kakasindi pa lamang, "Nasaan yung dalawa?"

"Tinangay ng pusa," sagot ko. Abala ang aking malay sa panonood ng telebisyon, sa posisyong nakapatong ang dalawang paa sa maliit na bangkito, nakasandal ang ulo sa dalawang palad, "Sinaway ko, kaso ang bilis tumakbo.."

Kung mabilis ang pusa, 'di hamak na mas mabilis ang kamay ni Ama. Hindi ko namalayang kasunod pala ang isang batok kahit hindi pa ko tapos sa pagpapaliwanag. "Punyeta!" wika ni Ama, "Iyon na lang ang gagawin mo hindi mo pa nagawa ng maayos!" Bumalikwas agad ako ng tayo. Sarado ang aking kamao. "Lalaban ka?"

Sa gitna ng sagutan, otomatikang maririnig namin ang boses ni Inay mula sa kwarto. Pahapyaw, mababaw, at puno ng paghihikahos. Pipilitin nitong awatin kami kahit hindi na nya na kaya pang tumayo. Oo, may sakit si Inay, paralisado ang kalahati ng katawan, kung dahil sa kunsumisyon, e hindi ko na alam.

Hindi na yun bago. Regular na kasama sa araw-araw sa amin ni Ama, kumbaga sa teleserye'y alam na ng mga namamanata kung sinong iiyak, maapi, at babangon sa huli. Sa amin, si Ama ang bida, at syempre ako ang kontrabida. Si Inay ang namamagitan. Walang pinipili kung sinong tama at kung sino ang mali. Doon madalas magalit si Ama.

~~~

Hilig ko ang Biology at ayoko ng Algebra. Paborito ko si Mr. Rosette na guro ko sa Sipnayan ngunit hindi nya ko gusto. Ayoko naman kay Mrs. Yadao pero paborito nya kong tawagin sa klase. Dahilan nya na may ibubuga pa raw ako, lalo't pagdating sa paghahati hati ng mga species at kung saang pamilya ba sila nauugnay. Ganon kababaw ang dahilan ko para isuko ang pag-aaral. Hindi ko tinapos ang buhay high school. Tinapos ko ang huling taon sa pagbubulakbol at pagsama sa barkada. Itinakwil at ikinumpara ako ni Ama kay Kuya, na noong panahong iyon ay patapos na sa kolehiyo. At tulad ng nakasanayan, nariyan si Inay para ipagtanggol ang anak nyang nagsisimulang sirain ang sariling buhay.

Bukang-bibig ni Ama na halos wala pa raw ako sa kalingkingan ni Kuya. Sa paraan kung paano mag-isip, sa kilos, at pakikitungo sa kanila. Kahit sa harap ng mga kainuman niya ay hindi ako nakakaligtas sa kanyang kwento. Ginawa nya na raw ang lahat ngunit wala daw akong pagbabago. At sa huli ibibida ang nakakatanda kong kapatid na humahatak na ngayon ng medalyo sa kaniyang pamantasan. Si Inay ay nakikinig lang. "Hayaan mo darating rin ang panahon mo.." aniya. Ngumingiti lang ako.

Maaga rin akong sumabak sa pagbabanat ng buto. Ayokong malumpo sa bahay. Ayokong marinig ang boses ni Ama. Sa likod ng isip ko ang mga salitang "Baka sa kaunting halaga ay kaya na nya akong mapansin", baka lang.

Hindi biro ang pahinante sa katawan kong 'di gaanong kalakihan. Babad sa byahe, batak ang buong katawan. Yung init ng panahon, amoy ng kalye, at usok ng mga sasakyan, sa katagala'y ginagawa ko na lang pananghalian. Kumbaga sisiw na lang kung sanay ka na. Umabot pa sa puntong pang-gabi ang delivery. Kung hindi isang sako ng naipon kong plastic bottle ang aking kayakap ay iyong sapin-sapin ng karton ang aking higaan. Maniwala ka, hindi biro ang sakit ng likod sa lamig lalo't sa loob ka ng truck natutulog.

Kapag masaya si Inay, mas masaya ako. Tuwing linggo ako umuuwi. May bitbit na kita. Bawas ng kaunti para sa ilalaman sa tiyan. Madalas kong maabutan si Ama sa sala. Uso na ang pagmamano, ngunit sa amin ay hindi pa. Bago ko pa mailapag ang aking mga bitbit, isang katutak na mando na ang aking narinig. Mas humihiwa ang mga salitang "O? Buhay ka pa pala?"

Ilang beses ko syang minumura sa aking isip. Ilang beses kong sinasabi sa sariling "Balang araw kakainin mo rin ang pagkaing ihahain ko sa hapag kainan". Pero 'di yun nangyari. Lalabas sya ng bahay at tutungo sa karinderya. Gabi na ang balik. Hindi pantay ang lakad at diretso na sa kama. Pare-parehas na eksena bawat linggo sa loob ng anim na taon. Walang palya.

Ilang taon akong nawala sa loob ng tahanan. Palagi kong naalala si Inay. Alam kong 'di nya gusto ang ginagawa ko. Nais nya yung makapag-aral ako't makapagbago. Hindi nya man ako inihahalintulad kay Kuya, ay ramdam na ramdam ko naman mataas ang hiling nyang gayahin ko ito. Kung hindi lang dahil sa kanya 'di rin naman ako magtitiyagang bumisita sa bahay na wala sa akin ang may gusto.

