Pagtatapat


"Bye! Bukas nalang ulit.." paalam ni Nicca. Pilit pinipigilan ang mga nangingilid ng luha.

Kahit labag sa kalooban ni Anthony ang pagpapa-alam ng kabiyak, mas pinili nya pa din hindi magmukhang apektado. Alam nyang kinabukasan ay wala nang Nicca syang makikita, at ang salitang "bukas" lang ang totoo sa sinabi ng kabiyak.

Tinapangan nya ang sarili. Ayaw nyang masira ang titulong siga sa kanilang lugar. Palibhasa laking basag ulo. Mapapalitan na nga daw ang chairman ng baranggay, pero hindi mawawala ang kanyang record. Suko din ang tiyahing nagpalaki sa katigasan ng ulo ni Anthony. Kung may mapapasahang malapit na kamag-anak, ay ibibigay nya na lang wag lang daw madagdagan ang uban.

"Mahal kita.." tanging nabanggit ng binata.

Ngumiti lang ang dalaga, tsaka humakbang palayo. Mataas ang ginawa nyang pagtingkayad, maabot lang ng tingin ang lumalayong kabiyak. Gusto nyang mainis, pero sawa na sya. Nais nya ding magalit, ngunit para saan pa. Kung salitang bukas lang ang kanyang panghahawakan, mas gugustuhin pang hindi na sya sikatan ng araw.


Anim na buwan ng magkakilala si Anthony at Nicca. Bagong lipat lang noon ang dalaga sa kanilang lugar. Dating may kaya ang pamilya na ngayon ay naghirap ng dahil sa amang lumayas, matapos makatikim ng ibang sarap. Nagpasya ang pamilya ng dalaga na ibenta lahat ng pag-aari, at ang lumang bahay ng matandang namayapa ang kanilang napiling bilhin.

Maayos ang naging takbo sa simula. Naituloy din ng dalaga ang kanyang pag-aaral sa hindi kilalang eskwelahan. Nakahanap ulit ng hanapbuhay ang kanyang ina. Hindi man kasing laki ang natatanggap nyang salapi 'di tulad dati, ay kuntento na daw sya kesa sa paghahabol sa asawang pilit syang hindi kinikilala. Nagbago lang nang makilala ng dalaga si Anthony.

"Hatid na kita miss! Maraming tambay dyan baka kursunadahin ka" alok ni Anthony.

"Salamat na lang! Kaya ko sarili ko" pagsusungit ng dalaga, bagamat may kaunting takot ding nadama.

"Magtatakip na lang ako ng tenga kapag narinig kitang humihingi ng saklolo" pananakot ulit ni Anthony.

Nakakadalawang hakbang pa lamang ang binata, mabilis ng kumabig si Nicca. Mas nakakatakot nga naman ang eskenitang kanyang dadaanan, kesa sa mukha ni Anthony. Hindi pa din nya kabisado ang lugar para magtapang-tapangan. Wala namang mawawala kung tatanggap sya ng tulong.

Kinabukasan, ganoon din ang naging istilo ni Anthony para makuha ang loob ng dalaga. Tulad ng ibang lalaki, nabibighani lang din sya sa dalaga. Huli na ng kanyang malamang lumalagpas na pala sya ng bahay kakaisip kay Nicca.

"Hatid mo na 'ko!" usal ni Nicca ng maabutang nakatambay ang binata sa tindahan.

Umusbong agad ang bulungan ng mga kapitbahay sa narinig. Para bang paulit-ulit na nabiktima ng bagyo ang kanilang reaksyon. Lingid sa kaalaman ni Nicca, si Anthony na ang kinamumuhian ng lahat ng tao sa lugar. Kesyo nakuha pa daw pumatol. Walang taste, at halatang salat daw sa gabay ng magulang. Iba ang trip ng mga tao sa paligid. Hindi pa napipisa ang itlog, sinasabi na nilang sisiw ang laman.

