Reunion


Hindi magkasya ang ngiti ko sa labi noong tumawag si Elmer kaninang umaga. Napagdesisyonan na pala nila na ituloy ang palaging nabibitin na reunion. Napilitan tuloy akong magpagpag ng mga agiw sa mga lumang litrato. Lalong naghimagsik ang kasabikan kong makita syang muli. May kung ano pang kumiliti sa malikot kong pag-iisip, kapag nagugunita ko na ang aming pagtatagpo.

Dalawampung taon na din pala noong huli kong nakita si Mylene Rodriguez. Habang pinagmamasdan ko ang class picture, iniisip ko kung ano na nga ba ang nagbago sa kanya. Parehas pa din ba dati ang ngiti nya? Yung nakagawian nyang pagsampay ng buhok sa kanyang tenga, sana hindi nagbago yun. Naalala ko din kung paano nya ako pagalitan sa tuwing nagtatangka akong mangopya sa klase. Para syang nanay ko, pero yun naman ang ikinatutuwa ko. Sa totoo lang gustong gusto ko ang palagi nya akong napapansin. Pakiramdam ko kasi nagkakaroon ako ng espesyal na puwang sa puso nya.

“Kumpleto na kami, ikaw nalang hinihintay” si Elmer sa kabilang linya.

Kahit malayo ang venue, sinikap ko talagang pumunta. Minsan lang mangyayaring magtagpo ang maloloko sa klase, ang mga proclaimed class clowns, at mga certified harutera sa campus.

“Lapit na. Lakarin ko nalang yung papunta dyan. Masakit din sa balakang ang mahabang byahe” wika ko.

Si Francis na class president noon, ang unang sumalubong sa akin. Hindi ngiti at bati kundi isang bote ng malamig na serbesa ang iniabot nya sa akin. Kung hindi lang naisipan ng organizer na maglagay ng name tag sa bawat miyembro ng class 88, siguro hindi ko na sila makikilala. Maraming nagbago sa mukha nila, na ibang iba na sa lumang class picture noon. Sigurado din akong bawat estudyante may iba’t ibang kwento na balak ipamalita sa bawat isa.

Abala ang lahat. Pero hindi ako. Si Mylene Rodriguez ang tanging hinahanap ng mga mata ko. Habang tumatagal ang minutong paghahanap ko sa kanya, lalo namang tumataas ang adhikain kong makita sya.

“Ronald? Ronald Yu?”

Sumilip ang ngiti sa aking labi nang tinapik nya ang aking balikat. Ngunit mabilis na napawi ang mga ngiti, nung nakita kong malaki ang pinagbago ng hitsura nya. Nagkaroon na sya ng hindi mabilang na guhit sa magkabilang pisngi. Tinatago na din ng blackening shampoo ang namumuti nya nang buhok. Laylay na ang ilang balat sa braso, at matamlay na ang mga mata.

“Yes Ma’am! Ronald Yu po! Present!”

“A-ano iho? Pasensya kana at hindi makasabay ang hearing aid ko sa lakas ng tugtog” sa mahinang boses.

Hinawakan ko ang kanyang kamay, at inakay sya sa upuan. Masaya ako at nakita ko syang muli. Hindi man sya katulad ng dati ay hindi naman mabigat na rason yun para magbago ang nararamdaman ko sa kanya. At kung ano man ang pakiramdam na yun, ay dapat ko nalang sigurong sarilihin.

“Maupo ka sa tabi ko iho. Gusto kong makarinig ng mga kwento mula sa paborito kong estudyante” wika nya.

“Opo! Marami din akong gustong ikwento sa paborito kong guro”


---------


Namiss ko lang ang saya na dulot ng eskwelahan. Namiss ko si crush, pero hindi si Ma'am. haha!

1 comment/s:

Chico Reymart said...

yihhh si titser nman pla :D

thanks .

Post a Comment