~~~

Paubos na ang tao noon sa isang mall sa Cubao nang tawagan ako ni Kuya. Kinumusta nya ako. Bagay na hindi normal pero napakasayang pagkakataon. Inusisa nya ang kalagayan ko. Ang mga bagay na pinagkaka-abalahan ko at kung may girlfriend na ba raw ako. Biro pa nya, wag na muna daw akong mag-aasawa. Paunahin daw muna sya dahil sya ang kuya. Natatawa ako sa mga pinagsasabi nya. Napahaba ang aming kwentuhan. Nalibang ako't 'di namalayang may guhit ng ngiti sa aking labi. At may mga luhang nangingilid na sa anumang oras ay babagsak sa aking pisngi.

Iba ang pakiramdam. Masaya, dahil sa unang pagkakataon para bang may nag-aalala sa akin. Malungkot, dahil gustuhin ko mang makita sya sa mga oras na iyon, ay naroon naman ang takot ko na baka sa gitna ng kasiyahan ay baka naroon si Ama. Bumagsak ang aking balikat.

"Makakauwi ka ba bukas?" tanong ni Kuya. Nahinto ako. Ano bang mayroon? Hindi na nya pinahaba, "Maaga ang alis ko sa makalawa papuntang Australia." Hindi ako kumibo. Wala akong maisagot, "Ang gusto ko'y naroon ka kapag ako'y umalis. Ikaw na ang tumingin kay Inay."

Hindi na niya napigil ang pagsasalita. Lumabas ang katotohanang may malalang sakit si Inay. Nais nyang ako ang magbantay at sya susuporta sa gamutan. Masakit sa akin ang balita, ngunit mas masakit dahil huli akong naka-alam. Ayoko man dahil sa nag-iisang dahilan, pero 'di ako pwedeng tumanggi dahil si Inay ang pinag-uusapan. Lulunukin ko ang lahat ng naiiwang pride basta para sa kanya. Gagawin kong almusal ang mga masasakit na salita ni Ama mabantayan ko lang siya.