"Kanina ka pa tahimik.. Hindi ako sanay ng ganyan ka" pag-aalala ng dalaga sa kasabayang maglakad.

"Ano kasi e.." pigil na sagot ni Anthony.

"Anong ano? Kung may problema, ako nalang mag-isa. Sa tingin ko kaya ko na naman"

"Hindi!" pigil agad ng binata. Naglalaro sa isip nya kung sasabihin ba nya ang nararamdaman. Kahit sa sarili nya alam nyang hindi sya nababagay kay Nicca. Alam ng buong baranggay ang hatid nyang problema, pero nagbago na sya bago pa man nya malamang nahuhulog na sya sa dalaga. Tinatakot sya ng sariling multo. Kinakain sya ng sarili nyang halimaw. Nilulubog ng sariling katauhan. Basura sya ng lipunan.

"Nicca! Nicca!" galit na wika ng kanyang ina. May tinig na humihiwa ng dagat.

Balikwas si Nicca sa kanyang pagkakahiga. Mabilis na hinarap ang kanyang inang pwedeng pakuluan ng tubig ang ulo, dahil sa sobrang init. Abot langit ang panalanging walang nangyayaring masama. Nag-abot sila sa sala. Hindi pa man sya nakakapagsalita, inunahan na sya ng malingawngaw na sampal.

"Hayop ka! Pinag-aaral kita!" bulalas ng kanyang ina.

Hindi alam ng dalaga ang isasagot. Wala syang matandaang pinalagpas na exam sa school. Kahit quizzes ay hindi nga daw makakapagtago sa kanya, kaya malabo na agad ang bintang ng kanyang ina.

"Magtapat ka! Buntis ka ba?!"

Natigilan si Nicca. Wala syang alam sa sinasabi ng kanyang ina. First kiss nga hindi pa natitikman, yun pa daw na first..

"Hindi po! Saan naman galing yan?!" sagot nya sa ina.

"Sa dami naman ng lalaki bakit doon pa sa Anthony na yun! Anak naman.. Basagulero yung tao! Walang magandang bukas kang haharapin dun!"

"Nay, hindi po ako buntis! At hindi ko sya boyfriend!" depensa nya.

"Madalas daw kayong magkita! Yun ang balita sa akin ni Aling Elsa"

Hindi pa man nabibiyak ang itlog, sinasabi na agad na sisiw ang laman nito. Tulad ng nararamdaman ni Anthony kay Nicca. Wala pang first move, nabuntis na. Iyak na lamang ang naging sagot ni Nicca sa kanyang ina. Gusto nyang magalit, pero hindi nya alam kung kanino nya iyon ibubuntong. Nais nyang kausapin ang binata, ngunit alam nyang hindi magandang sagot iyon. Sa huli ang desisyon ng kanyang ina ang masusunod. Nilayuan nya ang inosenteng binata.

Tulad ng mga basurang ibinabato ng mga nakapaligid kay Anthony. Tulad ng mga mabahong amoy na pilit itinuturo sa kanya.
Tulad ng mga mapanghusgang matang sikretong nakatitig sa bawat galaw nya. Tinupad ni Anthony ang nais ng kanyang lipunan para sa kanya.

"Mahal kita.." huling salitang nabanggit nya kay Nicca.

Galit ang mga ugat sa kanyang binti, masulyapan lang ang pag-alis ng kanyang minamahal. Huli na para sa kanya ang pagtatapat, ngunit masaya sya dahil naipaalam nya ito kay Nicca.

Yun nga lang sa likod ng malamig at nakakangilong kalansing ng selda.


-end

3 comment/s:

Pink Line said...

nakakalungkot naman to :(

Amphie said...

ironic ang kwentong to.. thanks pink!

Mafe Sumampong Garcia said...

tsk! tsk! akala ko mababago sya ng pag-ibig.. sayang..

Post a Comment