Dot Girl

Nakailang ulit ko ng pinindot ang backspace sa keyboard. Dalawang linya palang ay nauubusan na ko ng sasabihin. Saan ba dapat ako magsimula? Ang totoo kasi 'di ko din alam. Hindi sa hindi ko alam ang sasabihin, kundi 'di ko alam kung paano ko sasabihin. Naroon ang kabang baka magkaroon ng ibang kahulugan ang isang linya, at pangit ang isipin ng babasa.

"Sinong babasa?"

Solo ko ang kwarto. May kasama ko, pero zombie sya. Tipong "braiiinsss" lang ang alam nya sa mga sinusulat ko. At walang ideya kung anong ginagawa ko.

That girl. Siya ang dahilan nito. Siya ang may pakana kung bakit ako nagpupuyat. Pero kung may babatok sakin ngayon palang at sasabihing "May atraso ka sa babaeng 'yon! Tanga!" ay kahit ang umaaligid na ipis sa tabi ng baso ko ay handang sumang-ayon. At makibatok na din.

That girl. Hindi yata sapat ang dami ng balbas ko sa dami ng kalokohang nagawa ko sayo. Kung aahitin, hindi naman din babawas 'yon kahit katiting. Siguro nga 'di sapat ang nariyan lang palagi sa tabi para masabing mahal ang isang tao. Siguro hindi tama yung palaging nagsasabing "I love you" para lang masabing hindi mo nakakalimutang mag-message sa kanya. Araw hanggang gabi. At siguro hindi rin tama kung ang mensaheng 'to ay puro palabok ang laman, para lang pilitin syang ma-impress. Dapat totoo. Dapat galing sa parte ng katawang nagsu-supply ng dugo sayo. Corny no?

Kunot na siguro ang noo mo. Wala kapa kasing nababasang importante dito. Hindi na mahalaga yun. Ang purpose naman nito ay paghingi ng patawad, at hindi bolahin ka. "Sorry ha!" ayan, nasabi ko na. Bahala ka na kung sasalain mo pa o hindi. Pero kung lulunukin mo yan, malalaman mong hindi peke. Kasi buo. Kasi galing sa puso. Alam mo mahalaga ka sakin. Hindi man ako masyadong nagpapakita,  hanggang kaya ay pilit kong pinapadama. Lately ko nga lang nalaman na kung ganoo ka-totoo yun. Pinatunayan ng mga gusot sa bed sheet ko. Nagbubukas ako ng phone, tsaka ko lang maalala na ang gago ko. Huling-huli ako ng sarili ko na hinahanap ang text messages mo. Nakakainis. Hirap kasi akong mag-express lalo na't may mali ako.

Immature ako, promise! Hindi pala talaga 'ko marunong magdala. Kabisote. Pero pinipilit ko naman i-maneho ang kotse natin, kahit alam kong mababa ang kalidad ng lisensya ko. Kahit alam kong kahit anong oras ay pwedeng madisgrasya tayo. Kahit alam kong may karampatang parusa ang paglagpas sa red light. Hayaan mo sa susunod ikaw na ang driver, para maturuan mo ako ng tamang pagbaybay sa kalyeng tinatahak natin. Pangako, tahimik lang ako at hindi ka bibigyan ng sakit ng ulo, para 'di tayo maligaw kung sakaling may nakakalitong daan. At kung malasin man at may lubak na madaanan at ma-flat ang gulong. Huwag ka ng iiyak. Tutulungan naman kitang magtulak ng sasakyan, wag lang tayo ma-stuck.

Nga pala. Pasensya na kung mas maarte ako sayo. Hindi ko lang talaga gustong malaman nila kung gaano mo 'ko ka-mahal. Baka lang kasi may mainggit. Mahirap na. Hindi kasi sanay ang mukha ko sa suntok. Biro lang. Sanay kasi akong nagpaparamdam lang. Nang-gugulat at bigla-bigla nalang susulpot sa bahay nyo, kung kinakailangan.

Uy! Dito nalang ha. Sobrang antok na kasi ako. Hindi 'to pilit pero umaasang ma-appreciate mo. Ay, teka may last pa. Tinanong mo pala ako kung iiwan ba kita. Naalala mo sagot ko? Sinabi ko nga palang "oo" kasi 'di ka naman pwedeng sumama kung madededo ako. Totoo yun! Kahit mukhang banat lang, at least original. At bagay sayo ang "dot girl" yun na lang ang tawag ko sayo. Hindi naman ako gwapo para magdagdag pa. Mas gusto kong may tuldok na, pagkatapos ng pangalan mo.

"Brains!" sabi ng kasama ko. Hindi ko pa na-gets kung hindi nya pa tinuro ang switch ng ilaw. Ipatay ko na daw.

4 comment/s:

Mafe Sumampong Garcia said...

sigurado akong matutuwa si dot girl nyan ts! parang bad boy lang pero malupit mag mahal. ahahaha!

pinkline_21 said...

fiction or true story?hehe intrigera lang :)

amphie said...

true nalang. masama pala magsinungaling :)

amphie said...

oo nga. may lusot tuloy sa swimming na hindi nagpaalam :D

Post a Comment