"Oo, makakarating ako.." sagot ko.

~~~

"Hindi namin kailangan ang tulong mo!"

Ang mga unang salitang binitiwan ni Ama matapos maka-alis ni Kuya. "Imbis na kami, tulungan mo yang sarili mo," dugtong pa nya. Gusto kong sabihing nandito ako hindi para sa kanya ngunit kailangan kong limitahan ang sarili ko dahil kay Inay, na noong oras na iyon ay bagsak na ang katawan at hindi na magawang umawat pa sa kung anong mangyayari sa amin.

Binuhat ko si Inay at inihatid sa kwarto. Ibinulong ko sa kanyang huwag syang mag-alala at kaya kong magtiis. Ngumiti lamang sya. Hindi na nga lang kagaya ng noon na mas masayang pagmasdan.

Tumagal rin ng ilang buwan ako sa bahay. Walang pagbabago. Magka-away pa rin kami ni Ama. Minsan na nga lang iniisip ko na isa siyang bukas na telebisyon. Maingay. At ako naman ang tagapanood. Walang pakialam sa mga satsat at sigaw.

Minsan iniisip ko kung saan ba nagmumula ang galit nya sa akin. Wala pa akong kasalanang mabigat na nagawa para itrato nya akong parang hindi sariling anak. Masakit man sa kalooba'y parang 'di na kami magkaka-ayos at matatawag na mag-ama. Minsa'y sumasagi rin sa isip ko na humingi ng tawad sa kung anumang ikinagagalit nya sa akin. Baka sakaling magbago ang ihip ng hangin. Umaasa akong isang araw ay magigising akong nakalimutan nya na kung paano magalit sa akin. Siguro nga'y totoo ang biro ni Inay na sa takure ako ipinaglihi noong na sa tiyan pa lamang.

Isang umaga ng Lunes ang hindi ko malilimutan. Maaga ang naging sagutan namin ni Ama. Mahirap tandaan kung saan nagsimula pero madaling maalala dahil iyon ang unang beses na nagbuhat na siya ng kamay sa akin. Labis ang pag-aalala ni Inay na baka mapilitan daw akong lumaban. Hindi ako kumibo. Oo, masakit ang suntok, pero mas masakit ang mga salitang hanggang kamatayan daw ay hindi nya ko makikilala.

Bumahid ng husto ang mga kataga.

Masakit at mahapdi.

Malalim ang sugat na kahit piliting tahiin ay 'di na ata gagaling.

"Kanina pito ito 'di ba?" may galit sa boses ni Ama habang itinuturo ang piniritong isda sa hapag kainan gamit ang sigarilyong kakasindi pa lamang, "Nasaan yung dalawa?"

"Tinangay ng pusa," sagot ko. Abala ang aking malay sa panonood ng telebisyon, sa posisyong nakapatong ang dalawang paa sa maliit na bangkito, nakasandal ang ulo sa dalawang palad, "Sinaway ko, kaso ang bilis tumakbo.."

Kung mabilis ang pusa, 'di hamak na mas mabilis ang kamay ni Ama. Hindi ko namalayang kasunod pala ang isang batok kahit hindi pa ko tapos sa pagpapaliwanag. "Punyeta!" wika ni Ama, "Iyon na lang ang gagawin mo hindi mo pa nagawa ng maayos!" Bumalikwas agad ako ng tayo. Sarado ang aking kamao. "Lalaban ka?"

Nakatingin lang sa akin si Inay. Nakasilip sa nakauwang na pinto ng kwartong madilim. Humupa ang init nang bahagya. Malakas ata ang pananalig ni Inay na baka sa isang iglap ay magkaroon ng himala na baka bukas o sa makalawa ay hindi na nya masasaksihan ang mga ganitong bagay.

"Hindi po Itay.." malumanay kong sagot. Tumalikod sya't ibinaling sa pusa ang init ng ulo. Mabilis kong dinampot ang bangkito. Isang hampas sa kanyang ulo. Hindi kulang pa. Ginawa kong dalawa. Hindi ako natuwa. Inubos ko ang aking lakas hanggang humalik sya sa sahig. Umagos ang dugo mula sa kanyang ulo.

Abot langit ang hingal ko. Nakangiti. Nakatitig. Napa-pikit.

Patay na si Ama.

Walang ni isang kibo akong narinig kay Inay. Ganoon pa rin ang posisyon. Luhang dumadagsa lamang ang nagbago. "Walang himalang kayang makapagbago Inay. Hindi ako, hindi si Itay, at lalong hindi kayo." wika ko sa kanya.

Dinampot ko ang natirang isda sa mesa at ibinigay ko sa pusang alam kong wala naman sala.

-wakas



opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2016 para sa kategoryang maikling kwento.




0 comment/s:

Post a Comment